“Don’t touch him, people! He is a gift,” anunsiyo ni Fleur nang lumingon.
“Can’t we play? He is such a pretty slave,” narinig niyang tanong ng isang babae.
“Not tonight. He’s a birthday gift and the birthday girl is waiting for us. Saka ko na siya ipapahiram sa iyo, Lauren,” sabi nito at nilagpasan nila ang lahat. Hindi siya halos humihinga at tensiyonado hanggang makalabas sila ng bar.
Nang lumabas sila ng bar ay isang maskulado, matangkad at maitim na lalaki ang naghihintay sa kanila. Ipinagbukas siya nito ng kotse. Hindi na siya kumibo habang nakikiramdam. “Okay, slave boy. Kailangan kong piringan ang mata mo.”
Saka niya naalala na hindi pala niya totoong master si Fleur. Isa itong Umbra. Hindi ito papayag na malaman niya kung saan ang eksaktong lokasyon ng kuta ng mga ito. Saka na niya poproblemahin iyon. Ang dapat niyang isipin ay kung paano matutunton ang kuta ng mga ito. Ang mahalaga ay maibalik sa kanya si Alta. Hindi pa niya alam kung ano ang kabuuan ng plano ni Fleur subalit ipagkakatiwala niya dito ang buhay niya at ang buhay ni Alta. Sana lang ay mas namamayani dito ang pagiging kapatid ni Alta kaysa sa pagiging Umbra.
Tahimik siya habang biyahe. Nag-iipon ng lakas. Nakikiramdam. Hindi rin kumikibo si Fleur. Tanging tunog lang ng rock music ang naririnig niya mula sa radyo ng kotse.
Maya maya pa ay naramdaman niya ang pababang direksiyon ng kotse saka tumigil. Inalalayan siya ng tauhan ni Fleur na si Bart pababa ng kotse. Parang walang katao-tao doon at naramdaman niya ang semento sa ilalim ng boots niya. Narinig na lang niya ang ding ng elevator at isinakay siya doon ni Fleur. Pababa ang direksiyon ng elevator.
Paglabas ng elevator ay naramdaman niya ang malamig na pasilyo subalit parang makipot iyon. Nakaalalay lang si Bart sa likuran niya habang hila naman siya ni Fleur. Naramdaman nya ang mata ng mga bantay sa kanya at mga nanunuot na hangin sa balat niya na parang may umaamoy hanggang sa kaliit-liitang bahagi ng butas ng katawan niya. Kasunod niyon ay naamoy niya ang matinding amoy ng sigarilyo, narinig ang mga umuungol na boses kasabay ng malakas na tugtog ng rock metal music at ang amoy ng dugo ng tao na malayang dumadaloy. Nasa kuta na nga siya ng mga Umbra.
Nakakapangilabot sa pakiramdam. Naalala niya nang gabi sa kastilyo ni Baronesa Elvira. Kung paanong dumaloy ang dugo ng maraming mga tao sa gabing iyon.
Naramdaman niya ang paghila ni Fleur sa kadena niya. “Let’s go, slave boy.”
Humakbang siya at sumunod dito. Isang pasilyo na naman ang pinasukan nila at natigilan siya nang maamoy ang pamilyar na nilalang. Si Homer.
“Saan kayo pupunta?” narinig niyang tanong nito.
“Kay Alta. I have a gift for her.”
“A slave boy?” bulalas ni Homer at lumapit sa kanya. “Ito bang lalaking ito?”
“Puro babae ang idinadala mo sa kanya. Come on! He needs an attractive male slave to do things for her.”
Tumigil si Homer sa harap niya at inalis ang piring. Di siya tuminag at nanatiling nakayuko. Narinig niya ang pagsinghap nito. “Si Kristian Cordero ito!” Bigla nitong sinakmal ang leeg niya. Kahit na may kadena sa leeg niya ay naramdaman pa rin niya ang higpit ng pagkakasal ni Homer. “Anong kalokohan ito, Fleur?”
“Bitiwan mo siya, Homer. Mahal ang presyo ng gigolo na iyan sa isang gabi. Kailangan ko pang gumastos ng malaking pera para lang mapanalunan siya sa isang auction.”
“Ano bang sinasabi mo?” tanong ni Homer at matalim na sinibat ng tingin si Fleur.
“Obviously, hanggang ngayon ayaw pa ring uminom ng dugo ng tao ni Alta. Ginutom na natin siya at pinainan ng dugo ng tao pero di pa rin siya kumakagat sa plano natin. Hindi natin alam kung tinutulungan siyang bigyan ng lakas ng magiging anak niya. Isang sanguinare ang magiging anak nila at ang unang patak ng dugo na ininom niya ay galing sa isang sanguinare. Malakas din si Cordero. At dahil sila ang nakatadhana sa isa’t isa, mukhang kay Kristian Cordero lang siya iinom ng dugo. Kaya isa lang ang naisip kong paraan para makainom siya ng dugo ng tao. Kumuha ng isang tao na kahawig ni Kristian Cordero. Madali na lang sa akin na bigyan ng hypnotic suggestion na ang lalaking ‘yan at si Kristian Cordero ay iisa.”
Nanatili siyang nakayuko kahit na ang gusto niya ay sakalin si Homer at kunin ang pilak na kutsilyo na napansin niyang nakasabit sa baywang ng bodyguard na si Bart para patayin ito. Inagaw nito si Alta sa kanya at gusto pang angkinin ang magiging anak nila. Kayang-kaya niya itong balian ng buto kung gugustuhin niya. Kasama iyon sa kakaibang chakra manipulation training niya kay Hideo na kahit mga malalakas na sanguis ay mahihirapang makabawi.
Binitiwan ni Homer ang leeg niya at kamay naman niya ang hinawakan nito. Inilabas nito ang kutsilyo at hiniwa ang palad niya. Tinikman nito ang dugo niya at bahagyang isinara ang sugat. Parang noon lang ito nakumbinsi na hindi siya isang bampira. Na di siya si Kristian Cordero. “Sige. Ipasok mo siya. Pero tiyakin mong uubusin ni Alta ang dugo niya. Tama na ang isang kamukha ni Kristian Cordero sa mundo.”
Humalakhak si Fleur. “Hindi ko siya pwedeng ipapatay. Magiging masama ang reputasyon ko sa club kung saan siya nagtatrabaho. Who knows? Baka magamit pa natin siya.” Pumitik ang daliri nito. “Iwan mo na kami. Ipatawag mo rin si Chardine. I want her to bring wine so I can enjoy the spectacle later.”
“Gusto kong manood,” wika ni Homer.
“No way! Magseselos ka lang at baka masira pa ang plano ko. Bakit hindi ka na lang magpahinga? Mag-enjoy ka sa bar. O kaya mag-relax ka. Bukas sa iyo na si Alta at ito na ang huling pagkakataon na maaalala niya si Kristian Cordero.”
Tumango si Homer at tinabig si Kristian sa pagdaan nito. Kinalma niya ang sarili at di mapigilang humanga kay Fleur. Napakatalino ng plano nito. Kung ito ang susunod na magiging pinuno ng mga Umbra ay mahihirapan silang lumaban. She was a good strategist. At kung paiiralin niya ang pagiging impulsive niya ay hindi magtatagumpay ang plano nito. Napatunayan din niya na di lang isipan nito ang malakas kundi pati ang kapangyarihan. Nararamdaman niya iyon dahil nagawa nitong makumbinsi si Homer na magagamitan nito ng lakas ng isip si Alta sa kabila ng bata nitong edad. She was good.
Hinila nito ang kadena niya bilang senyales na sumunod siya dito. Binuksan nito ang pinto at nakahiga sa makitid na kama si Alta. Puno ng sakit ang mukha nito at parang wala nang buhay.