Chapter Thirty-Six

“Buti naman at napagdesisyunan mo ng magpakasal kay Vaughn, tama ang desisyon mong 'yan.”

Napabuntong hininga na lang ako sa sinabi ni Nanay saka napatango kahit hindi niya naman ako nakikita.

“Hindi pa naman po siguradong ikakasal kami.”

Napahiga na lang ako sa kama at ipinikit ang mga mata ko habang nagpapaliwanag kay Nanay. Gustong gusto niya talaga na mapangasawa ko si Vaughn.

Grabe ang pagod ko ngayong gabi kahit wala naman akong masyadong ginawa. Hindi ko alam kung bakit, pakiramdam ko noong oras na pumayag akong magpakasal kay Vaughn, naubos ang lahat ng lakas ko.

“Bakit ganiyan ang sinasabi mo? H'wag kang mag-isip ng ganyan! Ipapaalam ko na ito sa tatay mo ha. Sige, mag-ingat kayo riyan ni Vander. Alagaan mong maigi ang apo ko.”

Napapikit na lang ako nang ibaba na ni Nanay ang tawag.

Naiinis na kinuha ko ang unan at niyakap 'yon. Gusto ko munang lumayo sa lahat at mag-isip isip. Pakiramdam ko naninikip ang dibdib ko sa mga nangyari.

Ngayon ko lang napagtanto na masyado akong nagpadalos-dalos. Bakit ako pumayag na magpakasal kay Vaughn? Ni hindi na nga ako sigurado kung may nararamdaman pa ako sa kanya e.

Kung pwede lang na basta ko na lang bawiin ang pag-oo ko sa proposal niya kanina.

Kasalanan ni Arken 'to e, bakit naman kasi nandoon pa siya at kasama niya ang Vierra na 'yon? Kung hindi ko sana sila nakita edi sana hindi ako basta pumayag sa alok na kasal ni Vaughn.

“Mama.”

Napabangon ako dahil sa gulat nang bigla na lang may magsalita sa gilid ko. Gulat na napatingin ako kay Vander na nakatayo sa gilid habang nakatingin sa 'kin.

“Anak, bakit? May kailangan ka ba kay Mama?”

Hinawakan ko ang kamay ni Vander at hinila siya papalapit sa 'kin. Nanatili naman siyang walang reaksyon, pero halata sa mga mata niya na may gusto siyang itanong.

“Magpapakasal na po kayo ni Vaughn?” tanong niya.

Mukhang narinig niya ang pag-uusap namin ni Nanay.

Napabuntong hininga ako saka tipid na ngumiti sa kanya. Ang gwapo talaga ng anak ko, kamukhang kamukha niya si Arken.

“Oo, ayaw mo ba? Diba sabi mo sa 'kin noon basta kung saan ako masaya, papayag ka,” sabi ko na lang saka hinaplos ang malambot niyang pisngi.

“But you don't look happy, you look happier when you're with my father. You're not happy with Vaughn.”

Natahimik ako sa sinabi niya, ayaw ko mang aminin pero natamaan ako sa sinabi niya. Ayaw ko mang aminin, pero totoo ang sinabi niya.

Bakit hindi ako masaya? Bakit hindi ko maramdaman ngayon ang pakiramdam noong kasama ko si Arken? Bakit parang walang buhay ang puso ko? Hindi ko na talaga naiintindihan ang sarili ko.

“Masaya ako, anak. H'wag mo ng isipin si Mama. Magpahinga ka na at matulog, gaya ng itinuro sa 'yo ng Ate Arkia mo, magdasal ka muna ha,” nakangiting sabi ko saka dinampian ng halik ang noo niya.

Napatango na lang siya at humalik sa pisngi ko bago lumabas ng kwarto ko. Muli akong napabuntong hininga at humiga sa kama.

Paano ko ba mapapasaya ang sarili ko ngayon? Paano ko ba maaalis sa isip ko si Arken kahit saglit lang?

“Ayen.”

Napatingin ako sa may pinto. Agad akong bumangon nang lumapit si Vaugh sa 'kin saka umupo sa tabi ko.

“Bakit, Vaughn? May sasabihin ka ba?” tanong ko na lang saka ngumiti sa kanya.

Hindi naman siya nagsalita at inipit na lang ang ilang hibla ng buhok ko sa ilalim ng tainga ko.

“Is there something bothering you?” tanong niya habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko.

Tipid na ngumiti na lang ako at umiling. Mukhang pati si Vaughn ay napansin ang pagbabago ng mood ko.

“I saw Arken Zaviere at the restaurant with another woman, is he the reason why you're like this?” seryosong tanong niya.

“Hindi, Vaughn. Napagod lang ako sa trabaho, h'wag mo na akong isipin. Itutulog ko lang 'to at ayos na ako kinabukasan,” pagpapalusot ko na lang.

Tipid na ngumiti si Vaughn saka tumango. Mukha namang kumbinsido siya sa dahilan ko na ipinagpapasalamat ko.

“Kailan mo gustong maikasal tayo? Saan mo gusto at ano'ng theme? Ikaw ang masusunod sa lahat,” malumanay na sambit niya saka hinawakan ang kamay ko.

“Salamat, pero magpapahinga muna ako sa ngayon. Bukas na lang natin pag-usapan.”

Tumango na lang siya at dinampian ng halik ang likod ng palad ko bago tumayo.

“Okay, take a rest. Good night, Ayen.”

Hinabol ko na lang siya ng tingin hanggang sa makalabas siya ng silid ko.

Sa tingin ko dapat na sumabay na lang ako sa agos at magpakasal sa kanya. Tama naman si Nanay e, mas maayos ang buhay ko kung si Vaughn ang magiging asawa ko, walang komplikasyon. Hindi ako mahihirapan o masasaktan.

* * *

“Magpapakasal ka kay Vaughn?!”

Agad kong tiningnan nang masama Wrena nang mapasigaw siya. Hanggang ngayon pala ay hindi niya pa rin nakokontrol ang bunganga niyang 'yan.

Napabuntong hininga na lang siya at napailing habang hinahaplos ang tiyan niya. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napatungo.

Nagyaya akong makipagkita kay Wrena rito sa restaurant na malapit sa vet clinic upang sabihin sa kanya ang tungkol sa pagpapakasal ko kay Vaughn. Ayoko na kasi na magtampo pa ulit siya sa 'kin dahil sa paglilihim ko.

Buti na lang at hindi naman siya busy, gusto niya rin daw ang maglakad-lakad dahil nakabubuti raw 'yon sa mga buntis. Si Aljen naman ay bigla niyang inutusan na bumili ng mansanas at hanggang ngayon ay hindi pa nabalik.

“Bakit naman bigla kang magpapakasal kay Vaughn?” tanong ni Wrena saka napataas pa ang kilay.

“S-Siyempre, mahal ko siya,” sabi ko na lang saka napatungo.

Bakit pakiramdam ko hindi ako sigurado sa mga nalabas sa bibig ko?

“Mahal mo siya... Teka, sino ba si Vaughn?” nakakunot-noong tanong niya.

Natigilan na lang ako at tila hindi makapaniwalang napatingin sa kanya. Ngumiti na lang siya sa 'kin saka napakamot sa batok niya.

Kanina pa ako kwento ako nang kwento rito ng tungkol kay Vaugh, hindi naman pala niya kilala. Loka-loka talaga ang babaeng 'to kahit kailan.

“Si Vaughn Regnier, mayor siya rito pero natakbo ngayong gobernador, magkalaban sila ni Arken,” mahinang sambit ko. Mahirap na at baka may makarinig pa sa paligid.

Napasinghap si Wrena sa sinabi ko, umawang ang bibig niya na kulang na lang ay pasukan ng langaw. Napailing na lang ako, sabi na nga ba at ganito ang magiging reaksyon niya.

“Ano'ng hitsura niya? Gwapo ba?” tanong niya nang matauhan na siya.

Ini-nguso ko ang hawak niyang pamaypay na gawa sa matigas na papel, may mukha ni Vaughn do'n. Saan niya naman kaya nakuha 'yan?

Nanlaki ang mga mata niya at napatingin sa pamaypay na hawak niya.

“Wow, ang gwapo. Maputi, parang vampire look. Ano'ng sikreto mo, Jonalyn Macarios? Bakit habulin ka ng mga gwapong mayor? Hindi kita ma-reach,” napapailing na sabi niya habang nakatitig pa rin sa pamaypay.

“Sakit sa ulo ang mga mayor,” sabi ko na lang saka napaismid.

Bakit nga ba puro mayor ang mga lalaking dumadaan sa buhay ko?

“Ayen, sigurado ka na bang magpapakasal ka sa kanya? Naiinis ako kay Mayor Arken pero siya pa rin ang bet ko.”

Natigilan ako nang muli ko na namang maalala si Arken. Kumusta na kaya sila ni Vierra ngayon? Ano ang pinag-usapan nila sa restaurant kagabi? Bakit sila magkasama?

Nagkabalikan na ba sila?

Napailing na lang ako sa mga naiisip ko. Bakit ko ba iniisip ang lalaking 'yon kahit na naman dapat? May mga sarili na kaming buhay na dapat pagtuunan ng pansin.

“Matagal ng wala ang sa amin ni Arken, Wrena.”

May naramdaman ako na kung anong mapait sa lalamunan ko. Mukhang dapat ay iwasan ko muna ang pag-iisip kay Arken.

“Sa akin ayos lang naman, basta ba mahal mo talaga siya at masaya ka sa desisyon mo, walang kaso sa 'kin,” sabi niya habang seryosong nakatingin sa 'kin. Tipid na ngumiti na lang ako at tumango.

“Hello, mahal ko.”

Napatingin kaming pareho ni Wrena kay Aljen na kararating lang at may dalang isang plastic ng apple. Agad siyang tumabi kay Wrena at inilapag sa mesa ang plastic ng mansanas.

“Bakit ngayon ka lang dumating? Nambabae ka ba?” nakakunot-noong pang-aakusa ni Wrena sa asawa.

“Grabe ka naman, misis. Nagpakahirap akong bilhin 'yang green apples na gusto mo tapos pagbibintangan mo akong nambababae. Nakakainis ha, kapag ako talaga nainis.”

Agad na napataas ang kilay ni Wrena at tila nanghahamong tumingin kay Aljen.

“Ano? Ano'ng gagawin mo?”

Ngumiti na lang si Aljen saka dinampian ng halik ang sentido ni Wrena.

“Iki-kiss kita... Ito naman, masyadong high blood. Ano nga palang pinag-uusapan niyo?” tanong na lang ni Aljen.

“Si Ayen, magpapakasal na kay Mayor Vaughn,” sabi ni Wrena saka ipinakita ang pamaypay niya kay Aljen. Nanlaki ang mga mata niya saka napatingin sa 'kin.

“Wow, congrats, Ayen. Habulin ka ng mga gwapong mayor,” natatawang sabi na lang nito.

Natawa rin si Wrena at napahampas sa braso ng asawa. Parehas pa talaga sila ng sinabing dalawa.

“Hay, ewan ko sa inyo. Sige, babalik na ako sa clinic. Balitaan niyo na lang ako ng mga ganap sa buhay niyo ha. Ikaw, Wrena, ingatan mo ang sarili mo. Mahirap magbuntis,” sabi ko na lang saka pinaningkitan siya ng mga mata.

“Yes, Doc Ayen,” sarkastikong sabi na lang niya.

Lumabas na ako ng restaurant upang iwan silang mag-asawa matapos kong magpaalam.

Masaya ako na nakikitang masaya na si Aljen at Wrena sa isa't isa, mukhang hanggang ngayon ay nagkakabangayan pa rin sila pero mas pinapatatag lang no'n ang relasyon nila. Nakikita ko rin naman sa mga mata nila ang pagmamahal sa isa't isa.

Napasinghap ako nang bigla na lang may humila sa braso ko. Akmang sisigaw na ako nang agad na may tumakip ng bibig ko.

Hinila ako nito sa may kasikipang eskinita saka isinandal sa pader. Pinilit kong tanggalin ang kamay niyang nakatakip sa bibig ko ngunit natigilan ako nang mapatingin ako sa mukha niya.

“Don't shout, it's just me.”

Pakiramdam ko natulos ako sa kinatatayuan ko nang makita si Arken na titig na titig sa mga mata ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko nang maramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko kasabay ng pamilyar na pagwawala ng mga paru-paro sa tiyan ko.

Napatingin ako sa hitsura niya. Nakasuot siya ng simpleng puting campaign t-shirt na may nakasulat na pangalan niya at pants. Medyo pawisan siya at halatang kakagaling lang sa pangangampanya. Pero kahit gano'n, hindi nabawasan ang kagwapuhan niya sa paningin ko.

“B-bakit mo 'ko hinila rito?” nauutal na tanong ko.

Hindi ko maintindihan pero tila may kung anong pagkukulang sa puso ko ang napunan nang makita siya ngayon.

“Come with me and leave him, Jonalyn. Live with me, together with Vander... Marry me.”

Tila sasabog na ang puso ko sa bilis ng tibok no'n kasabay ng mabigat na paghinga ko habang nakikipaglaban ng titig sa magandang pares ng mga mata niya.

“N-Nababaliw ka na ba? Bakit ko gagawin 'yon?”

Napabuntong hininga siya at hinawakan ang kamay ko. Sinubukan kong bawiin 'yon mula sa kanya ngunit nagmatigas siya.

“Come with me while I'm still asking nicely. Don't make me force you... You won't like it.”

Napakagat ako sa ibabang labi ko at buong lakas siyang itinulak. Hindi ko alam ngunit nakita ko sa mga mata niya ang kakaibang emosyon nang gawin ko 'yon... Tila ba nasasaktan siya.

“Hindi lahat madadaan mo sa ganyan. Sasama ako sa 'yo kung mahal kita. Sa yate pa lang, sasama na ako sa 'yo kung mahal kita. H'wag mong asahan na sasama ako sa 'yo dahil hindi kita mahal,” mariing sambit ko.

Tama, hindi ko siya mahal. Bakit ko mamahaling muli ang katulad niya? Guguluhin niya lang ulit ang buhay ko, sisirain niya lang ulit ang buhay ko.

“Jonalyn...”

Akmang lalapit ulit siya sa 'kin ngunit agad akong umatras.

“Pinagbigyan lang kita ng ilang araw, Arken, dahil nangako ka sa 'kin na hahayaan mo na kami ng anak ko pagkatapos no'n. Pwede bang tumupad ka sa usapan at lubayan mo na kami?”

Agad ko siyang tinalikuran at akmang aalis na sa eskinitang 'to nang hawakan niya ang palapulsuhan ko. Napapikit na lang ako nang mariin at minabuting h'wag siyang lingunin.

Kapag nilingon ko siya at nakita ko na naman ang mukha niya, baka magbago pa ang isip ko, baka gustuhin ko pang sumama sa kanya... Baka bumigay na naman ako.

“Do you really love him?”

Napakagat ako sa ibabang labi ko bago sinagot ang tanong niya.

“Mahal na mahal ko si Vaughn, Arken. H-hindi ko kayang mabuhay ng wala siya.”

Agad kong inalis ang pagkakahawak niya sa 'kin at dali daling tumakbo paalis sa lugar na 'yon nang hindi siya nililingon.

Pakiusap, Arken. H'wag mo na akong lituhin, h'wag mo na akong paasahin.

* * *

“Mama, that was really a bad dream.”

Napatingin ako kay Vander. Napangiti na lang ako at hinaplos ang buhok niya saka kinumutan siya. Ngayon ko lang yata nakitang natakot si Vander nang dahil sa panaginip.

“Panaginip lang 'yon, hindi 'yon magkakatotoo. Saka diba sabi ni Ate Arkia mo, magdadasal ka palagi bago ka matulog para hindi ka nilalapitan ng bad spirits.”

Napatango na lang siya at umupo saka nagsimulang magdasal. Napangiti na lang ako habang pinagmamasdan siya.

Hinintay ko munang makatulog ulit si Vander bago ako lumabas ng silid niya. Natakot talaga siya sa panaginip niya, noong tinanong ko naman kung ano iyon, hindi niya sinabi dahil baka magkatotoo raw... Mukhang nakakatakot talaga ang napaginipan niya.

Napatingin ako sa wall clock. 10 pm na pero hindi pa nauwi si Vaughn. Siguro ay talagang abala siya sa pangangampanya dahil matindi ang labanan nila ni Arken.

Napabuntong hininga na lang ako at humiga sa kama ko. Muli na namang pumasok sa isip ko ang mga napag-usapan namin ni Arken kanina.

Bakit niya nasabi ang mga 'yon? Bakit niya ako niyayang magpakasal kahit may Vierra na sa buhay niya?

Hindi agad ako makatulog kakaisip kay Arken. Kailan kaya ako makakatulog nang payapa nang hindi siya iniisip?

Natigilan ako nang tumunog ang cellphone ko na nasa bedside table. Napakunot ang noo ko at agad na napabangon upang tingnan kung sino ang tumatawag ng ganitong oras.

Unregistered number.

Nagda-dalawang isip man, sinagot ko na rin ang tawag.

“Hello?”

“Ayen, this is Adham.”

Napaupo ako nang tuwid. Si Adham?

“Bakit ka napatawag, Adham?”

“I hope I'm not disturbing you. Can you go to the address that I will send to you? I feel there's something strange with Mayor. Nag-text siya sa 'kin na ako na raw ang bahala kay Arkia. Yung mga kasama niya mangampanya ay hinahanap din siya dahil bigla siyang nawala. Na-track ko ang location niya. Nagtawag na rin ako ng mga tauhan para puntahan siya ngayon. I think there's something off, para siyang nagpapaalam. Pwede mo ba siyang puntahan? Wala ako sa Pilipinas ngayon. Hindi maganda ang kutob ko sa binabalak niya, ikaw lang ang kilala ko na nakakapagpabago ng isip niya. Hindi ko alam, pero kakaiba ang kutob ko, Ayen. Alam kong mapanganib ang hinihiling ko sa 'yo, y-you don't have to go if you don't want to but--”

“S-Sabihin mo kung saan ang address. Pupunta ako, ngayon din.”

Agad kong ibinaba ang tawag nang sabihin na niya ang address. Nagmamadaling sinuot ko ang tsinelas ko at basta at kinuha ang wallet mula sa bag ko.

Hindi ko maintindihan ang mga sinabi ni Adham, sa totoo lang ay nalilito ako sa gusto niyang iparating. Pero alam kong kilalang kilala niya si Arken, alam niya agad kapag may kakaiba sa kinikilos nito.

Nanginginig ang mga kamay ko habang nasa taxi. Hindi ko rin alam kung bakit kinakabahan ako kagaya ni Adham. May kinalaman ba 'to sa pagiging balisa ko buong araw at ang masamang panaginip ni Vander?

Agad akong bumaba ng taxi matapos kong magbayad. Inilibot ko ang tingin sa paligid. Bukirin ang lugar na ito at talagang madilim, ngunit maliwanag naman ang buwan at may nag-iisang poste ng ilaw na nagsisilbi ring liwanag.

Agad akong tumakbo habang nililibot ng tingin ang paligid. Wala akong ibang nakikita bukod sa berdeng mga damo.

Nasaan si Arken?

Kusang napatigil ang mga paa ko nang makarating ako sa isa pang poste ng ilaw. Gano'n na lang ang gulat ko nang makakita ng mahigit sampung lalaki na nakapalibot kay Vaughn na nakaupo sa sahig at nakatali. Kaunti lang ang layo ko sa kanila kaya kitang kita ko sila.

Ano ang ginagawa ni Vaughn dito?

Natigilan ako nang mapatingin sa lalaking nakahiga sa sahig, pamilyar ang suot nitong damit sa akin. Kulay puting campaign t-shirt na suot ni Arken... May bahid ng dugo ang damit nito.

Napatakip ako sa bibig ko nang mapagtantong si Arken ang duguan na nakahiga sa sahig.

Pakiramdam ko ay kusang kumilos ang mga paa ko at tumakbo papalapit sa kanya. Hindi ko na pinansin pa ang mga lalaki na nakapalibot sa kanila...na kay Arken lang ang buong atensyon ko.

“Arken! A-Arken!”

Agad na nag-init ang sulok ng mga mata ko at agad na lumuhod at sinubukang i-angat ang katawan niya ngunit hindi ko kaya. Naluluhang ipinatong ko na lang ang ulo niya sa mga hita ko.

Nanghihinang idinilat niya ang mga mata saka napatingin sa 'kin. Tuluyan ng umalpas ang mga luha sa mga mata ko nang makitang napaubo siya ng dugo.

“W-what are you doing here? L-leave, it's dangerous here,” tila nahihirapang sambit niya saka hinawakan nang mahigpit ang kamay ko. Pati ang kamay niya ay duguan din.

“Nandito na ang mga tauhan niya!” narinig kong sigaw ng isang lalaki.

Naramdaman ko na may mga yabag na nanggagaling sa likuran ko, marahil dumating na ang mga tauhan ni Arken, pero hindi ko na pinagtuunan pa ng pansin 'yon.

Nanginginig ang mga kamay na hinubad ko ang jacket ko at agad iyong itinakip sa dugo na tumatagas mula sa tagiliran niya.

“S-sabi mo ilang beses ka ng nabaril, h-hindi ka mamamatay rito diba? H-hindi ka pwedeng mamatay, Arken! H-hindi pwede!”

Napapailing ako habang patuloy ang pagtulo ng mga luha mula sa mga mata ko. Ang bigat bigat ng pakiramdam ko habang pilit na tinatakpan ang dugo sa tagiliran niya.

Ang gulo ng paligid, may mga nagbabarilan at nagsusuntukan ngunit pakiramdam ko hindi ko na nakikita ang mga 'yon.

Napalunok na lang si Arken saka napakagat sa ibabang labi niya. Halatang pilit niyang nilalabanan na ipikit ang mga mata niya.

“S-sabi mo kanina sumama ako sa 'yo. S-sasama na ako sa 'yo, Arken. Pakiusap, h'wag kang pipikit, h'wag mo 'kong iwan. D-dadalhin ka namin sa ospital,” lumuluhang sambit ko habang nailing.

Natigilan ako nang i-angat niya ang kamay niya saka marahang hinaplos ang pisngi ko. Nanghihinang napangiti siya habang nakatitig sa mukha ko.

“I-I know, I didn't tell you this and I know you won't believe me, b-but you're really my type.”

Natigilan ako sa sinabi niya. Nanatili naman siyang nakatitig sa 'kin nang matiim habang nanghihinang nakangiti.

Muli siyang napaubo ng dugo. Muli akong napahagulgol ng iyak habang nanginginig ang mga kamay na nakahawak sa braso niya.

“H'wag ka ng m-magsalita, please. Ipunin mo ang lakas mo, d-dadalhin ka pa namin sa ospital,” naluluhang sabi ko saka napatingin sa mga tauhan niya na abala sa pakikipaglaban sa mga lalaki.

“Sir Arken, dadalhin ka na namin sa ospital,” sabi ng isa sa tauhan niya.

“L-leave us alone, I-I still have something to tell her,” sabi na lang ni Arken habang nasa akin pa rin nakatingin.

“A-Arken naman, mamamatay ka sa ginagawa mo!”

Muli siyang napangiti saka hinawakan ang kamay ko.

“I-I don't mind going straight to hell after this and suffer there forever. All the moment I spent with you feels heavenly. Y-you're my angel.”

Napapikit ako nang mariin sa sinabi niya kasabay ng muling pag-alpas ng masasaganang luha mula sa mga mata ko. Muli akong napahagulgol ng iyak habang pilit na tinatakip ang jacket ko sa tagiliran niya.

“A-Arken, h'wag mo ng ubusin ang lakas mo rito. P-please, h'wag kang magsalita ng ganyan.”

Hindi ko na maalala kung kailan ang huling beses na umiyak ako nang ganito. Sobrang naninikip ang dibdib ko, pakiramdam ko ay nauubusan din ako ng dugo.

“J-Jonalyn... You made me feel all the feelings I never thought I would. I-I know God won't forgive me for all the sins I've done in my life. But I still want to thank Him because I met you, I-I met a beautiful angel...with a beautiful heart.”

“A-Arken, p-please.”

“I-I love you, Jonalyn... I love you so much, m-my angel.”

Muli siyang napangiti bago tuluyang pumikit ang mga mata niya.

Pakiramdam ko tumigil sa pag-ikot ang mundo nang tuluyan na niyang bitiwan ang kamay ko. Hindi ko naririnig ang nangyayari sa paligid, si Arken lang ang nakikita ko... Si Arken na nakapikit... At tila walang buhay.

“A-Arken! Arken! G-gumising ka... Aaaah! Gumising ka, A-Arken, utang na loob!”

Muli akong napahagulgol ng iyak nang hindi siya gumising. Nanatili siyang nakapikit at walang buhay habang nasa mga bisig ko.

“A-Arken, mahal din kita! M-mahal na mahal kita! G-gumising ka!”

Naramdaman ko na lang na may humawak sa braso ko at humila sa akin palayo kay Arken. Lumapit naman ang dalawang tauhan ni Arken sa kanya at isinandal ang magkabilang braso nito sa batok nila.

Pilit akong kumakawala sa nakahawak sa 'kin habang paulit-ulit na isinisigaw ang pangalan ni Arken.

Kung panaginip lang 'to, gusto ko ng magising. Gusto ko ng magising upang agad siyang puntahan at sabihin na mahal ko siya... Na handa akong sumama sa kanya at magpakasal.

“A-Arken! Arken! B-bitiwan mo 'ko! Si Arken!” Pilit akong nagpupumiglas ngunit agad na akong nahila ni Vaughn palayo.

Patuloy ako sa pagluha habang hindi maalis ang tingin ko kay Arken na bitbit nila. Naramdaman ko na lang na kusang bumigay ang mga tuhod ko kasabay ng pandidilim ng paningin ko.

Hindi siya pwedeng mamatay. Kailangan niya pang malaman na mahal ko rin siya... na mahal na mahal ko rin siya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.