PABALIK-BALIK ng lakad si Kristian habang nasa security headquarters sa main mansion ng Valle. Kaharap niya ang lahat ng council habang naghihintay sila ng update kay Alta. Lumipas na ang buong maghapon at magdamag subalit hindi pa rin sila nakakakuha ng kahit anong balita.
“Sugurin na natin ang kuta nila. Kung saan man ‘yon!” aniya at iwinasiwas ang kamay. He felt helpless. Nasa gitna siya ng meeting nang makatanggap siya ng tawag na basta na lang itong nawala sa Enchanted Kingdom. In-activate nito ang tracker nito na nasa singsing ngunit natagpuan nila iyon sa isang grupo ng teenager na papasakay ng carousel. Napulot lang daw ng mga ito ang singsing sa parking lot. That means more trouble. Naipakita lang sa CCTV ang isang black na van kung saan kusang sumakay si Alta. Nang i-trace nila ang van ay dumaan iyon ng South Expressway papuntang Maynila.
Nakauwi na nang maayos ang mga kasama nito sa Enchanted Kingdom. Mukhang si Alta lang ang pakay ng mga Umbra dahil wala namang masamang nangyari sa pamilya at mga kaibigan nito. Naglagay na lang ng hypnotic suggestion sa isipan ng bawat isa na masayang umuwi ang mga ito sa bahay-bahay matapos ang pamamasyal at hindi nawawala si Alta.
“Hindi pa rin natin alam kung saan ang kuta nila,” sabi ni Kristoff na mukhang tumanda ng dalawampung taon sa sobrang pag-aalala. Paano ay iyak ng iyak si Olivia nang malamang kinuha si Alta ng mga Umbra. “Marami tayong inoobserbahang posibleng kuta nila pero wala sa mga iyon ang pinuntahan ng itim na van.”
“Pero hindi natin pwedeng hintayin na iharap siya sa atin ng mga Umbra nang walang buhay o kaya nasa impluwensiya niya.” Hindi niya alam kung anong gagawin oras na maging kalaban nila si Alta. Malaking dagok iyon lalo na sa mga de Angelis.
Hindi kaila sa kanya na malakas ang kapangyarihan ng pinuno ng mga ito. Si Mercado ay kayang tapatan ang lakas ng mga consejo ng Valle. Hindi man ito isang sanguinare katulad ng iba ay marami naman itong napatay na sanguinare. Nagagawa nitong higupin ang lakas ng mga iyon kaya isa ito sa mga kinatatakutang umbra. Kahit ang kapangyarihan niya na makaramdaman o ma-trace si Alta ay hindi gumagana.
“Kailangan na lang nating ihanda ang sarili natin,” sabi ni Pinunong Kaptan. “Hindi magiging madali bago natin mabawi si Alta. Kilala ninyo ang mga Umbra. Desperado silang palakasin ang pwersa nila. Kailangan na lang ni Alta na maging matatag. Sa ngayon maghihintay lang tayo.”
Hindi na siya makatagal pa sa silid na iyon. “Magpapahangin lang po ako sa labas,” pagpapaalam niya at pumunta sa balkonahe kung saan tanaw ang gubat at ang bukal sa likuran.
The air there used to soothe his senses. Ngayon ay hindi siya makahinga. Ayaw niyang isipin pa kung ano ang posibleng pinagdadaanan ni Alta ngayon at kung anong ginagawa ng mga Umbra dito. They would do anything to break her will. Naninikip ang dibdib niya tuwing iniisip kung paano ito nahihirapan habang wala siyang magawa doon para sagipin ito. Sana ay di na lang siya tumuloy sa meeting. Binantayan na lang sana niya ito para tiyakin na ligtas ito. Masyado siyang naging kampante dahil malakas na si Alta. Mas lumakas ang kapangyarihan nila nang mag-isa sila. Pero sadyang determinado ang mga Umbra na kunin ito. Hinintay lang na lumakas ito para higit na mapakinabangan. Kung may magagawa lang sana siya.
Nagulat siya nang may humawak sa balikat niya. Ang nakangiting mukha ni Lupita ang nalingunan niya. “Maibabalik din sa atin si Alta. Huwag kang mawalan ng pag-asa.”
“Pero nawawalan na po ng oras. Ayokong isipin kung anong posibleng gawin o iutos ng mga Umbra sa kanya, Nay. Ano pong gagawin natin?” puno ng desperasyong wika niya. “Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag sinaktan nila si Alta.”
“You really care about her.”
“Of course. Alta is my destined one. Kung mawawala siya sa akin, magugulo nang tuluyan ang buhay ko. And she will be my wife. She’s a part of the rojo. Hindi ako papayag na masaktan pa siya ng mga Umbra na iyon at gamitin sa kasamaan.”
Mataman siya nitong pinagmasdan. “Natutuwa akong importante sa iyo si Alta. Basta huwag mong masyadong pairalin ang galit. Kung ililigtas mo si Alta, kailangang maging klaro ang isipan mo. Kaunting pasensiya, Kristian. Makakabalik siya sa iyo. Magkakasama ulit kayo.” Niyakap siya nito. “Hindi ko inaasahan na makikita ko ang araw na ito.”
“Ano pong araw, Nay?”
“Na mag-aalala ka para sa isang babae at tatanggapin mo ang babaeng itinadhana para sa iyo.” Hinigpitan pa nito ang yakap sa kanya. “Alam ko na natatakot ka para kay Alta pero malalagpasan niya iyan. Tatatagan niya ang loob niya dahil mahal ka niya at gusto niyang makasama ulit. Huwag na huwag mo siyang susukuan.”
Nanikip ang dibdib niya nang maisip kung gaano siya kamahal ni Alta. Hindi pa niya tuluyang naibabalik ang pagmamahal na iyon. Di pa nito nasisimulan ang pangarap para sa sarili. Hindi pa nila nasisimulan ang buhay nila kasama ang isa’t isa at bilang mag-asawa. Dahil dito ay nagsimula siyang mangarap na magkaroon ng isang masayang pamilya na di naman sumagi sa isipan niya dati. Kapag nawala pa ito sa kanya, di na naman niya alam kung paano magsisimula ng bagong buhay. Ayaw na niyang bumalik sa dating Kristian bago niya nakilala si Alta. Galit siya sa mundo at galit siya sa mga taong gustong mapalapit sa kanya o nais magmahal. Ayaw na niyang mag-isa. Mula nang matanggap niyang si Alta ang tadhana niya ay mas gumanda ang tingin niya sa mundo at sa buhay. Paano kapag nawala pa ito sa kanya?
Nagsisimula na siyang dalawin ng antok subalit di pa rin niya magawang ipikit ang mga mata. Wala pa ring balita tungkol kay Alta. Papunta pa lang siya sa security headquarters matapos mag-shower upang muling makibalita nang mag-ring ang cellphone niya. “Hello.”
“Hello. Kristian Cordero?” anang boses ng isang babae.
“Speaking. Who’s this?”
“Fleur Soller-de Angelis.” Nanlamig siya nang marinig ang pangalan nito. Ito ang apo ni Mercado Soller at kapatid ni Alta. Ito ang prinsesa ng mga Umbra. “Kung gusto mong maibalik sa inyo si Alta, kailangan mong makipagkita sa akin nang mag-isa.”
“Why should I trust you? Isa kang Umbra.” Kahit pa kapatid ito ni Alta ay magkaiba naman ng kinakalihan ang mga ito. Hindi niya ito mapagkakatiwalaan. “Saka hindi ko alam kung isang patibong lang ito.”
“Look. Nakiusap lang sa akin si Alta na tulungan ko siyang makatakas. Kung gusto kong maglagay ng patibong, bakit di na lang ako magbigay ng tip sa iyo kung saan matatagpuan si Alta at pasugurin ko sa iyo. I am telling you it is not easy. Mas marami sa inyo ang mamamatay At hindi ninyo matutukoy kung sino ang inosente sa kuta namin o hindi. Mas marami kayong ilalagay sa panganib kasama na si Alta. I want to extract Alta as quiet as possible. So will you help me with Alta. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko siya mapoprotektahan. Nanghihina na siya. Hindi ko alam kung hanggang kailan siya bago makatiis na tuluyang uminom ng dugo ng tao. Sinasadya siyang gutumin dito at dine-deprive ng pagkain ng tao. Kung hindi ka kikilos, baka mawala pati ang anak ninyo.”
“Anak namin? You mean she’s pregnant? Hindi niya sinasabi sa akin.”
“Hindi rin niya alam. Look. Wala nang oras. Kailangan mo siya maitakas agad.”
Nanginginig ang boses nito ibig sabihin ay natatakot rin ito. Wala siyang choice. Kailangan niyang pagkatiwalaan ito. Importanteng mabawi niya si Alta. Baka gamitin ng mga Umbra ang magiging anak nila para lalo itong pahinain. “Saan tayo magkikita?” tanong niya.
“Bukas ng alas siyete ng gabi sa Cariño Bar. Huwag kang magdadala ng ibang kasama. I don’t want things to be more complicated as it is. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Klaro,” aniya at narinig niya ang click sa kabilang linya.
“Good. Your password is forever.”
“Forever,” ulit niya para tiyaking matatandaan niya. “Pwede bang alagaan mo si Alta at ang magiging anak namin habang hindi ko pa siya nababawi? Sabihin mo sa kanya na ililigtas ko siya. Huwag siyang mawawalan ng pag-asa.”
He was taking a chance here. Kailangan niyang sagipin si Alta. Hindi lang dahil ito ang nakatadhana sa kanya o dahil ito ang magiging ina ng anak niya. Mahal niya ito. At kahit magbuwis pa ng buhay ay gagawin niya para dito.