Chapter 36

“JUST so you know, Jazz. Hindi ako sumama rito sa’yo para pumayag na sa gusto mong mangyari.” sabi ni Heart kay Jazz. Nasa Starbucks sila ngayon dahil niyaya siya nitong magkape. Sumama siya dahil wala pa naman siyang gagawin sa kanilang opisina at para makaiwas na rin sa mga lalaking nangungulit sa kanya roon.

“Will you listen to my proposal first?”

“Nah-uh.” umiiling na sabi niya.

“Okay. Give me five minutes.” desperadong sabi nito.

Kunot-noong tiningnan niya ito. “Bakit ba gustong-gusto mong gawin ‘to?”

“Will you listen to my proposal, then?”

“Fine. Two minutes.” aniya.

“We would pretend as lovers to shoo away people we don’t want to be with.” wala pang sampung segundong sabi nito.

Napatigil siya sa pag-inom ng kape at napatingin dito. “Alam mo, ikaw lang ang makikinabang d’yan sa gusto mong mangyari dahil ikaw lang ang may problema sa mga babaeng naghahabol sa’yo. Kaya kong i-handle ang problema ko sa mga nangungulit sa’kin kaya hindi ko kailangan ng tulong mo.” aniya rito.

“I just saved your butt two times in there, Heart. Kung hindi pa ako dumating at nagpakilalang boyfriend mo, hindi ka tatantanan ng mga lalaking ‘yon. Don’t you think that I deserve a ‘thank you’?”

“Well, thank you. Pero, mind you, hindi ko sinabing gawin mo ‘yon.”

“I just did. Hindi na natin ‘yon pwede pang bawiin. If we would, sigurado akong pagbubuyungan ka na naman nila. Gusto mo bang kulitin ka ng mga lalaking ‘yon araw-araw?”

May punto naman siya. Pero ayaw ko ng magsinungaling pa. “I can handle them, Jazz.” aniya.

“Sa nakita ko kanina, I don’t think you could. You need my help, Heart. Actually, I already helped you. So, I guess this is the right time for you to return the help, hmm?”

Peste! Kinonsensiya pa ako ng lokong ‘to. Nagpapasalamat naman siya sa ginawa nitong pagtaboy sa mga lalaking iyon pero hindi naman niya sinabing magpakilala itong boyfriend niya.

“Okay. So, anong gusto mong gawin ko?”

“Will you listen to my deal first?”

“What deal?”

“’Yong ipo-propose ko nga sa’yo.”

“Dalian mo kasi kailangan ko pang bumalik sa P&P.” aniya rito.

“We would pretend as lovers sa mga taong nangungulit pareho sa’tin. Like for example, sa mga lalaking nangungulit sa’yo at sa mga babaeng naghahabol sa’kin. The catch? Other than mawawalan tayo ng sakit sa ulo at pareho tayong magbe-benefit sa deal na ‘to, I would help you establish your own shop.”

Nagpanting ang magkabilang tainga niya sa sinabi nito. Oh-my-god! How did he know about that?

“Nag-research na ako tungkol sa’yo kaya alam ko. ‘Wag ka ng magtaka. So, payag ka na?”

“That’s rude, Jazz. Pwede mo naman akong tanungin.” nakasimangot na sabi niya rito.

“I want to talk to you prepared para wala ka ng angal. So, payag ka na ba?”

His offer was very tempting. Matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sarili niyang shop na nagbebenta ng nutritional food pero kulang ang ipon niyang pera para doon at wala pa siyang makuhang sososyo sa kanya. Ang pagkakaroon kasi ng sarili niyang negosyo ang palagay niya’y makakapagbigay kahulugan sa salitang ‘success’.

Hindi naman siya masasaktan at wala namang mawawala sa kanya kung papayag siya sa deal ni Jazz na iyon, hindi ba? Isa pa’y malaki ang makukuha niya mula roon.

“Okay. But I have some rules.” aniya.

“Okay, I’ve been expecting that. Ano ang mga rules mo?”

“Rule number one: kung kakayanin mong magpanggap mag-isa, gawin mo. Minsan kasi, baka busy ako at hindi kita matulungan. Okay?” aniya.

“Pero kapag kailangang-kailangan kita, kailangan mong pumunta, okay?”

“Okay. Rule number two: other than our pretensions, wala tayong pakialamanan, ha?”

“Got it.”

“Rule number three: no kissing. Holding hands at hanggang akbay lang ang kaya kong i-provide na sweetness sa’yo in case na kailangan nating gawin ‘yon para maging mas convincing tayo, okay?”

“Eh, pa’no kung humingi sila ng proof sa pamamagitan ng isang kiss?” nakangising tanong nito.

“Bakit naman nila hihingin ‘yon kung sa dating pa lang natin ay convincing na tayo, ‘di ba?”

“Okay. May ibang rules pa ba?”

“Yeah. The fourth and final rule: no falling in love. I mean, no emotional attachments or commitments with each other, okay?” aniya.

“Lagyan mo na ng force field ang puso mo o kaya’y ikandado mo na ‘yan dahil baka bukas-bukas, ma-in love ka na lang sa’kin.” biro ni Jazz.

“Ha! Hinding-hindi ako mai-in love sa’yo ‘no. Ikaw ang maglagay ng bakod sa puso mo dahil baka ikaw ang ma-in love sa’kin.” ganti niya rito.

“Okay. Magkakasundo tayo d’yan.” nasisiyahang sabi ni Jazz.

“Wala ka bang ibang rule na gustong idagdag?”

“Hmm. Mayro’n. Kapag may lumabag sa rules na ibinigay mo, that means, forfeiture of the deal from his or her side. For example, na-in love ka sa’kin, hindi ko ibibigay sa’yo ang gusto mong shop. At kung sakaling mahahalikan naman kita, hindi ka na magpapanggap para sa’kin. Okay ba ‘yon?” paliwanag nito.

Hinding-hindi ako mai-in love sa’yo pero baka ikaw ang ma-tempt na halikan ako. pilyang sabi ng isang bahagi ng kanyang isipan.

“Okay, then the deal’s closed.” nakangiting sabi niya rito. Nagkamay silang dalawa bilang selyo ng kanilang usapan.

Mabuti na lang at kasundo niya si Jazz. Wala siyang magiging problema rito dahil pareho nilang ayaw sa commitment at wala silang balak na magkaroon ng relasyon.

“MAMAYA n’yan bigla kayong ma-in love sa isa’t isa.” komento kay Heart ng itinuturing niyang best friend na si Allen pagkatapos niyang maikwento rito ang dahilan kung bakit kailangan niyang lumabas ngayong gabi.

Wala sana siyang balak sabihin dito ang tungkol sa kasunduan nila ni Jazz pero kasama niya ito sa bahay at alam nitong hindi siya gumigimik sa gabi dahil mas gusto niyang manatili sa kanilang bahay mag-isa kaysa lumabas at gumala. Ito ang pala-gimmick sa kanilang dalawa.

“Allen, hindi ‘yon mangyayari dahil pareho kaming walang balak na makipag-relasyon o makipag-commit, okay?” aniya habang nagpapahid ng make-up sa kanyang pisngi.

Tinawagan siya kanina ni Jazz at sinabi nitong pupunta daw sila sa isang bar. Naroon daw ang mga kaibigan nito at sigurado itong naroon din ang ilan sa mga ex nito kaya kailangan siya nito doon. Susunduin siya ni Jazz sa kanilang bahay anumang oras ngayon kaya kailangan na niyang matapos mag-ayos.

“’Wag kang magsalita ng tapos. Isa pa, mapipigilan mo ba ang pag-ibig oras na nand’yan na. Naku, ‘te! Bubulaga na lang sa’yo ‘yon at sasabihin sa’yong, ‘hello, Heart, in love ka na kay Jazztine James Villaraza.’ May magagawa ka pa ba?”

“Allen, ‘wag kang magsalita ng ganyan dahil kilala ko ang sarili ko. Hindi ako mai-in love kay Jazz.” may kasiguraduhan sa tinig na sabi niya.

“Heart, Jazz is one of the guy’s who are irresistibly handsome. Wala ka ng magagawa kapag naengkanto ka nila gamit ang kanilang charm.” paalala nito sa kanya.

“Allen, I’m doing this because of my dream, okay? Gusto kong magkaroon ng sarili kong shop at maibibigay ‘yon sa’kin ni Jazz dahil mayaman siya. Isa pa, maitataboy ko ang mga lalaking nangungulit sa’kin at, ‘wag kang mag-alala. Hinding-hindi ako mai-in love kay Jazz dahil hindi ko siya type. Ni hindi nga ako naguwa-gwapuhan sa kanya eh.”

Ows? Weh? ‘Di nga?

“Ows? Weh? ‘Di nga?” ganunding tanong ni Allen sa kanya.

“Oo. I don’t find him attractive, okay?” paniniguro niya rito. Tumayo siya at inayos ang damit na suot. Suot niya ang isang navy blue dress with multi-colored polka dots. Naglakad-lakad siya para maging komportable sa suot niyang pumps at saka hinarap ang nakakunot-noong si Allen. “What?”

“Hindi ka attracted kay Jazz?” muling tanong nito.

“Hindi nga eh. Ilang beses ko bang dapat ulit-ulitin ‘yon?”

“Eh, bakit kung makapag-ayos ka’y daig mo pa ako kung makipag-date?”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Allen! My goodness, nagta-trabaho ako sa isang modeling agency. Natural lang na marunong akong pumili ng magandang susuotin. I might not be a model but I sure know how to dress myself properly. At alam mo ‘yan.”

“Okay, okay. I got your point. Hindi lang siguro ako sanay. Well, the only galas you’re going into are the ones related to your work.”

“Eh, ‘di isipin mong nagta-trabaho rin ako kay Jazz.”

Napangisi lang ito sa kanya. Noon naman tumunog ang kanilang doorbell at siya na mismo ang nagbukas niyon. Pagkabukas niya’y tumambad sa kanya ang maaliwalas at gwapong mukha ni Jazz na tila natulala nang makita siya.

Hindi pala nagwa-gwapuhan, huh?

Okay, okay. Gwapo naman talaga siya eh.

“Hi!” bati nito sa kanya nang pagkuwa’y makabawi sa pagkamangha. Ganda ko, ‘te!

“Hello. Pasok ka muna.” anyaya niya rito. Sinenyasan niya si Allen na tumahimik tungkol sa nalaman nito. “Jazz, this is my friend, Allen. Allen, this is Jazz.” pakilala niya sa dalawa. Sa halip na magkamay ang mga ito’y nagbeso ang dalawa na ikinataas ng isang kilay niya.

“You have a lovely friend here, Heart.” ani Jazz.

“Yes, and she already has a boyfriend.” agad na sabi niya. Pinanlakihan siya ng mata ni Allen at ginantihan naman niya ito.

“Oh, too bad for me.” sabi ni Jazz. Nakaramdam siya ng inis dito na hindi niya mawari kung bakit.

“Tara na.” yaya niya rito. Kinuha niya ang woven clutch niya at nauna na siyang lumabas ng kanilang bahay. Nakasunod na naman sa kanya si Jazz. “Gano’n ka ba palagi tuwing nakakakita ka ng magandang babae?”

“Ano’ng gano’n?”

“You know, you always flirt with them.” aniya.

Tumawa ito. “Baby, if I flirted with your friend, baka hiniwalayan na niya ang boyfriend niya kanina. I don’t flirt like that.” mayabang na saad nito.

“Ha! Ang yabang mo rin, ‘no?”

“What? Magtatanong-tanong ka ‘tapos hindi ka maniniwala.” iiling-iling na saad nito.

“Alam mo, Jazz, hindi naman masama kung magla-lie-low ka minsan sa kayabangan at pagiging flirt mo eh.” aniya.

“I’m not a big flirt. Hindi rin ako mayabang. I’m just stating a fact. And remember rule number two? Walang pakialamanan.”

“Tara na nga.” nakasimangot na yaya niya rito.

May rules nga pala silang ganoon kaya hindi na siya makikialam sa ugali nito sa susunod.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.