Tahimik lang ako hanggang sa makauwi na kami, tahimik lang din sina Vaughn at Vander. Hindi ako kinibo ng anak ko at agad ng nagtungo sa kwarto niya.
Mukhang gumaan na talaga ang loob niya sa Papa niya, at mukhang nagtatampo siya sa 'kin dahil umalis kami sa poder ni Arken.
“Did he force you and Vander to come with him? Did he do something to harm you?” tila nag-aalalang tanong ni Vaughn saka hinaplos ang pisngi ko.
Tipid na ngumiti na lang ako sa kanya at hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa pisngi ko. Umiling na lang ako at tumingin nang diretso sa mga mata niya.
“Hindi, Vaughn. Kusa kaming sumama sa kanya,” sabi ko na lang.
Napabuntong hininga siya at idinikit ang noo niya sa noo ko, napapikit na lang ako sa ginawa niya. Hindi ko alam kung bakit wala na akong masyadong maramdaman ngayon. Hindi na nagwawala ang sistema ko sa simpleng paghawak niya sa akin.
“Palalagpasin ko muna 'to ngayon, alam kong nasaktan ka sa nagawa ko sa 'yo nung nakaraan. But please, don't make me worry like that again. Lalo akong hindi mapakali dahil nasa poder ka ng Zaviere na 'yon.”
Bahagya niyang inilayo ang mukha sa 'kin saka tinitigan ang mga mata ko. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko, bakit ba masyadong masama ang tingin niya kay Arken?
“Walang ginawang masama si Arken, kahit papa'no naman ay nakasama ko siya noon, nagkaanak pa nga kami diba? Hindi naman siya gano'ng kasamang tao gaya ng iniisip mo,” pagtatanggol ko kay Arken.
Natahimik si Vaughn saka matiim na tumitig sa mga mata ko. Napalunok na lang ako at napaiwas ng tingin do'n. Pakiramdam ko nagtayuan ang mga balahibo ko sa paraan ng pagtitig niya sa 'kin.
“Are you falling in love with him again?”
Pakiramdam ko literal na tumigil ang mundo ko dahil sa tanong niya. Hindi naman ako dapat kabahan dahil alam ko sa sarili ko na hindi totoo 'yon, pero hindi ko alam kung bakit tila nanikip ang dibdib ko.
“Saan mo naman nakuha ang ideyang 'yan, Vaughn? Sumama lang ako sa kanya dahil masyadong preoccupied ang utak ko no'n, saka alam mo namang ikaw ang mahal ko diba? Hindi mababago ni Arken ang nararamdaman ko nang gano'n gano'n na lang,” sabi ko na lang saka ngumiti sa kanya.
Tama, si Vaughn ang mahal ko...ilang araw lang kaming nagkasama ni Arken, kinailangan ko lang siya dahil nasaktan ako, alam kong alam rin 'yon ni Arken.
Napangiti na lang si Vaughn at tila nakahinga ito nang maluwag dahil sa sinabi ko. Marahang hinaplos niya ang pisngi ko habang nakatitig sa 'kin.
“You know I can't live without you and Vander. So please don't fall in love with him again, stay with me forever. I can't bare to lose you,” seryosong sabi niya habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko.
Hinawakan ko na lang muli ang kamay niyang nakahawak sa pisngi ko at marahang hinaplos 'yon.
“Hindi mangyayari 'yon, hindi ko na hahayaan na magkita kami ulit, saka nangako naman siya na hindi na niya kami guguluhin pa ulit ni Vander, diba kasama sa kondisyon niya ang hayaang makapagbonding sina Vander at ang anak niya? Isipin mo na lang na tapos na, wala na ulit kaming ugnayan.”
“What if he'll try to take you away from me again?” nag-aalalang tanong niya. Umiling na lang ako.
“Hindi 'yon mangyayari.”
Siguro naman ay tutupad si Arken sa usapan namin noon na hindi na niya kami guguluhin pa ni Vander. Ayos na ako rito kay Vaughn, dito ako sa kanya nararapat.
* * *
“Saan ka ba nanggaling at bigla kang nawala? Akala namin mawawala ka na sa trabaho, buti hindi ka sinesante, nakakapagtaka,” sabi ni Ember habang nakaupo sa table ko at nakikipagchismisan na naman sa 'kin.
“Wag mo akong tanungin dahil hindi ko rin alam, akala ko talaga wala na akong babalikang trabaho,” sabi ko na lang habang hinahaplos ang aspin na si Mimi, iniwan lang siya saglit ng amo niya rito habang chine-check up ko.
Siguro si Vaughn ang nakiusap para hindi ako maalis sa trabaho.
“Nung nawala ka nga, hindi rin nangangampanya si Mayor Arken no'n. Saktong sakto nga e, ngayon din bumalik si Mayor Arken sa pangangampanya,” sabi naman ni Jian.
Tipid na ngumiti na lang ako sa sinabi niya. Kahit pa na may naramdaman akong kung ano sa kalamnan ko dahil sa sinabi niya, hindi ko na lang ipinahalata na apektado ako.
“Saan ka ba kasi nanggaling, Doc?” tanong naman ni Elein saka kinuha mula sa 'kin si Mimi.
“Nagbakasyon lang ako saglit, kinailangan kong mag-isip,” pagdadahilan ko na lang.
“Doc.”
Laking pasasalamat ko nang may pumasok sa opisina ko nang akmang magtatanong na naman sina Ember. Pumasok naman ang vet nurse sa loob.
“May magpapacheck up po ng pusa nila.”
“Sige, papasukin mo. Kayong tatlo, lumayas-layas muna kayo rito at may pasyente ako,” pabirong pagtataboy ko na lang sa kanila. Nakasimangot na lumabas sila ng opisina ko habang bitbit ang asong si Mimi.
Inayos ko ang table ko na medyo makalat pati na rin ang sarili ko. Siyempre dapat maayos din ang hitsura ko kahit pa mga hayop ang ginagamot ko.
Natigilan ako nang mapatingin sa pinto. Pakiramdam ko nabuhusan ako ng malamig na tubig habang nakatingin sa kanila, gano'n din naman ang gulat nila nang makita ako.
Ang lakas ng kabog ng puso ko at tila nanlambot ang mga tuhod ko. Naramdaman ko rin ang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko, nagbabadya na ang mga luha na kumawala mula sa mga mata ko.
“Aljen, sa iba na lang natin ipa-check up si Mingming,” malamig na sabi ni Wrena.
Agad akong tumayo at lumapit sa kanya. Sinubukan kong hawakan ang braso niya ngunit agad niya iyong iniwas sa 'kin. Mas lalo akong nanghina dahil sa ginawa niya.
“W-Wrena, hayaan mo akong magpaliwanag,” nauutal na sambit ko.
“Sinabihan na kita! K-kapag hindi mo sinagot ang tawag kong 'yon magagalit na ako sa 'yo for real. G-gaano ba kahirap sagutin ang tawag ko o reply-an ang messages ko kahit isang beses lang? Halos mamatay ako sa pag-aalala sa 'yo! B-bigla ka na lang nawala na parang walang nag-aalala sa 'yo!”
Tuluyan ng kumawala ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan nang makita kong lumuluha na rin si Wrena. Agad naman siyang dinaluhan ni Aljen at marahang hinaplos ang likod niya.
“S-sana sinabi mo man lang na ‘okay ako, Wrena, veterinarian na ako at 'wag ka ng mag-alala.’ Iyon lang naman ang gusto kong malaman e, p-pati iyon pinagdamot mo sa 'min na kaibigan mo!”
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap siya saka napahagulgol ng iyak. Alam kong nakatingin na sa'min ang mga tao sa clinic ngunit tila wala kaming pakialam ni Wrena habang magkayakap at nag-iiyakan. Si Aljen naman ay walang kibo na pinagmamasdan kami.
“N-napakasama mong bitch ka, punyeta ka talaga, Ayen,” patuloy na lumuluhang sabi ni Wrena habang hinahampas ang braso ko. Nanatili naman akong nakayakap sa kanya at tinatanggap ang bawat hampas niya.
Ngayong nakita ko na sila ulit, pakiramdam ko natanggal ang malaking tinik sa dibdib ko. Alam kong ako ang umiwas sa kanila, alam kong nasaktan ko sila sa hindi ko pagpaparamdam maiwasan lang si Arken noon.
NAPAGDESISYUNAN naming lumabas muna ng clinic at makapag-usap ng seryoso.
“Bibigyan lang kita ng chance magpaliwanag, pero hindi ibig sabihin no'n na papatawarin na kita kaagad,” malamig na sabi ni Wrena habang hinahaplos ang balahibo ng pusa niya.
Si Aljen naman ay nakasandal lang sa kotse niya habang nakatingin sa 'min, tila ba hinahayaan niya kaming makapag-usap nang masinsinan ni Wrena.
Napabuntong hininga ako at napatungo habang pilit na hinahanap ang mga salitang dapat kong sabihin. Hindi ko inaasahan na makita si Wrena kaya hindi ako handa. Marami akong gustong sabihin sa kanya ngunit pakiramdam ko naubos ang lahat ng 'yon.
“S-sorry, Wrena, hindi ko naman ginustong iwanan kayo ng basta basta. Ayaw ko lang talaga kayong idamay sa problema ko,” sabi ko na lang habang nakatungo.
“Si Mayor Arken ba ang dahilan? Ano ba'ng ginawa niya sa 'yo? Kumusta ang anak niyo ng lalaking 'yon? Saka ano'ng--”
Agad na pinutol ni Aljen ang sasabihin ni Wrena.
“Saglit. Tangina, may anak kayo ni Mayor Arken, Ayen?!” tila hindi makapaniwalang tanong ni Aljen. Alanganing ngumiti na lang ako at sinenyasan siya na hinaan ang boses niya.
Mahirap na at baka may makarinig pa sa kanya, marami pa naman ang nakakakilala rito kay Mayor Arken.
“May anak kayo ng mayor na 'yon?” bulong naman ni Aljen, halatang gulat na gulat talaga siya.
“Oo,” sagot ko na lang at alanganing ngumiti sa kanya.
Hinampas naman ni Aljen ang braso ni Wrena. Napasinghap na lang si Wrena at gumanti ng hampas sa asawa.
“Tangina ka, bakit ka nanghahampas?!” naiinis na tanong ni Wrena.
“Malamang, ilang taon tayong naging magjowa at mag-asawa, tapos hindi mo man lang sinabi sa 'kin na may anak si Ayen, bruha ka pala e,” naiinis na segunda naman ni Aljen.
“H'wag kang magalit sa 'kin, naii-stress ang baby natin!” sabi na lang ni Wrena saka humawak sa tiyan niya. Napangiti na lang ako nang maalalang buntis nga pala siya ngayon.
“Kapag hindi ka na buntis babatukan kita nang babatukan,” bulong naman ni Aljen.
“H'wag ka ngang magulo! Si Ayen ang kinakausap ko eh. Ikaw Ayen, hindi pa kita pinapatawad baka akala mo, hindi mo pinaliwanag sa akin nang buo kung bakit ka umalis. Ano'ng ginawa sa 'yo ni mayor ha? O baka naman pinilit ka niyang lumayo dahil nagkaanak kayo? Sabihin mo sa 'kin ang totoo para mapatawad na kita,” nakataas-kilay na sabi niya.
Napabuntong hininga na lang ako at tipid na ngumiti sa kanya.
“H-hindi sa gano'n, hindi ko masabi sa 'yo sa ngayon. Sana maintindihan mo, Wrena.”
Natahimik na lang siya na tila inaanalisa kung ano ba ang dapat na sabihin.
Ayokong maglihim sa kanya, pero kapag sinabi ko ang totoo kung bakit ako umalis, baka sugurin niya lang si Arken at lalong lumaki ang inis niya rito.
“Basta, punyeta siya. Iisipin ko na lang na iyon ang dahilan. Sige, sa ngayon patatawarin kita, pero kalahati pa lang. Mapapatawad na kita ng buo kapag sinabi mo na sa 'kin ang totoong dahilan,” tila nagsusungit pa rin na sabi niya.
Napangiti na lang ako dahil sa sinabi niya. Pakiramdam ko naalis na ang mabigat na nakadagan sa dibdib ko. Hindi talaga ako matiis ni Wrena, napakaswerte ko at meron akong mabuting kaibigan na tulad niya kahit pa marami akong naging pagkukulang sa kanya bilang kaibigan niya.
“Teka, ako rin, Ayen. Apologize to me, my forgiveness matters too, you know,” pagsingit naman ni Aljen. Sinipa naman ni Wrena ang binti niya.
“Manahimik kang gago ka, wala kang masyadong dulot sa buhay ni Ayen,” masungit na sabi naman ni Wrena. Natawa na lang ako sa kanila, hanggang ngayon pala ay nagbabangayan pa rin sila.
“H'wag kang mura nang mura, maririnig ni baby na palamura ang nanay niya,” sabi naman ni Aljen saka ini-nguso ang tiyan ni Wrena.
Hindi na lang pinansin ni Wrena ang pinagsasabi ni Aljen at muling ibinaling ang tingin sa 'kin.
“Diba natakbong mayor dito ang Arken Zaviere na 'yon, nagkita na ba kayo?” tanong pa niya. Nahihiyang ngumiti na lang ako sa kanya saka napakamot sa batok ko.
Hindi lang kami basta nagkita, may nangyari pa sa 'min.
“Oo, sinubukan niyang kuhanin ang anak ko pero napakiusapan ko naman siya. Ikaw, bakit kayo napunta rito sa Sorsogon?” tanong ko na lang.
“Nalimutan mo na ba? Taga-rito ang ibang kamag-anak namin, tapos itong pusa ko ilang araw ng walang gana kumain kaya dinaan namin sa vet clinic niyo,” sabi naman niya.
Oo nga pala, nakalimutan ko na ang tungkol sa pusa niya.
“Mama.”
Halos mapatalon ako sa gulat nang may kumalabit sa braso ko. Gulat na napatingin ako kay Vander na bigla na lang sumulpot sa tabi ko.
“Mama, hindi pa ba tayo uuwi?” tanong ni Vander.
Napatingin ako kina Wrena. Nakatitig naman sila kay Vander at halos hindi na maalis ang tingin nila sa anak ko.
“Wrena, Aljen, siya ang anak ko, si Vander. Anak, sila ang mga kaibigan ko,” pagpapakilala ko na lang sa kanila sa isa't isa.
“Hello po,” magalang na bati ni Vander, pero wala pa rin siyang reaksyon.
“H-hello Vander, ako ang ninang mo dapat kung hindi lang biglang lumayas ang magaling mong nanay. Payakap nga.”
Kahit halatang naguluhan si Vander sa pinagsasabi ni Wrena, lumapit pa rin siya rito upang magpayakap kay Wrena. Napangiti na lang ako nang tila may humaplos sa puso ko habang pinagmamasdan sila.
“Grabe, Ayen, kamukhang kamukha ni Mayor Arken ang anak mo. Nung unang tingin ko akala ko anak lang siya ni Arken,” mahinang sambit ni Aljen. Muling sinipa ni Wrena ang binti niya.
“Aray naman, Wrenashi! Ang sakit mo magmahal ha,” nakangiwing sabi ni Aljen at napahawak sa binti niya.
“Vander, ang gwapong bata mo naman. Sana kapag babae ang anak ko, ikaw ang makatuluyan niya,” sabi ni Wrena at napahagikhik pa saka kinurot ang pisngi ni Vander.
Natatawang napailing na lang ako. Puro kalokohan pa rin talaga itong si Wrena.
HALOS AYAW ng pakawalan ni Wrena si Vander buong maghapon, gigil na gigil siya sa anak ko. Nagpaalam lang sila ng tuluyan dahil kailangan na nilang umuwi at dumidilim na rin. Hiningi naman ni Wrena ang bagong number ko para raw wala akong kawala. Hindi ko na rin naman balak na umiwas sa kanila e.
“How's Vander?” tanong ni Vaughn saka uminom ng wine.
Hindi ko alam kung bakit biglang nagyaya si Vaugh kumain sa private restaurant, pumayag na lang ako dahil hindi naman ako gaanong napagod ngayong araw.
“Hindi na siya nagtatampo sa 'kin, saka nakita ko kanina ang grades niya. Matataas naman, medyo mababa lang talaga siya sa Math, pero pasado naman,” natatawang sabi ko na lang.
Siguro sa akin namana ni Vander 'yon, hindi ko rin talaga hilig ang Math, pero kaya naman kahit papa'no, hindi nga lang ako magaling sa subject na 'yon.
“That's good to hear,” sabi na lang niya saka ngumiti sa 'kin.
“Okay lang ba 'to, Vaughn? Hindi ba delikado kapag may nakakita sa atin?” nag-aalalang tanong ko. Napangiti na lang siya saka umiling.
“It's fine. This is a private restaurant that my aunt owns, hanggang dalawang customer lang ang pwede rito kapag nandito ako. And besides, I have my bodyguards all over the place. Saka ano naman kung may makakita sa atin na magkasama?” tila natatawang tanong niya.
Tipid na ngumiti na lang ako at akmang tutuloy na ako sa pagkain ng steak nang may mapansin ako sa bandang likuran ni Vander. Agad akong natigilan nang makita si Arken na nasa kabilang table lang.
Mas lalong nanghina ang mga tuhod ko nang magtagpo ang mga mata naming dalawa. Matiim siyang nakatitig sa 'kin na para bang ako lang ang nakikita niya. Wala siyang kasama sa table.
Bakit siya nandito?
Hindi ako makapagfocus sa pagkain dahil ramdam na ramdam ko ang pagtitig sa 'kin ni Arken. Nagwawala ang mga paru-paro sa tiyan ko sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, bakit nagkakaganito ako sa kanya? Bakit ko 'to nararamdaman sa kanya?
“Ayen, are you alright? You look tensed,” sabi ni Vaughn at hinawakan ang kamay ko na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Ngumiti na lang ako sa kanya at tumango.
“Ayos lang ako, Vaughn. Marami lang akong iniisip,” pagdadahilan ko na lang.
Napangiti na lang si Vaughn at marahang pinahid ang gilid ng labi ko. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba dahil sa ginawa niya.
Muli akong napatingin kay Arken. Namuo ang pawis sa noo ko kahit na malamig naman sa restaurant na 'to nang muling magtagpo ang mga mata naming dalawa.
Hindi nakawala sa paningin ko ang pag-igting ng panga niya habang nakatitig sa 'min ni Vaughn na para bang hindi niya nagustuhan ang nakita niya.
Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan sa titig niyang 'yon na para bang nahuli ako ng asawa ko na may ka-date na iba.
Napailing na lang ako sa naiisip ko. Ano naman ngayon kung nakatingin siya? Bakit naman dapat akong kabahan sa presensya niya? Dapat ay ituring ko na lamang siya na hangin na para bang hindi ko siya nakikita.
“Ayen.”
Tila natauhan ako nang tawagin ako ni Vaughn. Hinawakan niya ang kamay ko at kinuha 'yon saka dinampian ng halik ang likod ng palad ko.
“V-Vaughn...”
“Pinagsisihan kong tinanggihan ko ang nararamdaman mo noong nakaraan. Will you please give me a chance? I just realized that my feelings for you aren't just simple concern anymore. I love you too, Ayen.”
Natigilan ako sa sinabi niya. Tila hindi makapaniwalang napatingin ako sa kanya. Nanatili naman siyang nakatitig sa 'kin na tila hinihintay ang isasagot ko.
Hindi ko alam kung bakit wala akong maramdaman, dapat ay nagtatatalon ako sa tuwa ngayon dahil mahal niya rin ako. Pinilit kong kapain ang damdamin ko ngunit wala talaga akong maramdaman. Hindi ko maintindihan kung bakit, imposibleng hindi ko na siya agad mahal nang gano'ng kabilis.
“Ayen, your parents told me that we should get married. I think they're right.”
Mas lalong bumigat ang paghinga ko nang kinuha ni Vaughn ang maliit na box mula sa bulsa ng coat niya.
Muli akong naptingin kay Arken. Mas lalong lumalima ang pagtitig niya sa 'kin na para bang hinihintay niya ang isasagot ko.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at muling tumingin kay Vaughn na nakatitig pa rin sa 'kin habang hawak ang kamay ko.
Siguro nga ay mahal ko si Vaughn, pero sa tingin ko ay hindi pa ako handang magpakasal sa kanya nang gano'n gano'n na lang.
Hindi ko nakikita ang hinaharap ko na kasama siya bilang asawa niya. Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero hindi pa ako handa na ikasal sa kanya kahit pa may nararamdaman ako para sa kanya.
“Vaughn. S-sa tingin ko, hindi pa dapat--”
Natigilan ako nang makita ang pamilyar na babae na naglalakad papalapit sa table ni Arken. Pakiramdam ko bawat tunog ng paglapat ng takong ng babae sa sahig ay lumilikha ng kakaibang ingay na masakit sa pandinig.
Si Vierra pala. Akala ko ay mag-isa lang si Arken dito, kikitain niya pala si Vierra.
Mas lalong bumigat ang nararamdaman ko nang dinampian ng halik ni Vierra ang pisngi ni Arken na matiim pa ring nakatitig sa 'kin.
“Ayen?”
Muli akong natigilan at napatingin kay Vaughn, tila natauhan ako nang mapatingin ako sa mga mata niya.
Napalunok ako at tipid na ngumiti sa kanya saka tumango.
“S-sige, magpapakasal ako sa 'yo.”
Napangiti nang malaki si Vaughn sa sinabi ko. Agad siyang tumayo at lumapit sa 'kin, tumayo na lang din ako at hinarap siya, agad niya akong sinugod ng yakap. Mapait na napangiti na lang ako at gumanti ng yakap sa kanya.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at muling napatingin kay Arken. Nakakunot ang noo niya at mukhang anumang oras ay mananakit na siya, ngunit nanatili siyang nakaupo. Kitang kita ko ang pagtaas-baba ng dibdib niya na tila pinakakalma ang sarili.
“I love you so much, Ayen,” sabi ni Vaughn habang nakayakap pa rin sa 'kin.
“I love you,” mahinang sambit ko na lang habang hindi maalis ang tingin ko kay Arken na halos papatay na sa paraan ng pagtingin nito sa amin.