Napatingin si Lianne sa labas ng bintana, malakas pa rin ang ulan. May kasamang kulog at kidlat pa iyon. Napahugot siya ng malalim na buntunghinga. Panay tingin din niya sa wall clock, maghahating-gabi na pero walang Zyd na dumating. Hindi siya mapakali. Panay ang lingon niya sa bintana at sa lakas ng ulan sa labas.
Bwesit na lalaking iyon! Saan ba kasi siya? Umalis na ba? Imposible, andito pa gamit niya at wallet. Alangan naman maglalakad siya pabalik ng Pensylvannia? Napairap siya sa hangin at hindi mapakali.
Nasa loob na siya ng silid kasama ang anak niyang mahimbing na natutulog ngayon. Sa kabilang silid, ando’n si Henrik at siguro sa mga sandaling ito, mahim-bing na rin itong natutulog.
Napaupo siya sa kama at malayang pinagmasdan si Aerush. Hindi niya mapigilang masaktan para sa bata. Sa murang edad nito, naranasan nito ang umiyak sa sobrang takot. Mabuti at malakas ang anak niya, kahit ilang gabi rin ito nagigising na umiiyak sa bangungot na hinahabol daw ito ng monster. Isang monster lang naman ang kilala niyang tinatawag nito, ang demonyitang si Kate. Kaya mas lalong nadadagdagan ang galit niya kay Zyd. Sa tuwing nagigising ito sa takot na takot, mas lalong bumibigat ang kaniyang galit. Kung hindi pa sila umuwi ng Pinas, baka tuluyang na trauma ang kaniyang anak.
Pero nasaan na ba si Zyd? Hayop ‘yan! Pinag-alala ako ng lalaking iyon, ah. Bakit ba kasi hindi niya tanggapin na wala na, na ayaw ko na? Ngayon, pinagpaalala pa ako ng damuhong iyon.
Hindi siya mapakali. Umalis siya sa kinauupuan at humakbang patungo sa bintana, malakas pa rin ang ulan. Wala yata itong planong huminto. Nag-aaway ang puso at isip niya kung lalabas ba siya ng kwarto para silipin kung nakauwi na ba ito at nasa sofa na ba ito natutulog, o hayaan na lang?
Bwesit!
Ang una ang pinili niya. Bahala na! Nagsuot siya ng roba dahil tanging manipis na pantulog lang ang kaniyang suot. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan, sandali muna niyang nilingon ang mahimbing na natutulog na si Aerush— mapakla siyang napangiti. Bago pa magbago ang kaniyang isipan, mabilis siyang lumabas ng kwarto at tinungo ang hagdanan.
Wala pa siya... Hindi pa siya umuwi...
Napakunot ang kaniyang noo. Pakiramdam ni Lianne, biglang sumakit ang kaniyang ulo. Dalawang beses na check niya na ito at may bumubulong sa utak niya na balikan ang palayan kung saan, ando’n ang kubo.
Hindi kaya, may masamang nangyari sa kaniya? Nalunod sa putik? Shutaaa, ‘wag naman sana! O baka, nadapa sa batuhan at nauntog ang ulo? Pakshet!
Bigla siyang pinanlamigan kahit malamig na ang panahon. Nayakap niya ang sarili at nalilito kung ano ang gagawin sa mga sandaling iyon. Hindi sanay si Zyd sa klima ng Pilipinas at mas lalong hindi ito sanay sa ulan. Lagi niya itong napapansin na namumula ang ilong at leeg. Sa tuwing nabababad ito ng mataas na sikat ng araw, agad itong namumula ng husto. Halatang hindi sanay sa init. Mabilis din itong sipunin kapag nauulanan pero agad din nawawala.
Muling kumidlat at kumulog sa labas, napapiksi siya. Mas lalo siyang kinain inis. Bahala na nga si Zyd! Nakasimangot na humakbang siya pabalik sa hagdanan pero agad din siyang natigilan. Paano kung may masamang nangyari nga rito? Ilang oras na ang nagdaan at hindi pa ito kumakain. Kainis naman!
Naghanap siya ng flashlight at payong. Hindi na siya nagdadalawang isip na puntahan ito sa palayan. Wala naman kasi itong alam puntahan kundi ang palayan at bahay nila. Hindi naman halos ito lumalabas ng bahay basta kung saan siya, ando’n din ito laging nakasunod sa kanila ni Henrik.
Malakas ang ulan pero hindi niya iyon inalintana. Bukas na bukas din, tatawagan niya si Zig na kunin ang kapatid nito para tigilan na siya. Napakagat siya ng labi sa sobrang lamig ng ulan, isabay pa ang malakas na hangin. Hayop naman kasi ni Zyd! Pinapahirapan siya.
Kahit sobrang dilim ng maputik na daan na nilalakadan niya, na tanging flashlight lang at kidlat ang nagbibigay ng liwanag, naglakas loob siyang suungin ang malakas na ulan. Bahala na! May kalayuan din ang palayan mula sa bahay kaya ang ginawa ni Lianne, tinakbo niya iyon. Kahit napapasigaw siya sa malakas na kidlat at kulog.
Namataan niya na ang kubo. Napahinga siya ng maluwang sa isiping ando’n sa loob ang lalaki. Wala siyang sinayang na oras, agad siyang tumakbo papunta ro’n kahit ilang beses siyang nadapa at nahulog sa palayan. Bwesit na bwesit siya pero wala siyang magawa kundi ang sunduin ito.
“Zyd!” kulang na lang lumabas lahat ng hangin niya sa baga sa lakas ng sigaw niya, “Zyd! Nasa’n ka ba?!” Walang saysay ang payong na dala niya dahil tuluyan na siyang nabasa. Nilibot niya ang paningin, wala siyang makitang Zyd. Isa na lang ang pwede niyang tingnan, sa loob ng kubo.
Mabilis siyang tumakbo papalapit sa kubo at tinulak ang pintuan. “Zyd? Zyd, andito ka ba?!” Inumang niya ang dalang flashlight sa bawat sulok. “Hindi!” nagulat siya nang makitang nakahiga ang lalaki sa lapag habang nilalamig.
Agad niya itong nilapitan kahit sobrang lakas ng tahip ng puso niya. “Ano ba’ng mangyayari sa`yo? Zyd!” Agad niyang nailayo ang kamay nang salatin niya ang noo nito na sobrang init. Nagsimula siyang mataranta. Basang-basa ang damit nito at nanginginig ito ngayon. Nalilito siya kung ano ang unang gagawin; ang tumawag ba ng tulong, o ang gisingin ito. Ang huli ang kaniyang pinili.
“Z-zyd... Ako ‘to, si Lianne. Zyd! Gumising ka... Hoy!” Niyugyog niya ang balikat nito pero panay ungol lang ang lumabas sa bibig ng lalaki. Napapaso rin siya sa init na nagmula sa katawan nito. Nagsimula siyang mataranta. Hindi niya nama-layang pumatak ang mga luha galing sa mata niya habang pinipilit niya itong magising.
“Zyd gago ka talaga, eh ‘no? Balak mo ba mamatay rito sa Pinas? Mahal ang kabaong dito plus bayad pa pauwi ng katawan mo papuntang Pensylvannia. Gago ka talaga! Mamatay ka nga rin lang, sa kubo pa. Ang dugyot mong tao ka talaga. Hoy, Zyd... Zyd!”
“E-Elhouette...”
Natigilan siya. Agad niyang hinagilap ang kamay nitong nangangatog. “Ako nga.”
“I... I l-love y-you...”
“Zyd!” kung dati, naiinis siya pag sinasabi nito ang katagang iyon... Ngayon kinakabahan siya. Kinakain siya ng sobrang takot. Mali naman siguro ang binu-bulong ng utak niya na matsugi ito! Hindi pwede. Mahal ang kabaong ng St. Peter at hindi pa siya nakapag-avail ng Life Plan. Hindi nga niya alam kung anong paboritong kabaong nito, ‘yong rainbow ang kulay or plain white lang na may maraming disco light sa loob. Nalilito siya! Maraming kabaong si St. Peter pero kung bet nito ang may disco, pwede na rin. Para kung sakali, magdidisco na lang ito sa ilalim ng lupa kapag na bored.
“D-don’t leave me... P-please?”
Hayop! Ano siya, baliw para iwan ito? Tumango-tango lang si Lianne at hindi na siya nag-atubling yakapin si Zyd. Nanginginig ang katawan nito at alam niyang mataas ang lagnat ng lalaki. Naiiyak na niyakap niya ito ng sobrang higpit. Bakit ba napakabobo ng taong ito?!
“El-elhouette... W-what ever happen... I... I want you to know...”
“Huwag ka nga magsalita!” naluluhang saway niya. Hirap na hirap ito sa pagbigkas at pati siya nahihirapan. Pero naramdaman niya ang masuyong kamay nito sa kaniyang ulo at marahang hinaplos iyon.
“I... Want you to know... That... You... Made me realized what l-love, really is. Y-you made me realized that loving you... Is the best part of my existence. I... Love you more than I love myself... Kayo ng anak natin. Ma-mahal na mahal kita, Lianne Elhouette Vergara McClusk——”
“Zyd? Zyd! Hayop ka, ‘wag kang mamatay sa`kin! Zyd... Zyd naman, eh.” Sunod-sunod na nagsibagsakan ang mga luha sa mata niya. Nataranta, naguguluhan, nalilito— lahat! Halo-halong emosyon.
Anong gagawin ko? Ano!
Impit siyang napaiyak habang pinipilit itong gisingin. Humiga siya tabi ng lalaki at niyakap na lang niya ito. Napakabwesit talaga nitol lagi! Ang alam nito, lagi siyang paiyakin. “Zyd naman, eh...” Tuluyan siyang napahikbi nang walang sagot mula rito. Walang Zyd, walang tumugon sa yakap niya, wala... Walang sagot na nagmula pa rito.
Hinanap niya ang pulsuhan nito kahit nanginginig ang kaniyang kamay at panay ang kaniyang hikbi. Nagulantang na lang siya nang malamang... Wala itong pulso.
“Zyd? Tangina! Huwag mo akong biruin. Huwag mo akong biruin ng gan’yan!” Nagsimula siyang mag-hysterical. Ang kaninang hikbi niya, naging hagulhol. Hindi! Binibiro lang siya ng lalaking ito. Hindi siya nito pwedeng iwan. Hindi. “Zyd! Pakshet mo talaga kahit kailan. Gumising ka... Gising. Zyd naman, eh. Mahal mo ako tapos mang-iiwan ka? Gago ka ba?! Zyd, Zyd naman, eh. Zyddddddd!”
WATCHING a peaceful death of a human being reminds us of a falling star; one of a million lights in a vast sky that flares up for a brief moment only to disappear into the endless night forever.
Napatitig si Lianne sa nabasang iyon sa isang libro. Mapait siyang napangiti habang dahan-dahan nagsipatak ang mga luha sa kaniyang mata. Pinipilit niyang huwag siyang lunurin sa sobrang lungkot at baka magtaka pa si Aerush.
“Lianne?” Napalingon siya. Nakita niya si Henrik na masuyong nakatingin sa kaniya at bahagyang ngumiti. “Come on, umiiyak ka na naman. Mugto na ang mga mata mo sa kaiiyak.”
Napakagat siya ng labi at mabilis na pinunasan ang mga luha sa mata niya. “Oo na, hindi na iiyak. Aalis na ba tayo?” Ngayon ang araw na babalik sila sa Pensylvannia.
Bumuntunghinga ito bago tumango, “Yes and please, don’t blame yourself. Malulungkot siya kapag nakita ka rin niyang nasasaktan at umiiyak.”
Marahan siyang tumango. Sino ba kasing hindi tanga ang hindi masasaktan? “Henrik...”
“Yes, Min Dam?”
“Thank you.” Ngumiti ito ng masuyo at marahan siyang niyakap. Sa dibdib siya nito patuloy na nag-iiyak. Hindi pa rin niya matanggap. Sobrang bilis ng pangyayari. Kahit anong pilit niyang pag-iintindi, hindi kayang tanggapin ng utak at puso niya. “Kung hindi ko siguro siya pinagsalitaan ng masama that time, baka b-buhay pa siya... Ang sama ko, Henrik! Bakit hindi ko man lang napapansin na may sakit siya? Bakit hindi ko man lang napansin lahat ng iyon? Puro galit pinairal ko... Puro pride...”
“Shhh... Enough. It’s not your fault. Please? Don’t blame yourself. Tama na iyon. Zyd is gone.”
Mas lalo siyang napaiyak at yumakap ng mahigpit sa binata. Ang sakit ng puso niya at ilang gabi rin niya itong iniyakan. Hindi niya matanggap. Hindi talaga.
“Hey Min Dam, we’re here. Pensylvannia,” boses ni Henrik ang gumising sa mahimbing niyang pagtulog.
Nang magmulat siya ng mata, nasa Pensylvannia na nga sila habang naka-yakap ang anak niya sa binata at mahimbing na natutulog pa. Malungkot siyang ngumiti at inayos ang sarili. Kahit ayaw niyang bumalik ng Pensylvannia, hindi pwede. Kailangan niyang abutan ang huling lamay ni Zyd. Yes, tuluyan siyang iniwan nito. Ang hilig nito mang-iwan. Hayop! Ngayon, panghabangbuhay na siyang iniwan. Wala ng Zyd na mangungulit sa kaniya. Wala ng Zyd na panay sunod kahit saan siya magpunta. Walang Zyd na kumakatok sa pintuan niya at may nilutong pagkain. Walang Zyd na naliligo sa putik mapa-impress lang ang magulang niya. Wala na, wala ng Zyd... Wala na ito.
“Lianne...” Napatingin siya kay Henrik. Nakangiti ito sa kaniya at hinaplos ang kaniyang pisngi. “Of all woman, ikaw lang ang minahal ko...”
“Ha?”
“I love you.”
Ngumiti siya. Wala siyang mahagilap na salitang sasabihin.
“And because I love you, I chose what’s best for you Min Dam...” Kinintalan nito ng halik ang kaniyang noo. “Be happy. Don’t worry about me, kasi sa simula pa lang alam kong talo na ako sa puso mo.”
“Henrik…”
Ngumiti lang ito at ginulo ang kaniyang buhok. “You’re always my Min Dam, Lianne. This heart chooses you.” Tinuro nito ang puso. “But this time, alam ko na kung sino ang para sa`yo. You don’t need to push McCluskey away para hindi ako masaktan. Alam kong ayaw mo lang akong saktan. I know that you love him until now and I understand.”
“W-wait, Henrik... Anong nangyayari? Anong pinagsasabi mo?” bigla si-yang nalito. Ano ba ang gusto nitong ipahiwatig? Wala siya sa matinong pag-iisip para intindihin ang sinabi nito. Gulong-gulo pa rin ang utak niya.
“Shhh... Just relax.” ngumiti ito at pinisil ang kaniyang kamay.
Tanging tango lang ang kaniyang sinagot kay Henrik. Hindi na siya nag-tanong pa. Wala rin siya sa mood mangusisa. Ang gusto lang niya, makita ang katawan ni Zyd, ang masilayan ito sa huling pagkakataon bago siya magpaalam. Bago sila tuluyang magpaalam ni Aerush dito.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang shoulder bag nang mata-mang maraming taong naghihintay sa labas. Ewan, parang kinabahan siya na hindi niya alam. May mga press at camera sa buong paligid at lahat nakatingin ito sa kanila ni Henrik. Kailan naging big deal sa mga ito na magkasama sila ng isang Gustavvson?
Napalingon siya kay Henrik. Nawala ito sa kaniyang tabi. Saan ito nagpunta? Bigla siyang kinain ng kaba. Baka dumugin siya ng mga tao at tanungin kung bakit, paano, anong dahilan ng pagkamatay ni Zyd sa Pinas. Wala naman siyang ibang naiisip na dahilan kundi ito lang. Hindi siya super sikat at isa lang siyang model.
Nagtilian ang mga taong nando’n nang tumugtog sa buong paligid ang kantang ‘Can’t Help Falling In Love’. Sumikdo ang kaniyang puso! Ito ‘yong kantang nasa Paris sila ni Zyd at binigyan siya ng maraming bulaklak. Mas lalo siyang naguluhan. May shooting ba? Pero bakit sunod-sunod na nagsibagsakan ang mga luha niya?
Nag-ikot siya ng tingin. Bakit... Bakit pakiramdam niya, hindi siya mapakali? Nag-uunahan sa pagtibok ang kaniyang puso at mabibingi yata siya sa sobrang lakas.
Zyd...
Ang pangalan ng lalaki ang binulong ng puso niya kahit alam niyang hindi niya na ito kailan pa makikita. Panay ang linga niya sa paligid, may hinahanap ang kaniyang mata habang patuloy sa pag-play ang kanta. Hindi niya na rin mapigilan ang mga luhang nagsiunahan sa pagbagsak.
Nagsitilian lahat ng tao sa loob ng Airport nang sunod-sunod na pumasok ang mga stewardess at may dalang nga sunflower. Naging tuod siya. Ang mga paborito niyang bulaklak! Mas lalo siyang naguluhan nang lumapit ang mga ito sa kaniya at isa-isang binigay sa kaniya ang mga sunflower na may naka-attached na note. Tulirong tinanggap niya ang mga iyon at binasa ang ilan sa mga notes.
“Loving you is like breathing. How can I stop?”
***
“Thank you.
For showing me what love is all about.”
***
“Wife, please love me again...”
Zyd... bulong ng puso niya ng mga oras na iyon.
Hindi naman siguro prank ito. Hindi naman siguro siya nagha-hallucinate ng mga bagay-bagay or baka nanaginip lang siya ng gising. Parang masasabog ang puso niya at akmang sasampalin niya ang sarili nang mula sa kung saan, may nagsilabasan na mga male stewards at may dalang kaniya-kaniyang life size letter. Natulala siya nang mabasa niya ang nakasukat do’n.
MARRY ME, MY ELHOUETTE.
Kasunod ang pagkahol ni Lula at Tacu na hawak nang dalawang lalaking sa magazine lang niya nakita. Hindi niya matandaan ang mga pangalan. Napanganga rin siya nang makita si Muning na maarteng naglalakad kasunod si Zig.
Napahawak siya sa dibdib, pakiramdam ni Lianne ay kakapusin siya ng hangin. Hindi siya nananaginip, iyon ang totoo. Lahat ng nakikita niya ngayon sa harapan, totoo lahat! But where is Zyd? Pinunasan niya ang mga luha at panay ang lingon niya, hinahanap niya ang presinsya nito.
“Baby...”
Awtomatikong huminto ang kaniyang mundo. Napako ang buong tingin niya kay Zyd na dahan-dahang naglalakad patungo sa kaniyang deriksyon. Masuyo itong nakangiti at kitang-kita niya ang pagmamahal na pinagkait nito sa kaniya rati.
“Sorry, Elhouette. Ito lang ang paraan para malaman ko rin na mahal—”
Isang malakas na sampal ang binigay niya rito nang makalapit siya. Nag-iiyak siyang tiningnan ito sa mata at galit na pinagsusuntok ito sa dibdib. “Ang daya mo! Bwesit ka talagang lalaki ka. Alam mo ba kung gaano ako kinain ng guilt ko sa akalang namatay ka nga, ha?! Napakagago mo talaga.”
Natatawang niyakap naman siya nito at masuyong hinaplos ang buhok. “I’m sorry... I’m sorry... Alam kong, maling-mali ang ginawa naming magkaibigan but what can I do? Para mo na rin akong pinatay everytime you pushed me away.”
Isa pang sampal ang binigay niya rito saka siya tuluyang nag-iiyak sa dibdib nito habang niyakap siya nang sobrang higpit. Ang kaniyang iyak ay nauwi sa malakas na hagulhol habang ang mga taong nando’n, nagsitilan sa sobrang kilig at palakpakan. Do’n lang siya natauhan na maraming nanonood sa kanila. Mabilis siyang lumayo sa lalaki at nagpunas ng luha.
Nakangiting lumuhod naman ng dahan-dahan si Zyd sa harap niya. Ang mga mata nito, punong-puno ng pagmanahal at pangulila sa kaniya. “Will you marry me... Again, wife?” Saka nito nilabas ang singsing na binigay sa kaniya ni Mrs. McCluskey. Ang heirloom ring.
Naiwala niya ito rati at kahit anong hanap niya hindi niya nakita. Ang huling natandaan ni Lianne, hawak-hawak niya ang singsing nung nasa Hospital siya sa sobrang pag-alala. Hindi niya napansin na naiwala niya iyon. Pero ngayon, nasa kamay ito ni Zyd at muling binabalik sa kaniyang daliri.
Nagtaas siya ng tingin. Hayop na luha naman ito, eh! Tinatraydor na naman siya. Handang makikipagkarerahan na naman sa mata niya.
“Mommy! Marry mo na si Daddy.”
Napalingon siya. Nakita niya si Aerush na nagtatakbong lumapit sa kaniya. Agad niya itong kinarga at hinagkan sa noo. Ang prinsesa nilang dalawa.
“Daddy, say it again.”
Natawa sila pareho ni Zyd. Tumango naman ito at ginanap ang kaniyang isang kamay habang karga ng isang kamay niya si Aerush.
“Elhouette, my wife... Maawa ka, pakasalan mo na ako. Maging akin ka ulit, please? Tanggapin mo na ako sa buhay niyo ni Aerush. Baby, I won’t break your heart this time. Kung dati, wala akong balls. Ngayon, meron na and I can prove it over and over again. I love you, kayong dalawa ng anak natin. So please, maawa ka sa kagwapuhan ko. Tanggapin mo na ang puso ko at pakasalan ako, please, Elhouette?”
“Please po, Mommy? Please, accept mo na si Daddy, oh.”
May karapatan pa ba siyang humindi. Kunwari siyang nag-isip. Nagsi-ugungan naman lahat ng taong nando’n at sabay-sabay nag-chant ng ‘Marry Him’. Sa sobrang lakas ng tibok ng puso niya, bigla siyang sumagot ng ‘Oo’.
Mabilis siyang niyakap ni Zyd nang maisuot nito ang singsing. Ang OA rin nito, hindi lang siya ang umiiyak kundi pati rin ito. Niyakap sila nito at nagsi-palakpakan naman lahat ng tao.
“Congratulations!”
W A K A S ! ! !