“Gaya ng sinabi ko, lasing ako noon. Pero natitiyak ko na walang nangyari. I was too wasted to perform.” Naipilig ni Romualdo ang ulo. “Kung inaalala mo ang shares ko sa Banal Mining, ibabalik ko na iyon. Di ko na iisipin ang mga naibayad ko kay Carrie. I don’t want her tainted money. Mas gugustuhin kong maging waiter sa restaurant ni Francois kaysa magka-interes sa shares at sa trabaho na sumira sa relasyon naming mag-asawa. Ipapagawa ko na ang papeles sa abogado ko.”
“It is yours,” kaswal na sabi ni Alfie at ipinamulsa ang kamay sa slacks.
“Bakit?” sabay pa nilang tanong ni Francois at nagkatinginan.
Ngumiti pa si Alfie sa direksyon nila bago ibinalik ang tingin kay Romualdo. “Kulang pa ang shares na iyon na kapalit sa lahat ng gulong idinala ni Carrie sa buhay ng pamilya mo. Pinaimbestigahan ko ang mga pagkalugi sa negosyo ninyo. It was sabotaged. Mukhang sinadya iyon ni Carrie para sa pamilya namin kayo tumakbo at magkaroon ng utang na loob sa kanya. Ginamit niya ang impluwensiya ng pamilya namin para pabagsakin kayo. Kung gusto ninyo siyang sampahan pa ng kaso, handa akong tumulong.”
Kinuyom ni Francois ang palad at nakita niya ang galit sa anyo nito. Hinaplos niya ang braso nito para kumalma ito. Umiling siya. Masyadong maganda ang araw na iyon para hayaan ang madrasta niya na sirain ang masasayang sandali.
“Hindi na ako interesado na habulin pa siya sa mga ginawa niya. Gusto ko lang malinis ang pangalan ko at gusto ko ng tahimik na buhay,” anang si Romualdo sa matatag na boses.
“The presidency and chairmanship of Banal Mining Corporation is still yours if you want it,” anang si Alfie.
“Akala ko ayaw mo na akong tumapak pa sa kompanyang iyon.”
“Ni-review ng board ang records mo. You are a fair leader. Bukod kay Papa, ikaw ang may magandang record sa paghawak ng Banal Mining. You are also fair. May malasakit ka sa mga tauhan natin. Maraming apprehension sa mga empleyado kung mapapalitan ka. Kaya malaking bagay kung babalik ka sa kompanya. Sa palagay ko ay kailangan ng anak kong si Amira ang suporta mo para sa Skyland Haven,” anang si Alfie at lumingon sa kanya. There was a fond look in his eyes. Apologetic even. Bahagya niyang iniwas ang mga mata. Ayaw niyang isipin ng ama niya na naniniwala siya dito basta-basta.
“Tatanggapin ko iyan sa isang kondisyon,” sabi ni Romualdo at inilagay ang mga kamay sa likod nito. “Gusto kong ipangako mo sa akin na di mo na tututulan pa ang pagmamahalan ng mga anak natin. Sa dami ng pinagdaanan nila Francois at Amira, di ako papayag na tayo pang mga magulang nila ang makakasira sa kanila. Wala naman silang kasalanan kung anong nangyari sa atin nila Carrie. Marami akong pagkukulang kay Francois. Ang magagawa ko lang ay matiyak na maging masaya siya sa babaeng pinili niyang mahalin.”
Humarap ang ama niya sa kanila ni Francois at inilahad ang palad. “I am giving you my blessings. Hindi na ako hahadlang sa kaligayahan ninyo. Walang mahalaga sa akin kundi ang kaligayahan ni Amira.”
She let out a squeal then ran to her father. “Papa, salamat po!”
Niyakap siya nito nang mahigpit. “I am sorry, hija. Masyado akong naging mahigpit sa iyo. Nawalan na ako ng tiwala sa mga tao sa paligid ko kaya wala na akong pakialam kung nasasaktan man kita. Naging bato ang puso ko kahit nang halos mamatay ka na sa gutom. Natatakot ako na mapunta ka sa lalaking lolokohin ka lang. Isang katulad ko. Nakalimutan ko na si Francois ay naging mabuti sa pamilya natin. Nagsilbi siya sa pamilya nang walang hinihintay na kapalit. Nirespeto niya pa rin ako kahit na hindi ko siya pinapakitaan ng maganda. Ako ang nahihiya sa ginawa ko. Patawarin ninyo ako.” His voice cracked. Parang maiiyak ito.
“It is okay, Papa,” wika ni Amira at hinaplos ang likod ng ama.
“Kailangan pang magbanta ang mga kapatid mo na iiwan daw nila ako at itatakwil akong ama kapag hindi ko kayo tinigilan ni Francois bago ako matauhan. Saka ko na-realize na kayo ang kayamanan ko. Ang kaligayahan ninyo ang dapat na unahin ko bago ko isipin ang sarili ko. Naging makasarili ako. Nabulagan ako ng galit ko. Pangalawang buhay ko na ito at hindi ko gugustuhing mawala kayo sa akin. Kaya nagpapakumbaba ako sa inyo ngayon. Can you forgive this old man?” anang si Alfie sa mababang tono. “Francois? Pwede mo bang patawarin ang Tito Alfie mo?”
“Of course, Tito,” anang nobyo niya at kinamayan ito saka tinapik sa likod ang ama niya. “Ayoko rin na magkaroon kayo ng di pagkakaunawaan ni Amira dahil sa akin. At di ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay ninyo sa akin para makasama siya. I will protect her and love her.”
Tumango-tango ito. “I know. My daughter is blessed to have someone like you. At nabasa ko ang sulat ni Papa sa akin bago siya mamatay. Isa ka sa pinagkakatiwalaan niyang tao. Kaya sa palagay ko ay maari kong ipagkatiwala sa iyo ang anak ko.”
“Alam mo ba na si Francois ang sumundo kay Amira sa bayan para dalhin siya sa Banal mansion?” nanunuksong kwento ni Romualdo.
“Hindi po niya ako sinundo. Kinidnap niya ako,” pagtatama ni Amira.
“Kinidnap kita? Doon lang ako nakakita ng kinidnap na tulo agad ang laway sa kidnapper. Ang sabihin mo, may pagnanasa ka sa akin kaya ka agad sumama nang di man lang nagtatanong,” kantiyaw ni Francois.
Itinulak niya ito sa balikat. “Ang kapal mo!”
“O! Huwag mong sabihin na ngayon pa kayo magkakaasaran kung kailan okay na ang lahat?” nag-aalalang sabi ni Alfie.
“Ganyan talaga silang dalawa. Masanay ka na,” anang si Romualdo na mukhang bumata habang pinagmamasdan sila ni Papa.
“Tito Alfie, may ebidensiya ako na may gusto sa akin ang anak ninyo. Alam ba ninyo na kakikilala pa lang namin hinalikan na niya ako?” patuloy na kantiyaw ni Francois. “Wala man lang akong kalaban-laban. Sinamantala niya ang kahinaan ko.” Saka niyakap ng binata ang sarili.
“Ang kapal ng mukha mo na siraan ako sa tatay ko! You tricked me.” Akmang susugurin niya ito nang nagtatakbo ang nobyo niya palayo. Hinabol naman niya ito. “Humanda ka sa akin, Francois Mosqueda!”
At ang kanina lang ay malungkot na libingang iyon ay napuno ng halakhakan. Maganda ang araw ng tag-araw na iyon sa bayan sa paanan ng Alps para sa kanilang lahat.