Lumapag ang chopper sa isang tuktuk ng building at parang nahilo siya nung bumaba sila. May dalawang babae ang sumalubong sa kanila ni Theon at nakasuot ang mga ito ng kulay puti pero inayawan ito ng lalaki, siya ang pinasama sa mga ito. Nag-alangan siya nung una pero nang tumango ito, sumunod na rin siya.
Sa isang room siya dinala at pinahiga sa isang kama pero umiling siya, mas pinili niyang umupo. Nilinis at ginamot ng mga ito ang kaniyang sugat at saka nilagyan ng bendahe. Nakaramdam siya ng hiya nang mapatingin siya sa sariling repleksyon sa malaking salamin nando’n. Ang gulo-gulo ng kaniyang buhok at ang dungis niyang tingnan. Nangingitim ang ilalim ng mata at may mga kagat ng mga insekto ang balat. Palihim niyang inayos ang sarili pero hindi siya hinayaan ng dalawa, ito ang nag-asikaso sa kaniya at binigyan siya ng pampalit ng kasuotan.
“How is she?” Mula sa glass door, pumasok ang lalaki.
Kimi siyang napangiti nang magtama ang mata nila ni Theon. Tumango lang ito.
“She’s okay now, Boss."
“Okay good. Bring her to my office after 20 minutes, ladies.” At nagmadali na itong lumabas.
Napasunod lang ang kaniyang tingin sa lalaki at lihim na napakagat-labi
“Ang gwapo talaga ni Boss,” pabulong na sambit ng isang babae na tingin niya ay mga empleyado at sabay nagsipag-hagikhikan.
Boss? Napaisip siya bigla, at nanlaki ang mga mata. Kung gano’n, hindi basta-bastang tao ang kaharap niya?
“Yes naman, lahat naman yata tayo nagka-crush kay Boss!” Kinikilig na ang mga ito habang siya ay nakikinig lang. “Ang bait-bait niya kasi tapos lagi pang nakangiti sa mga employee’s niya.”
“Kung wala lang siyang asawa, matagal ko na siyang nilandi.”
“As if papatulan ka niya.”
“Ang sama mo rin sa`kin babae ka!”
Napangiti na lang siya sa dalawa. Tumikhim siya para kunin ang atensyon ng mga ito at hindi naman siya nagkamali, sabay ang mga ‘to na humarap sa kaniya. Parang napahiya pa ang mga ito nang maalalang nando’n siya at nakikinig.
May kailangan pa po ba kayo ma’m?” Mabilis na lumapit ang mga ito sa kaniya.
Agad siyang umiling. Gusto lang niyang itanong kung sino at anong klaseng tao ang lalaking nakasama niya sa isla. Maliban do’n, magpapaalam din siya. Hindi siya nababagay sa malaking city na ito at kailangan niya pa magtago kay Don Jukka. Paniguradong pinagpapahanap siya ng mga tauhan nito.
“Si Theo— Sir Theon po ba ang may-ari ng building na ito?”
Biglang naghugis puso ang mga mata ng dalawa at halatang kinilig sa kaniyang tanong. Nagsimulang nagkwento ang dalawa at doon niya nalaman na hindi basta-basta ang taong tumulong sa kaniya. Bigla siyang nahiya sa sarili pero sa kabilang bahagi ng isip niya ay nagpasalamat pa rin siya.
Isang kulay dilaw na bestidang damit ang kaniyang suot at flatshoes nang dalhin siya ng dalawa sa opisina ng lalaki. Nagmukha siyang tao sa kaniyang kasuotan pero naasiwa siya. Hindi siya nagsusuot ng ganito kahit ang dami niyang magagandang damit sa mansiyon.
Nakapagpalit na ng damit ang lalaki at basang basa pa ang buhok nito nang pumasok sila. May kausap ito sa phone at napag-alaman niyang asawa nito ang kausap.
“Bye wife, I’ll be home soon,” pinatay nito ang tawag at pinaalis ang dalawang babae habang siya ay nakaupo sa sofang nando’n. “Saan ka pagkatapos nito?” tumingin ito sa kaniya. Naghihintay ng sagot.
Umilap ang kaniyang mata at napatingin sa mga daliri. Pinagkuskos niya ang mga ‘yon at hindi alam ang isasagot.
“Much better if you stay for awhile—”
“No!” Napatayo siya bigla. “I m-mean, tama na ‘yong tinulungan mo ako. Kailangan ko ng umalis para—”
“Are you sure? Look Jacky, running away from your family isn’t that easy. For the meantime, stay until you recovered and then you can go. I won’t stop you.”
May point si Theon and besides, wala siyang pera. Nasa bag niya lahat at nakakahiya man sabihin, kailangan niya ang tulong nito.
“Pero—”
“Jacky.”
“O-okay.” Tumango siya bilang pagsang-ayon. Bahala na!
Ngumiti naman ito at tumango sa naging desisyon niya. Dinala siya ni Theon sa isang condominium pero nagulat siya nung bumungad sa kaniya ay isang penthouse. Napakaganda sa loob! Tamang timpla ng dark at light color. Lalaking-lalaki tingnan ang buong paligid. Mas naappreciate niya ang kagandahan nito kesa sa mansiyon ng kaniyang lolo na walang ibang ginawa kundi ang gumawa ng illegal at pumatay.
“Dito ka muna pansamantala sa penthouse. Paminsan-minsan na lang ako umuuwi rito simula nung may asawa na ako. Stay here like you own this place.” Binigay nito sa kaniya ang susi.
Napatanga siya at hindi alam kung ano ang sasabihin. Bakit ganito kabilis magtiwala sa kaniya ang lalaki sa kabila na hindi siya nito kilala? Hindi siya nagkwento kung anong buhay siya meron. Konti lang ang alam nito pero kung pagkatiwalaan siya nito ay sobra. Bakit sobrang bait nito?
“Masyadong malaki naman ito. Pwede akong tumira sa isang maliit na kwarto lang para mag—”
“I trust you.”
Doon siya hindi makaimik. Napatitig na lang siya rito at nagsimulang magtubig ang mga mata niya. Iyakin at uhugin talaga siya sa totoo pero naiiyak siya sa parteng may mababait talagang tao sa mundo. Hindi lang siya isang beses nitong tinulungan, pati sa bahay na tutuluyan niya pa.
Agad itong nag-abot sa kaniya ng panyo at ngumiti. “You deserved to be trusted Jackylyn.” Kinuha nito ang kaniyang kamay at ito mismo ang naglagay ng susi sa kaniyang palad. “Don’t think too much for now. Mamaya ay may ipapadala akong tao rito para siya ang magdadala ng groceries sa`yo. All you need to do is rest. Malayo pa ang lalakbayin mo.”
“Paano kita mababayaran?”
Natawa ito sa kaniyang tanong. “Silly. Come, I’ll show you your room.” Nauna itong tumalikod at umakyat sa spiral na hagdanan.
Napasunod naman siya sa lalaki. Hindi pa rin siya makapaniwala. Masyadong maganda ang bahay na ito para sa temporary stay niya. Katabi ng master bedroom ang room na binigay sa kaniya ni Theon. Nilibot pa siya nito sa loob ng bahay saka ito nagpaalam sa kaniya. Hindi pa siya nakatango at nakapagsalita, nakatalikod na ito at nagmamadaling sumakay ng elevator. Mukhang naubos yata niya ang oras nito. Napangiti siya at kumaway na lang sa hangin.
“Mag-iingat ka,” pabulong na lamang na sambit niya.
Nalula siya sa sobrang ganda ng penthouse lalo na nung nasa malaking terrace siya at pinagmamasdan ang napakagandang citylights nang gabing iyon. May pinapunta rin si Theon na ilang tao para magdala ng groceries at kagamitan niya para sa katawan, na parang pang-buong taon niya yatang paninirahan sa penthouse nito.
Sanay na siyang mag-isa kaya hindi na rin siya naging malungkot sa malaking bahay na iyon. Pinagod niya ang sarili sa panonood sa buong lugar na kahit kailan ay hindi niya nagawa. Ang lamig ng hangin at bahagya niyang niyakap ang sarili. Ang sarap pala mamuhay nang ganito, nang matiwasay, nang wala siyang tinatakasan takot pero alam niyang panandalian lamang ang lahat ng ‘yon.
Nang gabing ‘yon nakatulog agad siya ng mahimbing. Nakakatawa lang isipin dahil napaginipan niya ang lalaki na nasa isla sila at sabay na nagtatampisaw sa tubig. Tanghali na rin siya nagising dahil napasobra ang kaniyang tulog o sa madaling salita, masyado niyang inenjoy ang panaginip na kasama niya ang lalaki.
Buong araw niyang binabad ang sarili sa pagluluto ng pagkain at paglilinis. Mukhang matagal-tagal na rin nalinisan ang bahay dahil sa mga konting alikabok na nando’n. Ang saya pala mamuhay ng may kalayaan at ito ang gustong gusto niyang maabot.
At sa gabing ‘yon, nagpunta siya sa may jacuzzi sa terrace. Malaki ang terrace at mula roon, kitang-kita niya ang nagkikislapan bituin sa kalangitan. Ang magaganda’t iba’t ibang kulay ng ilaw sa terrace at mga halaman na mukhang kailangan ng alaga niya dahil nanunuyot na, ang mga matatayog na building nasa harapan niya at magagandang ilaw ng mga ‘to. Lahat! Everything was beautiful!
May bubble bath na nando’n kaya nakialam na rin siya. Huling beses niyang naglalaro ng bula nung bata pa siya, kasunod niyon, puro limitado na ang galaw niya at kahit pwede naman niya gawin iyon sa sarili niyang kwarto— hindi niya ramdam ang saya at contentment.
Isang oras din siyang nagbabad at naglalaro ng mga bula saka nagpasyang tumayo. Pakanta-kanta siyang naglakad patungo kung saan nakasampay ang bathrobe. Kampante siyang naglakad na walang saplot sa katawan dahil alam niyang siya lamang mag-isa.
Eksaktong mula sa glass na pintuan ay lumabas ro’n ang lalaki. “Jackylyn? Are you here?”
“Ha?!” awtomatikong nanlaki ang kaniyang mga mata nang tumama ito kay Theon na nakatayo sa unahan. Holy Mary! Parang gusto niyang maglupasay sa hiya.
Huli na siya. Napatingin sa kaniya si Theon at tulad niya napatulala rin ito at mabilis na tumalikod nang mahimasmasan. “Fuck! I’m really sorry! I didn’t know you were actually here... Naked.”
Lord! Kunin niyo na ako!
Hindi niya magawang igalaw ang paa sa sobrang kahihiyan kaya ang tanging nagawa niya ay mapaupo at takpan ang katawan. Nakakahiya!
“S-sorry k-kung naligo ako rito!” Maiiyak na yata siya.
“I-its okay- I mean, I gotta go. I just pass by to see how you doing here.”
Nagtaas siya ng tingin at sumalubong sa kaniya ay ang pagsara ng pintuan. Nakaalis na ang lalaki. Napangiwi siya sa sobrang kahihiyan nang gabing ito. Bakit?! Gusto niyang magpagulong-gulong sa hiya. Nakita na ni Theon ang kaniyang katawan, wala na. Wala na siyang mukhang maihaharap dito. Wala na talaga. Kaya rin siguro ito agad umalis dahil napangitan sa katawan niyang mukhang walis tingting. Nandiri ito malamang! Sa isiping ‘yon mas lalo siyang ngumawa at naiinis sa nangyari.
Naiiyak na kinuha niya ang bathrobe at sinuot iyon. Ang tamlay niyang naglakad papasok sa loob ng kabahayan nang makita niya si Theon na papasok ulit ng bahay. Namula siya ng husto at hindi kayang salubungin ang tingin nito.
“Nakalimutan ko.” May nilatag ito sa center table. “Its a cellular phone. I saved my number on the contact. You can give a call kung may problema rito.” At umalis din ito agad matapos mailatag ang isang box.
Ilang minuto rin siyang natuod sa kinatatayuan bago nag-sink in sa kaniyang isipan na umalis na ang lalaki at may iniwan itong bagay. Mabilis niya itong nilapitan at tiningnan, nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang mamahaling brand ng cellphone ito! Parang hindi niya kayang tanggapin pero hindi rin niya kayang hindian at mula sa sulok ng isip niya, alam niyang naaawa at gusto lang siyang tulungan nito. Nothing more. Hindi siya dapat mag-isip ng kung ano. Sana hindi siya mahirapan nito sakali sa nalalapit niyang pag-alis.
Panibagong umaga, unang ginawa ni Jackylyn ay magdilig ng halaman at bulaklak sa terrace at alisin ang mga tuyot na dahon ng mga ito. Lumanghap din siya ng preskong hangin at hinawi lahat ng mga kurtina.
Ang ganda ng umaga! Kinalimutan na rin niya ang nangyaring kahihiyan kahapon, siguro naman no big deal ito sa lalaki. Nakakapanghina lang ng loob.
Nagpasya siyang bumaba papunta sa katabing condominium, may isang rooftop garden ito at ito ang unang napansin niya sa sobrang ganda sa tuwing dumudungaw siya sa ibaba.
Puting tshirt at sweatpants ang kaniyang suot, at nakapambahay na tsinelas. Nagmadali siyang bumaba sa elevator at tinungo ang kabilang building. Hindi naman siguro siya pagagalitan ni Theon kung malaman siya nitong umalis. Ang lawak ng ngiti niya nang magbukas ang pintuan ng elevator sa groundfloor pero awtomatikong nanlaki ang kaniyang mga mata sa gulat nang magtama ang mga mata nila ng taong tinatakasan niya.
Zerus?!
“Jaakkina!” Bumalagsik ang mukha nito at agad na sumampa sa elevator para hawakan siya pero mabilis ang kaniyang paa na sipain ito sa tuhod. Napaatras ito at napaaray sa sakit.
Halos mamutla siya sa nakita at parang may sariling utak ang kaniyang nanginginig na kamay na mabilis na pindutin ang close button ng elevator bago ito makabawi. Abut-abot ang kaniyang dasal na sana hindi siya maabutan nito. Maraming floor ang kaniyang pinisil para hindi siya nito malaman na sa pinakataas siya. Jusko! Kung alam lang niya na dito sila magkikita ng tao nang kaniyang lolo ay hindi na siya bumaba pero paano nito nalaman na andito siya? Goodness! Sana hindi siya nito mahuli, sawang sawa na siya sa kaniyang kulungan. Ayaw niya ng bumalik sa mansiyon! Hindi siya nababagay ro’n.
Sa kakataranta niyang tumakbo papunta sa loob ng kabahayan, nabangga siya sa isang matipunong katawan. “Please ‘wag mo na akong ibalik kay Don Jukka! Ayuko na! Layuan niyo na ako. Tigilan niyo na ako!” paghihisterya niya. Nagsimula siyang manginig sa takot at pati katawan niya ay biglang nanlamig na parang yelo.
Isang malakas na yugyog ang kaniyang nakuha sa taong nabangga niya. “Jackylyn? What’s wrong? It’s me Theon.”
Eksaktong pagtaas niya ng tingin ay ang pagtama ng sinag ng araw sa mukha ng lalaki. Biglang bumuhos ang kaniyang mga luha. Si Theon nga ito, ang buong akala niya kanina ay naabutan siya ni Zerus at dadalhin na siya sa kaniyang lolong kriminal. Wala sa sariling napayakap siya sa lalaki at umiyak sa dibdib nito. Grabe ang takot na kaniyang naramdaman.
“Anong nangyayari? Hey calm down, calm down! I’m here, okay? I’m here. You’re in my territory.”
Kumalma lang siya nung haplusin nito ang kaniyang ulo. Nagtaas siya ng tingin at humingi ng pasensya sa lalaki saka dali-daling pumasok sa loob ng kabahayan. As if pakiramdam niya ay much safer siya ro’n kahit alam niyang malabo na iyon mangyari.
Hindi pa rin makahuma si Jackylyn sa nangyari. Nababalisa siya sa isipin na nagkita sila ng tauhan ng kaniyang lolo. Paano kung nahuli siya nito? Paano kung sasabihin ni Zerus sa matandang Don na nandito siya? Nanginig siya sa takot at hindi mapakali sa loob ng silid.
Palakad-lakad siya at uupo naman habang nag-iisip kung anong pwedeng gawin. Unang pumasok sa isip niya ay tumakas na ngayon din bago siya nito maabutan pero wala siyang perang gagamitin. Anong gagawin niya ngayon? Ang perang nando’n sa bag niya ay galing sa kaniyang allowance iyon na siyang iniipon niya para sa gagawing pagtakas.