Nanginginig na ang buong katawan ni Alta sa sakit nang agising siya. Hinang-hina na ang katawan niya dahil sa kawalan ng pagkain o tubig man lang. Nanlalabo na ang mga mata niya at naghuhumiyaw na ang katawan niya sa sobrang gutom. Marahil ay dumadaing na rin ang anak niya sa gutom.
Nakuyom niya ang palad at pinagmasdan si Grazilda na nahihimbing sa sofa. Parang isa itong masarap na pagkain na naghihintay lamang na tikman niya. Bahagyang nakabukas ang sugat sa balikat nito, sapat para maamoy pa rin niya ang dugo nito. Lalong lumakas ang tawag ng dugo sa kanya habang patagal ng patagal ang pagkalam ng sikmura niya.
Naramdaman niya ang paglabas ng pangil niya at bumaba ng kama. Kailangan lang niya ng ilang patak ng dugo nito para mabuhay. Hinawi niya ang buhok nito at tiningnan ang dalawang maliit na sugat sa balikat nito na likha ni Homer.
Huminga siya ng malalim. Naririnig niya ang pagdaloy ng dugo nito. Nanunuot sa ilong niya ang mabangong amoy nito. Dahan-dahan siyang yumuko at binasa ang labi.
Naramdaman niya ang paghaba ng pangil niya. Hindi na niya iyon nakontrol pa. May boses na bumulong sa isipan niya. Tikman mo. Kaunting dugo lang, Alta. Kaunting dugo lang ang kailangan mo para mabuhay. Kayo ng anak mo.
Napakabango ng amoy ng dugo ng tao. Parang tinatakam siya. Parang iyon ang pinakamasarap na pagkaing matitikman niya. Yumuko siya at dahan-dahang bumaba ang mukha niya sa balikat nito. Bumilis ang tibok ng puso niya. Parang may kakaibang lakas na nagtutulak sa kanya upang gawin ang inuutos ng halimaw na gustong uminom ng dugo ng tao. Walang ibang isinisigaw ang isipan niya kundi dugo… dugo.
Mariin siyang pumikit. Hindi ako halimaw. Ayokong maging halimaw.
Subalit di niya alam kung paano pipigilan ang sarili samantalang halos nakadikit na ang pangil niya sa sugat. She didn’t know how to control the urge. Her baser instinct was taking over. kailangan niyang matikman ang dugo nito o ikamamatay niya.
Biglang bumukas ang pinto at may sumigaw sa likuran niya. “Alta, huwag!”
May mga malalakas na kamay na humatak sa kanya mula sa katawan ni Grazilda at inilayo siya dito. “Huwag! Kailangan ko ng dugo niya. Huwag!” sigaw niya.
“Alta, ano ba?” angil ng boses ng isang babae at kasunod niyon ay isang malakas na sampal. Napalugmok siya sa lakas ng sampal na iyon at maang na pinagmasdan si Fleur.
Saka lang siya natauhan. Parang nagising siya sa isang masamang bangungot. “Fleur?” Nilingon niya si Grazilda na mahimbing pa ring natutulog. Di siya makapaniwala na muntik na niyang inumin ang dugo nito kanina. Isinubsob niya ang mukha sa nanginginig na kamay. “A-Anong ginawa ko?” aniya at napahagulgol ng iyak.
Niyakap siya ni Fleur. “It’s okay. Wala kang ginawa sa kanya. I came right on time.”
Nanginginig ang buong katawan niya at mahigpit din itong niyakap. “Fleur, ayokong maging ganito. Ayokong uminom ng dugo ng tao o pumatay ng tao. Anong gagawin ko? Kusang bumibigay ang katawan ko. Hindi ko alam kung paano kontrolin. Kailangan ko ng dugo.”
Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya. “Tumahan ka na.” May dinukot ito sa bag na bag ng dugo. “This is chicken blood.”
Namutla siya. “Hindi ako umiinom ng dugo ng tao.”
Bumuntong-hininga ito. “This is better than human blood. Wala tayong ibang alternative. Hindi ako makapagpuslit ng blood fusion sa Club Rouge. Hindi basta-basta makakabili ang tao ng sanguis drinks sa kanila. Pagtiyagaan mo na muna.”
Nilingon niya si Grazilda at pikit-matang ininom ang dugo ng manok. Inisip na lang niya na may choco flavor iyon at gawa sa synthetic blood. Hindi na lang niya iisiping galing iyon sa hayop. Nang matikman niya ay tuloy-tuloy na siya sa pag-inom. Hindi iyon kasing bango ng amoy ng dugo ng tao pero pwede nang pagtiyagaan.
“Good. Kailangan mo ng lakas, Alta.”
She needed to survive. Pumikit siya at inisip ang Valle de la Luna Roja. Inisip niya ang malaparaisong lugar na iyon na naghihintay sa kanya. Inisip niyang lumulutang siya sa mainit-init na tubig ng bukal habang nakatitig sa malalabay na dahon ng puno. Naririnig niya ang tawanan ng mga itinuring niyang pamilya… ang mga bago niyang kaibigan na naghihintay sa kanya. Hindi niya dapat kalimutan ang mga itinuro ng mga ito sa kanya para maging mabuting sanguis.
Si Kristian. Kailangan niyang isipin si Kristian. Naghihintay ito sa kanya. Dapat ay malaman nito ang tungkol sa anak nila.
Matapos uminom ay mas gumaan ang pakiramdam niya. It sated her hunger. “Salamat,” aniya kay Fleur. “Nanghihina na talaga ako kanina at parang wala na ako sa sarili ko.”
“Hindi madali ang pinagdadaanan mo. Hindi ko alam kung kayak o pang magpuslit ulit niyan. Naitakas ko lang iyan sa guwardiya.” Tinulungan siya nitong tumayo at inalalayang umupo sa kama. “Babalik na si Lolo Mercado sa isang araw kasama ang ibang pinuno ng Umbra. Alam ko na pipilitin ka nilang maging isang Umbra. Kailangang maitakas agad kita dito. Baka wala na tayong ibang pagkakataon sa susunod.”
“Nakausap mo na ba si Kristian?”
Tumango ito. “Magkikita kami bukas.”
“Naniwala siya sa iyo?”
Nagkibit-balikat ito. “Kung gusto ka niyang sagipin, wala siyang choice. Malalaman natin bukas kung darating ang lalaking mahal mo. Ito na ang huling pagkakataon. Sa susunod hindi ko alam kung paano pa kita matutulungan lalo na kapag pinilit ka nilang gawing Umbra.”
“Salamat.” Pinagsalikop nito ang palad. “Sana dumating si Kristian bukas. Pero hindi ba delikado kung tatangkain niya akong itakas dito.”
“May plano ako. Ang kailangan lang ninyong gawin ay magtiwala sa plano ko. Pinagkakatiwalaan mo ba ako kahit isa akong Umbra?” tanong nito.
Tumango siya. “Sa palagay ko hindi masama ang lahat ng Umbra. Nararamdaman ko na mabuti ang puso mo kundi hindi mo ako tutulungan.”
Ngumiti ito. Iyon ang pinakaunang sinserong ngiti na nakita niya dito. “Maraming salamat. Tama na ang isang mezzo sa impyernong ito. Hindi ako papayag na may isa pang katulad ko na mapunta dito.”
Alam niyang isang malaking sugal ang ginagawa nito para lang mabuhay siya. Sana lang ay magtiwala si Kristian dito. Sana ay gawin nito ang lahat para iligtas siya.