NAKANGITING tinitingnan ni Don Alberto ang buong pamilya niya na masayang nagsasalo sa hapag-kainan ngayon. Naroon ang mag-anak na dela Merced maging ang mag-anak ng tanging pinsan niyang si Freddie at pati si Henry. Nadagdagan na rin ang laki ng kanilang pamilya dahil sa tatlong dalagang pawang mga nobya ng kanyang tatlong anak.
Nagawa niya ang kanyang misyon. Medyo natagalan nga lang dahil kina Caraleigh at Cage pero sulit naman ang lahat dahil nagkaroon ng happy ending ang kwento ng mga ito. Kailangan na rin niyang wakasan ang pananatili niya sa mundong iyon dahil ang oras na inilagi niya roo’y pinahiram lang sa kanya ng Maykapal para magawa niya ang kanyang misyon.
Ang misyon na turuan at tulungang makaramdam ng tunay na pagmamahal ang tatlo niyang anak na sina Cage, Nicko at Kyle. Dahil tapos na ang misyon niya sa mundong iyon ay panahon na para magpaalam siya ng maayos sa mga ito.
Naipagawa na niya ang last will and testament niya at maayos na iyon. Hindi niya alam kung paano siya mawawala sa mundo. Baka bigla na lang siguro siyang mawawalan ng malay o kung anuman. Pero alam niyang nalalapit na ang panahong iyon kaya dapat na siyang magpaalam sa kanyang pamilya ngayon. Kailangan na rin niyang humingi ng tawad sa kanyang mga anak---sa huling pagkakataon---tungkol sa pagtatago niya ng katotohanan sa mga ito ukol sa ina ng tatlo. Utang niya iyon sa mga ito.
“Masaya ako dahil nagkasalo tayo ngayon.” nakangiting sabi niya sa mga ito.
“Dad, ‘wag kang mag-alala. Palagi na tayong magsasalu-salo para lahat tayo masaya.” anang bunso niyang anak na si Kyle. Katabi nito ang nobyang si Yngrid. Kitang-kita sa kilos at galaw ng mga ito na mahal ng mga ito ang isa’t isa.
“Oo nga, Dad. Ngayon lang natin nakasama si pinsang Nate kaya dapat na maulit muli ito.” sabi naman ng panganay niyang si Cage. Katabi nito ang nobyang si Caraleigh na bagong adisyon sa kanilang pamilya. Alam niyang mahal ng dalawa ang isa’t isa dahil isa siya sa mga naging witness ng pagmamahalan ng mga ito.
“’Wag mo nga akong pansinin, Cage.” angil ni Nate kay Cage.
“Oo nga, Cage. Bad mood pa rin ‘yan dahil war sila ni Poppy.” sabi ng pangalawang anak niyang si Nicko. Natutuwa siya rito dahil hindi na ito nakakatakot at hindi na rin ito seryoso. Maraming salamat sa nobya nitong si Xanthia na palaging nagpapasaya rito.
Malaki talaga ang nagagawa ng pag-ibig sa isang tao.
“Oh, really? Hindi pa rin ba sila nagkakabalikan?” tanong ng pamangkin niyang si Lucille.
“Ang hina mo naman, anak. Baka maunahan ka pa ng iba.” kantiyaw naman ni Freddie sa anak.
“Dad, pwede ba? Wala nang papatol sa babaeng ‘yon dahil napaka-arte niya.” nakasimangot na sabi ni Nate.
“Eh, bakit pinatulan mo siya noon?” tanong dito ni Xanthia.
“Noon ‘yon. No’ng hindi ko pa alam na maarte siya.” sagot ni Nate.
“Hmm-hmm. Mamaya n’yan malaman-laman namin na kayo na pala ulit.” pambubuska naman dito ni Yngrid.
“At mas mauuna pa pala kayong ikasal sa’min.” sabi naman ni Caraleigh.
“Tigilan n’yo nga ako! Tito, inaaway nila ako.” parang batang sumbong sa kanya ni Nate na ikinatawa niya.
“O, siya. Tigilan n’yo na si Nate. May sasabihin akong mahalaga sa inyo.” seryosong sabi niya sa mga ito. “I’ll be leaving soon.”
“Saan ka pupunta, Dad?” tanong agad ni Kyle.
“Somewhere peaceful. Hindi ko alam kung kailan pero nararamdaman ko na malapit na.” They were all looking at him as if he was a psycho. Isang tipid na ngiti ang binigay niya sa mga ito.
“Dad, ‘wag kang magsalita ng ganyan!” ani Nicko.
“Kuya…” sambit naman ng kapatid niyang si Trina.
“I’m serious. Natatandaan n’yo ba kung paano ako nakabalik? It was like a miracle, ‘di ba? Pinatigil ako ng mga doktor sa ospital dahil hindi sila makapaniwala na nagising pa ako. Napakaimposible kasi na maka-recover pa ako o naka-recover agad ako sa aksidenteng kinasangkutan ko, ‘di ba? Isang himala ‘yon. I saw my tests. Malala ang mga ‘yon pero nabuhay pa rin ako.”
“God gave me a second chance to live and that’s because of a mission.” Tiningnan niya isa-isa sa mga mata ang kanyang tatlong anak. “Misyon ko ang maituro sa inyo o tulungan kayong magmahal ng totoo, mga anak. I came back for you to know what happened to your Mom through Caraleigh. I came back for you to have your love lifes. I came back to guide you on how to love. Bumalik ako dahil gusto kong makasiguro na may mag-aalaga sa inyo kapag nawala na ako ng tuluyan. Gusto ko kayong maging masaya.”
“Dad, this is not funny!” ani Cage.
“It’s really not, Cage. Because I’m not kidding.”
“Dad…”
“Mabuti na nga ito dahil nakapagpaalam ako sa inyo ng maayos hindi katulad nang dati, ‘di ba? And I would also like to take this opportunity to say ‘sorry’. Cage, Nicko, Kyle, I’m sorry dahil hindi ko sinabi sa inyo ang tungkol sa inyong ina. I’m sorry kung inilayo ko ang loob n’yo sa kanya. I’m sorry kung itinago ko sa inyo ang katotohanan. Katulad nang sinabi ko noon, naging selfish ako.”
“Ginusto kong nasa akin lang ang loyalty n’yo. Gusto ko kasing maranasan ni Francisca noon ang pakiramdam ng wala kang masasandalang pamilya. Alam n’yo na ngayon ang katotohanan. Malamang, nagalit kayo sa’kin o kaya nama’y nagtampo. Pero humihingi ako ng tawad sa inyo. Alam kong napag-usapan na natin ito, patawad…”
“Dad, tapos na ‘yon. Masaya na si Mommy kung nasaan man siya ngayon kaya ‘wag ka ng magsalita ng ganyan, okay?” ani Cage.
“Oo nga, Dad. Hindi kasi magandang pakinggan eh.” ani Nicko.
“At mas lalong hindi magandang biro.” ani Kyle.
Lumapit ang tatlo sa kanya ang niyakap siya ng mahigpit. Isang mahigpit na yakap, iyak at ngiting puno ng pagmamahal ang ibinigay niya sa mga ito dahil baka iyon na ang huling pagyayakapan nilang mag-anak.
PATAWARIN mo ako, Francisca… piping dalangin ni Don Alberto sa puntod ng yumao niyang asawa. Nakagawian na niyang araw-araw na pumunta roon para humingi dito ng tawad. Pakiramdam niya kasi’y obligasyon niya iyon.
Pumupunta siya roon ng walang kasama. Kaya naman kasi niyang magmaneho mag-isa. Mabuti nga at napasunod pa rin niya ang isang katulong nila sa bahay kaninang paalis siya roon para magpunta dito dahil bantay-sarado siya sa buong bahay nila. Mahigpit na ipinagbilin ng kanyang mga anak na huwag siyang palalabasin ng walang kasama. Natakot din kasi ang mga ito sa mga sinabi niya. Nakatakas naman siya kay Henry dahil itinaon niyang naliligo ito.
Anumang sandali’y handa na siyang mamatay. Hindi niya alam kung papaano o kailan pero handa na siya dahil alam na niyang mangyayari iyon. Maluwag na sa loob niya kung anuman ang mangyayari dahil nakapagpaalam na siya ng maayos sa kanyang pamilya kahit na hindi naniniwala ang mga ito sa kanya.
“Sir, mawalang-galang na ho.” pukaw sa atensyon niya ng isang supolturero.
“Ano ‘yon?”
“Nakikita ko po kasi kayo palagi dito. Kaanu-ano n’yo po ba ang nakalabi d’yan?”
Ngumiti siya ng tipid dito. “Asawa ko siya.”
“Po? Pero asawa niya rin ang nasa tabi ng puntod niya.” naguguluhang sabi ng supolturero.
“Mahabang istorya.” naiiling na sabi niya.
“Naku. Ganyan po talaga ang buhay. Magulo minsan, pero masaya naman. Ang masakit lang doon eh ‘yong kapag namatay ka na at marami kang gulong naiwan sa pamilya mo. Kawawa ang pamilya mo, hindi ba?”
“Oo nga.” sambit niya.
“Sige po, Sir. Mauna na po ako sa inyo. Mag-ingat na lang po kayo dahil delikado sa daan ngayon.” makahulugang sabi ng supolturero. Tinanguan niya ito.
Nag-sign of the cross siya sa puntod ni Francisca at nag-alay ng dasal pati na rin kay Arturo. Handa na akong mamatay, San Pedro… piping dalangin niya.
Sumakay siya sa kanyang kotse at pinaandar iyon papunta sa gawi ng kanilang tinitirhan. Nang makarating siya sa may stop light ay inihinto niya ang kanyang sasakyan. Dumako ang tingin niya sa isang billboard na may tagline na ‘tastes like heaven’. Parang may ipinararating iyon sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto’y nag-green light na ang traffic lights at pinaandar na niya ang kanyang kotse. Siya ang nauna sa daan at may isang bus na humarurot pa rin galing sa intersection. Kitang-kita niya ang unahan niyong tumama sa gilid ng kanyang sasakyan. Parang slow motion ang lahat ng nangyari at ganoon din ang naramdaman niya nang una siyang maaksidente. In fact, ganoon din ang pangyayari noong una siyang naaksidente. Ang kaibihan lang nga’y si Viktor ang nasa driver’s seat at nagmamaneho para sa kanya.
Ito na ang kapalaran niya. Nang pumikit siya’y parang isang pitik na nawalan siya ng malay at naging blangko na ang lahat.
“DAD!” humahagulhol na sigaw nina Nicko at Kyle pero si Cage ay tahimik lang na nakatayo sa isang tabi ng morgue habang nakatingin sa bangkay ng kanilang ama.
May katotohanan ang sinabi ng kanilang ama. Well, in this instance, their Dad really knows what will happen. Kung titingnan ang mga pangyayari’y himala ngang nakabalik ito ng ganoon kabilis o nakabalik pa ito dahil malala nga ang kalagayan nito noong nasa comatose state ito. Kaya nga tuwang-tuwa silang lahat na nakabalik ito noon.
Iyon pala’y dahil may misyon ito. Ang lahat ng hindi nito nagawa para sa kanila, o hindi naituro sa kanilang magkakapatid ay nagawa nito nang magbalik ito. Nalaman na nila kung ano ang totoong dahilan kung bakit umalis noon ang kanilang ina.
Nagkaroon din sila ng buhay pag-ibig na akala nilang tatlo’y hindi para sa kanila. Pero dumating sa buhay nila sina Xanthia, Yngrid at Caraleigh. Ang mga babaeng naging dahilan kung bakit sila masaya at nagmamahal ngayon.
At lahat ng ito’y dahil sa kanilang ama. Dahil sa misyon nito.
“Dad left because he has to already.” mahinahong sabi niya sa kanyang dalawang kapatid.
“But why now?” tanong ni Kyle.
“Dahil tapos na ang misyon niya.” aniya.
“That’s silly!” sabi naman ni Nicko.
“Hindi mo pa ba nakikita ang signs at eksplanasyon sa lahat ng sinabi ni Daddy noon, Nicko? What he told us is true. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit nakabalik siya agad gayong malala ang kondisyon ng katawan niya noon? At nang makabangon siya’y parang wala siyang sakit? Kaya nga pinanatili siya ng mga doktor sa ospital noo’y dahil hindi sila naniniwalang kakayanin ng katawan ni Daddy ang mabuhay muli, ‘di ba?”
“So, you’re telling us that it’s a miracle?” anito.
“Yes. Bumalik siya dahil sa kanyang misyon para sa atin. Mahirap mang tanggapin pero dahil nagawa na ni Daddy ang misyon niya’y alam kong maluwag sa loob niya ang lahat ng nangyaring ito. Alam kong magiging masaya si Daddy kung pahahalagahan natin ang lahat ng ginawa niya. At ganoon din si Mommy.”
Tahimik lang na tumingin ang mga ito sa kanya saka sa mga labi ng ama nila pero alam niyang naiintindihan siya ng mga ito. Pahahalagahan nila ang ibinigay sa kanila ng Diyos at palagi nilang aalalahanin ang kanilang mga magulang.
NANG magmulat ng mata si Don Alberto ay tumambad sa kanya ang isang nakakasilaw na liwanag. Sinikap niyang sanggain ang liwanag sa pamamagitan ng kanyang dalawang kamay dahil masakit iyon sa mata. Sa halip na matakot ay napangiti siya. Bumalik na siya sa ‘waiting room’ at magaan ang pakiramdam niya.
“Welcome back, Alberto!” nakangiting salubong sa kanya ni Angel Gabriel. Kasunod nito si San Pedro na dala na naman ang isang listahan.
“Angel Gabriel!”
“Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong naman ni San Pedro na para bang isa itong doktor.
“Magaan po ang pakiramdam ko, San Pedro.” nakangiting sabi niya rito.
“At kumusta naman ang misyon mo sa lupa?”
“Naging maayos naman po ang lahat.”
“At ano naman ang na-realize mo?”
“Na malaki po ang kasalanan ko sa lahat ng nangyari kaya nararapat lang na naitama ko ang lahat ng aking pagkakamali.” aniya.
“Good. Very good.” sabi ni San Pedro habang nagtatala ito sa hawak na listahan.
“I’m so proud of you, Alberto. And especially, to myself.” nakangising wika ni Angel Gabriel.
“Hmm-hmm. Nagiging mayabang ka na naman, Gabriel.” ani San Pedro dito.
“Hindi naman, ginoong San Pedro. Masaya lang ako sa lahat ng nangyari. Everybody happy na sila ngayon. Well, not now, pero later.”
Tumindi ang silaw ng liwanag sa paligid nila. Naroon na naman ang mala-cinema screen na lumabas sa hilagang silangan ng kwartong iyon. Lumabas doon ang mukha ng kanyang tatlong anak na pawang malungkot. Nakasuot ang mga ito ng itim na damit gayundin ang mga nobya ng mga ito maging ang ibang kapamilya niya.
“Malungkot sila ngayon pero sasaya din sila sa lilipas na mga araw makikita mo.” ani Angel Gabriel. Ang mukha ni Nicko ang tanging makikita sa screen ngayon. “I enjoyed his story. Kinailangan ko pang sirain ang shower niya para magkita sila ni Xanthia.” sabi ni Angel Gabriel saka ito humagikhik.
“Sinira mo ang shower ni Nicko?”
“Oo. Kaya siya na-late makarating sa ospital noong nagising ka. Nagsimula na kasi ang love story nila ni Xanthia noon.” paliwanag nito. Nang si Kyle naman ang lumabas sa screen ay tawa ng tawa si Angel Gabriel.
“Makulit ang dalawang ‘yan. Kinailangan ko pang bigyan ng ideya si Red na magpa-contest para magkita lang sina Kyle at Yngrid. Complicated ang story nila pero masaya naman sa huli. Everybody happy na ngayon dahil lutas na ang lahat ng kanilang problema, ‘di ba?”
“So, sa’yo nagsimula ang Dream Radio contest?” aniya.
“Oo. Ipinadaan ko lang kay Red. Masaya, ‘di ba?”
“Ano naman ang ginawa mo para kina Cage at Caraleigh?”
“Ikaw ang naging instrument ko para sa kanilang dalawa, Alberto. Lahat ng iniuutos mo kay Caraleigh para sa pamilya mo. Well, according to Fate and Destiny, simula pagkabata daw ay sina Cage at Caraleigh na talaga ang para sa isa’t isa kaya hindi na ako masyadong nag-effort para sa kanilang dalawa.” paliwanag ni Angel Gabriel.
“I see.” tumatango-tangong sabi niya. “Maraming salamat sa tulong mo, Angel Gabriel.”
“Natatandaan mo ba ang supolturero noon?”
“Oo. Bakit?” kunot-noong tanong niya rito.
“Ako ‘yon.” nakangising sabi nito. Umiiling lang si San Pedro sa isang tabi.
“What?”
“Nasabi ko na. By the way, I have a surprise for you.” anito saka namatay ang mala-cinema screen.
“He only have thirty seconds, Gabriel.”
“Okay lang ‘yon.”
“Ano ba ‘yon?”
“Alberto…” anang boses mula sa likuran niya. Pagkalingon niya’y namangha siya dahil nakita niya si Francisca. May liwanag na sumisinag sa katawan nito at nakalahad ang kamay nito sa kanya. Nang tingnan niya sina Angel Gabriel at San Pedro ay tumango lang ang mga ito sa kanya.
“Francisca…” sambit niya sa pangalan nito. Iniabot niya ang kanyang kamay dito.
“You’ve done well on earth, Alberto. You deserve to be in heaven.” ani San Pedro.
“Salamat.” aniya sa mga ito. “Patawad, Francisca.” baling niya kay Francisca.
“All is well now, Alberto.” nakangiting sabi nito.
Pagkalapat ng kamay niya rito’y naging maliwanag na rin ang kanyang katawan. Mas tumindi pa ang liwanag sa buong paligid dahil sa sinag na nanggagaling sa isang bahagi ng kwartong iyon na parang pinto. Iginawi siya ni Francisca papunta roon at sumunod naman siya rito.
Pagkatapak pa lang niya sa daanang iyon ay alam niyang magiging maayos ang lahat.
MAKALIPAS ang isang taon ay nagpakasal sina Cage at Caraleigh. Ang sumunod na taon nama’y sina Nicko at Xanthia. At ang sumunod na taon nama’y sina Kyle at Yngrid.
Kambal na isang babae at lalaki ang naging anak nina Cage at Caraleigh at pinangalanan nila iyong Francey Jane at Albie Joseph sunod sa pangalan nina Francisca at Alberto. Samantalang isang babae ang anak nina Nicko at Xanthia na nagngangalang Gaile Louisse. Ang anak naman nina Kyle at Yngrid ay isang lalaking pinangalanan nilang Frynce Steffen.
Sinigurado ng magkakapatid na ang kanilang mga anak ay hindi matutulad sa kanila. Sinigurado nilang lalaki ang mga itong puno ng pagmamahal katulad nang nararamdaman nilang lahat ngayon.
Their love stories ended well with a happily ever after.