Chapter BTSSM 64

Si Sandino ang unang umaksiyon sa utos ni Homer at akmang susunggaban siya. Subalit naging maagap si Fleur at itinulak ng palad nito sa dibdib. Humagis si Alejandro sa isang pulang sports car at nabasag ang salamin noon. Sumugod ang isang guwardiya sa tabi niya. Itinalukbong niya dito ang coat niya na may hood at saka nagpakawala ng sipa. Si Kristian ay nakikipaglaban din sa dalawang bampirang guwardiya na sumugod dito.

Ihinagis ni Fleur ang susi kay Kristian. "Umalis na kayo ni Alta. Just drive straight ahead. SCTEX na paglabas. Nasa dashboard lahat ng kailangan ninyo. Ako na ang bahala dito."

Hinawakan niya ang braso nito. "Hindi kita iiwan dito. Sumama ka na sa amin."

"Hindi ako pwedeng umalis. Ialis mo na siya dito, Kristian," utos ni Fleur dito.

Hinila siya ni Kristian palayo at pilit na isinakay sa kotse. Pagkasara ng pinto ay malungkot niyang pinagmasdan ang pakikipaglaban ni Fleur sa mga sumusugod na bampira dito. "Ni hindi ko man lang siya natulungan. Ni hindi ko man lang napasalamatan," malungkot na usal niya nang humarurot palayo ang sasakyan nila hanggang di na niya ito nakita. Puro tubuhan na lang ang dinadaanan nila. Malaking sakripisyo ang ginawa ng kapatid niya para sa kanya. Nakikipaglaban ito sa mga umbrang nakasama na nito buong buhay nito at mga nagsisilbi dito.

"Tatagan mo ang loob mo. Huwag mong sayangin ang sakripisyo niya sa iyo,” sabi nito at matiim ang anyo habang nagmamaneho. “Kapag nagkaroon tayo ng pagkakataon, sasagipin ko siya. Pangako ko iyan sa iyo. Hindi ito ang huling beses na magkikita kayo.”

Isang malungkot na sulyap ang ibinigay niya sa kuta ng mga Umbra kung saan nakikipaglaban pa rin si Fleur. Ngayon lang sila nagkitang magkapatid pagkatapos ay mawawalay ulit sila sa isa’t isa. Puso na lang niya ang hinayaan niyang umiyak dahil hindi ito ang oras para panghinaan siya ng loob. Hangga’t di sila nakakabalik ng Valle ay nanganganib pa rin ang buhay nila ni Kristian.

Nahigit niya ang hininga nang makita sa side mirror na humahabol ang isang lalaking nakaitim na pantalon at long sleeve na polo. Si Homer iyon.

Humawak siya sa braso ni Kristian. “Si Homer!” Mas mabilis pa ito kaysa sa ibang umbra na nakita niya. Bigla itong nawala sa paningin niya. Nagulat na lang siya nang biglang bumagsak si Homer sa harapan ng sasakyan.

Bago pa siya nakakurap ay sumipa ito. “Yuko!” utos ni Kristian at diniinan ang ulo niya.

Nawasak ang salamin at umulan ng bubog ang loob ng sasakyan. Nawalan ng kontrol si Kristian sa manibela at bumangga ang kotse nila.

“Baba!” utos ni Kristian. Binuksan niya ang pinto ng kotse at gumulong palabas. Nakita niyang nagpapambuno ang dalawa. Nadominahan ni Kristian si Homer at sinuntok sa mukha. “Tumakbo ka sa damuhan! Dali!” utos nito at tinamaan naman ito sa panga ni Homer.

Nag-atubili siya kung susundin ito o hindi. Hindi niya ito kayang iwan lalo na’t anumang oras ay pwede itong sugurin ng iba pang mga umbra.

“Alta, ano ba?” asik nito. Nakatayo na ito at si Homer habang sinasalag nito ang mga atake ng huli. “Umalis ka na… para sa anak natin!”

Saka lang siya natauhan at tumakbo papunta sa tubuhan. Wala siyang direksiyon kung saan pupunta. Naririnig niya ang ugong ng sasakyan subalit napakahinay lamang niyon. Hindi pa siya nakakalayo ay narinig na niya ang malakas na sigaw ni Kristian na puno ng sakit. Parang may tumagos na matulis na bagay sa dibdib niya.

Nasapo niya ang dibdib at tumigil sa pagtakbo. “Kristian…”

Hindi niya ito kayang iwan. Kailangan ay magkasama sila sa laban na iyon. Hindi siya papayag na mag-isa itong lumaban. Kung mawawala ito sa buhay niya ay hindi niya kakayaning mabuhay nang mag-isa. They were destiny. Basta’t magkasama sila ay alam niyang makakaligtas silang dalawa. Magkasama silang lalaban.

Sa talas ng paningin niya ay nakita niya ang nangyayari sa tubuhan mula sa siwang ng mga dahon na malayo pa siya. May lima pang ibang umbrang kalaban si Kristian. Isa-isang naging abo ang apat sa mga ito gamit ang kahoy na patalim. May sugat na rin si Kristian mula sa pakikipaglaban. Nanlaki ang mata niya nang biglang maparalisa si Kristian nang sa halip na maging abo ay naglabas ng pulang usok ang katawan ng umbra. Biglang bumagsak si Kristian at hindi makagalaw. Isang patibong ang umbrang iyon na parang may lason sa katawan at mapaparalisa ang sinumang makalanghap ng usok nito.

“Kristian!” tawag niya dito subalit parang di siya nito naririnig.

Lumapit dito si Homer na hawak ang kahoy na patalim. Isang ngisi ang ibinigay nito sa kanya bago sinaksak ang dibdib ni Kristian. Isang malakas na palahaw ang umalingawngaw mula sa kanya. Pakiramdam niya ay isang bahagi niya ang namatay. Huli na para bumalik siya at tulungan si Kristian. Sana ay hindi niya ito iniwan.

Isang malakas na tawa naman ang pinakawalan ni Homer. “Sinabi ko naman sa iyo na sa akin ka pa rin, Alta. Wala ka nang babalikan ngayon. Wala na ang lalaking mahal mo. Ibig sabihin tayo talaga ang nakatadhana sa isa’t isa.”

“Hindi!” sigaw niya. Nagdilim ang paningin niya at palipad na sinipa si Homer. Pasadsad itong lumagapak sa lupa. Tumakbo siya at dinampot ang kahoy na patalim sa kamay ni Kristian. Bago pa makabangon si Homer ay idiniin niya ang palad sa balikat nito at puno ng pagkasuklam itong pinagmasdan. Naglalatang pa rin ang sakit sa puso niya. Dati ay takot na takot siyang lumaban. Ayaw niyang gumamit ng dahas at pisikal na lakas. Ngayon ay ibibigay niya ang lahat ng lakas niya para mabuhay sila ni Kristian.

Itinaas niya ang patalim at isang nakakalokong ngumiti ang ibinigay sa kanya. “Hindi mo kayang pumatay, Alta. Hindi mo ako kayang patayin. Importante ako sa iyo.”

Mariin siyang pumikit at naalala ang mga panahon na itinuring niya itong matalik na kaibigan. May mga panahon na bagsak na bagsak siya at ito lang ang dumadamay sa kanya. Ito ang nagpapatawa sa kanya kapag malungkot siya. Ito ang sumusuporta sa kanya kapag gusto na niyang sumuko sa laban minsan.

Nang dumilat siya ay hindi na ang kaibigan niya ang nakikita niya. Isa itong Umbra na minanipula siya at ginamit ang pakikipagkaibigan niya para gawin siyang isang masamang nilalang. Hindi na ito ang kaibigan niya. Isa na itong kaaway. Walang tunay na kaibigan na magdadala sa kanya sa kapahamakan at mananakit sa mga taong mahal niya.

“I am sorry, Homer. Kaya ko,” mariin niyang wika at ubod ng lakas na itinarak sa puso nito ang patalim.

Nanlaki ang mata nito sa pagkagulat at nawala ang ngiti sa labi nito. “Bakit, Alta?” tanong nito bago tuluyang naging abo. Alam niya kung anong gusto nitong itanong. Bakit hindi niya ito nagawang mahalin? Alam na rin marahil nito ang sagot. She was also sorry because she couldn’t love him the way he wanted her to.

Dali-dali niyang nilapitan si Kristian na bagamat di makagalaw ay hindi naman nagiging abo. Nakatarak pa rin sa dibdib nito ang kahoy na patalim. “Kristian, huwag kang mamamatay,” pakiusap niya. “K-Kailangan mong mabuhay para sa amin ng anak mo.”

Inangat niya ito at umubo ito. May bahid ng dugo ang labi nito. “S-sinabi ko… sa iyo… umalis ka na.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.