Chapter 33

“WE’RE getting married!”

Nanlaki ang mga mata ni Clara nang marinig iyon kay Anna, ang asawa ng nakababatang kapatid ni Alekos na si Daimon. Dahil wala siyang trabaho ngayong araw, napagdesisyunan niyang bumisita roon kasama si Lexi. Simula kasi nang nakilala ng anak ang mga pinsan nito ay nahiligan na nitong makalaro ang mga iyon. Pagkatapos niyang sunduin sa school si Lexi, dumiretso sila sa bahay nila ni Anna. Habang naglalaro ang sina Lexi at Jaysen at tulog naman ang tatlong buwang gulang na pangalawang anak ni Anna ay niyaya siyang makipagkuwentuhan nito.

“You mean, again?”

Tumango si Anna. “Isang simpleng wedding lang kasi ang kasal namin dati ni Daimon. Ngayon gusto namin na mismong sa simbahan na talaga. Gusto rin namin na magkaroon ng renewal of vows. You know, medyo nagka-issue kasi kami ni Daimon pagdating diyan sa pagsasama namin,” kuwento nito.

Tumango-tango si Clara. Nalaman na niya ang nangyari sa kuwento nila Anna at Daimon. Masaya siya na naayos ng mga ito ang problema ng mga ito at ngayon ay masayang-masaya na sa buhay. Isa na roong patunay ang pagkakaroon ng mga ito ng pangalawang anak na sa pagkakataon na iyon ay isang lalaki.

“Mabuti kung ganoon. Masaya ako para sa inyo,” sincere ang pagkakasabi noon ni Clara pero ramdam niyang sa loob niya ay nakaramdam siya ng kalungkutan. Hindi dahil sa hindi niya gustong maging masaya si Anna pero iyon ay dahil na rin sa kinahaharap niya.

Ngunit ayaw ni Clara na magreklamo. Alam niyang hindi nararapat para sa kanya. Minsan na rin naman siya inalok ni Alekos nang ganoon pero nasayang lamang. Kung hindi man nito seryosohin ang relasyon nila ngayon, siguro nga ay nararapat rin iyon sa kanya. Pagkatapos ng lahat, sobra-sobra pa nga kung tutuusin ang natatanggap niya ngayon.

Tinanggap siya ni Alekos sa buhay nito sa kabila ng lahat. Nagkamali siya. Nagsikreto siya rito pero iyon at tinanggap pa rin siya nito sa buhay nito. Hindi kagaya ng dati ay wala na siyang nakukuhang masama kay Alekos. Pagkatapos ng lahat, hindi rin niya masasabi na masama ang ginagawang pang-aakit nito sa kanya araw-araw dahil bumibigay rin naman siya sa huli. Gusto niya si Alekos at mahirap itanggi iyon.

Isang linggo na rin ang nakalilipas simula nang may mangyari sa kanila ni Alekos. At tila nagbago ang lahat sa pagitan nila simula nang gabing iyon. Kung dati ay nag-iiwasan silang dalawa, ngayon ay madalas na magkalapit silang dalawa ni Alekos. Tuwing gabi, pagkatapos nilang mapatulog ang anak ay doon niya lalong nararamdaman ang pagkakalapit nilang dalawa.

Naulit ang mga kagaya ng nangyari sa kusina. Nagkalapit sila lalo dahil roon. Nagbago ang lahat sa pagitan nila ni Alekos. Kung iyon man ang kapalit na gusto nito dahil sa ginawa niyang kasalanan sa pagtatago niya sa buhay ni Lexi, masasabi ni Clara na iyon na siguro ang pinakamagandang pagbawi. Kahit may mali dahil hindi naman sinisigurado sa kanya ni Alekos kung ano nga ba sila ay pinili na lang ni Clara na makontento roon.

“Ako rin,” ngumiti si Anna. “Kayo ba ni Alekos, kumusta?”

Ngumiti si Clara. “We’re good,”

“I mean, kailan kayo magpapakasal? Dahil sa totoo lang, ngayon ko lang nakita na ganoon si Alekos sa isang babae. Sa tingin ko ay mahal ka niya, Clara....”

Tinitigan lang ni Clara si Anna. Iyon rin ang gusto niyang malaman. Ang sa tingin niya ay nararamdaman niya. Mabait at tinatrato siya ni Alekos nang maayos simula nang araw na nalaman nito ang tungkol sa ginawa sa kanya ng pamilya niya. Hindi siya nito gustong nasasaktan. Ibig sabihin lang noon ay importante siya rito. At gusto siya nito. Tila kapag nakakapag-solo sa gabi ay wala itong kasawaan sa kanya. Palagi nitong sinasabi iyon sa kanya.

May nararamdaman sa kanya si Alekos. Siguro ay mahal na nga siya nito kagaya ng sinasabi ni Anna. Ngunit nararamdaman lamang iyon ni Clara. Hindi niya naririnig sa labi iyon ni Alekos. Kahit ang usapan kung ano nga ba talaga ang relasyon nila ay hindi nito sinasabi.

Wala siyang kasiguraduhan sa kung ano ang mayroon sa kanila ni Alekos. May nararamdaman ito sa kanya, nararamdaman niya. Siya ay ganoon rin. Kaya niyang aminin na mahal na niya si Alekos. Mahirap itanggi iyon. Gusto niya itong kasama. Sa kabila ng lahat ng mga nangyari, gusto niya pa rin ito. Ngunit paano niya aaminin iyon kung alam niyang walang kasiguraduhan ang lahat? Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya maggawang sabihin rin dito ang damdamin niya.

Natatakot si Clara. Masaya man siya pero may kulang. Siguro nga ay nararapat sa kanya ang lahat ng ito. Nararapat para sa kanya na masaktan.

“W-wala pa sa pinag-uusapan namin iyan. Halos isang buwan pa lamang naman ang nakalilipas simula nang magkita muli kami. Hindi ko naman gusto na magmadali,” tanging sagot na lang niya kay Anna kahit alam niya na may halong kasinungalingan ang lahat ng iyon. Ang totoo ay dahil wala naman na sinasabi sa kanya si Alekos. Walang kasiguraduhan ang relasyon nila.

Tumango si Anna. “Sabagay. Baka mamaya ay maggaya kayo sa nangyari kayna Cristiano. And well, best things come to those who wait naman. Ang mahalaga, ramdam natin na nagbabago na si Alekos. Palaging naikukuwento sa akin ni Daimon na palagi na daw iyon na nagmamadaling umuwi kapag uwian na samantalang dati ay palagi iyon naka-OT kagaya ni Cristiano rin noon. Well, ano bang masasabi ko? Pinagbabago talaga ng pamilya ang isang tao,”

Ngumiti si Clara. Iyon nga ang mahalaga. Kahit pakiramdam niya ay nagtatampo siya dahil hindi vocal si Alekos at tila walang plano sa relasyon nila, ang mahalaga naman ay nararamdaman niya na nagbabago ito.

Sinundo sila ni Alekos sa bahay nina Anna pagkagaling nito ng trabaho. Agad na tumakbo pa si Lexi papunta sa ama nito nang madatnan. Sa loob ng isang buwan ay naging malapit na talaga ang mag-ama sa isa’t isa. Kung pipiliin nga siguro ni Alekos na itaboy siya sa buhay nito ngayon ay hindi na mahihirapan pa si Lexi sa buhay nito kagaya na lamang ng inisip ni Alekos kung bakit hindi siya nito maggawang ialis sa buhay ng anak nila. Masyado ng kilala ni Lexi ang ama. Sa katunayan nga, kapag nasa paligid si Alekos ay palaging gusto nitong kasama ang ama. Hindi ito umaalis roon. Kaya madalas na napapag-isa lamang silang dalawa ni Alekos kapag tulog na si Lexi.

Alam ni Clara na kailangan niyang ikatakot iyon. Magiging madali lamang para kay Alekos na kuhanin sa kanya si Clara ngayon. Pero ayaw niyang isipin na ganoon. Hindi kagaya dati, malaki na ang tiwala niya kay Alekos ngayon. Alam niyang hindi nito gagawin iyon sa kanya. Nararamdaman niya. Hindi man siguro ang lahat sa kanila at masakit para iyon sa kanya, hindi niya naiisip na sasaktan siya ni Alekos. Pagkatapos ng lahat, nakita niya kung gaano ito nag-react nang malaman nito ang nangyari sa nakaraan nila.

Hindi siya sasaktan ni Alekos sa kabila ng sitwasyon nila ngayon.

“Daddy, I’m going to be a flower girl po pala,” balita ni Lexi kay Alekos habang nakasakay na sila sa kotse nito pauwi sa bahay nila.

“Really? Kanino?”

“For Tita Anna and Tito Daimon’s wedding. Kami po ni Jaysen pati na rin po ni Ariana. Ganoon rin po si Santo, pero little man po ang tawag sa kanya dahil boy siya. Si Adam naman po, `di pa po siya nakakalakad kaya hindi po siya kasali,”

“Oh, yes.” Tumango-tango si Alekos. “Naikuwento nga pala sa akin ni Daimon kanina. I’m so happy for you baby girl. For sure you’ll be the prettiest flower girl in the event,” hinalikan ni Alekos si Lexi.

Ngumiti si Lexi saka niyakap ang ama. “I’m excited po, Daddy. Hindi pa po ako nakakapunta sa wedding. First time ko rin po ito na aabay,”

“Bata ka pa. You’ll have more time with that,”

“Yes. Magkakaroon pa po for sure ng second time. Perhaps, kapag ikinasal po kayo ni Mommy?”

Tumingin si Lexi kay Clara at napatingin rin sa kanya si Alekos nang dahil roon. Masaya at tila puno rin ng pag-asa ang tingin na ibigay sa kanya ni Lexi. Ngunit kaiba iyon sa ibinigay na tingin sa kanya ni Alekos. Napansin niya na parang namutla pa ito sa sinabi ng anak. Hindi rin nito sinagot ang anak. Hinalikan lang nito sa ulo ang anak bilang pagtugon at niyakap.

Nakaramdam ng sakit si Clara sa reaksyon ni Alekos. Parang sinagot lang ng reaksyon ni Alekos ang mga pag-aalinlangan niya, ang mga tanong na gumugulo sa isip niya. Ngunit hindi niya masisisi si Alekos kung may problema rito ang usapin na iyon. Pagkatapos ng lahat, hindi sanay si Alekos na matali sa isang babae. May anak man sila at nagsasama sila na parang mag-asawa ngayon pero iba pa rin ang usapin na kasal. Isa na iyong pang-habang buhay na pangako, habang buhay na pagtatali.

At siya...nararapat ba talaga siya kay Alekos pagkatapos ng lahat ng ginawa niya rito sa mga nakalipas na taon?

Hinayaan na lang ni Clara ang mga nararamdaman. Pagkatapos ng lahat, maaaring isisi ang lahat ng iyon sa kanya sa una pa lamang. Kung sinabi niya agad sana kay Alekos ang totoo tungkol sa kanya noon, maaaring maiwasan ang mga nangyari sa kanya. Ngunit hindi niya ginawa. Humanap pa siya ng tiyempo at wala rin naman iyon na magandang naggawa sa kanya. Mas pinangunahan pa siya ng mga takot niya na siyang nagdala lang lalo sa kanya sa gulo. Pati ang hinayaan niyang pagkawala ng tiwala niya kay Alekos dahilan upang mawalan pa siya ng pagpupursige na sabihin rito ang tungkol kay Lexi noong una pa lamang.

Ang lahat ng mga sakit na nararamdaman niya ngayong maaaring hindi naman seryoso sa kanya si Alekos ay nararapat sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.