Kung may pailalim mang tumingin sa kanya o kaya ay may sinasabing di maganda sa likuran niya ay hindi na lang niya pinapansin. Masyado siyang masaya para intindihin ang mga ito. There was nothing they can do about her and Kristian. Mahirap pigilan ang nakatadhana.
Gusto niyang ma-inspire sa istorya ng ibang mga bampira na tumagal ng mahabang panahon ang pagsasama. At kahit na lumipas ang ilang daang taon ay masaya pa rin ang mga ito.
Saka lang siya humikab nang sa wakas ay nakaalis na ang pinakahuling bisita. “Mag-a-alas tres na pala,” aniya matapos sulyapan ang diamond-studded niyang wristwatch.
“Doon na lang tayo sa condo ko tumuloy. Mas makakapagpahinga ka doon kaysa sa Valle. Nasa kotse naman ang extra mong damit na pamalit. Bukas ka na bumalik sa Valle.”
Tumango na lang siya at nagpatianod dito. Ngayon lang siya napagod ng ganito. Marahil dahil sa hangin ng Maynila. Hindi na siya sanay sa polusyon. Pero walang pakialam sa ganoon ang mga bampira. Hindi naman sila nagkakasakit. O mas masarap lang siguro ang hangin sa Valle. May pagkakataon nang gabing iyon na mas gusto niyang manatili na lang sa Valle. Parang isang paraiso kasi iyon na mahirap lisasnin.
Nasa tuktok ng isang building sa Makati ang condo unit ni Kristian. Pagkatapos magbihis at maligo ay lumabas siya ng kuwarto para magsabi kay Kristian na matutulog na siya. Hindi pa rin ito nagpapalit ng damit. Nakatayo lang ito sa glass wall ng condo nito kung saan tanaw ang iba pang mga nagtataasang gusali.
“Gusto mo ng tea?” alok nito at nilingon siya. “Mas mare-relax ka bago matulog.”
“Anong tinitingnan mo diyan?” tanong niya at tumayo sa tabi nito.
“Hinihintay kong sumikat ang araw. Kapag nandito ako, iyon ang lagi kong hinihintay.”
“Bago rin ako matulog hinihintay kong sumikat ang araw. Dati kasi umaga pa lang gising na ako agad. Ngayon bumabagsak na ang mga mata ko bago pa ako makatulog.”
“Gusto mo bang panoorin ang pagsikat ng araw?” tanong nito.
Humikab siya at kinusot ang mga mata. Umupo siya sa sofa at humilig sa sandalan. “Paano ako makakanood ng sunrise? Ngayon pa lang inaantok na ako.” Saka takot siyang matunaw kapag nasikatan ng araw.
“A few minutes won’t hurt. Kailangan mo rin sanayin ang sarili mo dahil gusto mo ring bumalik sa pagtakbo,” sabi nito at tumabi sa kanya.
“Hindi mo ako pipigilan?” ungol niya habang nakapikit.
“I won’t. Maliban na lang kung magkakaanak na tayo. Aasahan ko na mas iintindihin mo ang magiging anak natin at ako.”
Ngumiti siya habang nakapikit at lumulutang ang isip. Naisip niya ang isang sanggol na kalong ni Kristian. Babae ba o lalaki ang gusto niyang maging anak nila? Hindi na iyon mahalaga. Sigurado naman siyang mamahalin nilang dalawa ang magiging anak nila. Parang masarap isipin ang pagkakaroon ng isang buong pamilya. Pangarap niya iyon bata pa lang siya. Sana ay matupad ang pangarap niya kay Kristian.
“Alta, sumisikat na ang araw. Wake up,” narinig niyang usal ni Kristian.
Umungol siya. “Hindi ko na kaya.”
“Labanan mo ang antok mo. Kung hindi mo sisimulan ngayon, lagi ka na lang aantukin. Come on! Dumilat ka. Don’t you want to see your first sunlight as a sanguis?”
“Next time na lang,” pabulong niyang sabi. Di na siya halos makagalaw.
“No. I want to watch the sunrise with you… now,” he declared then she felt his lips against hers. Hinahalikan siya nito.
Biglang dumilat ang mga mata niya at nawala ang antok niya. She felt her blood rush and her whole body was suddenly alive. Ibinuka niya ang labi upang tanggapin ang halik nito. She wanted him. She wanted his total possession.
“There! Gising ka na.” Umupo ito sa tabi niya na parang walang nangyari. Habang habol naman niya ang hininga niya na parang tumakbo sa marathon. “Now we can watch the sunrise.”
Nakita niya ang unti-unting pag-iiba ng kulay ng langit. Pakiramdam niya ay noon lang siya nakanood ng pagsikat ng araw samantalang halos buong buhay niya ay maaga siyang nagigising. Saka niya na-realize na noon lang siya nakanood ng pagsikat ng araw. It was the most beautiful thing she had ever seen. Siguro dahil sa sobrang abala niya sa buhay ay di niya napapansin ang mga simpleng bagay malibang ipagkait sa kanya.
Humilig siya sa balikat ni Kristian at pumikit. Gusto pa sana niyang hintaying sumabog ang liwanag pero inaantok na siya at nagsisimula na ring sumakit ang balat niya. “Thank you.”
“For the kiss?”
“For the sunrise.” And for the kiss. Pero saka na niya sasabihin ulit iyon. Sa palagay niya ay mag-e-enjoy siyang panoorin ang muling pagsikat ng araw kasama ito.
NAGLABAN ang tingin nina Kristian at Alta. Papasikat pa lang ang araw noon at anim na buwan na rin siyang nananatili sa Valle. Madilim pa noon at papasikat pa lang ang araw. Kung nag-uuwian na ang ibang mga rojo para matulog, sila naman ay kagigising pa lang dahil gusto niyang salubungin ang araw. Gusto rin niyang muling makatakbo nang madaling-araw gaya ng dati. Si Kristian mismo ang nagprisinta na samahan siyang mag-jogging.
“Sa palagay mo ba kaya mo na akong talunin sa karera?” nakataas ang kilay na tanong nito. “Baka malambot na ang tuhod mo.”
“Hindi, no?” Matagal na niyang pinaghandaan ang pagkakataong iyon. Ilang buwan na rin niyang gustong salubungin ang sikat ng araw. “Oras na matalo ka, hindi mo ako pwedeng halikan sa loob ng kalahating taon.” Saka siya kumaripas ng takbo. “Sa lover’s pool ang finish line!” anunsiyo niya.
“That’s not fair!” sigaw nito at humabol sa kanya.
Mabilis si Kristian pero mas mabilis pa rin siya. Dahil sa pagsasanay niya ay nagawa niyang pagsamahin ang natural na lakas niya bilang tao at bilang isang rojo. Kahit na maraming oportunidad na nagbubukas sa kanya bilang isang de Angelis, iba pa rin ang naibibigay na saya sa kanya ng pagtakbo. At ayon kay Kristian ay susuportahan pa rin siya nito kung gusto niyang bumalik sa pagiging atleta o kaya ay magturo sa mga batang gusto ring maging atleta.
Nagtaka siya nang kalaunan ay nawala si Kristian. Hindi na niya ito maramdaman sa paligid. Ano iyon? Basta na lang ba itong nagpatalo dahil alam nitong hindi niya ito matitiis? Na pagbibigyan pa rin niya itong halikan siya kahit na anong oras nito gusto?
Iyon ang akala nito. Hindi talaga niya ito hahalikan ng anim na buwan. Natigilan siya. Masyadong matagal ang anim na buwan. Mami-miss niya ang halik nito. Sa huli ay bumagsak ng isang buwan ang parusa niya dito. He could still get to kiss her during their wedding. Magtiis ito. Ni hindi man lang nito sinubukang talunin siya.
Pagdating sa lover’s pool ay nagulat na lang siya nang prente na itong nakahiga sa lounging chair. “Anong nangyari sa iyo?”
“Paano ka nakarating agad dito?”
Inginuso nito ang mataas na bahagi ng bundok na taliwas sa dinaanan niya. “Nag-short cut ako. Hindi mo naman ako binawalang mag-short cut, hindi ba? Talo na kita. Ibig sabihin pwede mo na akong halikan ngayon?”
Ngumiti siya at niyakap ito. “Akala ko matitiis mo ako.”
“Pwede ba naman kitang matiis. Now where is my reward?”
Kinintalan niya ng halik ang labi nito. “Pwede na iyan?”
“Pwede na. Pero mas pwede ito.”
Kinabig nito ang likod ng ulo niya at inangkin ang labi niya. Naramdaman niya ang unti-unting pagtama ng mainit na araw sa balat niya. She welcomed the sunrise with joy. Sana araw-araw paggising niya ay si Kristian ang kasama niya. And she would enjoy welcoming the sunrise with a kiss. With Kristian’s kiss.
HUMIHINGAL pa rin si Alta nang bumaba ng Anchor’s Away. Nangangalahati pa lang siya ng ride sa Enchanted Kingdom. Kasama niya ang pamilya niya at ang mga kasamahan niya sa Philippine team buong araw. Iyon ang treat ni Kristian sa kanya dahil malaya na siyang makakapaglakad sa ilalim ng araw. Para naman makasama niya ang mga kaibigan at pamilya niya.
Bata pa lang kasi ay iyon na ang gusto niyang puntahan. Kaya gusto niyang gugulin ang mga huling araw niya sa pagiging dalaga sa mga lugar na di pa niya napupuntahan. Pinagtawanan siya ni Kristian noong una pero sa kanya ay big deal iyon. Masaya na siya sa mga simpleng bagay kaya sa huli ay sinagot nito ang pagkakataon niyang makasama muli ang mga taong malalapit sa kanya. Dapat ay sasama ito ngunit may importante itong meeting.
Nakasalampak sa gilid ng kalsada ang Tiya Cora niya. Hindi ito sumakay ng ride dahil baka daw atakihin ito sa puso. “Diyaske naman kayo. Hindi ba ninyo mahal ang mga buhay ninyo kaya gusto ninyong takutin ang sarili ninyo?”
Hinila niya ito patayo. “Tiya naman. Kailangan natin ng konting adventure sa buhay. Halika po. Kumain na tayo.”
“Parang gusto ko nang umuwi,” anito at nang humawak sa kanya ay nanginginig pa. Parang ito ang sumakay sa rides at hindi siya.
“Nanay, huwag po kayong killjoy!” angal ni Renzie.
Habang umo-order sila ay nag-ring ang cellphone niya. “Hello.”
“Kumusta ka na, Alta?” anang malalim na boses ng isang lalaki. “Balita ko ikakasal ka na. Hindi mo ba ako iimbitahan sa kasal mo?”