Chapter BH: Amira 151

Napaiyak si Amira at isinandig sa dibdib niya ang sulat. Nilapitan siya ng mga kapatid niya. “Anong sabi ni Chef Aklay?” tanong ni Vera Mae.

“Pupunta na daw sa France si Francois sa Biyernes. Gusto daw niya akong makasama. Sabi niya gusto daw niyang kumain akong mabuti. Gagawa daw siya ng paraan para makuha ako dito pero paano?”

“Hindi ka isusuko ni Papa,” anang si Mabel.

“Amira, hindi gumagana ang fasting mo. Mabuti pa kumain ka na lang para gumana ang isip mo,” anang si Ailene at kinuha ang platito ng cake na kalalagay pa lang ni Berry at takam na takam sana nitong kainin.

“Oist! Akin iyan!” anito kay Ailene.

Pinanlakihan ito ng mata ng kapatid. “Ito mismo ang kailangan ni Amira. Kanya nga dapat ‘yang cake.” Inilapag ni Ailene ang cake sa harapan niya. “Kainin mo iyan. Kung talagang mahal mo si Francois, magpapalakas ka.”

Paunti-unti siyang kumain ng cake. Napaiyak lang siya lalo nang malasahan ang signature taste na si Francois lang ang nakakagawa. Kahit anong lungkot o galit na nararamdaman niya ay napapaligaya siya nito. Naroon ang kakaibang kiliti sa dila at puso niya.

“Kailangang makatakas ni Ate Amira,” narinig niyang bulong ni Eira.

“E kahit naman maitakas natin siya sa tore ni Rapunzel, wala naman siyang travel documents. Paano siya makakaalis dito?” tanong ni Mabel.

“May nakakaalam ba ng combination ng secret deposit box sa kuwarto ni Papa?” tanong ni Ailene. “Feeling ko doon niya itinatago ang lahat ng mahahalagang dokumento niya.” At saka inilinga ang mata sa ibang kapatid.

Napansin nila ang pagyuko ni Yumi na parang may itinatago. Subalit itinuro nito ni Vera Mae. “Si Ate Yumi!”

“Hoy! Bakit naman ako?” gulat nitong tanong.

“Kasi ikaw lang ang pagkakatiwalaan ni Papa sa ganyang mga bagay. You are the responsible one, of course,” anang si Vera Mae. “At ngayong wala na si Aunt Carrie, I am sure sa iyo niya ipagkakatiwala ang bagong combination.”

“G-Gusto ba ninyong nakawan ko ang safety deposit box ni Papa?” tanong nito at umiling. “Hindi ko iyon magagawa sa kanya. Hindi ko kayang magnakaw.”

“Kaya ko!” anang si Ailene na ikinagulat niya. Subalit walang kakurap-kurap ang kapatid niya nang sabihin iyon. “Ibigay mo sa akin ang combination ng safety deposit box ni Papa at ako ang kukuha ng travel documents ni Amira.”

“Gagawin mo iyon para sa akin?” di makapaniwalang usal ni Amira.

“Oo naman. Hindi naman bato ang puso ko para di maawa sa iyo. Saka ayoko na ng drama. Masyado ka nang bida,” anang si Ailene na parang aburido na.

“Ano palang gagawin natin para ma-distract ang mga tao dito?” tanong naman ni Sky.

“Diyan eentra ang anak kong biba,” sabi naman ni Vera Mae. “Kayang-kaya na ni Angel ang entertainment para sa araw na iyon.”

“Ako din ang bahala kay Papa,” sabi naman ni Yumi at kumindat.

“Kahit na makuha natin ang travel documents ko, paano naman ninyo ako mailalabas dito? Mahigpit ang security sa labas. I might as well be dead before you get me out of this place.”

Tumitig si Mabel sa kanya at may pilyang ngiti sa labi nito. “Kaya mo bang mag-play dead?”

PABALIK-BALIK ng lakad si Amira habang pinakikiramdaman ang nangyayari sa labas. Nagsisimula na ang operasyon ng mga kapatid niya. Nang umagang iyon ay lumuwas ng Maynila si Yumi kasama ang ama para i-meet ang isang business colleague nito na nais mag-invest sa hotel ng pamilya.

Sumilip si Mabel sa lahat na tanging kasama niya sa loob ng kuwarto. Ang iba naman niyang kapatid ay nasa kanya-kanyang destino. “Ayos! Wala nang tao sa labas. Malamang ay nasa kusina na sila at nagkakasiyahan. Gumagana na ang Operation: Freedom,” excited na sabi ng kapatid. “Dahil sa program nina Angel at Eira sa baba, malamang di na nila mapapansin ang nangyayari sa baba.”

“Do you think this will work?” tanong ni Amira at kinagat ang pang-ibabang labi.

“Oo naman. Si Ailene na ang bahala sa safety deposit box ni Papa dahil ibinigay na sa kanya ni Ate Yumi ang combination. Si Sky naman ang haharang sa mga aakyat ng hagdan. Kung kinakailangang magbasag siya ng mga gamit doon para ma-distract ang aakyat, gagawin niya. Expertise naman niya iyon.”

“Paano naman ang CCTV?” tanong niya.

“Ah! Bahala na si Berry doon. Alam naman daw niya ang diskarte ng mga kapit-bahay niyang Akyat-Bahay Gang kapag dini-disable ang mga CCTV ng mga bahay na nanakawan nila.”

“Ano?” bulalas niya.

“Skills daw iyon. Ngayon lang niya gagawin para sa iyo. Ilang araw niyang inaral ang mga CCTV dito at kung paano idi-disable. Magtiwala ka lang kay Berry. Magtiwala ka lang sa mga kapatid natin.”

Napaupo si Amira sa kama habang nakatigagal. Ginagawa ng mga kapatid niya ang lahat para lang sa kaligayahan niya. Kailangan lang niyang magtiwala sa mga ito at kailangang gawin niya ang lahat para di sila pumalpak.

Tumunog ang cellphone ni Mabel. “Nakuha na daw nila ang travel documents mo, Amira. Ready ka na ba?” Tumango siya. “Lights, camera, action!”

Humiga siya sa carpeted na sahig. “Direk, pwede na ba ito?”

Inayos ni Mabel ang porma niya para magmukha siyang hinimatay. Inunat niya ang isang kamay sa taas at ang ilang hibla ng buhok niya ay itinakip sa mukha niya. Sinipat-sipat nito ang posisyon niya. “Pwede ka na. Ako naman.” Hangos itong nagtatakbo palabas ng silid niya at nagsisigaw. “Help! Help! Nag-collapse si Amira! Tulungan ninyo kami. B-Baka mamatay siya.”

Napangiti si Amira dahil magaling umarte ang kapatid niya. Subalit mabilis niyang pinawi iyon nang marinig ang papalapit na yabag.

“Anong nangyari?” tanong ni Vera Mae sa mataas na boses.

“Hindi kasi siya nagkakakain nang ilang araw kaya tuluyan nang bumigay ang katawan niya. Mahina ang pulso niya,” sabi ni Mabel at naramdaman niyang lumuhod sa tabi niya. “She’s not getting any better.”

“Tumawag na ako ng ambulansiya. Kailangan niyang madala sa ospital,” anang si Sky at narinig niya ang yabag nito na palabas ng silid.

“B-Baka mamatay si Amira. Kasi naman di kumakain,” anang si Berry. “Kung mamamatay ako dahil sa pag-ibig, di dahil sa gutom.”

“Berry!” saway ni Vera Mae dito.

Naramdaman niyang yumakap sa kanya si Eira at humagulgol ng iyak. “Ate Amira, huwag kang mamamatay. Huwag mo kaming iiwan. Maganda pa ang buhay. Huwag kang susuko.”

“Ma’am Amira, tatagan ninyo ang loob ninyo,” narinig niyang sabi ni Manang Coring. “Diyos ko! Huwag naman po sana.”

“Kasalanan ito ni Sir Alfie. Hindi naman niya dapat ibuhos kay Ma’am Amira at kay Chef Aklay ang galit niya sa mga nanloko sa kanya,” sabi ni Manong Gubio.

“E anong magagawa mo? Nasaktan nga siya,” anang si Manang Gloring.

“Please! ‘Yung wala pong maitutulong lumabas muna. Baka lumala pa ang kondisyon ni Amira sa mga sinasabi ninyo,” pakiusap ni Sky.

“Pasensiya po, Ma’am,” anang mga kawaksi.

“Nandito na ang mga medics!” anunsiyo ni Mabel at naramdaman na lang niya na inangat siya saka inilapag sa stretcher.

Di nagtagal ay isinakay na siya sa ambulansiya. “Ako na ang sasama sa kanya,” sabi ni Ailene.

Nanatili pa rin siyang nakahiga nang umandar ang ambulansiya hanggang maramdaman niyang tinapik siya ni Ailene sa hita. “Amira! Amira, cut na. Gumising ka na.”

Suminghap siya at saka dumilat. “Pwede na?”

Tumango ito. “Oo. Malayo na tayo sa mansion.”

Bumangon siya at nagtitili. “Malaya na ako!” At saka niyakap ang kapatid.

“Naku! Performance level kaming lahat. Action, drama at lahat ng kaartehan ginawa na namin. You owe us a lot.”

“Oo. Alam ko naman na malaki ang sakripisyo ninyo sa akin. Si Berry nag-Akyat Bahay Gang. Ikaw naman nag-ala…”

“Leading lady ni James Bond. Secret agent,” anito at kumindat sa kanya. “Kung alam mo lang ang hirap ko para dito.” Kinuha nito ang mga papeles sa loob ng inner pocket ng vest nito at inabot sa kanya. “Nandiyan na lahat. Pwede ka nang sumama kay Francois papunta sa Paris.”

Maluha-luha siya nang kunin iyon mula sa kapatid. Iyon ang bunga ng lahat ng sakripisyo ng mga ito para sa kanya. “Salamat sa tulong ninyo. Di ko talaga alam na lalabagin ninyo ang kagustuhan ni Papa.”

“Unfair naman na lahat kami masaya tapos ikaw ang hindi. Saka mataas ang talent fee ko. Grabe ang effort ko diyan.”

“Anong gusto mo?”

“Something nice from Paris. Alam na this!” Isang pilyang ngiti ang sumilay sa labi nito. “Nasabi ko na kay Francois ang brand ng gusto kong bag.”

“Francois?” tanong niya. “Alam niya ang pagtakas ko?”

“Of course. Nakipag-coordinate kami sa kanya. Siya ang nag-provide ng ambulansiya na susundo sa iyo. Nagplano rin ang mga boys kung paano ka ilalabas ng bansa bago pa mahuli ni Papa.” Sumilip si Ailene sa maliit na bintana. “I think we are here.”

Di nagtagal ay tumigil na ang ambulansiya. Pagbaba niya ay nakita niya ang malawak na field at may mga pine tree sa paligid. Isang puting helicopter ang nakahimpil doon at pumitlag ang puso niya nang makita kung sino ang nakatayo sa tabi ng higanteng sasakyan.

“Francois,” usal niya

Tinakbo siya nito at niyakap siya nang mahigpit. “Finally, you are here.”

Pumikit siya at dinama ang init ng yakap nito. Pakiramdam niya ay ilang taon silang di nagkasama. Parang napakatagal nilang nagkalayo. Nitong nakakaraang araw ay nawawalan na siya ng pag-asa. She was scared that she had to succumb and would agree to her father’s demands. Pero naging matatag siya. Di siya nito sinukuan. And their reunion was so sweet.

“Love birds, pwedeng mamaya na kayo magyakapan?” tanong ni Ailene. “Alam ninyo baka mahirapan kayo kapag nalaman ni Papa na di sa ospital dumirekta si Amira kundi dito. Baka gamitin niya ang contacts niya para i-alert ang lahat ng airport at seaports sa bansang ito. Baka pati sa ilalim ng lupa ipahanap kayo.”

“We must go then,” anang si Francois at sinenyasan ang piloto ng helicopter para i-start na ang makina ng sasakyan.

“Ailene, paano na kayo? Paano kapag nalaman ni Papa ang tungkol sa inyo?” tanong niya.

“Kami na ang bahala kay Papa. Naplano na rin namin iyon ng sisters.” Niyakap siya ng kapatid. “Basta huwag mong kalimutan ang bilin ko. Lagot ka sa akin kapag nakalimutan ninyo iyon ni Francois.”

“Ako ang bahala. Salamat, Ailene.”

Nakatunghay si Amira sa kapatid niya habang umaangat ang helicopter at lumiit iyon nang lumiit. Nang makita niyang lumiit ang mga bahayan ng Baguio sa paningin niya ay saka siya nakahinga ng maluwag. Kalayaan. Malaya na siya. Magkasama na sila ni Francois.

Naramdaman niyang hinaplos ng nobyo ang pisngi niya. “Amira, are you okay? Baka naman kailangan mong kumain. Ang alam ko ilang araw kang nag-fasting. May pagkain ako dito. Iba’t ibang cakes. Di ko alam ang gusto mo pero siyempre may rocky road dito at…”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.