Chapter BH: Amira 160

Hindi makapaniwala si Amira na dalawang taon na mula nang magkakila-kilala silang magkakapatid sa isang dinner na ihinanda ng Lolo Alfonso nila. Kaya naman para sa taong iyon gaya nang nakaraang anniversary ay isang dinner ang isinagawa nila kasama ang ama. Kasama na nila sa dinner ngayon ang mga asawa ng mga kapatid at ang anak ng mga ito.

Dalawang taon lang ang nakakaraan ay nagpakasal na agad ang mga kapatid niya. kaya naman ang dating tahimik na bahay ay punong-puno ngayon ng ingay at iyak maging tawanan ng mga bata. Para sa isang lalaki na di naman naranasan na mag-alaga ng mga sanggol, mukha namang nag-e-enjoy ang amang si Alfie. After all, he was a spoiler for a grandfather. Mukhang binabawi nito ang mga panahong di sila naalagaang magkakapatid sa mga apo nito. And she guessed that it was the reason why her father looked younger than his age. He was happy now.

Habang nakikipag-kwentuhan ang amang si Alfie kasama ang mga asawa ng mga kapatid at si Francois sala at nakikipaglaro sa mga apo, sila namang magkakapatid ay hinayaang maka-catch up ng mga ito at may dessert party sa entertainment room habang nagvi-videoke. Pero di naman talaga videoke ang ginagawa nila kundi daldalan para tiyakin na wala na silang na-miss sa buhay ng isa’t isa.

“So, Amira, kailan kayo magpapakasal ni Chef Aklay?” tanong ni Vera Mae.

Natigilan sa pagsubo ng pinna cotta si Amira at luminga sa mga kapatid na pawang naghihintay ng sagot niya. “Errr… hindi pa siya nagpo-propose.”

“Bakit?” tanong ni Ailene na parang di makapaniwala sa narinig. “I mean, you love each other. Nakapagbiyahe na kayo sa iba’t ibang parte ng mundo nitong nagdaang taon para sa libro niya. Ano pang kulang?”

“Oo nga. Hindi pa ba siya sigurado sa iyo?” tanong ni Berry.

Napangiwi si Amira dahil parang masakit sa puso ang dating. Kung titingnan nga naman ay parang excited ang lahat ng naging nobyo at asawa ng kapatid niya na pakasalan ang mga ito. Habang sila ni Francois ay parang malabo pa at wala sa plano. “Ang totoo, plano na sana niyang mag-propose sa akin nang gabing isinugod namin sa ospital si Aunt Carrie. Nalaman ko na lang na magpo-propose siya dapat kasi kinain ko ang proposal cake niya.”

“Baka naman tumitiyempo lang si Francois kaya hindi pa makapag-propose sa iyo,” sabi ni Yumi.

“Baka naman ikaw ang dapat na mag-propose sa kanya, Ate Amira!” excited na sabi ni Eira.

“Naku! Matagal ko nang gustong-gustong tahiin ang wedding gown mo,” sabi naman ni Mabel.

“Kailangang simulan na ang kasalang iyan,” anang si Berry at itinaas ang baso ng punch. At nagkanya-kanya nang suhestiyon ang mga ito kung ano ang magiging theme ng kasal niya at kung anong isusuot ng mga ito. Mabel even had a sketch pad in hand for her ideas. Nahihilo tuloy siya sa bilis ng mga pangyayari.

Tumayo siya at dinampot ang mikropono. “Sandali!” Tumingin ang lahat sa kanya. “Huwag muna kayong magplano ng kasal namin. Hindi pa siya kami engaged. Hindi pa siya nagpo-propose.”

“Ikaw na nga ang mag-propose,” giit ni Vera Mae.

“Hindi naman iyon ganoon kasimple.” Palibhasa ay mga asa-asawa ng mga ito ang nag-propose kaya di alam ng mga ito ang pinagdadaanan niya.

Narinig nilang may tumikhim sa isang bahagi ng silid. It was their stepmother. “Maari bang magsalita?”

Nire-refill nito ang chicken wings nila at ang potato wedges. Mula sa pagiging trabahador sa bukid ay inilipat din ito ng kanilang amang si Alfie sa pagtatrabaho sa mansion kung saan ito ang tagalinis at taga-maintain ng garden. Noong una ay tutol ang mga kapatid niya sa presensiya nito pero sa huli ay nasanay na rin ang mga ito sa babae. Sa loob ng mahigit isang taon ay naipakita naman nito ang katapatan sa pamilya nila. Kaya naman kahit paano ay civil ang pakikitungo nila dito.

“Ano po iyon, Aunt Carrie?” tanong ni Amira.

“Sa isang Igorot tradition, babae ang nagpapakita ng intensyon na magpakasal sa isang lalaki. Magdadala ng black beans ang babae sa bahay ng lalaki para ipakita ang intensyon niyang magpakasal,” sabi nito.

Nangangalumbaba si Sky na mukhang interesado. “Tapos…?”

“Magpapadala ang pamilya ng babae ng khaku o inasinang baboy sa pamilya ng lalaki. Bilang sagot naman ay magpapadala ng glutinous rice ang pamilya ng lalaki sa pamilya ng babae. Kung susundin ninyo ang tradisyon na ito, mga isa o dalawang linggo lang ay pwede na silang magpakasal. Of course, this is a tribal tradition. Karaniwan ay simpleng kasalan lang naman ang isinasagawa hanggang may kakayahan na ang mag-asawa para sa magarbong kasal,” paliwanag ng madrasta niya sa kanila.

“Walang problema sa pera. Marami kami no’n. Kahit bukas sila magpakasal ni Tsef Aklay pwede,” pagmamalaki naman ni Berry.

“Do you want to observe the tradition?” tanong ni Ailene sa kanya.

“Well, I guess this is a much better proposition. It goes with the tradition.” Nakangiti siyang lumingon sa madrasta. “Salamat, Aunt Carrie. Malaking tulong po sa akin ang insight ninyo.”

“Sabihin mo lang sa akin kung may maitutulong ako. Alam mo naman na sanay akong mag-organize ng mga event. Iyon ay kung okay lang sa iyo,” anang si Caridad na mukhang nag-aalangan pa rin at inikot ang tingin sa iba niyang kapatid. “Ipatawag lang ninyo ako kung may kailangan kayo.”

“N-No. Ngayon na po ninyo sabihin kung may suggestion kayo. Wala akong planong mapag-iwanan sa kasal ko. I want it to be grand,” aniya at pinaupo ang madrasta sa tabi niya.

“O-Okay lang ba sa inyo?” paniniyak nito sa ibang kapatid niya.

“Sure, Aunt Carrie. Maupo po kayo,” sabi ni Yumi.

“Oo nga po,” sabi ni Eira. “Huwag po kayong mahiya.”

“Kain din po kayo,” sabi naman ni Berry.

Looked like her sisters were starting to warm up to their stepmother as well. Sa palagay naman niya ay kailangan lang ng panahon para maghilom ang sugat. Sa palagay niya ay marami pang magiging pagbabago di lang sa buhay nila ni Francois kundi maging sa buong pamilyang Banal.

PANAY ang hugot ng hininga ni Amira habang tinatambol ang takip ng nilalang basket na naglalaman ng black beans. Patungo siya sa bahay ni Francois habang sakay ng van na minamaneho ni Manong George. Ito na ang araw na hinihintay niya. Ang araw na magpo-propose siya kay Francois.

“Nanaginip ng gising, nakatulala sa hangin. Nagsusumidhing damdamin, kahit halik lang ang akin,” palahaw ni Berry sa bandang likuran ng sasakyan at sinasabayan ang kanta ng Aegis sa mp3 player ng sasakyan. At sinabayan naman iyon ng ibang mga kapatid niya na kuntodo ang birit.

“Hoy! Galaw-galaw baka ma-stroke,” untag sa kanya ni Vera Mae at siniko siya.

“Kinakabahan na nga ako. I am trying to channel my inner calm,” sabi niya at huminga ulit ng malalim para mabawasan ang kaba. “Hindi pala ganito kasimple ang mag-propose ng kasal.” At bumuga siya ng hangin. “Paano kung i-reject niya ako? Na kaya pala di pa siya nagpo-propose kasi siya ang di pa handa na magpakasal sa akin?”

Halos dalawang buwan din silang naghanda para dito. Nakatuloy na ngayon sa kubo ni Amira sa rice terraces ang ina niyang si Himaya at si Romualdo naman ay pabalik na mula sa La Trinidad. Kailangan ang mga ito sa pag-o-observe ng tradition sa darating na araw oras na tanggapin ni Francois ang pagpapakasal sa kanya. Kasama din niya sa paghahanda sa kasal niya ang ina. And it was not easy to discreetly do it. Iilan lang dapat ang nakakaalam at hindi dapat makarating kay Francois. She wanted it to be a surprise. Mahirap ma-preempt ang preparasyon nila.

“Hindi ka niya tatanggihan. Kami ang bahala,” anang si Ailene at kumindat sa kanya.

“Ate Amira, kaya mo iyan,” anang si Eira. “Alam mo naman na pagdating sa iyo puro oo lang si Kuya Aklay.”

“Saka hindi na siya makakatanggi dahil pati ang bahag niya na para sa traditional wedding ninyo nakahanda na rin,” nakangising sabi ni Mabel.

“Ma’am, nandito na po tayo,” untag sa kanila ni Manong George.

“Wala nang urungan iyan, Amira. Excited na ang mga anak namin na mag-abay sa iyo,” anang si Vera Mae at pinanlakihan siya ng mata.

“Basta ialay mo lang sa kanya ang basket ng black beans,” sabi ni Yumi.

“Kapag pumalag, sabihin mo lang sa amin. Kami ang reresbak,” nakangising sabi ni Berry. At lahat ng kapatid niya ay pawang nakangiti sa kanya at suportado siya. Hindi siya pwedeng umurong dahil di lang siya ang naghirap sa nalalapit niyang kasal kundi maging ang mga ito. Di niya pwedeng biguin ang mga ito lalo na’t mas excited pa ang mga ito sa kanya.

Tumango na lang siya at huminga ng malalim. “Kaya ko ito.”

Sa nanginginig na paa ay naglakad si Amira patungo sa cottage ni Francois at iniwan ang mga kapatid sa van. Parang namamanhid ang kamay niya nang katukin niya ang pinto. Pinagbuksan siya ni Francois na nakasuot ng knitted gray sweatshirt at pantalon. Mukhang kaliligo lang nito dahil basa pa ang buhok nito.

“Hey, mon amour! You look exceptionally beautiful today,” sabi nito at kinintalan siya ng halik sa labi. Natigilan ito dahil naninigas ang buong katawan niya at di niya ito binati. Pinagmasdan siya nitong mabuti. “Are you okay? Wala ka naman sigurong sakit? May problema ba?”

Di siya makagalaw. Kahit ang mga labi ay hirap siyang banatin para ngumiti at magmukhang normal. Inunat lang niya ang mga kamay na may hawak na basket. “P-Para sa iyo,” tanging nasabi niya.

Nakakunot ang noo nitong kinuha ang basket at umalis sa pagkakarang sa pinto. “Pumasok ka. Make yourself comfortable.”

Parang gawa sa goma ang paa niya nang maglakad papasok. Di rin siya nakalayo dahil nagkasya na siyang umupo sa kahoy na bench na di kalayuan sa pinto. Pinagmasdan lang niya si Francois na excited na inilapag ang basket sa center table.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.