“Kung umalis ako, baka patay ka na ngayon. Hindi ko kayang mabuhay nang wala akong nagawa para ipaglaban ka.” Pumatak ang luha sa mata niya. “Huwag mo akong iiwan.” Tinanggal niya ang patalim at umagos ang dugo sa dibdib nito. Dali-dali niyang pinigilan ng kamay niya ang pagbulwak ng dugo. He would live. May isang sekreto ang mga sangguis. Isang parte lang ng puso ng mga ito ang dapat na tarakan para maging abo ang mga ito. Homer missed that spot. Ipinagpapasalamat na lang niya na mali ito ng tinamaan.
“May mga paparating, Alta. Baka hindi na tayo makaligtas ngayon. Marami sila,” sabi ni Kristian. Bagamat hindi ito basta-basta mamamatay at maghihilom ang mga sugat nito kasama na ang tama sa puso nito ay hindi pa rin sapat ang lakas nito para makalayo sila. Nararamdaman niya ang mga papalapit na Umbra sa pinanggalingan nilang direksiyon habang may bago na namang sasakyan na paparating. Wala na silang kawala ni Kristian.
Niyakap niya ito nang mahigpit. Hindi siya susuko nang di lumalaban. Kailangan niyang lumaban para mabuhay. Alam niyang Diyos na lang ang makakapagligtas sa kanila ngayon. At kung mamamatay man sila ni Kristian, mamamatay sila nang magkasama.
“I love you, Kristian,” bulong niya dito. “Huwag ka sanang magalit…”
Ngumiti ito. “I love you, too, Alta. Kung mamatay man ako dito, hindi ako magagalit dahil naramdaman ko ang pagmamahal mo. Kung may pinagsisisihan man ako, nasaktan kita bago ko matanggap sa sarili ko na ikaw ang tadhana ko at mahal kita. Kung magkakasama ulit tayo sa ibang panahon at pagkakataon, hihilingin ko na maiparamdam ko agad na mahal kita.”
Narinig niya ang paghiyaw ng mga Umbra at nakita niya ang karLupita sa mga ito na pasugod sa direksiyon nila. Akmang tatayo siya para harapin ang mga ito nang may narinig siyang sumigaw mula sa kabilang direksiyon. “Alta, dapa!”
Dumapa siya at naramdaman niyang humaging sa ulo niya ang mga silver shuriken. Isa-isang nagtumbahan at naging abo ang mga Umbra na tinamaan nito. Nang lumingon siya ay naroon si Hideo na nakasuot pa ng black ninja attire nito. Kasama nito si Nitro na mas malakas kapag umaga. Matitikman ng mga Umbra ang bangis ng mga ito. Dali-dali silang pinrotektahan ng dalawa at humarang sa sinumang mga Umbra na aatake.
“Kristian, nandito sila Nitro at Hideo,” bulong niya ito. “Makakaligtas na tayo.”
“At nandito rin ako,” sabi ni Rafflesia at umuklo sa tabi niya.
“Present din ako,” nakangiting sabi ni Claude na parang wala sila sa gitna ng isang malaking laban at di nanganganib ang buhay nila sa Umbra.
“Mamaya na ‘yang attendance ninyo. We are dying here!” sigaw ni Nitro saka nagpakawala ng roundhouse kick sa Umbrang sumugod dito.
“Rafflesia, Claude, dalhin ninyo sina Kristian at Alta sa van!” utos ni Hideo at iwinasiwas ang espada nito sa apat na Umbra na nakapaligid dito.
Magkatulong sina Rafflesia at Claude na dalhin si Kristian sa van habang siya ang nagbukas ng pinto. Naroon si Nicodemos na naka-business attire pa. “Bilisan ninyo!”
Ihiniga agad si Kristian sa likuran ng van at magkatulong na pinagtulungang asikasuhin nina Rafflesia at Claude. Malaya pa ring dumadaloy ang dugo sa dibdib nito at halos hindi na ito gumagalaw. Pagkasara ng pinto ng van ay pinaharurot na iyon palayo ni Nicodemos.
“Iiwan natin sila Nitro at Hideo?” tanong niya.
“Hahabol ang mga iyan. Alam nila ang gagawin,” kalmadong sabi ni Nicodemos at patuloy sa mabilis na pagpapatakbo.
Binabagbag pa rin ang puso niya sa mga nangyari lalo na sa araw na iyon. Masyadong maraming dugo ang dumanak. Ngayon lang siya napasuong at nakasaksi ng isang tunay na laban sa pagitan ng mga Umbra at mga rojo. Nawala sa kanya ang kapatid niya. Napatay niya ang isang dating kaibigan. Nanganganib ang buhay ni Kristian. Hindi niya alam kung kakayanin pa niya na mawalan ng dalawang nilalang na malapit sa kanya.
Nang sumilip siya sa likuran ng van ay nakita niya ang mataas na pagtalon nina Hideo at Nitro kasunod ng pagsabog ng pulang usok sa mga Umbra. “Alta, isara mo ang pinto kung ayaw mong pare-pareho tayong maparalisa dito,” utos ni Nicodemos sa kanya.
“Don’t worry. Immune na sila Nitro at Hideo diyan at may protector sila,” paliwanag ni Claude. Maya maya pa ay narinig na nila ang dalawang malaking yabag sa ibabaw ng bubong.
Tumingala si Rafflesia. “Nakahabol na sila sa atin.”
Bago pa makalabas ng SCTEX ay itinigilan na nila ang van nang matiyak na walang mga Umbra na nakasunod sa kanila. Bumaba sa bubong ng van sina Nitro at Hideo saka sumakay na rin sa loob ng van. Pinagpag lang ng dalawa ang balikat subalit parang di man lang nagalaw halos kahit ang buhok ng mga ito. Ni walang kagalos-galos.
“Kumusta na si Kristian?” tanong ni Nitro.
“Unti-unti nang gumagaling ang sugat niya pero mahina pa rin siya dahil maraming dugong nawala sa kanya. At hirap din siyang makagalaw dahil naparalisa ang nervous system niya,” paliwanag ni Claude na maingat na binebendahan ang natutulog na si Kristian.
Nagsalubong ang kilay niya. “May isa siyang napatay na umbra kanina pero sa halip na maging abo ay pulang usok ang lumabas sa kanya. Tapos bigla na lang bumagsak si Kristian. Kaya nga madali para kay Homer na saksakin siya.”
Nagkatinginan sina Claude at Hideo. “Kapareho ng ginamit ninyong gas nerve bomb sa mga Umbra kanina,” sabi ni Nitro at hinaplos ang baba.
“May problema ba?” tanong niya.
“Isa lang ang kilala ni Hideo na gumagawa ng ganoong klaseng weapon,” sabi ni Nicodemos. “That person is dead. Maliban na lang kung may iba pang nakakaalam no’n. O kaya may ibang nakaimbento.”
“Nasaan na nga pala ang dominare mo, Alta?” tanong ni Rafflesia sa kanya. “Sabi mo sinaksak niya si Kristian.”
“Patay na siya,” aniya sa mababang boses. “Pinatay ko siya.”
Niyakap siya ni Rafflesia. “I am sorry. Alam ko mahirap iyon sa iyo.”
Tumango siya. Tanggap na niya ang nangyari subalit nanginginig pa rin ang buong katawan niya tuwing naaalala ang pagkagulat sa mukha ni Homer nang itarak niya ang patalim sa puso nito. Pumikit siya at umusal ng isang panalangin na sana ay matahimik na ito sa kabilang buhay at mapatawad siya nito na di niya ito nagawang mahalin.
“Paano ninyo kami nasundan?” tanong niya kay Rafflesia.
“Umalis si Kristian dahil may aasikasuhin daw importante,” sabi ni Hideo. Naisip kong sundan siya dahil baka basta na lang siyang sumugod sa mga Umbra. “That’s when I called for back up. Isang maliit na team lang para mailigtas kayo.”
Iniikot niya ang paningin sa mga ito. “Maraming salamat sa inyo. Akala ko talaga katapusan na namin ni Kristian. Na hindi na kami magkakasama pa at di na namin makikitang lumaki ang magiging anak namin.”
“Buntis ka?” excited na tanong ni Rafflesia. “Magiging tita na ako.” Nagpakita rin ng excitement ang iba at lahat ay binati sila.
“Parang hindi ka pa rin masaya,” sabi ni Claude. “Ligtas na kayo.”
“Pero naiwan pa rin doon ang kapatid ko,” malungkot niyang usal.
“Sinong kapatid mo?” tanong ni Nitro.
“Si Fleur. Siya ang anak ni Papa sa isang Umbra. Pero mabait siya. Siya ang nagprotekta sa akin habang nakakulong ako. Siya din ang tumulong sa amin ni Kristian na tumakas. Naiwan siya doon para pigilan ang mga Umbra sa paghabol sa amin.” Nangilid ang luha niya at pinagsalikop ang nanlalamig na mga kamay. “Gusto ko siyang balikan. Gusto ko siyang iligtas.”
“Babalikan natin siya kapag sapat na ang mga tauhan natin. Ililigtas natin siya. Kung ituturing siyang traidor ng mga Umbra, tiyak na kamatayan ang kapalit,” wika ni Hideo.
“Pero kung isa siyang sanguinare, hindi siya basta-basta bibitiwan ng mga Umbra,” sabi naman ni Rafflesia. “Ako mismo ang sasama sa pagliligtas sa kanya. Magpahinga ka muna para makabawi kayo ng lakas ng anak mo. Paggising mo okay na rin si Kristian.”
NAKATALI paitaas ang dalawang kamay ni Fleur. Nasa loob ito ng isang madilim na silid at tanging maliit na sinag lang mula sa ayaw ang nakatapat sa ulunan nito. Bawat hagupit ng latigo sa likuran nito ay umaani ng daing at ungol mula dito.
"Isa kang traidor!" anang boses ni Mercado at muling naglatang sa likod ni Fleur ang latigo. "Paano mong nagawa ito sa lahat ng mga kalahi mo?"
"Tama na! Huwag ninyong saktan si Fleur," sigaw niya habang hinahampas ang salamin kung saan siya nakakulong. Nakita na lang niya na duguan ang katawan nito at mistulang walang buhay. "Fleuraaa!"