“Thursdate is a date particularly done or set on Thursdays. It’s a popular hashtag
on Instagram that literally means as it is. Pwede ring Mondate, Tuesdate,
Saturdate. Pero may pagkakataon na pwede itong maging isang ambush date. i.e.,
@cruzandrada00: Biglaang #Thursdate with @littlemisssaffron
Swim like a butterfly, I won’t let you die.”
~---~
“SAFFRON Gaile Zapanta! Gumising ka na!”
Napabalikwas ng bangon si Saffy dahil sa talairik na iyon ng kanyang Ate Cinnamon with matching yugyog pa ng balikat at pagtalon-talon sa kanilang kama. Nang sulyapan niya ang kanilang wall clock ay napabuga siya ng hangin nang makitang alas-singko pa lang ng umaga. Wala siyang klase ngayong araw at mamayang hapon pa ang shift niya sa Wanderlust Café kaya malaya dapat siyang makakatulog hanggang tanghali.
“Bakit ba, ate? Ang aga pa!” naiinis na sigaw niya sa kanyang kapatid.
“May bisita ka,” tila kinikilig na saad nito. Totally ignoring her frowning face. Napakunot-noo siya dahil mukha na itong fresh. May maaga ba itong lakad ngayong araw?
“Walang bibisita sa’kin ng ganito kaaga, ‘te. ‘Wag kang mag-power trip,” nakasimangot na sabi niya rito saka siya muling bumalik sa pagkakahiga sa kanilang kama. Hindi siya nagpapapunta ng kaklase sa kanilang condo at imposibleng pumunta si Mavis ng ganoon kaaga sa kanila—in fact, imposibleng makagising ng ganoon kaaga si Mavis.
“Nand’yan si Cruz! Si Cruz Andrada!”
Ha? Namali ba ako ng dinig? Si Cruz?
“Bumangon ka na d’yan. May swimming lessons pa daw kayo. May dala siyang breakfast for us. Ang sweet niya!” sabi pa ng Ate Cinnamon niya. Muli siyang napabangon dahil sa mga sinabi nito at hindi makapaniwalang tumingin dito. “O, ano? Gising ka na? Hindi mo sinasabi sa’min na nanliligaw pala sa’yo si Cruz. Kaya pala nag-follow-han kayo sa Instagram ha. Pa-ayaw-ayaw ka pa d’yan no’ng una sa kanya,” nanunudyo pang sabi ng Ate Cinnamon niya.
“Ate Cin, nandito talaga siya? For real?” hindi pa rin makapaniwalang tanong niya rito.
“Oo nga. Kausap ni Kuya Sage sa labas. ‘Wag kang mag-alala, hindi siya gini-grill ni kuya.”
“Ate, wala kaming relasyon ni Cruz!” mariing sabi niya rito. Nagpa-panic ang buong sistema niya dahil dalawang araw din niya itong iniwasan. Dalawang araw din siyang nagpanggap na may sakit at sadyang hindi nagpakita dito at hindi nag-reply sa mga texts nito dahil hindi niya alam kung paano haharap at paano ito kakausapin. Na-touched siya nang kausapin pa nito si Sir De Guzman na bigyan siya ng extension dahil “nagkasakit” siya. Pero nakadagdag din iyon sa guilt na nararamdaman niya rito.
She shouldn’t have accepted his help. She’s not even worthy of his help or his attention. Alam niyang immature pa rin siya hanggang ngayon pero hindi talaga siya komportable na makasama ito. But there’s a nagging feeling deep inside her to accept his help then—guilt. Pakiramdam niya’y may obligasyon siyang tanggapin ang tulong nito para sumaya ito dahil may kasalanan siya kay Cruz. Pero hindi niya alam kung paano iyon haharapin.
Dahan-dahang nagtungo si Saffy patungo sa may kusina kung nasaan daw si Cruz at ang Kuya Sage niya. Napamata siya nang makitang naroon nga si Cruz. Nagrigodon ang puso niya pagkakita dito. Hindi dahil kinikilig siya kundi kinakabahan talaga siya.
Sabihin ko na kaya sa kanya na ako si Spice Girl para hindi na niya ako tulungan at hindi na rin ako ma-guilty? Ugh! Why don’t you grow up, Saffy? naiinis na sabi niya sa sarili. Fine. Aamin na ako sa kanya mamaya.
“Ano pang ginagawa mo d’yan?” pabulong na sabi ng Ate Cinnamon niya mula sa kanyang likuran. Pagkatapos ay itinulak siya nito dahilan para makita siya nina Cruz at ng kanyang Kuya Sage.
“Good morning, Saffy,” nakangiting bati ni Cruz sa kanya.
“G-good morning,” nag-aalangang bati niya rito.
“Ano ka ba naman, Saffy? Magsuklay ka nga muna. Hindi ka ba nahihiya kay Cruz?” sabi naman ng Kuya Sage niya.
Nahiya siya dahil sa sinabi nito at natawa naman si Cruz. Para pagtakpan ang kahihiyan ay pinanindigan na lang niya ang hindi pagsusuklay. Umupo siya sa harap ng kanilang hapag. “I’m not trying to impress him, so why would I?” aniya sa mga ito.
“Okay lang naman. Understandable naman na maaga pa at hindi niya alam na pupunta ako dito ngayon, ‘di ba?” sabi ni Cruz.
“You mean, alam n’yo na pupunta siya ngayon dito, kuya?” kastigo niya sa kanyang Kuya Sage.
“Yes. Sinabihan ako ni Dave kahapon na may swimming lessons daw kayo ni Cruz ngayon kaya pupunta siya dito ng maaga,” sagot naman ng kuya niya. Pero nagulat siya na ganoon pala ito ka-close kay Dave.
“Ang hirap kasi no’ng hindi siya nagre-reply sa texts ko,” pagpaparinig sa kanya ni Cruz bago ito bumaling sa kanya. “Sabi ni Mavis magaling ka na daw kaya pwede na ba nating simulan ang lessons ngayon?”
Si Mavis na naman? Naku talaga, Mavis!
“Magaling na? Nagkasakit ka ba, Saffy?” maang na tanong ng Ate Cinnamon niya.
Napakagat-labi siya dito. “Ah…Oo kaya, ‘te. Pero pumasok pa rin ako kasi kailangan,” palusot niya sa mga ito. Hindi siya makatingin kay Cruz dahil doon. Guilty na naman siya.
“Sorry. Akala ko kasi magaling ka na kasi ‘yon ang sabi ni Mavis at nakita kita kahapon—“
“Magaling na ako! Pwede na akong lumangoy,” putol niya sa iba pang sasabihin ni Cruz dahil sa matinding guilt. Pero nagulat siya sa sunod nitong ginawa dahil mabilis nitong inilapit ang mukha sa kanya hanggang halos isang dangkal na lang ang mukha nila sa isa’t isa.
Pagkuwa’y inilapat nito ang kamay sa kanyang noo para tingnan ang kanyang temperatura. Nag-init ang buong mukha niya dahil sa ginawa nito. “Wala ka na ngang lagnat.”
“Pero mukhang magkakaro’n ulit siya ngayon,” nanunuksong sabad ng Ate Cinnamon niya.
And Cruz smiled at her. No. He friggin’ smirked at her! Na para bang alam nitong nagsinungaling siya at ginawa nito iyon sa kanya bilang parusa. Damn you, Cruz. And damn me, too.
“HINDI KA ba talaga marunong lumangoy, Saffy? Kahit lumutang hindi mo nagagawa?” tanong kay Saffy ni Cruz habang naglalakad sila papunta sa pool. Nauuna siyang maglakad dito dahil nao-awkward-an siyang sumabay maglakad dito.
“Lumulutang ako…sa mababaw,” aniya. Dahil doon ay natawa si Cruz. “Oo na. Malamang, mababaw nga. Basta hindi ako marunong lumangoy, okay? Nakakatagal lang ako sa pool o sa dagat hangga’t abot ng paa ko ‘yong flooring,” paliwanag niya rito.
“Okay. So, we’ll start with treading. Nakapagdesisyon ka na ba kung anong stroke ang gagamitin mo?”
“Ano ba ang mas madali?” tanong niya rito habang nakatalikod. Kunwari’y nagtitingin-tingin siya sa paligid. Dire-diretso siya ng lakad nang maramdaman niyang hindi na pala nakasunod sa kanya si Cruz. Nang lumingon siya ay nakita niyang mataman lang itong nakatingin sa kanya. “Bakit?”
Iminwwestra ng kamay ni Cruz na lumapit siya rito. And she walked to him awkwardly.
“Ano?” tanong niya nang makalapit siya rito.
“Bakit ka naiilang sa’kin, Saffy? Tell me why at palalampasin ko ‘yong pag-iwas mo sa’kin these past two days,” seryosong sabi ni Cruz.
Napapikit siya sa harap nito saka siya napa-facepalm. “Okay, fine. I’m sorry. Naiilang nga ako kasi hindi tayo friends pero tutulungan mo ako. Hindi ako sanay magkautang-na-loob,” at saka, may kasalanan ako sa’yo. “I know it’s immature to avoid you pero hindi ko alam kung paano ko babawiin sa’yo ‘yong mga sinabi ko.”
“Ano bang sinasabi mo?” sabi nito. Pagkuwa’y naramdaman ni Saffy ang paghawak ni Cruz sa magkabila niyang kamay at inalis iyon sa pagkakatakip sa kanyang mukha. Mapang-unawang tingin naman ang nabungaran niyang ekspresyon ng mukha nito. Kaya kahit paano’y napanatag ang kalooban ni Saffy. “Ako ang nag-offer ng tulong, ‘di ba? At ginagawa ko rin ‘to dahil may utang-na-loob ako sa’yo. Tutulungan kita dahil gusto ko. And maybe, we can be friends afterwards.”
Hindi siya makasagot dito. Parang kating-kati na kasi siyang umamin dito na siya si Spice Girl.
“Iyon lang ba o naiilang ka sa’kin dahil sa confession na ‘yon? If you’re not comfortable with me teaching you, tatawagin ko na lang si Bastien para siya ang magturo sa’yo. Iyon ba ang gusto mo?”
“No! Ikaw na lang,” agad na tanggi niya rito. Biglang nagkaroon ng moment of pause dahil parang pareho nilang hinintay mag-sink in sa kanya-kanyang isipan ang sinabi niya. Kung si Bastien kasi ang magtuturo sa kanya ay tiyak na hindi siya magiging komportable dahil hindi kakalma sa pagtibok ng mabilis ang puso niya.
Pagkuwa’y ngumiti ng matamis si Cruz. “Okay. Pero hindi kita matuturuan ng maayos kung wala kang tiwala sa’kin. If you want to set some ground rules, I’m fine with it,” sabi nito.
“I just have one. Don’t hit on me,” seryosong sabi niya rito.
“Okay, deal. But what if I have to touch you later?” tanong ni Cruz.
“Only if I’m about to drown,” agad namang sagot niya rito. Napangiting muli si Cruz—dahil siguro sa kaseryosuhan ng mukha niya.
Inilahad nito ang kamay sa kanya at tinanggap naman niya iyon. “Deal.”
Pagdating nila sa may pool ay nakita ni Saffy na may dalawang floaters at kickboard na nasa may gilid ng pool. Pagkuwa’y sinabi ni Cruz na hiniram daw nito iyon kay Dave na kinailangan din ng lalaki dati dahil hindi ito marunong lumangoy noon. Na-touch si Saffy dahil talagang ikinonsidera pa iyon ni Cruz.
Nag-stretching muna sila bago lumusong sa tubig. Importante daw iyon para maiwasan ang cramps at injuries. Matapos ang sampung minutong stretching ay naunang maghubad ng suot na pang-ibabaw si Saffy at mabilis na lumusong sa pool dahil ayaw niyang tingnan siya ni Cruz mamayang maghubad sakaling ito ang muna. Pero dahil sa ginawa niya’y naging mahirap para hindi panoorin ang paghuhubad nito ng t-shirt. Abs, abs, abs! Umay na siya sa abs ni Cruz dahil palaging pinapakita ni Mavis sa kanya ang mga litrato nitong puro abs pero iba pala ang pakiramdam kapag nakita mo iyon ng personal.
Walang anumang fetish sa abs si Saffy pero aaminin niyang maganda talaga ang abs ni Cruz. It was really drool-worthy. Pati na ang toned biceps nito at ang malapad nitong dibdib at balikat. Wala talaga itong fats sa katawan. Pero ang pinaka-nagustuhan ni Saffy dito ay ang perfect V-shape ng torso nito. She loved how the way the water loved his skin. She loved how he loves the water—wait, “love”? Saan nanggaling iyon?
“Saffy,” untag sa kanya ni Cruz.
Tumikhim naman siya at in-organize ang sarili at isipan bago sumagot dito. “Start na tayo?”
“Ah, oo.”
Hindi siya nito hinahawakan nang magsimula ang kanilang swimming lessons katulad ng pinag-usapan nila. Basta malapit lang ito sa kanya para ipakita muna ang mga dapat niyang gawin. Tinuruan muna siya nitong na mag-tread sa tubig gamit ang kanyang mga kamay at paa dahil iyon daw ang crucial sa paglangoy. Dapat matuto kang mag-float sa tubig.
So from sculling to using the flutter kick to float, naging pasensyoso talaga si Cruz sa pagtuturo sa kanya. Nadalian lang naman si Saffy doon pero nang dumating sa pagsubok ng backstroke ay natakot na siya. Lumulubog kasi siya kaya naging dahilan iyon para alalayan na siya ni Cruz. Nakasuporta ang dalawang kamay nito sa kanyanag katawan para hindi siya lumubog.
“Relax, Saffy,” sabi ni Cruz. “Spread your arms and legs out wide, then drop your head back. Para ma-distribute ng maayos ang weight mo. Kapag kasi nakaangat ang ulo mo sa ibabaw ng tubig, talagang magsi-sink ang katawan mo. Got it?” paliwanag pa ni Cruz habang alalay ang likuran niya.
“Okay,” tanging nasabi niya rito. Pero nang bitawan siya ni Cruz ay lumubog pa rin siya. “Ah, shit. Nakaka-frustrate ‘to,” naiinis na sabi niya.
“Saffy, you have to trust me. I won’t let you drown,” seryosong sabi ni Cruz.
Ipinikit ni Saffy ang mga mata at kinalma ang sarili. May tiwala naman siya kay Cruz. Nararamdaman naman niyang hindi siya nito hahayaang malunod. At kapag nalunod man siya ay siguradong ililigtas siya nito…Wait, gusto mo ring ma-CPR niya? kastigo ng isang bahagi ng kanyang isipan.
“No!” sagot niya pero nasabi pala niya iyon ng malakas.
“Ano, Saffy?”
“Ha? Uh, I’m ready,” palusot na lang niya rito. Ginawa niya ang mga itinuro ni Cruz kanina. Nag-relax muna siya at huminga ng malalim. Then, she laid back in the water, head dropped calmly with her arms and legs spread out wide. Pikit-matang ginawa niya iyon para i-relax ang sarili.
“You’re doing well, Saffy. Now, use a flutter kick lightly and tread the water with your arms upward…and swim,” turo ni Cruz. Malapit lang ang tinig nito pero pagmulat niya ng mata ay nakita niyang hindi na pala siya nito inaalalayan.
“Oh my, God! Nag-float ako? Seryoso?” hindi makapaniwalang tanong niya rito.
“Yes, Saffy. You did well,” nakangiti namang papuri ni Cruz.
“Wah, thank you!” masayang sabi niya rito saka niya muling sinubukang mag-float. Pero sa pagkakataong iyon ay lumubog na naman siya. “Niloloko mo ‘ko eh,” nang-aakusang sabi niya kay Cruz.
“Alam mo, Saffy, minsan, tayo lang ang nanloloko sa sarili natin. Nagawa mo kanina, magagawa mo ulit ‘yon. Believe in yourself,” sabi ni Cruz. Pakiramdam niya ay tinutukoy nito ang sarili sa sinabi nitong iyon.
Nagpatuloy ang pagtuturo nito sa kanya hanggang sa kahit paano’y nakatuto siya ng tamang backstroke. Conscious pa rin siya sa paglubog pero at least, natutunan na niya ang crucial way para hindi mangyari iyon.
“Okay. Mag-break muna tayo,” sabi ni Cruz maya-maya.
Kaya tumabi muna sila at naupo sa gilid ng pool kung saan nila iniwan ang kanilang mga gamit. Agad nitong tsinek ang cell phone nito at kung sinuman ang nag-text doon ay siguradong malapit sa puso nito dahil naging malawak ang ngiti ni Cruz. Baka si Janella, naisip ni Saffy. Pero ang alam niya’y nobyo na ng babae si Ping—na captain ng basketball team nila. Sana nama’y hindi ito nagpapaka-martir doon.
“Nasaktan ka ba talaga ng confession na ‘yon, Cruz?” hindi napigilang tanong ni Saffy dito kapagkuwan.
“In a way, yes. Tinalikuran ako ng babaeng mahal ko at nawala ako sa official swimming team. Pero na-realize ko na hindi ko naman dapat i-blame sa confession na ‘yon ang mga nangyaring failure sa buhay ko dahil kasalanan ko naman kung bakit hinayaan ko ‘yong maapektuhan ako ng lubos. At thankful ako sa’yo dahil isinupalpal mo sa’kin ang katotohanang ‘yon,” sagot ni Cruz sa kanya.
Kahit papaano’y nakahinga ng maayos si Saffy sa sinabi ito. “Do you…want her back? Si Janella?” curious na tanong niya rito.
“No, because Saffy, you shouldn’t go for someone who’s not treating you as their priority. Gano’n ang gusto n’yong mga babae, ‘di ba? Unfair naman kung kayo lang,” makahulugang sabi nito. “Ikaw? Bakit nagustuhan mo si Bastien?”
“Kasi hindi siya mayabang at hindi siya flirt. Plus, tahimik din siya—iyong pa-mysterious type—at cute siya. ‘Tapos, ang galing pa niyang mag-drawing. Paano ko siya hindi magiging crush?” sabi niya rito.
“Ah…hindi mo pa nga pala siya kilala,” makahulugang sabi nito.
“Bakit? ‘Wag na ‘wag mong lalaitin si Bastien sa harap ko,” banta niya rito na ikinatawa naman ni Cruz. Itinaas pa nito ang dalawang kamay sa kanya. Pagkuwa’y muli itong lumusong sa tubig at lumangoy.
He looked magnificent swimming there in the water, his form so beautiful and sexy at the same time. At walang ginawa si Saffy doon kundi panoorin itong lumangoy ng ilang minuto. Parang nag-flutter kick ang puso niya nang bigla itong tumingin sa kanya at nagtama ang kanilang mga mata.
“Pay up,” anito.
“Why? What for?” maang na tanong niya rito.
“One look, one kiss. And you’ve been staring at me for quite some time now.”
Napamata lang si Saffy kay Cruz pagkatapos nitong sabihin iyon. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito dahil guilty na naman siya. Ang tanging naisip niyang gawin ay sabuyan ito ng tubig.
“Tara na. May klase ka pa ngayon,” yakag niya rito dahil alam niyang may ten o’clock class pa ito mamaya. Kaya may dalawang oras pa ito para mag-asikaso.
“Pero hindi pa tayo tapos,” tanggi naman nito.
“May three days pa ako para matuto. ‘Wag mong ipagpilitan na magiging swimmer agad ako ngayong araw,” aniya. Natawa naman ito sa kanyang sinabi.
“Okay. Babalik ako dito bukas. Sana hindi mo na ako iwasan. Friends?” anito saka naglahad ng kamay sa kanya. At nag-aalangan man dahil sa kasalanan niya rito’y tinanggap iyon ni Saffy.
“Thank you, Cruz,” sincere na sabi niya kay Cruz kapagkuwan.
“No need to thank me. Sabi ko naman sa’yo, ginusto ko talagang gawin ‘to,” nakangiting sabi ni Cruz. Mabuti talaga itong tao at hindi niya dapat sinira ang reputasyon nito dahil lang sa mali niyang akala.
Pagbalik nila sa kanilang condo unit ay inanyayahan niya itong doon na maligo dahil may dala naman pala itong damit. Para hindi na masayang ang oras nito. At least, may permiso din siya sa kanyang Ate Cinnamon at Kuya Sage para gawin iyon. At gumawa naman siya ng merienda habang nag-aasikaso si Cruz para pasasalamat niya rito.
Nakaalis na si Cruz nang magbukas ng Instagram si Saffy para i-post ang picture nang nagawa niyang pagkain kanina. Pero napanganga siya nang makitang may naka-tag na picture sa kanya si Cruz at ang kanyang Ate Cinnamon. Naisigaw niya ang pangalan ni Cruz nang makita niya ang kuha nilang dalawa na masyadong touchy habang nasa pool at maging ang caption niyon.
@cruzandrada00: Biglaang #Thursdate with @littlemisssaffron Swim like a butterfly, I won’t let you die.
@_cinnamonroll: Aren’t they cute together? @littlemisssaffron @cruzandrada00
“Oh my fucking gods!” naiinis na sigaw niya saka siya dumiretso sa kwarto nila ng kanyang Ate Cinnamon at nagreklamo dito. “Burahin mo ‘yon, ‘te!”
“Maganda naman ang pagkakakuha ko ah,” painosenteng saad nito.
“Wala akong pakialam! Baka kung ano ang isipin ng ibang tao. Wala naman kaming relasyon ni Cruz. Oh my, god, ‘te. Please, burahin mo na ‘yon,” pakiusap niya rito saka siya nag-text kay Cruz.
Saffy: Pakibura ‘yong recent post mo sa IG. Please.
Cruz: I’ll take that photo instead of your coffee. Have a good day, Saffy!
Ugh! Curse you, Cruz. Curse you!