Chapter Story 2 - Chapter 17

"Please Fender, kung may dapat man na humingi ng tawad dito. Ako iyon. ako ang dapat humingi ng sorry dahil kung hindi sa ‘kin, alam kong ‘di ka papasok sa ganitong sitwasyon. Lagi ako ang iniisip mo. Lagi na lang ako ang mas inaalala mo at kahit gusto kong magalit sa ‘yo at kamuhian ka, hindi ko magawa. Kasi alam ko mismo sa sarili ko na una kitang minahal. Mas una kitang minahal. Kaya kahit ganiyan trabaho ang pinasok mo, tanggap ko. Hindi kita huhusgahan. Nasaktan, oo pero Diyos nga nagpapatawad, ako pa na tao na? May pagkakataon pa para magbago, Fender. Andito ako, tutulungan kitang magbago. Tutulungan kitang makalimutan ang tatlong taon na iyon na minsan ay ginawang impyerno ang buhay mo.”

Naramdaman niyang yumugyog ang balikat nito at nung magtaas siya ng tingin, niyakap lang siya nito. Mahigpit siya nitong niyakap at walang salitang lumabas sa bibig habang umiiyak itong yakap-yakap siya.

“Zerus.” Muling bumukas ang pintuan. Niluwa ro’n ang babaeng kilala niyan sa pangalan Ramona tulad ng sabi ni Fender. “Mapipilitan akong patayin kang kasama ang babaeng ‘yan kung ‘di ka sumama sa ‘kin ngayon.”

Nanigas siya sa sinabi ng babae. Gusto niyang tingnan ito pero mahigpit siyang yakap ni Fender.

“Blessy, wait me ha? Wait me. May aasikasuhin lang ako. Hindi ‘to para sa ‘kin. Para ‘to sa ‘tin. Puputulin ko sa ikalawang pagkakataon ang connection ko sa organisasyon na minsan kong kinapitan.” Bumitaw ito sa pagkakayakap sa kaniya at mariing hinagkan ang kaniyang noo. “Hindi ko hahayaan may masamang mangyari pa sa ‘yo.”

“I’m counting…” Si Ramona.

“Let’s go.” Nagulat siya nang biglang tinanggal ni Fender ang IV sa kaniyang kamay. Sinunod nitong ginawa ay pinasuot sa kaniya ang jacket na suot nito at mabilis siyang pinangko.

Gulat na gulat siyang napatingin dito. Akala ba niya aalis ito at sasama sa babae. Akala ba niya maghihintay siya rito sa loob ng hospital bed?

“Are you out of your mind? Hindi natin siya pwedeng isama.”

“I know.” Ganting sagot ni Fender habang nasa bisig nito at pangko-pangko. “But I can’t leave her alone. Delikado siya rito sa Hospital. Lend me your house. My Blessy will be safe there.”‘

“What?” inis na pakli ng babae. Tumalin ang tingin nito sa kaniya.

Nagbaba siya ng tingin at napakagat ng labi. “Fender pwede naman na sa baha—”

“No,” mabilis na putol nito. Nasa unahan lang ang tingin nito habang nakasunod sa kanila ang babae. “Ramona, If you want me to come with you. Then mind me using your house for her. Mahalaga ang babaeng nasa bisig ko ngayon at alam mo ang bagay na iyan.”

Narinig niya ang malakas na mura ng babae pero hindi na ito nagkomento pa. Habang siya ay nag-init ang magkabilang pisngi sa sinabi ni Fender. Alam talaga nito kung paano siya papakiligin at patutunawin sa mga simpleng salitang lumabas sa bibig nito.

Malaking bahay ang pinagdalhan sa kaniya ni Fender. Sa isang silid siya nito nilagay na parang alam na alam nito ang bawat pasikot-sikot sa bahay na iyon. napapansin niyang hindi basta-bastang bahay ang pinasukan nila. Marami siyang nakikitang kagamitan na ‘di niya kayang bigyan ng pangalan dahil sa pagkaka-high tech.

“There. You’ll be safe here, love.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Babalik ako. Babalik ako pangako ko ‘yan sa ‘yo.” Tumalikod na ito matapos siya nitong ilapag sa malambot na kama.

“Fender!”

Natigilan ito nang hawakan niya ang dulo ng suot nitong t-shirt. Ngumiti ito at marahang hinawi ang kaniyang buhok na tumabing sa kaniyang mukha.

“It’s okay…”

“Babalik ka, ha? Babalik ka, pinapangako mo ‘yan?”

Natawa ito sa kaniyang sinabi at bahagyang pinisil ang kaniyang ilong. Tumalikod na ito at marahan sinara ang pintuan. Mag-iingat ka… Sunod-sunod na pumatak ang luha sa kaniyang mata pero mabilis niyang pinunasan iyon. may tiwala siya kay Fender na babalik ito. Ang tanging gawin lamang niya ay maghintay rito. Hihintayin niya ang binata. Hihintayin niya ito hanggang sa makabalik.

Natigilan siya nang makitang nasa bulsa ng kaniyang suot na jacket ang cellphone ni Fender. Ah oo, naalala niya na. Jacket ni Fender ang kaniyang suot dahil pinasuot nito sa kaniya iyon nung nasa Hospital siya kanina. Agad niyang kinuha ang phone nang tumunog iyon.

Nagdalawang isip siya kung bubuksan ba niya o hindi pero pinili niya ang huli, Hindi niya alam ang password pero sa mga sandaling iyon parang may isip ang kaniyang kamay na tinipa ang password sa phone ng lalaki.

Namangha siya nang makitang tama ang nilagay niya. Pangalan niya ang password nito. Nag-init ang kaniyang magkabilang pisngi at napangiti.

They’re going to kill you. Don’t show yourself to them.

- Uno

Nanginig ang kaniyang kamay nang mabasa ang mensaheng iyon. Ang pumasok sa isip niya ay ang mukha ni Fender. Nanlaki ang kaniyang mata sa isiping at sunod-sunod na pumasok sa utak niya ang ang mahahabang baril at nakakatakot na hitsura ng organisasyon na sinasabi ng lalaki.

Agad siyang bumaba sa kama at mabilis na tinakbo ang hagdanan. Nagbabasakali na hindi pa nakaalis ang binata at nasa sala pa lang ito kasama si Ramona.

“Fender! ‘Wag kang umalis!”

Pero nag-echo lang ang kaniyang boses sa loob ng kabahayan na iyon. Tahimik at wala na ang taong gusto niyang maabutan. Natuliro siya bigla kung ano ang gagawin habang hawak-hawak niya nang mahigpit sa kanang kamay ang phone ng lalaki.

Ang lakas ng tibok ng kaniyang puso na parang mabibingi siya sa lakas. Paano at saan niya pupuntahan ang lalaki? Bigla niyang naalala si Ramona. Agad niyang binuksan ang phone ng binata at hinanap ang number ni Ramona pero wala siyang makitang contact number ng babae. Ang tanging numerong naka-save ro’n ay phone number niya at wala ng iba.

Tiningnan din niya ang inbox ng binata, ang nag-iisang message ro’n ay ang nagngangalang Uno at hindi pa naka-save. Nanginig ang kaniyang kamay habang sinimulan niyang tawagan ang number ng nagngangalang Uno.

Maka-ilang unit na tumunog iyon bago may nagsalita sa kabilang linya.

“Zerus never make a call. Who are you?”

Nanginig ang kaniyang boses sa lakas ng boses na nasa kabilang linya. Parang nagbabadya ng panganib oras na magkakamali siya sa pagsagot.

“I… I am…”

“You are Blessy?”

Biglang napaurong ang kaniyang dila sa narinig. Papaano nito nakilala ang kaniyang pangalan?

“Where is Zerus? The fuck!”

“U-umalis siya kasama si… Si Ramona…”

“The fuck. He lost his mind! Papatayin siya ng organisasyon. Hindi basta-bastang organisasyon ang pinagmulan namin dalawa at— putangina talaga ng taong ‘yon!” Nawala ito sa kabilang linya.

Teka! Gusto pa niyang makausap ito pero wala na ito sa kabilang linya. Tuluyan na itong nawala at hindi niya na ito matawagan ng muli niyang i-contact ang number nito.

Napakagat siya ng labi at nagsimulang uminit ang kaniyang magkabilang mata. Hindi. Sawa na siyang umiyak sa isang tabi at hintayin ang pagbabalik na sinasabi ni Fender. Paano kung ‘di na ito makabalik? Paano kung tama itong lalaking nagngangalang Uno?

Sinilid niya sa bulsa ng jacket ang cellphone at muling kinapa ang kabilang bulsa. Nando’n ang pitaka ni Fender. Nag-away ang kaniyang isipan at puso kung titingnan ba niya ang pitaka nito dahil hindi naman niya ugaling mangialam ng gamit ng iba. Ilang beses siyang humingang ng malalim at pangakong hihingi siya ng tawad kay Fender na pinakialam niya ang pitaka nito.

Pagbukas niya, unang lumantad sa kaniya ang picture nilang dalawa na kung saan ay nakangiti siya at nakaakbay ito sa kaniya. Iyon ang unang picture nilang dalawa. Nasa 1st year highschool siya no’n at may event sa school nang puntahan siya ni Fender. Nagbayad pa talaga sila ng sampung piso para sa larawang iyon.

“Ang saya namin sa larawang ito. Kung pwede lang bumalik sa panahong parang kami lang ang nakatira lang sa mundo.” Ilang minuto niyang tinitigan iyon at pilit binalikan sa isip ang magagandang nakaraan nila ni Fender. Hindi niya alam na nasa binata pa rin ang larawan nilang masyadong pinagkaitan ng tadhana para sumaya.

Naiiling niyang sinunod na tiningnan ang ibang laman ng pitaka. May mga cards at cash do’n pero nakuha ng atensyon niya ang isang itim at pulang papel na parang credit card.

Napasinghap siya nang mabasa iyon. Ito ang organisasyon na sinasabi ni Fender. Hindi niya kayang bigkasin ang pangalan ng organisayon na nakaukit do’n.

Mabilis niyang nasilid sa bulsa ng jacket ang card at pitaka nang may narinig siyang ingay sa kabilang bahagi ng bahay. Nagdadalawang isip siya kung pupuntahan niya ng ingay na iyon pero nang maalalang safe and secured ang buong lugar, nagmadali siyang nagtungo ro’n.

No— Biglang may humila sa kaniyang kamay at may nagtakip sa kaniyang bibig ng panyong may chemical.

“We can used this woman against Zerus.”

“Tingin mo, hahanapin niya ang babaeng ito?”

“Yes. Mataas ang security pero mas mataas ang laman ng utak na meron ako. Let’s bring her.”

Saka siya tuluyan nawalan ng malay at ‘di man lang niya naaninag ang mga mukha ng mga ito. Kadiliman ang mabilis na pumalit sa kaniya.

Masakit ang ulo ni Blessy nang magising siya. Parang pinukpok ang kaniyang ulo sa sakot pero hindi niya pinansin ang bagay na iyon. Ang nakakapagbigay ng takot sa kaniya ay ang ma-realize na nasa isang lugar siya kung saan, apat na sulok ng rehas ang sumalubong sa kaniya.

“Hindi!” Nasa kulungan siya. Nasa malaking kulungan siya kung saan, siya lang mag-isa ang nando’n.

Tahimik ang paligid. Wala siyang makita kahit ni isang tao pero nagsimulang manginig ang kaniyang katawan. Pagod na siya sa ganitong pangyayari. Napapagod na ang kaniyang katawan.

“She’s awake.”

Mabilis siyang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Glass wall iyon at napakunot siya nang noo nang makita ang lalaking nakaupo sa isang mahabang sofa at sumisimsim ng wine sa kopita. May maliit na mic sa gilid ng teynga nito at nakangising nakatingin ito sa kaniya ngayon. May isang malaking salaming pader ang pagitan sa kanila.

“Pakawalan niyo ako rito!”

“Zerus will be here soon. Papakawalan ka niya kung gusto ka niyang pakawalan.”

Bahagya siyang napahinga nang maluwang sa narinig. Ibig sabihin, walang masamang nangyari sa lalaki. Pero nang maisip na siya ang gagawin pain para lumitaw si Fender, nagsimulang kumulo ang kaniyang dugo at galit na nagsisigaw sa apat na sulok ng rehas. Para siyang isang ibon na nasa isang hawla.

“Pakawalan niyo ako rito! Hayaan niyo na kaming mamuhay ni Fender nang matiwasay. Hayaan niyo na kaming maging normal! Hayaan niyo na kaming dalawa!”

Natawa ito sa kaniyang sinabi at sinimsim ang wine sa kopita. “Young love dies young.”

Nagkukot ang kaniyang kalooban sa sinabi nito. Hinuha niya, ito ang leader ng organisasyong sinasabi ni Fender sa kaniya at kung may kapangyarihan lang sana siya, matagal niya nang tinupok ito.

Sinulyapan nito ang dala-dalang timer sa kabilang kamay at muling tumingin sa kaniya ng nakakaloko. “He’ll be here for 5 minutes.” Humalakhak ito pagkatapos nitong sabihin iyon.

Doon napansin ni Blessy na hindi lang ito nag-iisa, may mga tauhan itong kasama at lahat nang mga ito ay nakasuot ng itim. May mga tattoo sa katawan at ilan sa mga ito ay babae. Nakagat niya ang kaniyang labi. Sunod-sunod na kaba ang sumugod sa kaniyang dibdib. Napapikit siya at marahang tinawag ang pangalan ni Fender sa isipan. Nagdarasal siya sa itaas na sana walang mangyaring masama sa lalaki. Kung maari, ‘wag na itong lumitaw at hayaan na siya. Siya ang dahilan kung bakit ito napasok sa ganitong sitwasyon.

Pero nang magmulat siya nang mata, si Fender ang kaniyang nakita. Nasa likod ito nang lalaking malayang sumisimsim ng wine at lahat ng taong nando’n na mga kasamahan nito ay nakatutok dito ang baril.

“Ang idamay ang babaeng siyang dahilan kung bakit nabubuhay ako ngayon, ay parang pamasahe mo papuntang impyerno. Magkikita kayo ni Satanas.” Nakatuon ang baril ni Fender sa ulo ng lalaking nakangising nakatingin lang sa kaniya. Wala siyang nakitang takot sa mata nito at ibang-iba ang katauhan na nakikita niya rito ngayon.

“Maaga ka yatang dumating.”

“Para sunduin ka, oo.”

Ang lakas ng halakhak na pinakawalan nito at sumulyap sa timer na hawak-hawak. “Anong panlaban mo sa ‘kin? Mag-isa ka lang, Zerus. Tingin mo, kaya mo lumabas o tamang sabihin… Kaya mong palabasin ang babaeng ‘yan?”

Napasinghap siya at naiiling na tumingin sa lalaki na walang emosyon pa rin nakatingin sa lalaki. Hindi ito nag-abalang tumingin sa kaniya pero alam niyang siya ang inaalala nito ngayon.

“Release her.” Puno ng otoridad ang boses nito.

“Para kang dagang pumasok sa bitag ko, Zerus. Tsk tsk. No one could leave this organization. Wala kahit sino, kahit ako.”

“Tatlong bala ang babaon sa ulo mo.”

Fender… Ito ang unang pagkakataon na makita niyang galit at nakakatakot ang lalaki. Halos hindi ito natinag sa mga baril na nakatutok dito. Wala itong kinakatakutan, iyon ang nakikita niya sa kislap ng mata nito.

“After how this organization raised you?”

“I am not that fool to go here alone without ace. Sa pagkakataon ito, pwedeng nasa itaas na ahensya na ang inaalagaan ng organisasyong ito. Ngayon, mamili ka. Ang pakawalan ang babaeng ‘yan o ang organisasyong binuo mo na mawawasak lang?”

Nakita niya ang pagkuyom ng kamao nang lalaki at hindi agad nakapagsalita. Pinaglalaruan nito ang kopitang wala ng laman na wine at nang tingan siya, ngumisi ito.

“Sa tingin mo Zerus gano’n lang ako kabilis kalabanin? Nakikita mo ang kulungan ng babeng pinangarap mong maging asawa? Hawak ko ang buhay niya. Isang pilantik ko lang ng kamay, mawawalan ng hangin ang buong silid na iyan at makikita mo siya kung paano mamatay. Ngayon, mamili ka. Ang buhay niya, o ang buhay mo?”

“Fender!”

Napatiingin ito sa kaniya at tulad kanina, wala siyang makitang reaskyon sa mata nito. Nanatiling nakatutok ang kamay nitong may hawak na baril sa ulo ng lalaki na nakangisi na ngayon nakatingin sa kaniya.

“Fender iligtas mo ang sarili mo—” Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Pakiramdam niya nagsimulang mawalan ng hangin ang paligid kaya nahihirapan siyang huminga. Napatingin siya sa paligid, parang may humihigop sa kaniyang lakas kaya napahawak siya sa rehaa para kumuha ro’n ng lakas.

“Maganda ba tingnan?” Humalakhak ito.

“F-fender… Fender u-umalis ka—” Napaluhod siya. Kinakapos siya ng hangin at nahihirapan siyang huminga ng maayos.

Sunod-sunod na nagsipatakan ang kaniyang mga luha. Nahihirapan na siyang huminga at naluluhang napatingin sa binata. Pakiramdam niya mawawalan siya ng ulirat. Napapikit siya at at bago pa siya tuluyang mawalan ng hangin, biglang bumukas ang pintuan at pumasok do’n si Fender para daluhan siya.

“Blessy!” Isang sipa lang ang ginawa nito sa pintuan ng kulungan. Agad iyon bumukas at mabilis siyang niyakap ng mahigpit. Wala itong dalang baril. Nalito siya kung paano ito nakapasok sa loob nang silid na kinasadlakan niya.

“Fool. Love will only kill you Zerus and you know that!” Malakas na halakhak ng lalaki. “Sige, hahayaan ko kayong umabot hanggang pintuan. Maglakad lang kayo. Sige…”

Hindi nito pinansin ni Fender. Basta lang siya nitong binuhat na parang balewala rito ang banta ng paligid na kamatayan. Mas lalo siyang kinabahan, alam niyang ‘di sila basta-basta hahayaan ng organisasyon na makaalis sila ng libre.

Nasa bukana na sila ng pintuan nang biglang napaigik ang binata. May bumaril dito at alam niyang mangyayari iyon. Bigla siyang napasigaw nang sunod-sunod na umulan ng bala sa silid na iyon pero niyakap lang siya ng lalaki. Mas lalo siyang napaiyak sa isiping mamatay sila.

“Zerus!”

Napatingin siya sa lalaking naghagis ng baril kay Fender. Agad naman nasalo ng binata ang baril at parang balewala rito ang natamong sugat. Parang alam na nito na may taong handang tutulong sa kanila kaya ganito ang inasta nito ngayon.

“Baliw ka talaga! Hindi ka nakinig sa plano.”

Mula sa kung saan, lumabas si Ramona na may dalang mahabang baril at nagmukha itong nakakatakot na babae sa paningin ni Blessy. Nakipagpatayan ito sa mga taong nasa paligid nila na may mahahabang baril din dala at hindi basta-basta ang mga kilos at galaw.

“Scold me after this, Ramona.” Ganting sagot ni Fender sa mga ito na wala yatang balak na bitawan siya. “Uno!”

“Fuck it, Zerus. We’ll talk later. Kailangan natin makaalis sa building na ito at may nilagay akong timer bomb. Sasabog tayo sa loob ng bente minuto.”

“What the fuck you did?!”

“You know me.” Kangising sambit nito. “At kailangan na rin magwakas ang organisasyong ito na walang magandang naitutulong sa ‘tin. Ikaw na ang bahala sa Blessy mo!”

Mahigpit siyang napahawak sa leeg ni Fender. Hindi niya masyadong nakuha ang pinag-uusapan ng mga ito pero isa lang ang pumasok sa kaniyang utak, ang kailangan nilang makalayo dahil may timer ang buong building at sasabog silang lahat.

Mabilis ang naging kilos ni Fender habang buhat-buhat siya. Agad siya nitong inilabas sa silid na iyon kahit may tama ang balikat nito.

“May sugat ka!”

“Don’t mind me. Maliit lang ito. Ipikit mo lang ang mata mo at kailangan natin makalabas agad. Hindi nagbibiro si Uno sa sinasabi niiyang oras na sasabog ang bomba.”

Napatango siya at lihim na nagdasal na sana ay makawala sila. Ayaw pa niyang mamamatay, iyon ang totoo. Tulad ng sabi ng lalaki, pinikit niya ang mata at hinayaan si Fender na ilagay sa kamay nito ang kaniyang kaligtasan.

“Puta! Tatatlo lang sila. Bakit hindi niyo magawang patayin?!”

Napakagat siya ng labi nang marinig ang malakas na sigaw na iyon. Halos hindi na siya makahinga sa sobrang kaba at lakas ng putokan ng baril. Mabibingi yata siya nito pagkatapos sa palitan ng baril sa paligid.

“Blessy ipikit mo lang ang mata mo. Ipikit mo lang at ako na ang bahala. Walang pwedeng manakit sa ‘yo.”

Nanubig ang kaniyang mata at hinayaan ang luhang nagsikawala sa mata niya. Damang-dama niya ang sinasabi nitong pagmamahal at pag-aalala. Kahit parang gusto niyang isipin na masyado na siyang pabigat nito.

Isang malakas na pagsabog ang narinig niya sa paligid. Muntikan pa siyang napasigaw kung ‘di siya niyakap ni Fender nang mahigpit. Napaiyak siya sa sobrang saya nang makitang nag-appoy na ang naturang building at sa isiping malaya na sila. Malaya na rin sila sa organisasyong naghahabol sa lalaking mahal niya. Malaya na siyang mahalin ang lalaki na walang kinatatakutan na baka mawala ito at bigla siyang iwan sa ere.

Agad siyang giniya nito sa isang sasakyan at mabilis nitong binuhay ang makina nang makapasok na sila sa loob.

“O-okay ka lang?” nababahalang tanong niya nang makitang dumudugo ang balikat nito. Maraming dugo at kahit itim ang suot nito ngayon, alam niyang hindi biro ang dugong bumakat sa damit nito.

“Huwag mo na akong alalahanin.” Masuyo itong ngumiti at pinisila ang kaniyang pisngi. “Ang mahalaga sa ‘kin ay ikaw.”

“Pero—”

“Shhh… Iiyak ka na naman. Kakasabi ko lang sa ‘yo noon na pumapangit ka sa tuwing umiiyak ka. Lumalaki ang butas ng ilong mo at lumulubo pa ang sipon.”

Mas lalo siyang napaiyak sa sinabi nito. Para siyang tangang umiiyak at tumatawa habang nakatingin sa lalaking walang ibang ginagawa kundi ang mahalin siya at protektahan.

“Pasensya ka na at nadamay ka ng organisasyon, Blessy. Hindi ko intensyon na iwan ka sa bahay ni Ramona para—”

“Okay lang ako. Huwag mo na akong alalahanin.”

Humugot ito nang malalim na hangin at naiiling na sinimulan baybayin ang tahimik na kalsada. Habang siya, hindi pa rin winawaglit ang kaniyang tingin kay Fender. Baka ‘pag tumingin siya sa paligid, bigla itong mawala.

Hindi niya lubos maisip na kayang-kaya isuong lahat ng lalaki ang buhay nito para lang sa kaniya. Na kaya nitong makipaglaruan ng buhay sa harap ni kamatayan ‘pag siya ang pinag-uusapan. Na kaya nitong dayain si Satanas para lang makuha siya at paulit-ulit na ililigtas mula sa kamay ng mga taong gusto silang paghiwalayin dalawa.

Pero ang akala niya na magiging okay na ang lahat, nagkakamali siya. Laking pagkakamali niya nang biglang may rumaragasang 10 wheelers truck ang sumalubong sa kanilang dalawa. Nakabig ni Fender ang manibela at naiwasan nila ang malaking truck pero hindi ang mataas na bangin sa gilid ng daan. Napasigaw siya pero naramdaman niya ang mahigpit na pagyakap sa kaniya ni Fender at parang pinapakalma siya.

“Fender…”

“I failed. I failed to protect you… I am sorry, love.”

Iyon lang ang narinig niya dahil ang kasunod no’n, malakas na pagbulasok ng sasakyan sa bangin. Kahit gusto niyang isigaw ang pangalan ng lalaki, wala siyang boses na gawin iyon dahil kadiliman ang mabilis na sumunod at ‘yon ang huling alaalang magkasama sila ng lalaki.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.