Hingal na hingal si Alta nang bumalikwas ng bangon. Luminga siya sa paligid. Wala na siya sa madilim na silid kung saan nakikita niyang hinahagupit ng latigo si Fleur. Nakabalik na siya sa dati niyang silid sa main mansion ng Valle. Niyakap niya ang sarili. Ligtas na siya. Wala na siya sa kuta ng mga Umbra. Nailigtas na siya ng mga rojo sa pamumuno ni Hideo.
Bumukas ang pinto ng silid at pumasok sina Olivia at Lupita. "Zia Olivia!"
Niyakap siya nito at humagulgol ng iyak. "Alta, pinag-alala mo kaming lahat. Akala ko hindi ka na makakabalik sa amin."
"Natakot ako para sa inyo ni Kristian," sabi ni Lupita. Mangiyak-ngiyak nitong pinisil ang kamay niya. Matindi ang epekto ng pagkawala nila ni Kristian dito dahil parehong anak ang turing nito sa kanila.
"Kumusta na po si Kristian?" puno ng pag-aalala niyang tanong. Bago siya makatulog sa sasakyan ay kaampat pa lang ng dugo sa sugat nito at wala pa ring malay.
"Hindi na nagdudugo ang sugat niya," sabi ni Lupita. "Ilang oras lang ay tuluyan na iyong maghihilom. Maya maya lang ay magigising na rin siya."
Pumasok ang kawaksing si Estancia dala ang choco blood na paborito niya. Kasunod nito sina Kristoff at Pinunong Kaptan. "Inumin mo muna ito para mas mabilis kang makabawi ng lakas. Ang sabi ng doktor mahina ka pa rin," sabi ni Pinunong Kaptan.
"Salamat po, Tatay.” Na-miss niya ang choco blood. Kung hindi dahil sa dugo ni Kristian ay baka wala na siyang lakas ngayon. “Pasensiya po sa malaking abala ko sa inyong lahat. Pati po si Kristian nadisgrasya pa dahil sa akin."
"Dapat lang na sagipin ka niya. Mas magagalit ako sa kanya kung wala siyang gagawin para sagipin kayo ng magiging anak ninyo," wika ni Pinunong Kaptan. "Natingnan na kayo ng doktor. Malakas ang magiging anak ninyo lalo na't isa siyang sanguinare." Kung ibang sanggol ang magiging anak nila ni Kristian ay baka tuluyan nang nawala sa kanila.
Kinagat niya ang labi. "Hindi ko po alam na buntis ako. Nang nasa amusement park po ako at tawagan ni Homer. Natakot po akong hindi sumunod dahil pinagbabantaan nilang atakihin ang maraming inosente. Ako na lang po ang sumama kaysa mas marami ang mapahamak. Nasa kuta na po ako ng mga Umbra nang malaman ko na buntis ako.”
“Isa pa ‘yang si Kristian. Basta na lang sumugod sa kuta ng mga Umbra nang mag-isa,” may halong iritasyon na wika ni Kristoff.
Yumuko siya. “Ako po ang nakiusap na sagipin niya ako. Tinawagan po siya ni Fleur. Siya po ang tumulong kay Kristian para makapasok sa kuta ng mga Umbra. Inalagaan po niya kami hanggang sa makatakas kami ni Kristian.”
“Si Fleur ang sinasabi mong kapatid mo. Isa rin siyang anak ni Romeo?” tanong ni Kristoff na puno ng interes. “Tinulungan ka niya kahit na isa siyang Umbra?”
“Mabait po siya. Nararamdaman ko rin po na ayaw niyang maging isang Umbra pero wala siyang magawa. Hindi ko po alam kung anong nagtatali sa kanya sa lugar na iyon. Kung hindi po dahil sa proteksiyon at tulong niya, baka na po akong Umbra na hayok sa dugo ng tao. Siya po ang nagbibigay ng pagkain sa akin para hindi ako uminom ng dugo ng tao. Nang patakas na po kami, nagpaiwan po siya para labanan ang ibang mga Umbra. Nawalan ng kwenta ang disguise namin ni Kristian dahil nakita kami ng isa sa mga Umbra na may inner eye. Kailangan po nating hanapin si Fleur. Nanganganib po ang buhay niya.”
Nakakapangilabot ang panaginip niya tungkol kay Fleur. Isinakripisyo nito ang buhay para sa kanila ni Kristian. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi natitiyak na ligtas si Fleur at hindi ito nakukuha sa mga Umbra.
Bumuntong-hininga si Kristoff. “Pinuntahan ng mga tauhan natin ang warehouse na pinagkukutaan ng mga Umbra sa Tarlac. Abandonado na ang lugar. Walang kabakas-bakas. Hindi natin alam kung nasaan na sila ngayon.”
Hinaklit ng kamay niya ang kumot niya. “Paano po si Fleur?”
Hinaplos ni Kristoff ang buhok niya. “Hahanapin natin siya. Hindi magiging madaling bawiin si Fleur, Alta. Siya ang itinuturing na pinakamalakas sa mga Umbra dahil sa pagiging sanguinare niya. Hindi siya basta-basta isusuko ng mga Umbra.” Pinisil nito ang kamay niya. “Sa ngayon kailangan mong magpalakas para pwede mong dalawin si Kristian mamaya.”
“Masaya ako na nakabalik ka na sa amin,” sabi ni Olivia.
Masaya siyang nakabalik sa pamilya niya at muling makasama ang mga rojo. Hindi niya maisip kung ano ang magiging buhay niya kasama ang mga Umbra. Na di na maalala pa ang mga taong nagmamahal sa kanya. Na di makasama si Kristian.
Nang ibalita sa kanya ni Rafflesia na gising na si Kristian ay pumunta siya sa silid nito. Kapapalit lang ng benda sa dibdib nito. Ngumiti ito nang lumingon sa kanya. “How is my slave boy?” pabiro niyang tanong at kinintalan ito ng halik sa labi.
“Slave boy?” tanong ng doktor na si Thor. Namula si Kristian at di makatingin ng diretso kay Thor habang inaayos ang benda nito.
Natawa si Rafflesia. “Hindi mo pa nga pala naikukwento sa akin kung ano ‘yang slave boy na iyan. Rawr!”
Dumilim ang mukha ni Kristian. “Iwan muna ninyo kami ni Alta.”
“Halika, iwan na natin si Slave Boy at ang amo niya,” pabirong wika ni Rafflesia at hinila na si Thor.
“Wait! Hindi ko pa naa-assure si Alta na okay na si Kristian at…”
“Alam na ni Alta na okay ‘yang si Kristian. Masama na ngang tumingin,” sabi ni Rafflesia at kumaway pa sa kanila bago isara ang pinto.
“Ano nang pakiramdam mo?” tanong niya at umupo sa gilid ng kama.
“Hindi ako komportable. Ngayon ko lang naranasang magkaroon ng butas sa puso ko. At least I am alive. Ikaw? Kumusta ka na?”
“The baby and I are fine.” Huminga siya ng malalim. “Kaso nag-aalala pa rin ako kay Fleur dahil hanggang ngayon hindi pa rin siya nakikita.”
“At malungkot ka rin dahil kay Homer.” Ginagap nito ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya. “I am sorry. Alam ko na mahalaga pa rin siya sa iyo. Kaibigan mo siya at nawala siya sa mismong mga kamay mo.”
“Matagal nang nawala ang kaibigan ko, Kristian. Matagal nang wala si Homer. Di ko nga alam kung talagang nag-e-exist siya bilang kaibigan ko. Alam ko na kundi ko siya papatayin, mapapahamak kami ng anak mo. Tuluyan ka rin niyang papatayin.”
“Thank you,” sabi nito at hinila siya palapit. Then he bestowed her a gentle kiss. The kiss was gentle at first. Subalit lumalim din iyon paglaon. Ngayon lang nag-sink in ang realidad sa kanya na muntik nang mawala si Kristian sa kanya. Yumakap siya sa leeg nito sa takot na baka bigla na lang itong maglaho. She didn’t want to let him go. Ang init ng katawan nito ang bumubura sa lahat ng takot na naramdaman niya. Binubura nito ang masasamang alaala.
Napaigik itong bigla at bigla siyang lumayo dito. Saka lang niya naalala ang sugat sa dibdib nito. “S-Sorry. Nasaktan yata kita.”
Pilit itong ngumiti. “No. It’s okay. I want to kiss you, too. Siguro kailangan ko lang magpahinga ng bahagya at hayaang gumaling ang sugat ko. It is just too soon for me.”
“Gusto mo bang umalis ako?” Baka mas makamasa pa ang pananatili niya sa tabi nito. Sa halip na gumaling agad ito ay baka lumala pa ang sugat nito. Bagamat kusang nagre-regenerate ang mga sanguis ay delikado kapag tinamaan ang puso nila. Ilang araw o linggo bago iyon tuluyang maghilom.
Pinigilan nito ang braso niya. “No. Please stay. Kung pwede lang huwag ka nang mawala sa paningin ko mula ngayon.”
Humilig siya sa balikat nito. Ayaw din niyang umalis sa tabi nito. Naalala niya ang mga gabing mag-isa lang siya sa kuwartong pinagkukulungan sa kanya ng mga Umbra. Magigising na lang siya na parang mawawala sa sarili dahil sa paghahanap ng dugo. Kaya lang siya tumagal dahil umaasa siyang sa susunod na pagdilat niya ay si Kristian na ang kasama niya at wala na siya sa kuta ng mga Umbra.