Hindi maipinta ang mukha ni Kristian habang nasa loob ng restroom at nakatitig sa mga damit na ipinasusuot ni Fleur. Drat! It smells like crap. Anong naisip nito at ipinapasuot iyon sa kanya? Nang-aasar ba ito?
Nagulat pa siya nang katukin nito ang pinto. "Hoy! Hanggang anong oras ka magbibihis diyan?" tanong ni Fleur at muling kinatok ang pinto.
"Ito ba talaga ang isusuot ko? It stinks."
"Wala akong oras sa mga pag-angal mo. O gusto mong iba pa ang magbihis sa iyo?"
Sa loob ng ilang segundo ay bihis na siya. Hindi na niya maipinta ang mukha nang lumabas ng restroom. Fleur gave him an appreciative look. "Bagay na bagay sa iyo," anito at inayos ang collar sa leeg niya. "Boots na lang ang kulang at chain."
He crinkled his nose at looked the black boots' direction. Nakalapag iyon sa baba ng couch. "Sigurado ka na isusuot ko 'yan? Nang-iinis ka ba? Baka may alipunga pa ang gumamit niyan." One of the disadvantages of being a sanguis was his keen smell. Ang mga simpleng amoy lang ay matindi na ang epekto sa kanya. Di niya maatim isuot ang boots dahil nahihilo siya.
"Don't worry. Hindi ka naman magkakasakit dahil sa bacteria. We are immune to diseases. Hindi ka mamamatay dahil sa alipunga."
Napanganga siya. Mas malala pa ito sa inaasahan niya. "You want me to smell like shit? Ito ngang ipinasuot mo sa akin hindi ko alam kung di marunong maglaba o hindi pa nalalabhan."
"Hindi pa nilalabhan 'yan."
"What?"
"The more you smell like human, the better."
"Ganito ang amoy ko? Baka kahit si Alta di ako palapitin sa kanya."
Dumilim ang mukha nito. “Don’t be so vain. Para sa isang lalaki, masyado kang maarte. Kung gusto mong mabawi si Alta, kailangang mag-amoy tao ka. Hindi ka maaamoy ng mga normal na sanguis tulad ni Rico sa gamit ninyo na pabango. May mga guwardiya kami na matalas ang pang-amoy tulad ng mga lobo. Kaya kailangang inumin mo ito,” anito at inabot sa kanya ang isang baso ng likido na kulay berde.
Kumunot ang noo nito. “Para saan ito?”
“Sort of a special seaweed drink. Iniinom iyan para mag-amoy dugo ng tao ang dugo ng isang sanguis. At kung may gustong mag-sample ng dugo mo, lasang dugo rin ng tao iyan.”
Diskumpiyado niyang pinagmasdan ang likido. “Sigurado ka?”
Tumirik ang mga mata nito. “Inumin mo na! Itinakas ko pa iyan sa laboratory namin. It’s a new discovery. Hindi pa iyan kumakalat sa mga Umbra. Just do it!” Pikit-mata niyang ininom ang likido. Malansa ang lasa niyon subalit tiniis na lang niya. Nakangiti si Fleur nang ibalik niya ang baso dito. “Hindi naman bumula ang bibig mo, di ba? Isuot mo na ang boots mo.”
Napilitan siyang sumunod dito at hindi na lang huminga habang isinusuot ang mabahong boots. “Hindi ko pa rin maintindihan kung anu-ano ang pinaggagagawa mo sa akin. Mukha akong slave.” A male sex slave.
“Kailangan mong makapasok sa kuta ng mga Umbra bilang isang tao. Isang tao na sunud-sunuran sa akin.”
Umiling siya. He still didn’t get it. “What’s the point? Kamukha ako ni Kristian Cordero. Baka kapag nakita ako ni Rico, patayin agad niya ako. Hindi na ako makakalapit kay Alta.”
“Ako ang bahala sa iyo. Hindi ka niya sasaktan. He may sample your blood but he’ll taste human blood. For rule number two, always remember that you are my slave. Hindi ka kikibo hangga’t di ko sinasabi. Di ka kikilos hangga’t di ko sinasabi. Walang kakanti sa iyo bilang alipin ko pero oras na gumalaw ka, wala na akong magagawa para protektahan ka. Kaya pigilan mo ang pagiging impulsive mo kung ayaw mong tuluyang maging Umbra si Alta at mamatay, sumunod ka sa akin.” Akmang bubuka ang bibig niya subalit pinanlakihan siya nito ng mata. “Saka na tayo magpaliwanagan. Wala na tayong oras.”
A male slave. Kahit kailan ay hindi pa siya sumunod ng utos mula sa isang babae at lalong ayaw niyang magmukhang male sex slave. Huminga siya ng malalim at hindi na tumutol nang kabitan nito ng kadena ang collar sa leeg niya.
“Cast down your eyes. Ilagay o lang ang kamay mo sa likuran mo. Wala kang sasabihin kahit anong itanong sa iyo hangga’t walang permiso ka. Hindi ka rin titingin kahit na kanino, di ka mag-aangat ng mga mata. At kahit anong maramdaman mo, hindi ka magre-react. Tumahimik ka lang. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Pero ayokong…”
“Kung kokontra ka lang, tumahimik ka na lang. Shut up or I will rip it shut. Isipin mo na lang si Alta. Alam ko hindi ito madali. Mahirap din ito para sa akin. I am risking my life here as well. Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko na traidurin ang lolo ko o ang lahi ko. Gusto mo pa bang ituloy natin ito o sasabihin ko kay Alta na huwag na siyang umasa sa lalaking nakatadhana sa kanya dahil wala siyang kwenta. He can’t keep his mouth shut even if her life depended on it. Walang kwenta kung kayo ang magkakasama habambuhay. ”
Pinid ang bibig siyang yumuko. Tama. Iiisipin niya si Alta. Naglalaban ang kagustuhan niyang iligtas ito at ang kagustuhang kumontra. He was a man of action. He preferred a frontal attack, an all out combat. Sana lang ay isinama ito sa training niya para mas madali sa kanya.
“Mas konting gulo, mas mabuti para sa lahat. Do not start any aggression. In short, do not do anything stupid! Nag-iisa ka lang, Kristian. Oras na gumawa ka ng mali, baka ako pa mismo ang pumatay sa iyo,” mariing banta nito. “Let’s go, slave boy.”
Humakhang siya nang hilahin nito ang kadena. Parang aso siyang sunud-sunuran sa amo niya. Paglabas niya ay naramdaman niya ang interesandong tingin sa kanya ng mga tao sa bar. Muntik na siyang pumitlag nang may humaplos sa braso niya at may pumalo sa puwet niya. Shit! Gusto niyang humingi ng utos kay Fleur na baliin ang buto ng kung sinumang gumawa noon sa kanya. He had never been humiliated like this.