Chapter BH: Amira 141

Napangiwi siya nang biglang tumaas ang boses ng inang si Himaya. “Ano? Gusto pa niya akong makita? Ang lakas naman ng loob niya. Di dahil nagising siya sa comatose niya at magkasundo na ako ay magiging mabait na lang ako sa kanya. Hindi ko pa rin makakalimutan ang lahat ng ginawa niya sa akin.”

“Shhhh!” saway niya sa ina at inilapat ang daliri sa labi niya para patahimikin ito. Lumingon siya kay Francois na nahihimbing pa rin. “Baka po magising sila ni Tito Romualdo.”

Dahan-dahan itong huminahon. “Sorry. Nadala lang ako.” Tumayo ito at kumuha ng tubig saka tinungga. “Nakaka-high blood naman kasi ang tatay mo.”

“Akala ko ba naka-move on na po kayo?” tanong niyang di maiwasang ngumiti.

“Move on na nga ako basta huwag lang siyang magpapakita sa akin. Gusto ko siyang makita at makausap noong buntis pa ako sa kanya,nang makapanganak ka… hanggang nang mag-grade one ka. Pero matapos iyon ayoko na. He is twenty-three years too late. Wala nang kwenta ang usapan.”

Bumagsak ang balikat niya. Nakakalungkot pala kapag di magkasundo ang mga magulang niya. “Sabi ko nga po. Nagbago naman na si Papa. Nag-mature na siya sa paglipas ng panahon. Pinagsisihan at pinagbabayaran na po niya ang nagawa niya noon. Naisip ko lang po na makakaluwag sa loob niya kung makakasundo naman niya kayo.”

“You mean ang mga babaeng naanakan niya. Madali lang kasi ang mag-sorry. Basta maging mabuting ama na lang siya sa iyo. Huwag na niya akong intindihin. At huwag ka niyang sasaktan ulit dahil ako ang makakalaban niya.”

Ngumiti siya sa ina. “Wrinkles.”

“So, okay na talaga kayo ng tatay mo?”

Marahan siyang tumango. “Gusto ko po siya bigyan ng pagkakataon na maging mabuting ama sa akin. Kasi iba ang pakiramdam na ikinukwento lang siya sa akin at ang mga ginawa niya noon. Iba nang nakita ko siyang nakaratay lang at under ng coma. Iba rin po pala kapag humihinga siya, gumagalaw at nakikita ko na nagsisikap siya na protektahan ako. Nang yakapin po niya ako, saka ko na-realize na gusto ko ang yakap at pagkalinga ng isang ama. Sabi ko noon di ko po iyon kailangan pero parang bigla ko pong na-miss. Siguro lukso po iyon ng dugo. O siguro ibang tao na rin ako dahil nagawa kong buksan ang puso ko sa kanya.”

Kahit naman siguro sinong anak na babae ay parang hero ang ama nito. Kanina ay iyon ang naramdaman niya sa ama. She thought she was too old for that. But that warm, fuzzy feeling won’t go away even after she hugged her father.

Tinabihan siya ng ina at hinaplos ang buhok niya. Mangiyak-ngiyak siya nitong pinagmasdan. “Amira, alam mo naman na sa simula pa lang ay pinangarap ko nang bigyan ka ng ama. Ng isang buong pamilya. Kahit pa nga siraulo ang tatay mo, hinanap ko siya noon.”

“Di naman po ninyo kasalanan ang nangyari. Si Aunt Carrie po ang may kagagawan kung bakit lumaki akong walang ama.” Di bale sana kung minahal talaga nito ang tatay niya pero hindi naman. Pansariling interes lang inisip nito.

“Anong plano ng tatay mo sa Kanayama at sa Skyland Haven?” tanong ni Himaya.

“Gusto daw po niyang protektahan ang Kanayama at ibalik tayo bilang bahagi ng tribo. Siyempre po ipu-push niya ang Skyland Haven. Pero malalaman pa po ang resulta kapag nagkaroon ulit ng botohan. Naputol po kasi kahapon ang meeting. Ngayong wala na si Aunt Carrie sa board, siguro naman po mas papabor na sa amin ang mga director.” Bumigat ang kalooban ni Amira nang lingunin si Francois. “Kaso hindi pa po siguro maise-set agad ang botohan. Kailangan po munang maging stable ulit ang board. Hindi ko pa po alam kung anong mangyayari sa ngayon. Pati po kasi si Tito Romualdo ay nasangkot sa gulo.”

In all fairness to Romualdo, he was a good CEO. Effective ito sa pagha-handle ng kompanya. Sa kabila ng pagkamatay ng lolo niya, nanatili ang pagiging stable ng Banal Mining at ang loyalty ng mga tauhan. He was also a fair man. Hindi niya makakalimutan kung paano siya nito binigyan ng chance na i-monitor ang kondisyon ng mga tauhan. He even gave Francois his own fair chance to prove himself.

Kanina sa meeting ay pinagtibay nito ang additional benefits ng mga minero. It was a bit unpopular. Mas naniniwala ang iba na dapat nga ay bawasan pa iyon. But he was firm that it won’t be fair for the miners. Kahit na kaalyansa nito ang madrasta niya, alam niya na pagdating sa kompanya ay patas itong leader.

Hindi lang niya alam kung makikinig ang ama niya sa kanya kapag ipinaliwanag niya iyon. Nabahiran na ang pangalan ni Romualdo dahil sa kagagawan ng madrasta niya. Tiyak niyang durog na durog ang pakiramdam ng ama ni Francois ngayon. Dinala nito ang galit sa sariling asawa, pinaghinalaang di nito anak si Francois at sa huli ay kalaban pala ang itinuring nitong kaibigan. Now, he was left with nothing. Pati ang career nito ay nasa balag na ng alanganin.

Kung may magagawa lang sana siya para kay Francois at sa ama nito.

“Babalik na ako sa Manila bukas. Kailangan na ako sa Laos sa isang araw. Kailangan ko nang i-monitor ang progress ng mga trainees doon at ipagpatuloy ang training nila. Masyado na akong matagal na nawala.”

“Ah, Nanay! Salamat po talaga sa tulong ninyo sa akin. Mami-miss ko kayo,” malambing niyang sabi at niyakap ito.

“Ibig sabihin ay hindi ka sasama sa akin na bumalik?”

Marahan siyang umiling at nilingon si Francois. “Hindi ko po siya kayang iwan ngayon. He only had himself to fend off to this father.”

“Naku! Iba na talaga kapag dalaga na. In love na ang dalaga ko,” sabi nito at pinupog ng halik ang pisngi niya.

“Di ko naman naisip na mai-in love ka. Akala ko maisasama kita pabalik sa akin kapag gusto mo nang iwan ang Banal Mining.”

Nagkibit-balikat siya. “Things happen. Nagtatampo po ba kayo sa akin? Alam naman ninyo na kung ako ang masusunod, gusto ko po kayong makasama. Pero importante lang po talaga ito sa akin.”

She would always be her mother’s little girl. Her little princess. Nalulungkot lang siya na dahil sa trabaho at sa mga pagbabago sa buhay niya ay parang dumadalang na silang magkasama. Subalit anong magagawa niya kung sa ibang direksyon siya idinadala ng agos ng buhay.

“Amira, sa simula pa lang nang bumalik ang mga Banal sa buhay mo, alam ko na mag-iiba na ang lahat sa ating mag-ina. Natatakot ako pero kailangan kitang pakawalan dahil matanda ka na para magdesisyon sa sarili mong buhay. Aaminin ko na kinabahan ako nang malaman ko na may boyfriend ka. Pero nang makilala ko na si Francois.” Ngumiti ito na parang kinikilig at bumuntong-hininga. “Hay naku!”

“Nanay, kinikilig kayo?”

Humagikgik ito. “Basta! Masaya ako para sa iyo, anak. Nakikita ko kasi na mahal na mahal ka niya. Handa siyang gawin ang lahat para sa iyo. Kaya naman magaan ang loob ko sa kanya.”

Huminga siya ng malalim. “Kaso hindi ko po alam kung anong magagawa ko para matulungan siya na gumaan ang pakiramdam niya. Ang hirap naman po kasi ang sitwayson nilang mag-ama.”

“Just stay with him, anak. Oras na para naman iparamdam mo na magka-partner kayo. Na nandiyan ka kapag kailangan ka niya. At minsan kahit na wala kang magagawa, sapat na ang presensiya at suporta mo para lumakas ang loob ng taong mahal mo.” Sinapo nito ang sariling pisngi. “Young and in love. But this is the kind of love that is mature and will endure. Nakakainggit. Sana naman nakatagpo ako ng ganyan noon. Hindi ko sana pinatulan ang tatay mo.”

“Kung hindi ninyo siya pinatulan, wala kang magandang anak na tulad ko,” aniya at yumakap sa baywang ng ina. “Pwede pa naman po kayong mag-boyfriend, Nay. Bata pa naman kayo.”

“Forty-two na ako. Di na uso sa akin ang mga kilig-kilig na iyan. Ngayon pa ba naman ako mangangarap na magka-boyfriend?”

“Nanay, mukha lang tayong magkapatid.”

Niyakap siya nito nang mahigpit. “Naku! Mami-miss talaga kita.”

“As if naman di na tayo magkikita ulit. Part pa rin po ako ng Nature’s Keeper. Nandito pa rin ako kapag kailangan ninyo ako. At tandaan ninyo na isa sa mga araw na ito ay babalik na tayo sa Kanayama. Hinihintay na po kayo ni Idang Asra. May apo na rin po kayo doon.”

Kumurap-kurap ito at tumingala. “Tama na. Huwag mo akong paiyakin.”

Miss na miss na ng ina niya ang Lambayan. She had been dying to come home. To be welcomed there.

“Konti na lang, Nay. Konting panahon na lang po at makakabalik na tayo sa Lambayan,” usal niya. Sa wakas ay mabubuo na ang pagkatao niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.