Chapter BH: Amira 142

MAINGAT na binudburan ni Amira ng grated cheese ang nilutong creamy macaroni soup. Ayon kay Manang Conching ay hindi na naghapunan ang mag-ama. Nang dumating ang mga ito ay nagkulong ang dalawa sa attic at nang bumaba na si Francois ay natulog na lang ito at di na naghapunan. Hula nga niya ay baka di pa kumakain ang mag-ama mula nang umalis ng Banal Mining kaninang umaga.

Kung tama ang hinuha niya, anumang oras ay gigising ito o ang ama nito para kumain. Or at least si Francois ay pwede niyang i-persuade na kumain. Mas madali niya itong mapapahinuhod.

Pasado alas dose na ng hatinggabi nang matapos siyang magluto. Siya na lang ang gising dahil nauna nang natulog ang nanay niya at si Manang Conching. Hindi man gourmet ang luto niya ay lamang-tiyan na rin iyon. Confident pa siya matapos ang pagkakapanalo nila ni labanan ng lumpia nila ni Ailene kanina. Nakalamang siya sa peanut sauce. Pero para naman di ito magtampo ay ibibili naman ito ng Hermes Birkin ng ama na gusto nito.

Pinuntahan niya sa sala ang nobyo. Bahagya pa itong naghihilik. Magaan niyang niyugyog ang balikat nito. “Francois, gising na,” malambing niyang sabi dito. “Nagluto ako ng soup para sa iyo.”

Umungol ito at bumaling lang sa rocking chair. “Ayoko.”

“Francois…” Nang di na ito tuminag pa ay nawalan na siya ng pag-asa. Mukhang deadma dito ang soup niya. Di naman niya pwedeng hayaan itong matulog nang gutom. “Francois,” isang tawag pa niya sa pangalan nito. Nang di ito sumagot ay inulan niya ng halik ang mukha nito.

Sinimulan niya sa noo hanggang bumaba sa pisngi, sa ulo ng ilong, sa baba at saka pabiro niyang kinagat ang leeg nito. He woke up with a jolt. “What the…!” Napatuwid ito ng upo at saka nanlalaki ang mata nang pagmasdan siya. “Amira?”

“Yes!”

Kinusot into ang mga mata na parang di makapaniwala na nandoon siya saka kumurap-kurap. “Nandito ka.” Luminga ito sa paligid. “A-Anong oras na ba?”

“Pasado alas dose na.” Umuklo siya dito at itinukod ang mga palad sa tuhod niya. “Balita ko hindi ka pa kumakain mula kanina.”

“Busog naman kasi ako kanina…”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Kailan ka huling kumain?”

Iniwas nito ang tingin sa kanya. “Okay. Nag-roadtrip kami ni Papa. Kailangan niya iyon para… para maliwanagan ang isip niya at mag-usap kami. Nagpunta kami doon sa pinuntahan ko nang nakaraan. Di na namin naisip kumain dahil sa pagod.”

“Ibig sabihin gutom ka na. Kakausapin ko ‘yang abs mo,” aniya at inangat ang T-shirt nito para pakinggan kung nag-iingay na ang tiyan nito dahil sa gutom.

“Amira!” saway nito sa kanya at ibinaba agad ang T-shirt. “Oo na. Kakain na ako.”

Nakadama si Amira ng tagumpay habang naghahain ng soup. Pinainit din niya sa oven toaster ang carrot muffin na natira sa ibinake ni Francois kahapon para sa kanya at sa mga staff niya. Ipinagtimpla din niya ito ng hot chocolate. Kung napagaan niyon ang pakiramdam niya, tiyak na ganoon din si Francois.

Matapos maghilamos ay sinaluhan siya ng binata sa mesa. Sumubo ito ng macaroni soup at hinihintay niya ang reaksyon nito. “Okay lang ba ang lasa?”

Marahan itong tumango. “Oo naman. Nakuha mo ang trick ko sa pagluluto. Bakit nga pala nandito ka?” tanong nito.

“Siyempre inaalam ko ang kondisyon mo. Dinalaw ko din si Nanay.”

“Kasi akala ko mas gusto mong makasama ang tatay mo pati na rin ang mga kapatid mo. Matagal ring na-coma si Tito Alfie. Sigurado ako na marami kayong kailangang pag-usapan.”

“Tapos na kaming mag-usap. Okay na kami,” aniya at tipid na ngumiti. “Binigyan ko na siya ng chance na maging tatay sa akin. Di naman pala ganoon kahirap. Pero siyempre kailangan mo rin naman ako dito. Kung hindi pa ako dumating, malamang hindi ka pa kakain.”

“Alam ba ni Tito Alfie na nandito ka?” maingat na tanong nito.

“O-Oo naman.” It was lying by omission. Ang alam lang ng ama niya ay pupunta siya sa nanay niya. In-assume niya na alam nitong nasa bahay sila ni Francois tumutuloy.

“Naisip ko kasi na baka ayaw niyang magkasama tayo. Alam naman natin na may malaking rift sila ni Papa ngayon na di pa rin naaayos dahil sa ginawa ni Tita Carrie. Hindi naman biro ang mga ibinibintang ni Tito Alfie kay Papa lalo na’t siya mismo ang nakakita na magkayakap si Tita Carrie at ang papa ko.”

Hinakawan niya ang balikat nito. “Hindi ka naman siguro idadamay ni Papa. Wala ka namang kinalaman doon.”

Ang totoo ay hindi siya sigurado doon. Hindi niya masyadong kilala ang ama. Kanina lang sila unang nagkausap. Sa laki ng mga pangyayaring ibinunyag nito, di niya alam kung saan aabot ang galit nito at sino ang madadamay. Hindi na lang niya iyon sasabihin sa nobyo dahil tiyak na mag-aalala ito. Siya na lang ang bahala sa Papa niya kung saka-sakali.

Hinawakan ni Francois ang kamay niyang nakahawak sa balikat nito. “Sana nga hindi ako madamay. Ayoko kasi na magkaproblema tayong dalawa. Malaking bagay na nakakasama kita.”

“Kumusta na si Tito Romualdo?” tanong niya.

“Devasted.” Napailing na lang ito at nagpatuloy sa pagsubo ng soup. “Parang ngayon lang siya totoong nagluluksa kay Mama. Magulo ang isip niya nang lumabas ng conference room. Mabuti nahabol ko kung hindi baka kung anong disgrasya na ang nangyari sa kanya.” Tumingala ito. “It is a mess. Nasira na ang pangalan ni Papa. Nasira ang pangalan ng pamilya namin. Pero higit na masakit sa lahat ay sinira ni Tita Carrie sa puso ni Papa ang alaala ni Mama. Kinimkim niya ang mga galit at hinala niya sa loob ng ilang taon para lang malaman na pinaglaruan lang ang lahat. Nasira ang pamilya namin. Pati ang pangalan at career ni Papa ay nasa alanganin na rin. With all the money and position Tita Carrie gave him, sinong maniniwala na inosenteng siya at wala silang relasyon? Kahit naman tayo iyon din ang iisipin. Di namin alam kung paanong aayusin iyon.”

At hindi rin niya alam kung paano ito matutulungan. Hindi siya sigurado kung totoong walang naging ibang relasyon sina Caridad at Romualdo. Kahit naman sinong tanungin, walang hangal na maniniwala na ibinuhos ni Caridad ang lahat ng pribiliheyong iyon sa puntong gumamit ito ng impluwensiya at nakadispalko pa ng salapi para lang sa pag-ibig na di nasusuklian. Ayaw din niyang itanong kay Francois kung ano ang palagay nito sa relasyon ng ama nito at ng madrasta niya.

“Gusto mo bang dalhan natin ng pagkain si Tito Romualdo? I am sure mas bubuti ang pakiramdam niya kapag nakakain siya.”

Marahang tumango ang binata. “Sige. Ako na ang bahalang magpakain sa kanya.”

Matapos ilagay ang creamy macaroni soup at pesto bread sa tray ay inakyat iyon ni Francois sa attic. Hindi agad niya nakilala si Romualdo. Magulo ang buhok nito at namumugto ang mga mata sa kaiiyak habang nakahiga sa sahig ng attic. Magulo ang paligid nito at nagkalat ang mga gamit. Mukhang gaya ni Francois noon ay sa mga gamit sa attic nito naibuhos ang galit. Ni hindi nito alintana kung madumi man ang paligid nito. Gusot ang damit nito na kaninang umaga pa nito suot. Nakatulala lang ito sa nakangiting portrait painting ng namayapanbg asawang si Liezl noong bata pa ito. Hawak nito ang nakakuwadrong larawan na hula niya ay larawan din ng nanay ni Francois. Hindi ito ang nakilala niyang si Romualdo Mosqueda na Chairman at CEO ng Banal Mining Corporation. He was a man whose world fell apart this morning.

“Papa, kumain na po kayo,” sabi ni Francois. “Dinalhan ko po kayo ng soup at pesto bread na may cream cheese.”

“Ayoko,” sabi ni Romualdo sa malamig na boses. “Iwan mo akong mag-isa.”

“Kumain na po kayo. Si Amira po ang nagluto niyan,” pang-aayo ni Francois.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.