Chapter BH: Amira 157

“WHAT? Nandiyan si Aunt Carrie sa mansion ngayon?” di makapaniwalang tanong ni Vera Mae sa kanya. Ito kasi ang una niyang naisip na tawagan dahil bukod sa nasa Baguio lang ito, di maselan ang kondisyon nito di gaya ng Ate Yumi niya na kasalukuyang nagdadalang-tao at ayaw niyang bigyan ng stress.

“Oo. Gusto daw niyang bumalik sa kay Papa kahit bilang alila, alipin or whatever,” aniya at tumanaw sa labas ng bahay. Madilim na sa labas nang mga oras na iyon at ilang oras na rin mula nang harangin sila ng madrasta sa labas ng mansion. “Gusto daw niyang makabawi at hingin ang kapatawaran natin.”

“Tinanggap ba naman ni Papa? Alam naman natin na gustong makipag-date ni Papa sa kay Tita Himaya pero deep inside, in love pa rin iyan kay Aunt Carrie. Twenty years is twenty years,” paalala nito.

“Iyon mismo ang sinabi ko. Pero kanina pinangatawanan niya na ayaw na niya si Aunt Carrie sa buhay niya. Sa buhay natin. Kaya iniwan niya si Aunt Carrie sa labas. Ang sabi ng security nandoon pa rin siya ngayon sa labas ng gate.”

“I have a bad feeling about this. Baka mamaya kung anong gawin niya. baka may plano siyang masama sa atin,” hinala ng kapatid niya. “Kailangan ko na bang tawagin ang ibang mga kapatid natin? Kailangan bang protektahan si Papa?”

“Hindi ko alam kung anong pakay niya pero wala naman siyang mapapala. Gusto daw niyang ibalik ang lahat ng nakuha niya kay Papa at magpapa-alila siya. Saka nakita ko ang mga mata niya kanina, Ate. She looked lost. Na parang puno ng kahungkagan ang buhay niya. It makes me feel sad. Parang ibang tao na siya. Parang di na siya ang Carrie na nakilala ko dati na mapagmataas at confident. As if life was snuffed out of her.”

“Amira, sa ating lahat na magkakapatid, ikaw ang pinaka-nagdusa sa kanya. Huwag mong sabihin na lumalambot ang puso mo?”

“Well, I…”

“Brian! Brian! I am leaving for Sagada. Kailangan ako ni Papa. Pwede bang ikaw muna ang bahala kay Angel. Emergency lang.”

“Okay,” narinig niyang sagot ng bayaw.

“I have to go. Tatawagan ko pa ang ibang mga kapatid natin. Amira, don’t you even dare open your heart to that woman. Kailangan mong protektahan si Papa hangga’t di pa kami nakakabalik diyan. Naiintindihan mo ba?”

Huminga siya ng malalim. “Sige.”

“We will be there as fast as we can. Bye.”

Muling nagpakawala ng buntong-hininga si Amira nang matapos ang pag-uusap nila ng mga kapatid. Anumang oras ay dadating na doon si Francois para ilabas siya ng dinner. She should be preparing by now. Pero di maalis sa isip niya na naroon pa sa labas ng gate ang madrasta niya at naghihintay na mapansin ng ama. Nandoon na ito bago pa magtanghalian. Nang malaman niyang di pa rin ito umaalis sa harap ng gate ay nagbilin siya kay Manang Rosa na padalhan ito ng tanghalian at miryenda pero di nito ginalaw ang pagkain. Di rin ito umalis sa kinauupuan sa gilid ng gate ng mansion. Mukhang pangangatawanan nitong mag-vigil doon hangga’t di ito tinatanggap muli ng ama.

Nauunawaan niya kung bakit gaya ng ama niya ay asiwa na rin ang Ate Vera Mae niya na tanggapin ang madrasta niya sa buhay ng mga ito. Nasaktan din ang mga ito sa ginawa ni Caridad at may rason ang mga ito para matakot sa intensiyon ng madrasta. And she should be wary as well. Siya mismo ang naka-experience first-hand kung ano ang kaya nitong gawin. Pero sa tinagal-tagal ng panahon na napuno ng galit ang puso niya para sa madrasta, ngayon lang siya nakadama ng awa at lungkot para dito. Mali ba na makadama ng awa sa madrasta? Paano kung sinsero ito at ang pagri-reach out sa kanila ang magpapatahimik dito, tama ba na ibaling na lang sa iba ang mga mata niya at huwag itong patawarin? A few months ago, her answer would be yes. Ngayon, iba na ang pananaw niya sa mga bagay-bagay. Hindi na ganoon katigas ang puso niya.

“Amira, ano pang ginagawa mo diyan?” untag sa kanya ng ama na nakatayo sa pinto ng balkonahe.

Nilingon niya ito. “Bakit po, Papa?”

“Di ba may dinner pa kayo ni Francois? Get ready.”

Marahan siyang tumango. “Opo.” Isang beses pa niyang nilingon ang direksyon ng gate ng mansion. Naroon pa rin kaya ang madrasta niya. Tiningnan niya ang papadilim na langit dahil sa nagtitipon na maitim na ulap, hudyat ng papalapit na malakas na ulan. Siguro naman ay aalis na rin doon ang madrasta niyal. Di na rin siguro ito magtatagal at susuko rin.

Di pa man natatapos si Amira sa paliligo ay bumagsak na ang malakas na ulan. Paglabas niya ng shower room ay saka niya napansin na tumatawag sa kanya ang security sa front gate.

"Hello, Arnold."

"Ma'am Amira, nandito pa rin po sa harap ng gate si Señora Carrie. Ayaw po niyang umalis."

"Pero malakas na ang ulan sa labas. Nakasilong ba siya?"

"Ayaw pong sumilong ni Señora, Ma'am Amira. Basang-basa na nga po siya. Ni ayaw magpapayong. Di daw po siya aalis dito malibang papasukin daw po siya sa mansion ni Señor Alfie."

Nasapo ni Amira ang noo. "Sige. Basta kumbinsihin ninyo na sumilong man lang."

Matapos magbihis ay pinuntahan ni Amira ang ama na nagbabasa ng libro sa harap ng pond sa lanai. "Papa, si Aunt Carrie po nasa labas pa rin po ng gate. Ayaw po niyang sumilong kahit na basang-basa siya sa ulan."

"At ano ang palabas niya ngayon?"

"Hindi daw po siya aalis sa harap ng gate o sisilong man lang sa guard house hangga't di daw po ninyo siya tinatanggap."

Ipinagpatuloy lang nito ang pagbabasa. “Let her be. Iyon ang gusto niya.”

Napanganga si Amira. Wala man lang siyang nakita kahit katiting na concern sa ama. “Papa, hahayaan na lang ninyo si Aunt Carrie sa ulanan? Magkakasakit siya doon. Baka magkapulmonya siya. Di naman siya ganoon kabata.”

Binuklat nito ang sumunod na pahina. “Amira, you have nothing to worry about her. She loves herself so much. Sa palagay mo ba gugustuhin niyang magkasakit? Nagpapaawa lang siya para patuluyin natin siya dito. Di natin alam kung ano ang plano niya na pwedeng magpahamak sa atin. She is a viper. We can’t afford to trust her. You of all people know that.”

Alam naman niya iyon subalit di mapakali si Amira. Nasa isipan pa rin niya ang kalunos-lunos na anyo ng madrasta. Naroon ito ngayon sa gitna ng ulanan. At base sa pag-alulong ng hangin sa labas, lalo pang lalakas ang ulan. Hindi naman niya maatim na tuyo at ligtas siya sa loob ng mansion habang wala man lang siyang magawa para sa madrasta niya.

“Papa, I just can’t sit here. Hindi kaya ng konsensiya ko kapag nagkasakit si Aunt Carrie.”

Inangat ng ama ang mga mata sa binabasang aklat at matiim siyang pinagmasdan. “Amira, I am still your father. At kahit kay Berry ipinamana ang bahay na ito, I still rule this house. Kailangan ko kayong protektahan na mga anak ko mula sa kanya. Maaring di kita mapipigilan na tulungan siya pero hinding-hindi mo siya mapapapatuntong sa lupain natin.”

“Pero Papa, ikaw lang ang pag-asa para tumigil na si Aunt Carrie. Kahit kaunti man lang bang compassion ay wala kayong nararamdaman para sa kanya?” apela niya.

Napapitlag siya nang bigla nitong isinara ang libro at lumikha iyon ng lagabog na parang dagundong ng kulog. “I loved her and she just wasted it for nothing. Ayokong pag-awayan pa natin ang babaeng dahilan kung bakit pare-parehong naging miserable ang buhay natin. Magpapahinga na ako sa kuwarto ko.”

Tumayo na ang ama niya at dali-daling dinaluhan ng nurse nito. Wala na siyang magagawa para kumbinsihin ito na magkaroon ng awa sa madrasta niya. Masyadong malalim ang sugat na iniwan ni Carrie sa kanyang ama at sa pamiyang iyon. Her father wanted to protect her and her siblings. Hindi niya kayang kalabanin ang mga kapatid at ang ama sa isyung ito. Pero di rin naman kaya ng konsensiya niya na manahimik na lang.

Mariin siyang pumikit at huminga ng malalim. Isang tao na lang ang naiisip niyang makakatulong sa kanya. She dialed her cellphone. Kagat niya ang pang-ibabang labi habang pinapakinggan ang ring. “Francois, I need a favor. I know this is a hard one. Pero alam kong ikaw lang ang pwedeng makatulong sa akin.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.