Chapter 26

ABALA si Tracy sa pakikinig sa usapan nina Kathreen Sebastian na may-ari ng TresKas at nang kaibigan niyang si Drea na kadarating lang galing Singapore nang may isang pamilyar siyang tinig na narinig mula sa kanyang tabi. Napakunot-noo siya ng makita niya si Zac na palabas ng coffee shop sa TresKas na pag-aari pa rin ng magkakapatid na Sebastian. Nagpunta sila ni Drea sa TresKas grocery store para bumili ng ice cream.

“Ugh! Ano’ng ginagawa dito ng ugok na iyan?” bulalas niya.

“Sino?” nagtatakang tanong ni Drea sa kanya.

“Sino pa? Eh ‘di ‘yang buwisit na si Zac Castillo!” inis na sabi niya kay Drea sabay turo sa gawi ni Zac. Kasunod nito sina Zephyr, Prime, Jethro at Jon Drix na pawang teammates nito sa varsity team nila

“Balik po kayo!” nakangiting sabi rito ng isang café crew.

“Ang gwapo n’yo talaga, Sir,” hindi napigilang sabi ng isa pang crew kay Zephyr.

“Siya lang ba ang gwapo?” tila nagrereklamong sabi ni Zac dito. Napataas ang isang kilay niya rito at nakaisip siya ng paraan para makaganti rito sa ginawa nito sa kanya. Hindi pa talaga sapat sa kanya ang magulpi ito noon sa Sports and Wellness Shop dahil inawat agad siya ng pinsan niyang gulpihin pa ito.

“Namamalimos ka na pala ng papuri ngayon, Zaccario,” sigaw niya rito. Nakuha naman agad niya ang atensyon nito.

“Hey, Trace! Nice to see you here,” bati sa kanya ni Jethro. Tinanguan naman niya ito. Nakausap niya ito noon sa Crescent Corporation anniversary party ng wala siyang taong makausap. Iniwan kasi siya noon ni Zac at hindi naman niya nakita si Chuck. Mabuti na lang at nilapitan siya ng mga Princes noon kundi ay mabuburo siya sa party.

“Damn! Ilayo n’yo ‘ko sa babaeng ‘yan. She’s wicked!” tila takot na takot na sabi ni Zac patungkol sa kanya.

“Magkakilala pala kayo?” tanong ni Drea sa kanya habang nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Zac.

“Of course. Oh. I’m sorry, Drea. Hindi ko pa nasasabi sa’yo na may bago na akong boyfriend,” walang kaemo-emosyong sabi niya sa kaibigan.

“What? Why? How?” naguguluhang tanong nito sa kanya. Nginitian niya ito saka siya lumapit sa grupo nina Zac. Inakbayan pa niya si Zac pero ang totoo’y gusto na niya itong sakalin.

Zac’s a playboy. And a playboy would always want to be available to girls. Puputulin niya ang kasiyahan nito ngayon sa pagmamarka dito.

“Meet Zaccario Agustin Castillo, my fiancé,” she said in an irritated tone. Napailing lang si Drea samantalang napangisi lang ang mga lalaking katabi niya. Nang tingnan niya si Zac ay hindi niya mawari kung ano ang tumatakbo sa isipan nito dahil nakatanga lang ito sa kanya. Tinaasan naman niya ito ng kilay.

“Ikakasal ka na pala, Zac?” tanong ng mga babaeng galing sa loob ng café. Pinigilan niya ang mapatawa sa naging reaksyon ni Zac.

“No! Don’t listen to her. She’s lying,” tanggi ni Zac nang tila makabawi na ito.

“Come on, babe,” aniya ritong diniinan talaga ang salitang ‘babe’ na madalas nitong gamitin sa kanya. “Mabuti na lang at hindi ako mababaw at selosa kaya naiintindihan kita. Pero since ayaw mong ikaw ang magsabi na ikakasal na tayo, ako na lang ang gagawa.”

Tumayo siya sa isang stool na upuan na ginagamit ng crew para maglagay ng goods sa shelf sa grocery at tinawag ang atensyon ng mga taong naroon sa TresKas. “Listen up everybody. I want you to know that Zac Castillo here is now engaged to Tracy Suazon, and that’s me. Okay?” Pagkatapos niyang sabihin iyon ay bumaba siya sa upuan at tinapik-tapik ang mukha ng nakangangang si Zac na hindi makapaniwala sa ginawa niya.

“Ang sweet naman,” kinikilig na komento ni Kathreen. Tinaasan niya ito ng isang kilay pero tinawanan lang siya nito.

“Hey, guys, gusto niyo ba munang pumunta sa bahay?” narinig niyang anyaya ni Drea sa mga Princes.

“Drea, request lang ha? Huwag mo nang isali si Zaccario,” sabi niya rito.

“Akala ko ba fiancé mo siya?” nanunudyong tanong ni Zephyr sa kanya.

Pinandilatan niya ng mata si Zephyr Pagkatapos ay napadako ang tingin niya kay Zac. Parang nawala ito sa sarili pagkatapos niyang “gumanti” dito.

You shouldn’t have messed up with me, Zaccario Castillo! Hindi mo ako kaya.

BINALE-WALA ni Zac ang tinging ibinibigay sa kanya ng mga teammates niya matapos niyang mag-shower at magbihis. Katatapos lang ng team game nila. Sa susunod na linggo ay pagbobotohan na nila ang susunod na team captain ng kanilang varsity team dahil graduating na si Prime, Jasper at siya. Isang taon pa sa PrinceU sina Colby, Zephyr, Jethro, JM, Trey at Dereck.

Alam niyang nagulat ang mga teammates niya nang makitang bihis na siya samantalang hindi pa man lang nakakapag-shower ang iba sa mga ito. Nauna pa nga siya sa mga itong mag-ayos ng buhok. Nginisihan na lang niya ang mga nasa labas ng shower room at saka inayos ang kanyang sarili. Marami silang gagawin sa araw na iyon kaya kailangan niya ng mataas na enerhiya.

Sinalat ni Zephyr ang leeg at noo niya. Nagtatakang tumingin ito sa kanya saka nilingon si Prime. “Prime, baka mainit lang ang kamay ko. Tingnan mo nga kung mainit si Zac,” anito kay Prime. Sumunod naman ang huli.

Ginawa rin ni Prime ang ginawa sa kanya ni Zephyr. Nagtataka rin itong tumingin sa kanya pagkatapos. “Hindi ka nilalagnat?” tanong sa kanya ni Prime.

“I’m well and fine. Bakit ba?” aniya sa mga ito. Bumunghalit ng tawa si Jasper. Umupo ito sa tabi niya at inakbayan pa siya habang iiling-iling.

Sa normal na araw kasi’y nagpapaligsahan pa sila ni Jethro ng patagalan sa paliligo at pagbibihis. Ngayon tuloy ay tie na ang score nila. Hindi kasi siya kailangang ma-late sa schedule nila ngayong araw dahil importante sa kanya ang araw na iyon. He doesn’t want to make a bad impression.

“You, guys. He’s going to Tracy!” sigaw ni Jasper.

“Oh, the fianceé!” nanunuksong saad ni JM. Ang tinutukoy nito ay ang ginawang “stunt” ni Tracy noon sa TresKas. Napatanga siya rito ng sabihin nitong ‘fiance’ siya nito. Hindi kaagad siya nakahuma. Ni hindi siya nakaisip ng isasagot kay Tracy noon. She made him hers. Ngayon lang niya naisip na maaari niyang gamitin ang “stunt” na iyon para mas maging malapit sila ni Tracy sa isa’t isa at ma-pormahan niya ito.

“Seriously, dude. Totoo ba talaga ‘yon?” tanong ni Zephyr.

“Gustong totohanin ni Zac,” nakangising sabi ni Jasper. Binato niya ito ng tuwalya ng kung sino na nadampot niya. Tatawa-tawa lang naman ito.

“So, gusto mo siya talaga?” tanong ni JM.

“In love ka sa kanya?” tanong naman ni Zephyr.

“Yes! Since they were in grade school,” hayag ni Jasper.

“Grade school?” bulalas nina Zephyr at JM. Nagsilabasan sa shower room ang mga naliligo pa roon at nakiusyoso rin dahil sa pagsigaw ng dalawa. Gusto niyang sakalin noon si Jasper na nag-peace sign pa sa kanya. Iniiwasan pa naman niyang malaman iyon ng ibang miyembro ng Princes dahil tiyak na uulanin siya ng tukso sa mga ito. Pero hayun na nga at alam na ng mga ito. Dahil sa makulit na bibig ni Jasper.

“Ang slow mo naman!” komento ni Jon Drix. At kanya-kanya na ng naging komento ang ibang kasamahan niya. Iyon na nga ba ang iniiwasan niyang mangyari kaya ayaw niyang malaman ng mga ito ang tungkol kay Tracy. Hindi lang siya ang pepestehin ng mga ito kundi pati na rin si Tracy. Baka masira pa lalo ang record niya dito.

Hindi naman nagkomento sina Dereck at Prime na pawang nagpipigil na mapabungisngis. Palibhasa’y masaya ang mga ito sa kanya-kanyang love life ngayon. Opisyal na kasing magkasintahan sina Dereck at Drea pati na rin sina Prime at Freya.

So, that leaves you and Tracy to continue the friendship’s legacy?

Malay natin. If I get lucky, sabi niya sa sarili.

“I’m taking things slowly,” katwiran niya sa mga ito.

“You’re taking things slowly for almost two weeks now. Isn’t it high time for you to tell her you love her directly, personally? May pa-secret-secret admirer ka pang nalalaman,” bulalas ni Jasper.

Hindi pa rin maganda sa pakiramdam niya ang pag-usapan ang tungkol sa “secret admirer scheme” niya na iyon dahil pumalpak iyon. Noong anniversary party ng Crescent

Corporation ay tinangka na niyang magpakilala kay Tracy. Nagpasama pa nga siya noong maghintay sa labas ng function hall kina Prime at Jasper dahil kinakabahan siya ngunit umalis din kaagad ang mga ito dahil biglang dumating si Sanya at hinalikan siya. Iyon ang naabutang tagpo ni Tracy kaya mas lalo siyang na-bad shot dito. Hindi tuloy siya nakapagtapat dito na siya si “Chuck”. Dahil din sa scheme na iyon kaya nagkaroon ng problema sina Prime at Freya. Hindi na naabutan ni Prime si Freya noong party para makapagpaliwanag dito dahil bago pa man pala makabalik ni Prime kina Freya at Daphne noon ay naharang pa ito ng ilang businessman at nasabi naman ni Daphne ang maling akala kay Freya kaya nagkalabuan ang dalawa.

Pagkatapos ay noong bumawi naman siya kay Tracy at pumunta siya sa Sports and Wellness Shop kung saan nalaman niyang part-time tae kwon do teacher ito ay naka-iskor naman siya pero “zero” pa rin ang naging resulta dahil umuwi siya sa kanila na masakit ang katawan.

Lumapit sa kanya si Zephyr at sinuri siya. “Seriously, Zac? You did that?” tanong nito sa kanyang halatang pinipigilan ang sarili na matawa.

“Ikaw? Si Zac Castillo, everybody’s prince, and the Princes’ most sought after bachelor went into that level of admiration towards a girl who rejected you in the first place?” dire-deretsong saad ni Colby na kagagaling lang sa shower room.

“Bakit ba ako may mga kaibigan na mapanghusga at tsismoso?” naiinis na sabi niya sa mga ito.

“You know what, dude. You just have to corner her and tell her straight in the eyes, with tender loving care, that you love her. That easy,” sabi ni Dereck.

“You’re too slow, man,” komento ni Colby.

“Gusto mo ba ng tip, Zac? Tutulungan na kita kay Tracy,” alok ni Jon Drix.

“Hihingi ako ng tulong sa inyo ‘pag kailangang-kailangan na talaga,” aniya rito.

Ayaw niya ngang humingi ng tulong kay Jon Drix. Puro kalokohan ang alam nitong gawin. Baka kapag tinulungan siya nito’y mabulilyaso ang pagporma niya kay Tracy.

Ah…Tracy! Ang babaeng laging laman ng isipan niya. The black-haired girl with the loveliest smile he’d ever seen. Alam niyang naiinis ito sa kanya. At sadya naman niya itong iniinis dahil hindi niya alam kung paano ito lalapitan. Sa tuwing siya kasi ang lumalapit dito’y palagi na lang itong naiinis at nakasimangot. Pero kahit na gayon ito’y cute pa rin ito sa paningin niya. There wouldn’t be any lovely girl for him other than her.

“You don’t know how much I wanted to tell her I love her. Pero mahirap. Nawawala ako sa huwisyo tuwing kaharap ko siya so I tend to say opposite things to her,” sabi pa niya.

“Tutulungan na kasi kita. I’m the master of tactics, Zac. Magtiwala ka sa’kin,” ani Jon Drix. Nang sulyapan niya ito’y may hawak itong camera na nakatutok sa kanya.

“Bakit may camera ka? Stop that!” saway niya rito.

“Hindi ‘to naka-on. Face the camera. Imagine-in mong si Tracy ‘yan. Sabihin mo sa kanya kung gaano mo siya kamahal. Practice ‘to, okay?” ani Jon Drix. Tinaasan niya ito ng isang kilay at nagdududa itong tiningnan.

“Ako na lang. Baka sa’kin mo gustong mag-practice. I could pretend as Tracy,” boluntaryo ni Zephyr.

“Tracy doesn’t have stubbles,” tanggi niya rito.

“Ako na lang,” boluntaryo naman ni Colby.

“Tracy’s not as tall as you,” tanggi rin niya rito.

“O, eh ‘di ito na lang. Kausapin mong mabuti ha?” sarkastikong sabi sa kanya ni Prime sabay abot ng cell phone nito sa kanya kung saan nakapaskil ang litrato ni Tracy na nakangiti.

“Bakit may ganito ka?” paninita niya rito.

“Possessive aren’t we?” nanunuksong saad naman ni Colby.

“Galing ‘yan sa Facebook. Masyado kang OA,” ani Prime.

Huminga siya ng malalim at pinakatitigan ang picture ni Tracy sa screen ng cell phone ni Prime. Talagang maganda ito at hindi siya magsasawang tingnan ang nakangiti nitong litrato.

“Speak up!” untag sa kanya ng mga kaibigan niya.

“Fine!” naiinis na sigaw niya sa mga ito. Sinisira ng mga ito ang moment niya. Bumuntong-hininga siya para mapalis ang kabang nararamdaman. So stupid of him. Picture pa lang iyon pero kinakabahan na siya. Paano pa kaya kung kaharap na mismo niya si Tracy?

“Tracy Suazon. You don’t know this yet but you’re the loveliest girl I had ever seen in my entire life. You were my childhood love, my first love and the woman whom I’ve fallen in love with the moment I saw you in that clinic and even after you’ve rejected me. Hindi ko pa alam ang pangalan mo noon, hindi ko pa rin alam na ikaw ang batang babae sa McDo noon, but you’ve already won my heart. I’m sorry for always ruining your day when you’re making mine special. I’m sorry if I always irritate you when all I wanted was to hear your voice. I’m sorry if I did silly things on you when all I wanted was just to see you smile. You might be pissed off on me but I love your glares. You meant anger but it meant attention to me. I might have said a lot of things but I only meant I love you,” mahabang litanya niya kasunod ang buntong-hininga. Nagawa pa niyang halikan ang phone screen ni Prime.

“That’s my phone you love sick!” sigaw sa kanya ni Prime pero hindi niya ito inintindi. He felt good letting it all out. Kahit na alam niyang hindi pa rin iyon maririnig ni Tracy.

“I’ve never heard such a confession before,” ani JM.

“Sweet!” komento naman ni Jon Drix. Hindi na nito hawak ang camera nito. “That’ll help a lot, dude. We swear!” anito.

Sabay na nagtaas ng kanang kamay sina Jon Drix, Colby, Zephyr, JM at Jasper bilang panata at pangako ng mga ito. Naguguluhan man sa mga ito’y binale-wala na lang niya ang trip ng mga ito.

“Kung gusto mo palang magpa-impress kay Tracy, paliguin mo na silang lahat dahil baka ma-late kayo ‘pag hindi pa sila naligo ngayon,” ani Prime sa kanya.

“Shit!” mura niya. Itinulak niya ang ibang miyembro na hindi pa naliligo patungo sa shower room at pinangkakatok ang mga pintuan doon kung saan naliligo ang ilan kanina pa.

Alam ng mga ito kung ano ang mayroon sa araw na iyon. Araw iyon ng “Madugong Paligsahan” sa kanilang eskwelahan na isang proyekto ng Red Cross chapter sa kanilang unibersidad. Itinataon iyon tuwing intramurals ng PrinceU dahil iyon ang nagsisilbing kick off ng mga palaro. Ang college department na pinakamaraming nai-donate na dugo ang mananalo sa paligsahan. Dagdag puntos sa bawat panalo ng kada-departamento.

Sa ngayon ay nangunguna ang College of Business Administration dahil ang departamentong iyon naman talaga ng pinakamaraming bilang ng estudyante sa PrinceU.

Nasabi na niya sa university health clinic nilang magdo-donate ng dugo ang lahat ng miyembro ng basketball varsity team nila kaya malamang ay nakaabot na iyon kay Tracy. Gusto niyang magpa-impress dito at gusto rin niyang makatulong sa iba kaya isasama niya ang mga ka-team niya. Well, maliban na lang siguro kay Prime dahil takot ito sa dugo at sa karayom.

“Yuck ka talaga, Zac! Nakakapanindig balahibo ang tweet mo!” bulalas ni Jasper pagkuwan. Naiikot niya ang kanyang mga mata sa ka-OA-yan nito.

“Inggit lang ‘yan, Jasper. Mag-tweet ka rin ng ganyan para kay Daphne,” aniya rito.

Nagsipaglapitan naman ang ilang ka-team niya kay Jasper para makita ang sinasabi nitong tweet niya sa social networking site na Twitter.

“For the lovely girl who always make my day fine—comma—can’t wait to see you later—exclamation point. Colon, close parenthesis, ‘X’. The rain might pour—comma—but my heart will always be sure—comma—that you and I together—comma—makes the day get better—period,” basa ni Jasper sa tweet niya kanina. Ginawa lang nitong eksaherada dahil pati ang comma ay sinama nito sa pagbabasa.

“Yuck!” sabay-sabay na sigaw ng mga ito sa kanya pagkatapos. Pero wala siyang pakialam. In love siya at hindi niya iyon ikinakaila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.