“Tita Himaya, sigurado po ba kayo na hindi ko na kayo ihahatid pa-Manila? Masyadong marami po ang dala ninyo,” nag-aalalang sabi ni Francois nang ihatid nila ito sa terminal ng Victory Liner Bus.
“Aklay, hijo, hindi naman ako senior citizen. Kaya ko ang sarili ko. May susundo naman sa akin sa bus terminal pagdating ko. Huwag mo akong alalahanin. Alagaan mo na lang ang dalaga ko,” anang si Himaya at pinisil ang kamay ni Amira.
Inakbayan siya ni Francois. “Kahit hindi po ninyo sabihin, maaasahan po ninyo na gagawin ko.”
Kahit na walang tulog at pagod dahil magdamag nitong kakuwentuhan ang amang si Romualdo ay nag-insist pa rin si Francois na ihatid ang nanay niya. Umalis si Romualdo para makipag-meeting sa abogado nito at alamin ang pwedeng legal actions at repercussions ng nangyari nang nakaraang araw. Inaalam din nito kung anong pwedeng gawin sa shares nito na pakiramdam nito ay tainted na. Dapat ay sasamahan ito ng nobyo noong una pero kaya na daw nito ang sarili at gustong ituloy ang normal na buhay ni Francois.
“Tita, bibilhan ko lang po kayo ng miryenda ninyo sa bus,” anang si Francois at umalis saglit para bumili sa kiosk ng mga pagkain na nakahilera.
“Amira, maging matatag ka para sa inyo ni Francois. Huwag kang bibitaw,” bilin ng inang si Himaya sa kanya.
Umiling siya. “Hindi po talaga. Sa dami ng pinagdaanan namin, ngayon pa po ba ako susuko?” Niyakap niya ang ina. “Salamat po sa suporta ninyo, Nanay.”
“Alam mo naman na hangad ko lagi ang kaligayahan mo. Nakita ko naman na kaya mo nang magdesisyon mag-isa.”
“At kapag bibigyan ka ng problema ng tatay mo, isumbong mo lang sa akin. Ako ang bahala sa isang iyon.”
Nakataas ang kilay niya nang kumalas ng yakap dito. “Akala ko ba ayaw ninyo siyang makita o makausap?”
“Magtutuos kami kapag pati kaligayahan mo pinakialaman niya. Alam mo naman na mahal na mahal kita.”
“Salamat po talaga, Nanay. Mahal na mahal ko rin kayo.”
Di pa rin maiwasang makaramdam ng lungkot ni Amira habang pinagmamasdan ang bus na sinasakyan ng ina palayo.
Napabuntong-hininga siya nang nakasakay na sa sasakyan ni Francois. “Hey! Pwede mo namang dalawin si Tita Himaya kahit na kailan mo gusto.”
“Nami-miss ko lang si Nanay. Lumaki kasi ako na kami lang dalawa ang magkakampi. Di kami halos mapaghiwalay. Tapos ngayong isa na akong Banal, parang di na kami gaanong nagkakasama. Parang magkaiba na ang landas na tinatahak naming dalawa.”
“Your mother understands. At oras na rin para isipin niya ang sarili niya. Di siguro niya iyan nare-realize ngayon dahil naka-focus siya sa trabaho at di pa siya nakakabalik sa Lambayan pero dadating ang panahon maiisip din niya na kailangan din naman niyang isipin ang sarili niya.”
“Tama ka diyan. Masyado nang maraming isinakripisyo si Nanay mula nang ipanganak niya ako. Mag-isa niya akong pinalaki. Bago niya isipin ang sarili niya, ako muna ang iisipin niya. Ni hindi niya na-enjoy ang pagiging dalaga niya. Ang maisusukli ko lang naman sa lahat ng paghihirap ni Nanay ay maging anak at maging mabuting tao.”
“You are a good daughter and a good person, Amira. I am sure di lang si Tita Himaya ang proud sa iyo kundi pati si Tito Alfie.” Inayos ng binata ang seatbelt niya. “Mabuti pa ihatid na kita sa inyo. Baka nag-aalala na ang mga tao sa mansion.”
Nang dumating sila sa mansion ay nagkakasiyahan sa garden ang ama niya at mga kapatid kasama ang kanya-kanyang asawa at nobyo ng mga ito habang kumakain ng tanghalian. Nakalatag ang isang mahabang mesa at nakahain ang iba’t ibang uri ng putahe. Akala mo ay may fiesta.
Lumapit sa kanila si Angel at yumakap. “Tito Aklay, may dala po ba kayong strawberry shortcake? Nag-promise po kayo sa akin last time.”
“Hindi nakapag-bake si Tito Aklay kasi ihinatid ko sa bus terminal ang nanay ni Tita Amira,” nakangiting sabi ng binata. “Next time na lang, ha?”
“Kalungin mo po ako,” lambing ni Angel.
“Angel, ang laki-laki mo na. Di ka na kaya ni Aklay. Umupo ka na dito,” anang si Vera Mae at tinapik ang upuan ni Angel sa tabi nito.
Nakangusong bumalik ng upuan ang pamangkin niya. “Baby pa ako sabi ni Daddy,” anito at humalukipkip.
“Si Daddy na lang ang kakalong sa iyo, baby,” lambing ni Brian dito.
Nilapitan niya ang ama na nasa puno ng mesa at humalik sa pisngi nito. “Sorry po kung ngayon lang ako nakarating. Ihinatid po kasi namin si Nanay sa terminal.”
“Sana idinala mo si Himaya dito,” kaswal na sabi ng ama niya. “Bakit naman umalis na agad siya?”
“Uhmmm… kailangan na rin po niyang bumalik sa Laos dahil may problema po doon. Two weeks na rin po siya sa Pilipinas,” paliwanag na lang niya. Di na lang niya sinabi na ayaw itong makita ng nanay niya dahil baka naman mapahiya ang ama niya sa harap ng mga kapatid niya.
“Magandang tanghali po, Tito Alfie,” magalang na bati ni Francois. Isang malamig na tingin lang ang ibinigay ng ama niya sa nobyo na parang di ito welcome sa lugar na iyon. Naman! Di ba pwedeng maging civil man lang ang ama niya sa nobyo niya?
“Sumabay na kayo sa amin,” yaya ni Yumi na naramdaman din marahil ang tensiyon kaya nag-intervene na.
Napansin niya na nahiya rin si Francois sa malamig na pagtrato ng ama niya. “Kailangan ko ring bumalik sa restaurant…”
Umiling si Yumi. “Di naman kami papayag na walang partner si Amira ngayong lunch. Right, sisters?”
“Oo nga, Tsef!” anang si Berry at itinaas ang kamay.
Hinatak na niya ang kamay ng nobyo. “Tara! Gutom na rin ako.”
“Tsef, gusto ko rin ng strawberry long cake. ‘Yung mahabang-mahaba para marami akong matsibog,” anang si Berry at inunat pa ang kamay. Muntik na tuloy nitong tamaan ang kutsarang hawak ni Matthew.
“Berry, walang strawberry long cake,” sabi ni Ailene.
“Meron. May short saka may long. ‘Yung short kay Angel lang. Akin ‘yung long kasi matanda na ako,” pangangatwiran ni Berry. “Oha! Oha!”
“Ate Berry, wala talagang long cake kahit na tingnan mo sa dictionary,” giit naman ni Eira.
Lumungkot ang anyo ni Berry. “Bakit walang long cake? Paano naman ang matatangkad na tulad ko?”
“May strawberry long cake. Kapag sinabi ni Berry na meron, meron iyon,” anang si Alfie.
Nag-thumbs up si Berry. “Salamat, Itay.” Saka binelatan ang ibang kapatid kapatid niya. “Sabi ko sa inyo merong strawberry long cake.” Kinalabit nito si Francois. “Tsef, ipag-bake mo ako, ha?”
“Sure,” anang nobyo na sinakyan na lang ang trip ng kapatid.
Masaya ang kwentuhan ng lahat pero napansin niya na madilim ma ang mood ng ama. Maya maya pa ay tumayo na ito. “Jairus, Brian, Matthew, Alex, Pierce, Kellan, Brian, sumunod kayo sa library. May importante tayong pag-uusapan.”
Nang maglakad ang ama niya palayo ay isa-isa na ring nagtayuan ang mga asawa at nobyo ng kapatid. Saka nila napansin na si Francois lang ang hindi tinawag.
Tinapik ni Alex ang balikat nito. “Sumunod ka na sa amin.”
Simpleng ngiti lang ang ibinigay ni Francois dito. “Di naman ako tinawag.”
“Baka naman na-overlook ka lang,” anang si Jairus. “Halika na.”
“Dito na lang ako. Baka kayo lang talaga ang kakausapin ni Tito Alfie,” anang si Francois.
“Alam kasi ni Papa na late na kaming kumain,” pabirong sabi ni Amira sa iba at saka lang nakumbinsi ang mga lalaki na tumuloy ng conference room nang hindi kasama si Francois. Kung kasama nga naman ang nobyo niya sa usapang iyon ay tiyak na ipapatawag ito ng ama niya.
Ipinagpatuloy na lang nila ang makulit na kwentuhan tungkol sa plano sa Skyland Haven. Excited din ang mga ito kung sakaling matutuloy ang plano subalit walang nagtanong tungkol sa nangyari sa meeting nang nakaraang araw o sa posibleng relasyon nina Romualdo at Caridad. Bagamat may tensiyon sa mga kapatid niya ay pilit na itinatago ng mga ito. Gusto marahil ng mga ito na maging normal pa rin ang lahat. Masayang okasyon nga naman na sa wakas ay nagising na ang ama nila mula sa coma at nakasama nilang magkakapatid.
Maya maya pa ay hangos na bumalik si Brian. “Binalikan ko lang ang cellphone ko. Sa dami ng bilin sa amin ng Papa ninyo, kailangan yata nagdala na rin ako ng sarili kong sekretarya.”
“Ano bang pinag-uusapan ninyo?” tanong ni Mabel na mukhang kinakabahan na para kay Kellan. “Baka mamaya ano nang sinabi ni Papa kay Kellan.”
“Huwag kang mag-aalala. Sinabi naman ni Papa na may tiwala sa aming lahat. Sige. Babalik na rin ako doon,” anang si Brian at hinalikan sa noo sina Vera Mae at Angel.
“Uy! Baka ibinilin din ni Itay si Tsef Aklay. Importante pala ang pinag-uusapan ninyo,” sabi ni Berry habang ngumangata ng beef kebab.
Naging alanganin ang ngiti ni Brian. “Ah! Hindi e. Nag-excuse lang ako. Siguro naman ipapatawag ka rin. Baka akala kumakain ka pa. Sige.”
Nakadama ng pagkaasiwa si Amira nang malaman kung bakit pinupulong ng ama ang pitong kalalakihan. Binibilinan ang mga ito para sa kapatid niya. Mga lalaking pinagkakatiwalaan ni Alfonso Banal, Jr. sa mga anak nitong babae. Kung wala sa meeting na iyon si Francois, ibig sabihin ay walang tiwala ang ama niya sa nobyo niya. This was a bad sign. Really bad. Nauunawaan naman niya na sensitibo ang relasyon ng mga ama nila ni Francois pero kailangan ba talagang ipamukha ng ama niya sa nobyo na wala itong tiwala dito?
“Amira, kailangan ko na ring umuwi. Baka kasi kailangan ako sa restaurant at itse-check ko rin si Papa. Pakisabi na lang kay Tito Alfie na umalis na ako. Salamat kamo sa lunch,” anang si Francois at tumayo na.
“Kami naman ang dadalaw sa restaurant mo, Tsef!” anang si Berry. “Pwede bang libre tsibog kami?”
“Magbabayad tayo,” giit ni Sky. “Di mo na kailangang magpalibre, Berry. Bawasan mo naman ang kayamanan mo.”
“Oo nga pala,” anang si Berry at humagikgik.
“Ako na ang bahala kay Papa,” anang si Amira at hinayaan na lang muna ang ama sa meeting nito. Ihinatid niya ang nobyo sa sasakyan nito. “Pasensiya ka na sa ginawa ni Papa. Baka naman kakausapin ka niya sa ibang araw.”
“There is nothing to apologize about. Handa naman akong patunayan kay Tito na mapagkakatiwalaan niya ako pagdating sa iyo,” anito at kinintalan siya ng halik sa noo.
Subalit di agad niya ito pinakawalan. Hinawakan niya ang batok nito at hinila ito palapit sa labi niya. Then she engaged him in a searing and passionate kiss. She missed kissing him like she wanted to devour him and eat him alive. Nitong nagdaang mga linggo ay masyado na silang abala sa presentation niya kaya wala na silang oras na para sa kanilang dalawa lang. She didn’t have the time to induldge kissing him like this.
“Wow! What a kiss! Anong nakain mo at basta mo na lang akong hinalikan?” natatawang tanong nito.
“I miss you, Francois,” nausal niya nang maghiwalay ang labi nila.
“Lagi naman tayong magkasama. Ngayon nga lang tayo maghihiwalay.”
“Wala lang. Nami-miss ko lang ang panahon na tayong dalawa lang ang magkasama. ‘Yung wala tayong iniisip na problema.”
“Huwag kang mag-alala. Kapag natapos itong kay Papa, magbabakasyon tayo nang tayong dalawa lang. Sa ngayon, gusto ko munang ma-enjoy mo ang panahon na kasama mo si Tito Alfie. Matagal na panahon na rin niyang hinintay ang pagkakataon na magkasama kayo.”
“I know,” aniya at bumuntong-hininga. “Hindi naman natin kailangang lumayo, Francois. Gusto ko lang na ganito. Magkasama tayo. I can kiss you anytime I want.” Tumingkayad siya at pabirong kinagat ang baba nito. “Magbababad tayo sa hot pool.”
“Kasama si Manang Conching?” nakangisi nitong tanong.
“Hindi na natin siya ka-love triangle. May boyfriend na siyang British na biyudo na nakilala niya sa internet at dadalawin daw siya sa isang buwan.”
Napanganga si Francois. “Saan mo nalaman iyan?”
“Ikinuwento niya kay Nanay. Masyado nga tayong busy sa presentation kaya marami na tayong nami-miss. Sige na. Kahit na simpleng pagbababad lang sa hot pool okay na sa akin.”