“I am sorry.” Isinubsob nito ang mukha sa palad. “Naging makasarili ako. Masyado akong nalunod sa paghihiganti at pagmamataas. Kinalimutan ko ang konsensiya ko at ang kabutihan sa puso ko dahil akala ko hindi iyon ang magpapasaya sa akin. I felt invincible. Na walang pwedeng magpabagsak sa akin. I am Caridad Banal after all. I can do whatever I want. To hell with other people. At ngayon, di ko na alam kung paano bubuuin ang lahat ng nasira ko. Marami nga akong pera pero wala naman nang respeto sa akin ang ibang tao. Wala na rin akong respeto sa sarili ko. Wala naman akong ibang pwedeng sisihin kundi ang sarili ko. Kaya handa akong gawin ang lahat para mapatawad lang ninyo ako.”
Hinawakan ni Francois ang balikat ng madrasta niya. “Kung sinsero man kayo o hindi, kayo pa rin ang itinuturing kong pangalawang ina. Nang muntik na akong tumigil sa pag-aaral, kayo ang kumumbinsi kay Don Alfonso para tulungan ako. I will forever become grateful for that.”
“At kayo rin ang nag-iisang kaibigan ni Nanay nang walang gustong tumanggap sa kanya. Tinalikuran man siya ng mundo pero naging mabuting kaibigan kayo sa kanya. Naging pangalawang ina kayo sa akin. Natitiyak ko na ginawa ninyo iyon nang mabuti ang intensyon.”
Ginagap nito ang kamay niya at ihinilig sa pisngi nito. “Salamat, Amira. Gagawin ko ang lahat para makabawi lang sa iyo. Kahit na ako pa ang mag-alaga sa magiging anak ninyo ni Francois kapag naikasal na kayo.”
“Isa lang naman ang hihingin ko sa inyo.”
“Ano iyon?” tanong nito at puno ng tanong ang mga mata nang tingnan siya.
“Taniman ninyo ng mga halamang namumulaklak ang puntod nina Lolo Sobrino at Lola Cornelia. Sa palagay ko po ay magugustuhan nila iyon. Gustong-gusto nila dati kapag namumulaklak na ang mga halaman na tanim ninyo sa hardin. Kwento po iyon sa akin ni Nanay. Lagi din po sana ninyo silang dalawin kahit na alam kong may sama ng loob kayo sa kanila.”
Muli itong napabulalas ng iyak. “No. Namatay sila nang may sama ng loob sa akin dahil sa pagmamataas ko. Hindi nila kasalanan kung naging simple lang silang tao. Kinamuhian ko sila dahil wala silang pangarap. Kinamuhian ko sila dahil di sila proud sa akin na nakapag-asawa ako ng anak ng bilyonaryo. Mas mahalaga sa kanila ang kinabukasan mo at ni Himaya kahit ako ang tunay nilang anak. Now I understand why. Dahil natatakot silang umabot ako sa ganitong punto. Na sa pagnanais kong talikuran ang pinanggalingan ko, kinalimutan ko ang mabuting itinuro nila sa akin. Naging masama akong anak sa kanila. Ni hindi ko man lang sila naalagaang mabuti bago sila mamatay.”
“Pwede po kayong bumawi sa kanila, Aunt Carrie. May pagkakataon pa kayo para magbago. Pinapatawad ko po kayo dahil gusto ko na magkaroon kayo ng pagkakataon para magbago,” nakangiti niyang sabi.
“Ako rin po, Tita Carrie,” sabi ni Francois. “Mahalaga sa akin na na-realize ninyo ang pagkakamali ninyo. Habambuhay po ay may pag-asa.”
“Salamat sa inyo. Maraming salamat,” anito at yumakap sa baywang ni Francois. “Babawi ako sa inyo. Pangako iyan.”
Bumukas ang pinto at pumasok si Alifie kasama ang nurse nito. “What a touching scene. Looks like your drama works. Para makumbinsi mo si Amira na patawarin ka, your acting prowess didn’t dwindle after all.”
“Hindi ako umaarte lang, Alfie. Sinsero ako sa pakikipag-ayos sa iyo,” anang si Caridad sa mababang tono.
“Medyo napaniwala mo rin ako na gusto mo ngang magbago,” nakaismid na wika ng ama niya. “Natanggap ko na ang papeles na nagsasabing inililipat mo na sa akin ang lahat ng ari-arian sa pangalan mo sa akin. Oh! Even the jewelries and fancy clothes. Why don’t you keep those? Di naman ako magtatayo ng ukay-ukay.”
“Sinabi mo sa akin na gusto mong bumalik ako sa lusak kung saan ako nanggaling. I am accepting my fate. Lahat ng ibinigay mo sa akin ay ibinabalik ko na sa iyo. I don’t need those anymore,” anang si Caridad sa matatag na boses. Nakita niya ang paninindigan nito na gusto nitong mamuhay nang simple.
“Why don’t you just leave us alone, Carrie? It is better that way.”
Umiling ang madrasta niya. “I-I can’t just do that. Gusto kong makabawi. Kahit pahirapan mo ako, tatanggapin ko.”
“Anything to ease your guilt?”
“Anything.”
Pinagsalikop ni Alfie ang mga kamay. “Very well. Oras na makalabas ka ng ospital, kay Manong Poldo ka mag-report.”
“M-Manong Poldo?” tanong ng madrasta.
“Papa, di po ba sa bukid po iyon?” tanong niya.
Tumango ang ama niya. “Yes. You used to work on those fields, right? Huwag mong alalahanin ang tutuluyan mo dahil nandoon pa rin ang lumang kubo ng mga magulang mo. Naisip ko na magiging komportable ka doon.”
Magpapaalipin ang madrasta niya sa bukid? Mahirap ang trabaho doon. At sa nakasanayang buhay ni Caridad, tiyak na di iyon magiging madali. “Papa…”
Itinaas ni Alfie ang kamay para patahimikin siya. “Gusto niyang magtrabaho sa atin, di ba? So be it. Basta huwag siyang gagawa ng kalokohan na maaring makasakit sa pamilya natin dahil ipapakulong ko siya.”
“Maraming salamat sa pagkakataong ito, Alfie,” anang si Caridad at inunat ang kamay para hawakan ang kamay ng ama niya.
Pinalis agad ng ama niya ang kamay nito. “Sir Alfie. Iyon na ang itatawag mo sa akin mula ngayon. O Señor Alfie. At siyempre tatawagin mong señorita ang mga anak ko.”
Yumuko si Caridad na parang napahiya ito. Inilagay na ng ama niya ang distinction sa pagitan nila. Mga Banal sila at ang madrasta niya ang alipin. A sign of her stepmother’s fall from grace.
“Opo, Señor Alfie. Tatandaan ko po.”
SUNUD-SUNOD ang tawag at text ng mga kapatid ni Amira sa kanya habang nasa kotse siya ni Francois. Papunta na daw ang mga ito sa Sagada at nasa Bugias, Benguet na. Tinatanong ng mga ito kung ano ang development sa madrasta niya at sa amang si Alfie. Naroon din ang bilin ng mga ito na huwag palalapitin ang ama sa madrasta niya. That they would deal with their stepmother first. Di niya alam kung anong isasagot sa mga ito ngayong nakapagdesisyon na ang ama. Ang totoo ay dir in niya alam kung anong sasabihin sa mga ito.
“Anong sasabihin ko?” nag-aalala niyang tanong.
“Just breathe and turn off the phone first,” nasabi na lang ng binata. “Kung anuman ang desisyon ni Tito Alfie, siya na ang magpapaliwanag sa mga kapatid mo. Alam naman siguro ni Tito Alfie ang ginagawa niya.”
Nanlaki ang mga mata niya. “What? Ang alipinin si Aunt Carrie? I mean, pwede namang pabawiin ni Papa si Aunt Carrie sa ibang paraan. Not in a demeaning way. It… it makes me feel uncomfortable.”
Hinawakan nito ang kamay niya at pinisil. “Believe me, your father is being kind.”
“That is revenge.”
Umiling si Francois. “Sa palagay ko, kailangan iyon ni Tita Carrie para mapatawad niya ang sarili niya. Iyon lang ang naiisip niyang paraan. Mahirap sigurong maintindihan iyon pero hayaan na natin siya.”
“Mahirap sigurong ipaliwanag iyan sa mga kapatid ko. They might think that she is dangerous. Pwede bang doon muna ako sa bahay mo?” malambing niyang tanong. She really needed to run away from all the drama for a while.
“Okay,” anang nobyo at hinaplos ang noo niya.
Pagdating sa sala ay umupo agad si Amira sa gawa sa apitong na prestige chair sa harap ng fireplace. Kinintalan siya ni Francois ng halik sa noo. “Mag-relax ka muna diyan. I will just take a shower.”
Tumango lang siya at pumikit. Pinakinggan niya ang papalayong yabag ng nobyo. Nang marinig niya ang lagaslas ng shower ay bigla niyang na-imagine ang tubig na bumabagsak sa hanggang balikat nitong buhok. Tumingala ito at mula sa mukha nito ay tinalunton ng tubig ang malapad nitong balikat pababa sa matipuno nitong dibdib, ang six-pack abs nito na dahilan para pangapusan siya ng hininga pababa sa…
Napabuga siya agad ng hangin. Hindi maganda ang tinutungo ng imahinasyon niya. Mahal niya si Francois. Di lang katawan nito ang habol niya. Although she appreciated his physical attributes, higit pa doon ang pagmamahal niya sa nobyo. He offered her a place of refuge. Sa gitna ng problema niya sa pamilya niya, di ito ang oras para pagpantasyaha niya ang nobyo. Siguro ay saka na kapag kasal na sila. That would be more appropriate.
“Kakain na nga lang ako,” usal niya at nagtungo sa kusina.
Sa normal na pagkakataon ay di siya pagagalawin ni Francois sa kusina maliban sa refrigerator para lang kumuha ng pagkain. Nagningning ang mga mata niya nang makita ang pulang kahon. Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Cake. Natitiyak niya na cake iyon. Sinasabi ng kaluluwa niya na cake ang nasa loob.
Pinagkiskis muna niya ang palad bago inilabas ang cake sa kahon. “Francois, kakainin ko na itong cake, ha? Gutom na ako!” sigaw pa niya sa may shower room.
There was a sense of anticipation as she opened the box. Subalit biglang tumigil sa pagtibok ang puso niya nang makita kung ano ang nakasulat sa cake. Will you marry me, Amira?
Nahigit niya ang hininga at nabitawan ang box ng kahon. “Amira, sandali lang!” narinig niyang sigaw ni Francois mula sa likuran niya.
Humarap siya sa nobyo na nakatapis lang ng tuwalya sa baywang at basang-basa pa ang buhok na tumutulo sa katawan nito. “You were supposed to ask me to marry you last night?”
Isinuklay nito ang daliri sa kamay. “Yes. And you are not supposed to see that today,” anito at dinampot ang takip ng cake saka tinakpan ang cake.
“Sorry to ruin your proposal. Kung hindi lang sana nangyari ang gulo kay Aunt Carrie, nakapag-propose ka sana kagabi.”
“Maybe it is not the right time. Maybe you are not ready. Baka nga di mo tinanggap ang proposal ko kung nag-propose ako kagabi.”
“Well…” Di niya alam kung anong isasagot. Lahat ng mga kapatid niya kundi man engaged ay kasal na. Di pa naman sumagi sa isip niya na magpapakasal sila ni Francois. Parang marami pa kasi silang plano.
Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “It is okay. I will propose when you are ready. Hindi naman kita mamadaliin.”
She inhaled sharply. She smelled of citrus and mint that tickled her senses. So fresh. Tapos ay nakatapat ang mata niya sa matipuno nitong dibdib na mamasa-masa pa. Di na ito nagkaroon ng oras na magpunas ng tuwalya kaninang lumabas ito sa shower. Uh oh! He was her fantasy come to life. And she suddenly felt hot all over. Mas matindi pa sa init na naramdaman niya kaninang pinapantasya niya ito.
Dumitansiya agad siya dito. “Uhmmmm… kakain na muna ako ng cake. Ituloy mo na ang paliligo mo.”
“No! Not that cake. Iba na lang kainin mo,” sabi ng binata. At nakita niya sa mukha nito na parang nahihiya ito dahil na-preempt ang plano nito. Masakit siguro sa lalaki na nabulilyaso ang proposal nito at nabuko niya.
“Mon amour, kung hindi mo ako pakakainin ng cake, ikaw ang kakainin ko.” Kung alam lang nito na kaya siya napakain ng cake dahil sa pantasya niya. “Kaya kung ayaw mong mapikot kita, magbihis ka muna and let me eat the cake.”
Maagap na hinawakan ng binata ang tuwalya nito. “Alright. Maliligo na ako.”
Malungkot niyang binalikan ang cake. Well, nakakapanghinayang naman na hindi natuloy ang marriage proposal ng nobyo pero naniniwala naman siya na magpo-propose din ito sa tamang panahon. Sa tamang panahon.