Chapter BTSSM 55

“Homer, hayaan mo munang masanaya ng bisita natin sa bago niyang tahanan. Pwede natin siyang tratuhing isang bisita at kasambahay natin pero mukhang mas gusto niyang maging preso dito. It is her choice,” sabi ni Mercado at sinenyasan si Homer na lumabas ng silid.

May bahagyang liwanag na sumilay nang bumukas ang pinto subalit mabilis na umalis ang dalawa at dali-daling sumara ang pinto. Mariin siyang pumikit at lalong hinigpitan ang pagyakap sa tuhod niya. Ayaw na niyang isipin kung ano pa ang pwedeng gawin ng mga ito sa kanya at sa magiging anak niya. Naramdaman niya ang kapangyarihan ni Mercado kanina. Kaya nitong manipulahin ang isipan niya. Magmimistula siyang robot na utusan nito at wala siyang magagawa. Wala siyang kakayahang labanan ang isang malakas at matandang Umbrang tulad nito. Tiyak na gagamitin siya nito at ang anak niya laban sa mga rojo at mga tao.

Kaya niyang ibuwis ang buhay niya para di na magpahamak pa ng iba. Subalit di niya alam kung anong gagawin ngayong magkakaanak na sila. Di niya pwedeng idamay pati ang anak niya. Paano kung burahin ng mga ito ang alaala niya kay Kristian? Ito ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Di niya matatanggap na hindi ito ang maipapakilalang ama ng anak niya.

Pinagsalikop niya ang palad at umusal ng dasal. Sana ay may paraan pa upang mailigtas siya doon. Kailangan niya ng isang himala.

MATAGAL NA sandaling nakapikit si Alta habang nagme-meditate. Ginamit niya ang katahimikan para palakasin ang isipan niya. Those Umbra’s won’t physically harm her. Kailangan siya ng mga ito at ang magiging anak niya. Ngunit tiyak na utak niya ang mamanipulahin ng mga ito. Iyon ang kailangan niyang paghandaan.

Parang napakatagal na panahon ang inilagi niya doon. Wala siyang konsepto ng oras o panahon. Di niya alam kung isang oras pa lang siya doon o isang daang taon. Parang nakakabaliw na at sinusubok ang katatagan ng isip niya. Subalit wala pa siya sa totoong laban. Kung dito pa lang ay susuko na siya, walang mangyayari sa kanya. Idinaan na rin niya sa meditation ang gutom niya. Malalagpasan din niya ito.

Narinig niyang bumukas ang pinto at may narinig siyang mga yabag na pumasok. Dumilat siya at nakita ang isang babaeng mahaba ang kulot na buhok. Mukha itong manyika at hindi ito amoy sanguis. Amoy tao pa rin ito. May hila-hila itong isang babae na naka-itim na dress at itim na boots. Tulala ito at mukhang wala sa sarili.

“Dinalhan kita ng agahan,” sabi ng magandang babae at pinalapit ang babaeng tulala sa kanya.

“Aanhin ko iyan?” tanong niya.

“Inumin mo. Drain her all you want. She’s all yours,” kaswal na sabi nito at sumandal sa dingding. Mukhang bata pa ito. Kaedad lang niya. Ngunit hindi siya sigurado. Hindi naman tumatanda ang mga sanguis.

Umiling siya. “Hindi ako iinom ng dugo ng tao. Ayoko ring pumatay.”

“Wala silang ibang ipapakain sa iyo dito maliban sa mga katulad niya. Kung hindi ka kakakain, magugutom kayo ng magiging anak mo.”

Mariing nagdikit ang labi niya. “Busog pa ako,” aniya sa malamig na boses. Kahit na gaano pa katagal ay kakayanin niya. Malakas ang anak niya. Maiintindihan siya nito.

“Gusto mo ba ng tubig?” alok nito. Puno ng suspetsa niya itong pinagmasdan. “Look! Napag-uutusan lang ako dito. Pero sa palagay ko pwede ka namang uminom ng tubig.” Bumaling ito sa babaeng nakaitim. “Loli, ikuha mo kami ng isang pitsel na tubig at baso.”

“Yes, Master,” anito at lumabas ng silid.

“Ako si Fleur,” sabi ng babaeng naiwan at inabot ang kamay. Hindi niya inabot iyon. Ibinaba nito ang kamay. Mukha namang hindi ito na-offend. “Parte ka ng rojo. Ngayon lang sila kumuha ng isang miyembro ng rojo. Saang pamilya ka nanggaling?”

“De Angelis.”

Natigilan ito. “Kanino kang anak?”

“Romeo. Romeo de Angelis.” Nakita niya ang paghigit nito ng hininga. “Alam ko. Ama ko ang dahilan nagkakagulo ang lahat dito.”

Muli nitong inabot ang kamay. “Fleur de Angelis. I believe we are sisters.” Inangat niya ang nanginginig na kamay. Atubili pa rin siya kung tatanggapin ang kamay nito o hindi. “Hindi ako nangangagat. That’s a promise.”

Kahit na puno ng paghihinala dahil isa itong Umbra ay kinamayan niya ito. Nang ngumiti ito ay nawala ang takot niya dito. Magaan ang loob niya dito dahil wala itong maitim na aura di tulad nina Mercado at Homer. Parang hindi ito bagay sa lugar na iyon.

Dumating si Loli na may dalang pitsel ng tubig at dalawang baso. Ipinagsalin siya nito at si Fleur ng tubig sa baso. “Iyan lang ang maiaalok ko sa iyo at ito,” anito at inabutan siya ng malililit na piraso ng granola bar. “May compartment sa ilalim ng kama. Pwede mong itago iyan.”

She was an Umbra but she was also her sister. Mas namamayani ang tawag ng dugo kaysa sa pagiging kabilang nila sa magkabilang paksiyon.

“Salamat.”

“Huwag kang mag-isip na may masama akong intensiyon sa iyo. Ayoko rin ng ginagawa nila. Wala lang akong magawa dahil hindi ako nakakapili ng kamag-anak ko,” malungkot nitong usal. Mas humina ang boses nito. “Huwag kang mag-alala. Hindi nila naririnig sa labas kung ano ang usapan natin dito.”

Huminga siya ng malalim at isinumpak ang granola bar. Baka kahit na lason ay kainin niya kaysa sa dugo ng tao. “Salamat.” Pakiramdam niya ay kaya niyang mag-confide nito. Alam niyang maaaring may iba pang anak si Romeo de Angelis pero nakakagaan sa loob niya na makilala niya ang isa sa mga ito kahit pa nga nanganganib ang buhay niya.

“Maayos ba ang trato sa iyo ng pamilya mo? Ang mga de Angelis?” tanong ni Fleur.

“Ang totoo ngayon ko lang sila nakilala,” aniya at kumain ng granola bar. “Nahanap nila ako nang dalhin ako sa Valle ni Kristian na galing sa ibang angkan. Siya ang lalaking pakakasalan ko at ama ng anak ko. Dahil sa kanya kaya nalaman kong isa akong de Angelis. Parang tunay akong anak nila Zio Kristoff at Zia Olivia. Saka magugustuhan mo si Rafflesia. Siya ang bunsong anak nila.”

“Hindi ko alam kung gugustuhin nila akong makilala. I am a bad blood.”

“Hindi totoo iyan. Siguro mas gugustuhin nilang lumaki ka sa kanila.”

Nakita niya ang pagkasabik nito. Sa palagay niya ay hindi nito gusto ang nakagisnang pamilya. Parang gusto niyang isama ito paalis doon. Posible kayang matulungan niya ito?

“Magpahinga ka na. Nagpapahinga sila sa ngayon. Maraming bantay sa labas kaya huwag ka nang magtangkang umalis. Mapapahamak lang kayo ng anak mo,” babala nito.

Hinawakan niya ang kamay nito. “Tulungan mo akong makawala dito, Fleur.”

Bumakas ang takot sa mga mata nito. “Hindi iyon ganoon kadali. Matindi ang security dito.”

Pero hindi ko kayang mabuhay dito. Parang di siya tatagal na huminga. “Tawagan mo si Kristian. Gagawa siya ng paraan para makaalis ako dito. Alam ko na hindi ka masama katulad nila. Hindi mo gugustuhing manatili ako dito kasama ang anak ko.”

“Kailangan ko nang umalis,” anito sa malamig na boses.

“Fleur… please?” Desperada na siya. Hindi niya alam kung hanggang saan ang kayang ipakitang kabutihan ni Fleur sa kanya. Kung hanggang saan ang binuksan nito sa puso bilang kapatid niya. Pero ito na lang ang pag-asa niya.

Mahabang sandali siya nitong pinagmasdan. “I will see what I can do.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.