Chapter BTSSM 54

Tumayo siyang bigla sa kinauupuan at luminga sa paligid. Si Homer iyon. Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang takot lalo na’t naalala niya kung paano siya nito ginawang sanguis samantalang itinuturing niya itong matalik na kaibigan.

Akmang puputulin niya ang tawag nito nang muli itong magsalita. “Huwag mong tangkaing i-cut ako. Baka pagsisihan mo. Akala mo ba naprotektahan mo na ang sarili mo dahil magpapakasal ka na sa iba at malakas ka? Sa akin ka pa rin, Alta. At oras na gumalaw ka ng mali o balewalain ako, susugod ang mga umbra na pagala-gala sa park at wala kang magagawa para maprotektahan ang mga inosente.”

“Anong kailangan mo?” mariin subalit mahina niyang tanong.

“Ikaw. May naghihintay na black van sa iyo sa labas.” Ibinigay nito ang plaka sa kanya. “Huwag mong subukang sabihin sa iba kung nasaan ka o humingi ng tulong sa ibang mga taga-Valle. Nasa mga kamay mo ang buhay ng mga tao dito.”

“At paano ko matitiyak na hindi kayo sasalakay sa mga tao dito?”

“Sabihin na nating mas mahalaga ang buhay ng isang mezzo at ang kapangyarihan mo kaysa sa mga tao dito. Nine minutes na lang ang natitira sa iyo.”

Nagpaalam siya sa mga kasama na pupunta muna sa restroom. Nagbilin din siya sa ibang kasamang rojo na bantayan ang mga kasama nila. Isang makahulugang tingin ang ibinigay niya sa mga ito at nilaro ng daliri ang engagement ring niya. May detector iyon para ma-trace kung saan siya pupunta. Sa pagpihit niya sa singsing ay nag-activate ang tracking device sa singsing niya. Alam na ng mga ito na nasa panganib siya at ang tanging magagawa niya ay pasunurin ang mga ito kung nasaan siya at kung may sapat nang pwersa.

Kuyom niya ang palad nang iwan ang mga ito at sumunod sa instruction ni Homer. Tinatagan niya ang loob niya habang nakakasalubong ang mga masasayang pamilya. Kampante siya na kahit anong mangyari ay babawiin siya ni Kristian.

Pagsakay niya ng van ay bumungad agad sa kanya si Homer. “Alta, gumaganda ka yata.”

Nagawa niyang i-block agad ang isipan dito. Pinanatili niyang nakatikom ang bibig. Umandar na ang sasakyan ngunit kampante siya na activated na ang tracking device sa singsing niya. Malamang ay alam na ni Kristian ang nangyayari.

“Homer, lose the ring,” utos ng isang lalaking nakaitim na coat. Mahaba ang buhok at maitim din ang mga mata. Maputing-maputi ang balat nito at pula ang mga mata. Mukhang nasa mid-forties na ito. Sinubukan niyang lumaban nang tangkang tatanggalin ang engagement ring niya subalit tinitigan siya nito. Nararamdaman niya ang lakas ng kapangyarihan nito at hindi na siya makagalaw. Inalis ni Homer ang engagement ring ang ihinagis sa labas. “Alta de Angelis, matulog ka muna.” Unti-unting sumara ang mga mata niya. “Mahaba pa ang biyahe natin.”

KADILIMAN agad ang sumalubong kay Alta pagdilat ng mga mata niya. Marahan siyang bumangon at kinapa ang kinalalagyan niya. Papag lamang iyon na may nakapatong na kumot. Madilim pa rin. Hindi niya gusto ang pakiramdam dahil parang wala na siya halos hanging hinihinga. Umiikot na lang ang hangin sa maliit na lugar na iyon Naamoy niya ang kakaibang amoy na parang kalawang subalit masarap sa pang-amoy. Nangati ang lalamunan niya na parang gusto ng sistema niya ang amoy na iyon. Dugo ng tao.

Naramdaman niya na hindi siya nag-iisa sa silid na iyon. May iba pang nilalang. Naramdaman na naman niya ang kapangyarihang naramdaman niya kanina. Nakakapangilabot iyon dahil kasama ng kapangyarihan ay kasama ang amoy ng dugo ng tao.

Niyakap niya ang tuhod niya nang makita ang pagkislap ng pulang mga mata kasunod ang pagsindi ng lighter sa tabako. Saka niya nakita si Homer na nakatayo at sa tabi nito ay nakaupo sa maliit na upuan ang may edad na Umbrang kasama nito kanina. Pula rin ang mata ni Homer. Iyon ang senyales na pumapatay ng tao ang isang sanguis para makakuha ng dugo.

“Gising na pala ang bagong prinsesa ng mga de Angelis. O mas tama sigurong sabihin na bagong alipin ng mga Umbra,” anang lalaki at ngumisi sa kanya. Mas nakakatakot pa ang ngising iyon kaysa sa ngisi ng demonyo. “Homer, kailangan ng ilaw ng prinsesa mo para mabawasan ang takot niya at maging komportable siya sa bago niyang bahay.”

Nagsindi si Homer ng kandila sa mataas na kandelabra. It made the place more eerie. Napaka-weird ng lugar na iyon. Maroon ang nagdodominang kulay sa lugar. Dalawang metro lang ang layo niya sa malaking sofa sa tapat ng kama at wala siya halos gagalawan. Lalo siyang hindi makahinga dahil parang wala halos daanan ng hangin. Parang nasa ilalim siya ng lupa. Pakiramdam niya ay nakakulong na siya doon. Hindi nakatulong ang ilaw ng kandila na lalong nagpakilabot sa kanya.

“Nasaan ako? Sino ka?” tanong niya sa matandang Umbra.

Tumayo ito at yumukod. “Mercado Soller,” pagpapakilala nito. Napalunok siya. Ito ang hari ng mga Umbra. Isa itong esclavo subalit isa itong matandang bampira. Halos kasing tanda ito ni Pinunong Kaptan subalit makapangyarihan ito dahil dugo ng tao ang iniinom nito at napapatay. “Ipagpaumanhin mo kung ito lang ang nakayanan namin. Hindi mo magagamit ang kapangyarihan ng isip mo dito para makipag-usap sa iba. Hindi ka na mababawi ng mga rojo lalo na ng fiancé mo na si Kristian. Magiging parte ka ng Umbra.”

Hindi niya alam kung anong laban ang gagawin niya. Wala na ang singsing niya na may tracking device. Hindi niya alam kung saan naglulungga ang mga Umbra at walang ibang paraan para ma-trace siya ng mga ito. Walang ibang makakatulong sa kanya sa lugar na iyon. Pakiramdam niya ay doon na siya mamamatay.

Ipinaling niya ang tingin paiwas sa mga ito. “Wala kayong mapapakinabangan sa akin. Patayin na lang ninyo ako. Hindi ninyo ako mauutusang pumatay ng tao o kung ano pang karumal-dumal na gusto ninyong ipagawa sa akin.”

“Isusugal mo ba pati ang buhay ng sarili mong anak?” tanong ni Mercado at tumayo.

“Anak ko?” nakakunot ang noo niyang tanong.

“You are pregnant. Congratulations!” nakangising sabi nito.

“P-Paano ninyo nalaman?” tanong niya.

“We have a member here with the inner eye,” wika ni Mercado. “Nakita niya ang dinadala mo na isang sanguinare. Isang malakas na sanguinare.” At puno ng interes ang mga mata nito na parang nakatagpo ng kayamanan sa kanila ng magiging anak niya. “Kapag nga naman sinuswerte. Mas malakas ka na kaysa nang tangkain ka naming kunin dahil sa training mo sa mga rojo, magkakaanak ka pa mula sa anak-anakan ng isa sa pinakamalakas na sanguinare sa mundo at ano pa ba ang pwede kong matuklasan sa iyo at mapapakinabangan?”

Niyakap niya ang tuhod niya para protektahan ang anak niyang di pa naisisilang. Hindi lang sarili niya ang iisipin niya kundi ang magiging anak nila ni Kristian. Nanlamig siya. Noong una ay sarili lang niya ang problema niya. Pero paano ngayong may bata na sa sinapupunan niya? Paano pa siya lalaban sa mga ito? Paano pa niya poprotektahan ang sarili at anak niya sa mga Umbrang walang kaluluwa?

“Ako na ang mag-aalaga sa inyo ng anak mo. Ng anak natin,” wika ni Homer.

Nangilabot siya. Hindi niya maaatim na angkinin siya nito at ang magiging anak niya. “Ayoko sa iyo. Si Kristian ang mahal ko.”

“Wala na si Kristian. Hindi ka na niya mababawi. At sigurado akong kahit magkita pa kayo, hindi mo na siya makikilala,” sabi ni Homer at hinaplos ang mukha niya.

Iniwas niya ang mukha. “Huwag mo akong hawakan,” utos niya dito. Hindi na ito ang dating kaibigan niya. Isa nang halimaw ang nakikita niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.