Napasinghap si Blessy nang makarinig siya ng malakas na kalabog sa labas. Nanghihina na ang kaniyang katawan pero himalang ‘di siya nakaramdam ng gutom. Ang tanging ginawa niya para hindi siya tuluyang masindak sa takot, binalikan niya lahat ang masasayang alaala nila ni Fender sa labas ng bansa. Binalikan niya lahat hanggang sa wala ng iluluha ang kaniyang mata.
Gusto niyang makatakas at umalis pero hindi
niya alam kung paano. Nanginginig ang kaniyang kamay nang abutin niya ang siradura at marahang pinihit iyon. Tulad nung una, sirado pa rin ito. Sunod na kaniyang ginawa, kinatok niya ang pintuan mula sa loob.
“Blessy!”
Bigla siyang nabuhayan ng loob nang marinig niya ang boses ni Fender sa labas. Ang lakas ng kalabog ng kaniyang puso na pakiramdam niya, dinadaya na lang siya ng kaniyang pandinig nang mga sandaling iyon.
“Blessy, it’s me Fender. Are you there?”
“F-fender...” pero walang boses na lumabas sa kaniyang lalamunan. Nanghihina siya pero kailangan niyang labanan ang panghihinang naramdaman.
“Fuck!” narinig niya ang malakas na mura nito.
Kasunod na narinig niya ay malakas na kalabog sa labas. Kahit wala siyang nakikita, alam niyang napaaway ang binata sa labas. Ilang beses siyang humugot ng malalim ng hangin. Gumapang siya at lumayo sa pintuan. Nang masigurado niyang malayo na siya sa pintuang ‘di niya nakikita, inipon niya lahat ng lakas niya saka niya sinambit ng malakas ang pangalan ng binata.
Biglang bumalandra sa harap niya ang pintuan. Agad nagkalat ang liwanag sa buong silid at napapikit siya sa liwanag na nagmula sa labas. Pakiramdam ni Blessy, ang tagal niyang nakakulong sa loob na iyon kasama ang bangkay na nagsimula nang mangamoy.
Isang mahigpit na yakap ang kasunod niyang naramdaman at kahit ‘di niya buksan ang mata, alam niyang si Fender iyon. Alam niya, sa haplos at mainit na yakap na nagmula sa katawan nito. Napahikbi siya at dahan-dahang nagsibagsakan ang mga luha sa kaniyang mata. Akala niya, wala na siyang mailuluha pero nagkamali siya sa parteng iyon.
“F-fender...” ang lakas ng iyak niya sa dibdib nito. Akala niya, tuluyan na siya nitong iniwan.
“I’m sorry love... I’m sorry.” Ang higpit ng yakap nito sa kaniya.
Ramdam niya ang pagsisisi sa boses ni Fender at pagmamahal sa kaniya. Masuyo nitong hinaplos ang kaniyang buhok at pilit siyang pinapakalma pero mas lalo siyang napaiyak. Naipon lahat ng sakit at takot niya.
“Kasalanan ko ito. I’m sorry love kung nahuli man ako... I’m sorry.”
Hindi siya sumagot. Nag-iiyak lang siya sa dibdib ng binata hanggang sa naging okay siya at kumalma. Ang totoo, wala siyang galit na nararamdaman dito kundi takot. Takot na baka ‘di na sila magkikita.
Inalalayan siya ni Fender na tumayo. Nanginginig ang kaniyang tuhod pero nakakaya pa rin niyang tumayo.
“We’re going home,” anas nito.
Tumango lang siya. Kasunod na ginawa nito, pinangko siya at nanghihinang sinandal niya ang kaniyang ulo sa dibdib ng binata. Pinakinggan niya ang malakas na tibok na puso ni Fender. Alam niyang galit ito dahil na rin sa aura ng mukha nito ngayon pero okay na siya. Masaya na siyang nandito na ito.
“Lumitaw ka rin sa wakas.”
Pareho silang natigilan ni Fender nang may lumitaw sa kanilang harapan na tatlong lalaki. Naramdaman niyang kumuyom ang kamao ni Fender at pagngangalaiti ng bagang.
“Umalis kayo sa daraanan ko at baka ‘di ko mapapalagpas ‘tong ginawa niyo sa babaeng alam niyong pinoprotektahan ko sa lahat.”
Napasinghap siya nang marinig niya ang sinabi nito. Nanghihina siya pero sa paraan nang pagkasabi nito, damang-dama niya ang ‘di matatawarang galit na bumabalot sa pagkatao ngayon nito. Sa aura nito ngayon, hindi ito nakikipagbiruan. Handa itong papatay.
“Hindi ka namin hahayaan makaalis agad sa organisasyon na gano’n na lang, Zerus. Alam mo ang patakaran. Alam mong buhay ng babaeng ‘yan ang magiging kapalit kapag umalis ka.”
Muling naglandas ang luha sa kaniyang mata at mabilis niyang pinunasan iyon. Buhat-buhat pa rin siya ni Fender at wala siyang nakikitang takot sa mga mata nito ngayon na nakatunghay sa tatlong lalaking humarang sa kanilang daraanan.
“Ginawa ko ang lahat ng utos ng organisasyong ito. Tatlong taon ang usapan. May karapatan akong umalis.”
Bigla siyang nilukob ng takot nang humalakhak ang isang lalaking may dala-dalang cigarette pipe at marahan humithit do’n. “Zerus, masyado mo akong pinapatawa. Walang pwedeng umalis sa organisasyong ito, alam mo iyan.”
“F-fender...” halos gumuhit lang iyon sa kaniyang labi nang sambitin niya ang pangalan nito.
“Dalawang araw kasama ang isang bangkay sa loob ng isang silid, kumusta ang pakiramdam mo Blessy?”
“Fender, ‘wag!” mabilis niyang nasambit ang bagay na iyon. Kitang-kita niya ang pagngangalaiti sa galit ng lalaking buhat siya ngayon. Halos magsilabasan ang mga ugat sa leeg nito at nagtitimpi ito.
“Mabait naman pala ang babae mo. Hindi nababagay sa isang katulad natin na may maitim na trabaho sa organisasyon.” Sabay na nagsitawanan ang mga ito.
Gusto niyang malaman kung anong organisasyon ang pinagsasabi ng mga ito pero wala siyang lakas. Dalawang araw siyang nakakulong sa silid na walang laman ang tiyan, maski tubig. Nanghihina siya ‘yon ang totoo.
“Fuck it! Blessy? Blessy!”
Nabibingi siya. Wala siyang marinig. Dahan-dahan pumikit ang kaniyang mata kahit ayaw niyang gawin iyon. May kung anong umaagaw sa kaniyang paningin at naging malabo sa kaniya ang gwapong mukha ni Fender. Nawalan siya ng malay at kadiliman ang bumalot sa kaniya.
NASA isang silid siya nang magising. Agad siyang bumangon at tinawag ang pangalan ng binata. Naluluhang napahinga siya ng maluwang nang makitang nasa tabi niya lang pala ito at matamang nakatunghay sa kaniya. Mabilis itong yumakap sa kaniya nang mahigpit at dinig na dinig niya ang marahang paggaralgal ng boses nito.
“I’m sorry.”
“Shhh... Ano ka ba, buhay pa ako pero iniiyakan mo na ako.”
“Pero muntikan ka nang mawala sa ‘kin sa ikalawang pagkakataon!”
Napasinghap siya sa nakitang galit sa mata ni Fender nang dumistansya ito sa kaniya at ginanap ang kaniyang mukha. Halu-halong emosyon ang kaniyang nakikita sa mga mata nito pero nangingibabaw ang galit do’n.
“Patawarin mo ako Blessy kung hindi kita agad nahanap. Nung magising ako, nasa isang isla na ako at walang kasama. Wala ka. Ang tanging naalala ko lang, nasa bahay tayo at biglang may nagtapon ng chemical sa hangin para mawalan tayo ng malay. Hindi ko sinadyang ilagay sa panganib ang buhay mo. Hindi ko sinadyang ilagay ka sa ganitong sitwasyon.”
Masuyo siyang ngumiti at marahang hinaplos ang pisngi nito. Matinding trauma ang kaniyang nakuha pero alam niya na ang ganito, na bawat pagmamahal na ginagawa niya, may kapalit.
“Masaya akong makitang okay tayo pareho.”
“Magalit ka sa ‘kin, Blessy. Please, magalit ka.” Dumantay ang ulo nito sa kaniyang balikat at damang-dama niya ang sakit na dinadala nito ngayon.
Mabilis siyang umiling. Bakit siya magagalit sa taong nagligtas ng kaniyang buhay ng paulit-ulit?
“Zerus.”
Natigilan siya nang biglang may pumasok na babae. Halos namangha siya sa sobrang kagandahan nito na kulay pula ang lahat ng suot. Walang emosyon itong nakatingin sa kanila, lalo na sa kaniya. Parang inaarok nito ang kaniyang buong pagkatao sa pamamagitan lang ng simpleng tingin nito.
“Fender, s-sino siya?” Napatingin siya kay Fender nang sandaling dumistansya sa kaniya para pagmasdan ang kaniyang mukha pero walang nagbago sa reaksyon nito. Parang balewala rito ang presensya ng magandang babae na nasa kanila harapan at taas-noong nakatingin sa kanila.
“Zerus Craige, we’re leaving.”
“F-fender...” mahinang usal niya sa pangalan ng binata. Nakatingin lang ito sa kaniya at hindi pa rin nawawala ang galit na nababanaag niya sa mata ng binata.
“Mauna ka Ramona. Susunod ako.” Hinawaka nito ang kaniyang kamay at pinaparamdam sa kaniya na ‘wag siyang matakot.
“Okay.”
Kapagkuwa’y narinig niya ang ingay ng takong ng babae. Umalis na ito.
“Umalis na siya. A-ayaw mo mo ba siyang sundan?”
“I can’t leave you. Babantayan kita rito. Wala akong pakialam kung magkakamatayan kami ng organisasyong pinagmulan ko dahil una’t sapol pa lang, ikaw na ang dahilan kung bakit ako nabubuhay.”
Parang may kung anong bumikig sa kaniyang lalamunan nang sabihin nito ang mga katagang iyon. Nag-iwas siya ng tingin para hindi nito mapansin ang panunubig ng kaniyang mata. Si Fender din ang isa sa dahilan kung bakit siya nabubuhay. Malaki ang utang na loob niya sa binata kaya kahit buhay niya, handa niyang ibigay sa lalaki.
“Si-sino ba talaga sila? Anong organisasyon ba ang meron ka, ha? Anong nangyari sa ‘yo sa loob ng ilang taon mo na pagkawala?” mariin niyang tanong dito. Ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na itanong ang bagay-bagay na pati sa kaniya, mahirap bigkasin.
“Blessy.” Humigpit ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay. Tinitigan siya nito ng mariin. Inaarok ang kaniyang kaluluwa at hindi niya kayang basahin ang nilalaman ng isip ng lalaking nasa harap. Masyado itong malalim at sandaling nangapa siya sa emosyon pinakita nito sa kaniya ngayon. Hindi ito si Fender.
“S-sabihin mo sa ‘kin,” mahinang usal niya.
Masuyong hinaplos nito ang kaniyang pisngi at hinalikan ang kaniyang kamay. Habang nanatiling nakasunod ang kaniyang tingin sa anong kasunod nitong gagawin. Mas lalo siyang naguguluhan. May tiwala siya sa lalaking minahal niya pero nang mga sandaling iyon, nalilito siya sa inakto nito. Wala ba tiwala sa kaniya si Fender? Bakit ayaw nitong sabihin sa kaniya ang lahat?
“Fender...”
“Isa akong hired killer.”
Apat letra. Apat na letra na nagpagulat kay Blessy pero imbes na magalit at kamuhian ang lalaking minahal. Mas nangibabaw ang kaniyang pagmamahal dito. Nag-init ang kaniyang magkabilang pisngi at dahan-dahang nagsipatakan ang mga luha sa kaniyang mata habang tahimik na nakatingin kay Fender, hinintay niya ang kasunod na sasabihin nito. Wala siyang karapatan na husgahan ang binata dahil sa sulok ng kaniyang puso, alam niyang isa siya sa dahilan kung bakit naging ganito ito ngayon. Paulit-ulit niyang ipaalala sa sarili na kahit gaano ito kasama, mananatiling si Fender pa rin ang mamahalin niya at pipiliin. Sabay silang nangako at tutuparin niya ang pangakong iyon nila sa isa’t isa.
“Hindi ko sinabi sa ‘yo, hindi ko pinaalam na ganito ang trabahong meron ako. Napunta ako sa isang organisasyong dapat hindi ko dapat samahan sa una pa lang...” naiiling na saad nito at tinakpan ang kalahati ng mukha gamit ang kamay.
“Fender...” Gumuhit lang ang katagang iyon sa kaniyang labi. Hinayaan niya lang itong magsalita. Malaki ang puso niya at malawak ang kaniyang pag-unawa. Maiintindihan niya kahit gaano kasama ang sasabihin nito sa kaniya. Maiintindihan niya kahit ilang tao ang pinatay nito. Pipilitin niyang iintindihin ang sitwasyon nito.
“Marami akong pinatay sa loob ng tatlong taon. Sa loob ng mga taon na iyon, marami akong natutunan at taong nakasalamuha. Marami akong ninakawan ng buhay na mga inosente. Sa mata ng Diyos, isa akong makasalang nilalang Blessy. Hindi isa, dalawa o tatlo ang pinatay ko. Hindi ko mabilang iyon ang totoo. Hindi ko mabilang dahil isa lang ang nasa isip at puso ko nang mga sandaling pinapatay ko ang mga target ko, ikaw at ang mga pangarap mo.”
Napakagat siya ng labi at hindi niya na mapigilan ang butil-butil na luha na malayang nagsipatak sa kaniyang mata. Masakit, sobrang sakit lalo na at nanggaling na iyon mismo sa bibig ni Fender. Ito ang unang pagkakataon na nagkwento ito. Kahit alam niya. Kahit alam niya na ito ang naging linya nong trabahong pinasukan nito, nagkunwari siyang walang alam at sa parteng iyon pa lang ay gusto niya ng humagulhol ng iyak.
Dumantay ang ulo ang niya sa dibdib nito at doon napahikbi. Masakit na masakit ang puso niya na parang mapupunit iyon sa maraming parte. Bakit ganito kasama ang tadhana sa kanila?
“I am sorry Blessy. I’m sorry kung ‘di ko sinabi sa ‘yo, sorry dahil ganitong trabaho ang pinasok ko. Ganitong trabaho ang binuhay ko sa ‘yo.”