NAPAMURA SI Matt matapos niyang makausap ang agent niyang si Tasha. Apat na araw pa ang nalalabi sa two-week vacation niya pero tinawagan na siya nito at pinapabalik na siya nito sa New York dahil may Fashion Week daw siya roon na dapat attend-an. Kasama raw siyang ini-request ng isang designer para magmodelo ng mga gawa nito sa runway. Ang problema ay ayaw pa niyang umalis.
Kapag umalis kasi siya’y hindi siya sigurado kung kailan siya makakabalik sa Pilipinas dahil sa nakita niyang schedule niya kay Tasha bago siya umuwi sa bansa noon ay magiging dere-deretso ang campaign ad shoot niya para sa iba’t ibang clothing line. Magiging sunod-sunod din ang photoshoots niya at kung saan-saang bansa rin siya pupunta para doon.
“Problem?” naulinigan niyang tanong sa kanya ng Kuya Ryleigh niya.
“Tasha called,” aniya rito.
“Saskia,” anito dahil kilala nito si Tasha at alam na nito ang tinutukoy niya. Hindi man sila palaging nagkakasama ng Kuya Ryleigh niya ay hindi naman sila nawawalan ng komunikasyon nito kahit na gaano pa sila kaabalang dalawa. They grew up close together. Hindi sila madaling paghiwalayin ng dahil lang sa trabaho o distansiya nila sa isa’t isa.
“Ayoko pang umalis, kuya. I still want to be with her,” sabi niya rito.
Si Saskia talaga ang una niyang inisip pagkarinig pa lang niya sa sinabi ni Tasha na ‘get back here now’. Alam niyang alam ni Saskia na nagbabakasyon lang siya sa bansa at aalis din siya. Pero gusto pa niya itong makasama ng matagal. Hindi pa niya nalulubos ang nasimulan nilang relasyon ni Saskia, pagkatapos ay aalis na siya agad. He doesn’t want to leave her hanging. Siguradong hindi siya mapapakali sa New York kapag umalis siya roon nang hindi pa nagiging sila ni Saskia.
Inaamin niya na noong una ay naging challenge lang para sa kanya ang panunuyo kay Saskia. Tinitingnan niya kung kakagat ba ito sa mga panunukso niya at dahil na rin hindi niya matanggap sa sarili niya na may tumanggi at hindi pumansin sa kanya. Pero habang tumatagal ay siya rin ang nahuhulog sa sarili niyang bitag. Naalala niya ang famous quote sa Hollywood movie na “Dear John” na orihinal munang isinulat ni Nicholas Sparks.
“Two weeks together. That’s all it took. Two weeks for me to fall for you.”
Mas grabe pa nga iyong nangyari sa kanya dahil wala pang dalawang linggo na nagkakakilala sila ni Saskia pero pakiramdam niya’y mahal na niya ito. Ang plano niyang ito dapat ang ma-‘hook’ sa kanya ay bumalik sa kanya dahil siya ang naging hooked na hooked dito. Nang nakaraang linggo ay gusto niyang palagi itong nakikita at hangga’t maaari ay nase-seduce.
Gustong-gusto niya itong makitang namumula ang mukha tuwing naka-topless lang siya. Gustong-gusto niya kung paano ito hindi makatingin sa kanya ng deretso tuwing nakahubadn siya. She looked so damn cute. Gustong-gusto niya kung paano nito pinipigilan ang sarili para mahulog ang loob sa kanya. He found it interesting. Ito kasi ang kauna-unahang babae na ginawa iyon.
Nang malaman niya ang dahilan sa likod ng pagkatao nito’y mas lalo niya itong nagustuhan. It takes a lot of strength and courage to overcome what Saskia had been through. And she had been tough enough to go all through the pain and heartaches that professor of hers gave her. Ang masira ang kinabukasan nito dahil lang sa nagmahal ito. What got him so much more hooked on her was the fact the she gave up everything for that stupid guy who just left her hanging in the end.
Iyon ang ayaw niyang maranasan muli ni Saskia. Kaya natatakot siyang iwan ito ngayon. Baka sabihin nitong pinaasa niya lang ito na hindi naman totoo. Ayaw niyang masaktan niya ito nang dahil lang umalis siya. He want to make her feel loved and being cared for. Gusto niyang siya ang bumawi dito para sa mga nadulot ditong sakit ng lalaking minahal nito dati. Kaya ayaw pa niyang umalis. Hindi pa siya handing umalis dahil kay Saskia. Ayaw pa niya itong iwan.
“Kahit naman maging kayo ngayon, hindi pa rin kayo magkakasama. Aalis ka pa rin,” anang Kuya Ryleigh niya pero malakas ang naging impact niyon sa kanya. Tama kasi ito. Hindi man niya aminin sa sarili niya pero magiging mahirap ang relasyon nila ni Saskia dahil magkakalayo sila. Labis na kalungkutan ang naramdaman niya matapos niyang ma-realize iyon at labis din ang inis niya sa kanyang sarili.
Bakit kasi kailangan pa niyang sa ibang bansa magtrabaho? Bakit kailangan pa niyang maging international model?
“Don’t even think about quitting your job, Matthew. You love your job. Kapag nag-quit ka dahil kay Saskia at nalaman niya ‘yon, sigurado akong malulungkot ‘yon at sisisihin niya ang sarili niya dahil sa ginawa mo,” anang Kuya Ryleigh niya na para bang nababasa kung ano ang naiisip niya.
“Ibang tao ka ba o ikaw ang konsensiya ko? Mind reader ka o baka naman gusto mo si Saskia? You want me out of the picture so you can have your way on her,” nanantyang sabi niya rito.
Hinimas nito ang baba nito at kunwari’y nag-isip pa. “Maganda ‘yong option four. I think I’d go for it. Good suggestion,” nang-iinis na sabi nito sa kanya.
Pabirong sinuntok niya ito sa braso nito. “So, ano sa tingin mo ang magandang gawin ko?” tanong niya rito.
“Sabihin mo sa kanya ang totoo. Na aalis ka na. Doon mo malalaman kung ano ba talaga ang mangyayari sa inyong dalawa. Simpleng-simple ‘di ba? Don’t complicate things, Matt.”
Napatango-tango siya sa sinabi nito. “O? Saan ka na pupunta?” tanong niya rito nang makita niyang aalis na ito.
“Kailangan kong pumunta sa ospital. May mahalaga akong pasyente na dapat puntahan,” seryosong sabi nito sa kanya.
“Sana naman babae na ‘yan. Sana naman magka-girlfriend ka na, kuya. Ang tanda-tanda mo na!” nang-iinis na sabi niya rito.
“You don’t know how much I wanted to date her. But it’s complicated,” malungkot na sabi nito sa kanya.
“Ikaw na mismo ang nagsabi sa’kin na ‘wag kong i-complicate ang mga bagay. I’m saying it back to you. Don’t complicate things, kuya. May magagawa ka pa d’yan. Date lang pala eh,” aniya rito.
“Bahala na,” naiiling na sabi nito. “Anyways, congratulations sa garden. I’m sure matutuwa si mommy ‘pag nakita na niya ‘yan,” anito sa kanya.
“Thanks! Pero m-in-onitor ko lang naman ang pagpapagawa no’n. Si Saskia ang nag-design ng garden,” aniya rito. He felt proud that Saskia did great.
“Paano na kaya kung wala si Saskia?” anang Kuya Ryleigh niyang nakatingala pa sa kisame.
“I won’t feel complete. She’s my other half,” aniya rito.
“Wow, ha. Hindi ko alam na makata ka pala.”
“Oh, shut up,” sikmat niya rito saka iwinagayway ang kamay niya rito na nagsasabing umalis na ito.
Pero naisip niya ang relasyon nila ng kuya niya at kung paano nila itinuturing ang isa’t isa. Pwede naman sigurong maging ganoon din sila ni Saskia. Pwede rin naman siguro silang hindi mawalan ng komunikasyon at pwede rin naman sigurong hind imaging hadlang ang distansiya para sa magiging relasyon nilang dalawa.
Right. I just have to tell her I’m leaving earlier than expected.
PAGKASABI pa lang ni Matt nang “hi” ay alam na ni Saskia na may mali sa boses nito. Walang sigla sa boses nito na nakapagtataka dahil sa halos dalawang linggong pagkakakilala nila’y palagi itong masigla at makulit sa kanya. Ang mali na iniisip niya ay mas malala pa pala kaysa sa inaasahan niya. Nang sabihin ni Matt sa kanya na aalis na ito’y pakiramdam niya’y nabasag ang puso niya.
Masaya silang magkasama. Bakit kailangang dumating pa ang ganito? Kasisimula pa lang ng relasyon nilang dalawa pagkatapos ay magkakahiwalay din agad sila. Ang saklap.
Alam naman niya na hindi permanente ang pananatili ni Matt sa bansa kaya naman pakiramdam niya ay gusto niyang sisihin ang kanyang sarili ngayon—lalo na ang kanyang puso—dahil hindi niya napigilan ang kanyang sarili sa pagkahulog kay Matt. Noong una pa lang ang attracted na siya rito pero habang tumatagal—lalo na’t nanunukso ito—ay hindi na niya napigilan pang mahulog ang loob niya rito. Kaya ngayon ay pagdudusahan niya iyon dahil sa pag-alis nito.
“Then, I guess we’re through,” she managed to tell him. Lumabas lang siya sandali sa conference room—kung nasaan ang team niya dahil nag-a-update sila ng final drafts para sa Bataan resort project nila—para sagutin ang tawag ni Matt dahil nakailang missed call na pala ito sa kanya kanina. “Sige na. May meeting pa kami,” paalam niya rito.
Pero pagkatapos niyang sabihin iyon ay hindi pa rin niya tinatapos ang tawag dahil gusto pa rin niyang malaman kung susuko na ba ito o kung ano pa ang mga sasabihin nito sa kanya.
“Saskia, we can figure this out,” pagkuwa’y sabi ni Matt.
“I don’t do hook ups, Matt,” mabilis na sabi niya rito.
“Hook up? Iyon lang ito para sa’yo?” tila hindi makapaniwalang tanong ni Matt sa kanya.
Napapikit siya para sana mabalanse ang mga nararamdaman niya dahil pakiramdam niya ay iiyak na siya anumang oras. Iisipin pa lang niyang hindi na niya makikita si Matt ay parang tinatarak na ng kutsilyo ang puso niya. Isipin pa lang niya na mawawala ito sa kanya’y pakiramdam niya’y mabubuway siya mula sa pagkakatayo niya.
Definitely not the tough Saskia. This is her when she’s in love, because love is her weakness.
“Hindi ba ‘to hook up lang din para sa’yo? You’re going to leave. Probably, ganito rin ang ginagawa mo sa Milan, Paris, Manhattan or New York. Alam mo naman siguro kung ano ang sinasabi ko ‘di ba?” malamig na sabi niya rito.
“Kung inaakala mong hook up lang ito para sa’kin, I never would’ve pursued you. Pwede naman akong pumili ng ibang babae dito na willing ibigay ang sarili nila sa’kin at hindi na ako mahihirapan pa. Hindi katulad sa’yo. But I chose you and that’s not because I just wanted to hook up with you. You don’t deserve to be treated that way,” masuyong paliwanag sa kanya ni Matt. Muli ay napapikit siya nang marinig niyang nagpakawala ng buntong-hininga si Matt. Alam niyang nahihirapan din ito.
“Kapag na-in love ka, malalaman mo naman kung ano ang bago o mali sa’yo. You’re heart would know, and mine does. Alam kong kapag umalis ako, my mind would be stuck thinking about you and I would never recover. Kapag umalis ako, imposibleng hindi na ako bumalik dito. Babalik ako dahil nandito ka,” dugtong pa ni Matt sa kanya.
She felt flattered, impressed, light-headed and lucky because of what he said. Tama nga ito. Naalala niya ang sinabi sa kanya ni Trina noon na siya lang ang babaeng pinag-ukulan nito nang ganoong pansin. ‘She’ could’ve been another girl from another place, but Matt chose her.
“I love you, Saskia.”
That did it. Her whole heart went out for him. Ilang taon niyang hindi naranasang masabihan ng ‘I love you’. And that one coming from Matt sufficed all those lonely years she’d been through. Dahil ramdam niya na sinsero ito sa sinabi.
“We’ll talk later, Matt,” sabi niya rito saka niya tinapos ang tawag. Pagkuwa’y bumalik siya sa loob ng conference room at natigil sa pag-uusap ang team niya na nasa loob dahil natutok ang atensyon ng mga ito sa kanya lalo na sina Jenna at Francisco. Pero hindi niya pinansin ang mga tinging ibinibigay ng mga ito sa kanya.
Ipinagpatuloy nila ang kanilang meeting at pagkatapos noon ay naiwan silang tatlo nina Jenna at Francisco sa conference room. Hindi pa rin siya tinatantanan ng mga kakaibang tingin ng mga ito sa kanya.
“Aalis na si Matt,” malungkot na sabi niya sa mga ito.
“Kayo na ba?” tanong ni Francisco sa kanya.
“Yes,” simpleng sagot niya rito.
“Kayo naman na pala eh. Ayos lang ‘yon. Kapag bumalik siya, eh ‘di kayo pa rin,” ani Francisco.
“Chico, puro ka talaga kalokohan,” pairap na sabi niya rito. ‘Chico’ ang palayaw ni Francisco.
“Pero alam mo, tama si Chico. Ano ba kasing inaalala mo, Saskia? Marami ngang OFWs na iniiwan ang mga asawa nila rito, but despite their distance, hindi pa rin naman sila naghihiwalay ng mga asawa nila. It’s all about sacrifice, patience and love, Saskia. Kung nararamdaman mong wala kayo ng mga ‘yon ni Matt, then give up. Pero kung handa ka namang maghintay at pakiramdam mo’y makakatagal kayong dalawa dahil mahal n’yo ang isa’t isa, fight for your love,” sabi sa kanya ni Jenna.
“Ang dali-dali lang ng problema mo, pinapahirapan mo pa ang sarili mong mag-isip ng solusyon,” ani Francisco.
“Feeling ko naman, his love is wholly yours, Saskia,” sabi pa ni Jenna.
Nagpasalamat siya dito at kay Francisco dahil sa pagdamay ng mga ito sa kanya lalo na sa pagbibigay ng mga advice. Medyo gumaan-gaan ang pakiramdam niya at sa mga nakalipas na oras ay parang hindi niya nalaman na aalis na si Matt. Kaya naman nang sunduin siya nito kinahapunan at kumain sila sa labas ay parang wala silang problemang dalawa.
“Kailan ang alis mo?” tanong niya kay Matt nang kapwa sila makababa ng sasakyan nito sa tapat ng bahay ng Tita Tara at Tito Tyrone niya.
“The day after tomorrow,” malungkot na sabi ni Matt. Nginitian niya ito. Pagkuwa’y lumapit siya rito at hinawakan ang magkabilang pisngi nito.
“’Yong mga mata mong ‘yan, kapag nalaman kong tumingin ‘yan nang hindi kumukurap sa ibang babae, dudukutin ko ‘yan sa socket niya pagbalik mo dito,” pabirong banta niya rito. At dahil doon ay natawa si Matt. Hinawakan din nito ang magkabilang pisngi niya. Then, he kissed her lips lightly. Ngumiti ito sa kanya pero hindi abot ang ngiti nito sa mata. “’Wag ka ngang magdrama d’yan, hindi bagay sa’yo eh,” sabi niya rito saka pinindot ang ilong nito.
“Will you wait for me?”
“Yeah. I will,” sabi niya rito.
Magaan ang loob niyang pumasok sa loob ng kanilang bahay dahil maayos naman ang naging pag-uusap nila ni Matt. Dumeretso na siya sa kanyang silid dahil gusto na niyang matulog. Marami pa kasi siyang gagawin bukas dahil plano niyang um-absent sa susunod na araw para ihatid si Matt sa airport.
Pero nagulat siya nang pagbukas niya ng pinto ng kwarto niya’y nabungaran niya roon ang galit na mukha ni Tyra.