Isang mahabang katahimikan matapos niyang ikwento ang lahat sa lalaking kasama sa madilim at malamig na kwebang iyon. Nanonoot sa kalamnan niya ang lamig pero hindi niya inindan ang bagay na iyon kundi ang sakit na nararamdaman niya. Ayaw niya nang umiyak pero hinahati ang kaniyang puso sa sakit. Hinahati ang puso niya sa alaalang hindi maling tao ang kaniyang minahal. Hindi niya tinraydor ang lalaking unang minahal kundi ang tadhana mismo ang tumraydor sa kanilang dalawa at pinaglaruan sila nang sobra.
Ang walang ingay niyang pag-iyak at ang tahimik na reaksyon ni Fender ay nagpapasakit lalo sa kaniyang puso. Walang kasalanan ang lalaking walang ibang ginawa kundi ang mahalin at protektahan siya. Walang kasalanan ito…
“Blessy…” naramdaman niya ang kamay nitong dumapo sa kaniyang pisngi at pinunasan ang kaniyang luhang walang paalam na pumatak. Parang nakikita siya nito kahit madilim ang buong paligid.
Hindi na siya naghintay nang anuman sasabihin nito. Impit siyang napaiyak na yumakap rito at tuluyang napahagulhol sa dibdib ng lalaki. Hinayaan lang siya nitong umiyak nang umiyak habang ang kamay nito ay nasa kaniyang likod at marahang humaplos.
“I’m sorry… Hindi ko akalain na ganiyan kalaking gulo ang dinala ko sa buhay mo.”
Napahikbi siya at mariing kinagat ang labi. Panay lang sa pagpatak ang mga luha niya at walang balak tumigil ang mga iyon. Iyak lang siya nang iyak na parang si Fender lang ang kayang magpatahan sa kaniya.
“Huwag kang humingi ng sorry. Dahil kung meron man dapat humingi rito ng tawad, ako iyon. Ako iyon Fender.” Humihikbing saad niya.
Masakit isipin na pati isip niya, pinaglalaruan siya sa isiping si Fender ang dahilan ng lahat ng paghihirap niya kung ang totoo, siya ang totoong dahilan kung bakit naging ganito ang buhay ng lalaking nasa harapan niya ngayon. Siya ang may dahilan pero siya itong malakas ang loob na nagtutulak dito papalayo. Siya ang dahilan kung bakit naging ganito ito ngayon. Siya ang may totoong kasalanan kung bakit. Siya ang nagtraydor at tumalikod sa pangako nilang dalawa. Siya ang tumalikod at nag-aral para maging ganap na isang Madre samantalang may Fender Hearts siyang pinangakuan sa Iceland na papakasalan at mamahalin habang buhay. Naging traydor siya sa pagmamahalan na pinangakuan nilang dalawa ng lalaki. Nakalimot ang kaniyang utak pero ang kaniyang puso ay nakaalala pero tumalikod pa rin siya sa pangako nilang dalawa.
“Shh… ‘Wag ka ngang umiyak. Ang pangit mo talaga!”
Natawa siya sa sinabi nito. Ngayon lang niya naalala ang lahat-lahat. Akala niya, tuluyan nang nagbalik ang lahat ng kaniyang alaala, hindi pala. May parte ng kaniyang alaala ang kinalimutan ang nakaraan. Hindi niya alam kung bakit gano’n pero iisa lang ang masasabi niya ngayon nagbalik na ang lahat, walang kasalanan ang lalaki. Wala itong kasalanan.
Naramdaman niya ang mahigpit nitong yakap sa kaniya. Mahigpit na mahigpit iyon at kahit wala siyang makita dahil sa sobrang kadiliman, naramdaman niyang yumugyog ang balikat ni Fender sa kaniyang tabi. Umiiyak ito.
“F-fender.” Akmang kakalas siya sa pagkakayakap dito pero walang balak ito na paghiwalayin ang katawan nilang dalawa.
“Huwag kang gumalaw. Hayaan mo lang akong yakapin ka.”
Tumango siya at hinayaan ang lalaking yakapin siya nang mahigpit at umiiyak sa kaniyang balikat. Nasasaktan siya sa sitwasyon nilang dalawa. Nasasaktan siya kung bakit sila ang naging paboritong paglaruan ng tadhana. Dahil ang totoo, ngayon nagbalik na ang lahat-lahat ng kaniyang alaala, mas lalong sumidhi sa kaniyang puso ang pagmamahal niya rito. Mas lalo niyang naramdaman ang pag-ibig nilang pinagkait din ng panahon nang ilang taon.
“Blessy,” mahinang anas nito.
“B-bakit?”
“Wala akong maalala sa nakaraan natin dalawa pero sapat na ang narinig ko ngayon kung gaano ka kaimportante sa buhay ko. Kung ano ka sa buhay ko. Ang puso ko ang nakaramdam no’n at magalit na ang Diyos na pinagsisilbihan mo, isasama kita. Hindi ko hahayaan mawala ka sa buhay ko ulit. Hindi ko hahayaan na paglayuin tayo ng panahon. Kaya kong makipaglaruan ng patayan lalo na ngayon malaman ko na ikaw ang nawawala kung nakaraan. Walang makakapaghiwalay sa ‘tin.”
“P-pero…”
“Tayo ang unang nangako. Ako ang una mong pangako.”
Hindi siya nakasagot. May punto ito at kahit anong pilit niyang pagkakaila, puso niya na mismo ang bumubulong na ito pa rin ang mahal niya. Ito pa rin at walang nagbago.
“Magiging ganap na Madre—”
Hindi niya natapos ang gusto niyang sabihin nang putulin ni Fender iyon sa pamamagitan ng halik. Mainit ang halik na binigay nito at sa pagkakataong iyon, walang pagtutol ang kumawala sa kaniyang lalamunan. Hinayaan niyang damhin ng binata ang kaniyang labi.
At mula sa madilim at malamig na sulok ng kwebang iyon, inangkin siya ng lalaki na puno ng pagmamahal at pag-iingat. Ang kweba ang naging saksi sa lahat nang pagmamahalan nilang sinubok ng pagkakataon pero ngayon ay mas lalong nag-aalab sa kanilang puso.
ISANG malaking bahay ang bumungad sa mata ni Blessy nang bumaba siya sa yacht. May kasama silang lalaki na kilala niya sa pangalan Uno. Tulad kay Fender, marami rin itong tattoo sa katawan. Ang isa sa nakakuha ng kaniyang atensyon ay ang mukha ng babaeng nakatattoo sa gilid ng leeg nito.
“Yow Zerus my man, pag-aari ko ang resort na ito. Ipaalala ko lang sa ‘yo na secured ang buong lugar na ito at hindi ito basta-basta makikita ni Hayes kahit saan niya tingnan. Protektado ko ang buong lugar at ang gawin mo lang, ingatan mo ang mga gamit ko lalo na ang bahay ko.”
“How about Ramona?”
“Hmm, she doesn’t know this place.” Ngumisi ito.
Habang siya ay mariin lang na nakahawak sa kamay ni Fender. Parang do’n siya kumukuha ng lakas. Kahapon lang ay tinutulak pa niya ang lalaki papalayo at ngayon, tuluyan na siyang kasama na ‘di nagpapaalam kay Mother Jean.
“And Blessy…”
Napatingin siya kay Uno nang tawagin nito ang kaniyang pangalan. Natatakot siya sa matiim nitong mga titig na parang kumakain ng tao.
“Salamat.”
“Ha?”
“Nothing.” Nagkibit ito ng balikat at muling bumaling kay Fender. “Here’s the key. You know where to contact me, man,” anas nito at ngumisi.
“Yeah, thanks.”
Napasunod ang kaniyang tingin dito nang sumampa ito ng yate. Kumaway ito sa kanila at tumalikod na ito at nagtungo sa loob ng yacht. Napalingon naman siya sa lalaking katabi na ngayon ay nakatunghay sa kaniya. Mabilis siya nitong kinarga at hindi niya mapigilang mapasigaw sa gulat.
“Hindi ako nanaginip. Totoong kasama kita. Totoong kasama ko ang babaeng nagpabaliw sa ‘kin noon at ngayon.”
Biglang nag-init ang kaniyang mukha sa pinakawalang salita nito. Nagbaba siya ng tingin lalo na’t paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang nangyaring pag-iisang katawan nila sa loob ng malamig na kweba. Paulit-ulit siya nitong inangkin na halos wala itong balak siyang tigilan kung hindi pa siya nagreklamo na masakit na ang kaniyang pagkababae at masakit na ang kaniyang balakang.
“Wala nang makakapaghiwalay sa ‘tin dito, love. Hindi ko na hahayaan na mangyari ulit ‘yong nakaraan.”
Hindi siya umimik. Ngumiti lang siya biglang tugon at nagsimulang humakbang si Fender na ‘di siya binibitawan. Nasa bisig lang siya nito at pangko. Para silang bagong kasal na nagpunta sa kanilang honeymoon.
“Baka nag-alala na sa ‘kin si Father Felipe at Mother Je—”
“My friend Uno will handle them.”
“Pero—”
“Madamot na kung madamot, Blessy, pero wala akong balak na ibalik ka sa kanila. Dahil unang-una pa lang, akin ka na.”
Natameme siya at mas lalong namula. Wala siyang maapuhap na sasabihin. Hinayaan na lang niya ito dahil alam niyang lahat ng sinabi nito laban sa kanila ay totoo.
Bumungad sa mata niya ang bahay na walang kagamit-gamit. Malaki ang bahay pero walang gamit na makikita kahit sofa o mesa. Gusto niyang magtanong kay Fender kung bakit nagmistulang kalansay ang bahay ni Uno.
“High tech ang bahay na ito ni Uno.”
Nagulat siya nang biglang nagsilitaw ang lahat ng kagamitan ng bahay nang may pindutin si Fender sa itim na dingding na ‘di nakikita ng mata niya.
“Love,” mahinang tawag sa kaniya ni Fender.
“Bakit—” Naputol ang sasabihin niya nang tumama ang kaniyang mata sa hubad-baro nitong katawan. Mabilis na nag-init ang kaniyang magkabilang pisngi habang napatitig sa katawan nito.
Doon lang niya napagtanto na mas marami ang naging tattoo nito ngayon kesa noon magkasama sila. Pero imbes na marumi tingnan sa katawan ng lalaki, mas bumagay rito. Lalaking-lalaki itong tingnan.
“Stop staring at me like that, love.”
Napatingin siya rito at nagtama ang kanilang mata. Nakapagpalit na siya ng damit at tapos na rin siyang maligo. Imposible man isipin, may mga damit na nakahanda at lahat sa mga damit na pambabae na nando’n, ay kasya sa kaniya. Halos lumubog siya sa lupa na pati panloob, may nakahanda rin at ayaw niya nang tanungin si Uno sa bagay na iyon. Kung paano nito nalaman ang kaniyang size.
Marahan siyang humakbang papalit dito at mabilis na yumakap sa binata. Hindi siya iiyak. Hindi siya iiyak dahil ito ang pinili niya. Nakapagdesisyon na siya, kahit parusahan siya ng Diyos sa desisyon na ito. Ngayon nagbalik na lahat-lahat nang alaala niya, wala ng rason pa para patuloy na itulak papalayo sa kaniya ito. Tama na ang ilan taon. Tama na ang pangangapa na sa isa’t isa sa dilim.
“Naalala mo na ba ako?” halos pabulong na lang iyon na lumabas sa kaniyang bibig pero alam niyang naririnig ng binata iyon.
“Naalala ko man o hindi, wala na akong pakialam sa bagay na iyon. Ang mahalaga sa ‘kin, ang ngayon, ang kasama ka.”
Mahabang katahimikan ang sumunod. Pinakiramdaman lang niya ang malakas na tibok ng puso nito habang masuyo nitong hinahaplos ang kaniyang buhok.
Mayamaya ay dumestansya siya rito at hinaplos ang tattoo nito sa katawan. Wala siyang pinalagpas kahit ang kaliit-liit na bagay na nakaukit. Natigilan lang siya nung magawi ang kaniyang tingin sa tagiliran nito.
“Blessy…?” napasinghap siya nang mabasa niya ang kaniyang pangalan.
Nagtaas siya ng tingin at takang napatitig dito. Bago pa lamang ang gothic tattoo na iyon at isang dangkal ang haba.
“Pinalagay ko kay Uno.”
“Bakit?”
“Puso ko ang nag-utos.”
Nakagat niya ang kaniyang labi at ‘di mapigilan ang ngiting sumilay sa kaniyang labi. Masuyo naman itong ngumiti sa kabila nang nakakatakot na aura nito. Hinalikan nito ang kaniyang kamay at pinisil ang kaniyang ilong.
“Stay here,” anas nito, “Maghahada ako ng hapunan natin sa gabing ito. I know you’re hungry.”
Sa sinabing iyon ni Fender, biglang tumunog ang kaniyang tiyan. Nakangiwing tinakpan niya ang kaniyang tiyan pero mas lalong nagwala iyon. Natatawang napailing ito at hinalikan ang kaniyang noo saka tumalikod na hubad-baro.
Napatitig na lamang siya sa malapad nitong likod at ang nagpasyang humiga sa kama. Masakit pa rin ang kaniyang balikat. Hindi pa naghilom ang kaniyang sugat pero alam niyang magiging okay rin siya rito sa resort na ‘di niya alam kung saan lupalop ng Pinas.
Akala niya kanina, mahuhuli sila. Muntik pa siyang atakehin nang lumitaw sa harapan ng talon ang kaibigan nitong si Uno; may dalang baril at nakasuot ng cap. Akala niya kanina, kalaban ito pero nang sinabi ni Fender na kaibigan nito ang lalaki at namukhaan niya ito, kumalma siyia.
Ilang sandali pa ay pinikit niya ang mata at hindi namalayang nakatulog.
SANDALING sumulyap si Zerus sa orasang nasa dingding. Isang oras ang lumipas at tapos na siyang magluto. Nakahanda na ang lahat ng niluto niya sa mahabang mesa at sila lang dalawa ng babaeng mahal niya ang kakain sa lahat ng iyon.
Si Uno ang nag-iisang matalik niyang kaibigan kaya kahit papaano, masaya siya na tinutulungan siya nito. Balang-araw, tutulungan din niya itong mahanap ang babaeng matagal na nitong gustong makita at inaasam na bumalik. Malaki ang bahay ni Uno at halos lahat ng kagamitan ay high tech. Lahat ng kailangan nila, ando’n na lahat. Mula sa damit, pagkain at mga kagamitan sa katawan. Nagmistula silang mag-asawa ni Blessy para sa kanilang bagong honeymoon.
Naghubad siya ng apron na suot at tinungo ang silid ng dalaga. Napangiti siya nang makitang mahimbing itong natutulog. Nagdalawang isip siya kung gisingin ang babae pero pinili niya ang gisingin ito at baka, ‘di siya makapagtiis. Ito ang magiging hapunan niya sa gabing ito.
“Love,” mahinang tapik niya sa pisngi nito. Pinillit niyang ‘wag itong gisingin sa halik at alam na ni Zerus ang magiging kahahantungan ‘pag halik ang kaniyang binigay.
“B-bakit?”
Natawa siya sa naging reaksyon ni Blessy. Naiiling siyang lumayo rito at nagtitimpi siyang ‘wag sunggaban agad ito sa kama.
“Let’s eat.”
“Ha?”
“Get up now, you silly head.”
Napatili ito nang bigla niya itong pinangko. Deritso ang kaniyang mga hakbang habang nasa bisig niya ang dalagang nagrereklamo sa kaniyang ginawa. Tinawanan lang niya ang pagrereklamo nito. Hanggang sa iniupo niya ito sa upuan nando’n at sinimulang asikasuhin.
“Wow! Ikaw nagluto lahat ng mga ito?” namilog ang mata nitong nakatingin sa anim na putaheng niluto niya.
“May kasama pa ba tayo?” balik tanong niya.
Umismid ito kaya natawa siya.
“Wala tayong hito sa islang ito kaya ‘di kita magawa ng paborito mong ginataang hito.”
Natigilan ito sa kaniyang sinabi pero saglit lang iyon dahil ngumiti ito ng matamis pagkatapos. Para siyang nakakita ng anghel kaya natigilan siya saglit at napatitig kay Blessy.
“Napakaganda mo,” usal niya.
“Ha?”
“Nothing.”
Tumango lang ito at nagsimulang kumain. Magana itong kumain pero paminsan-minsan ay inaasikaso niya ito lalo na at ‘di pa okay ang isang kamay nitong may sugat na si Ramona ang may gawa. Bahagyang napakuyom ang kaniyang kamao nang maalala ang ginawa ni Ramona.
“Okay ka lang?”
“Yeah.”
Ngumiti ito nang matamis. “Kumain muna tayo.”
Tama si Blessy. Kumain muna sila dahil mamaya, ito ang kakainin niya. Napangisi siya. Nang matapos sila kumain, hinayaan niya ang AI robot ni Uno na siyang maghugas at magligpit sa kanilang pinagkainan.
“Ganito ba talaga ang bahay ng kaibigan mo?” hindi makapaniwalang tanong nito habang titig na titig sa AI na kumakanta pa habang naghuhugas.
“Uno loves machine. First love niya ang mga iyan.”
“Ang galing ng kaibigan mo!”
Inakbayan lang niya ito at giniya ang dalagang magpunta sila sa terasa para pagmasdan ang kalangitan. Siya lang dapat ang magaling sa mata nito at wala ng iba.
“Ang ganda! Tingin mo, bakit maraming bituin ngayon?”
“Dahil kasama kita.”
Namula ang pisngi nito sa kaniyang sinabi. “H-hindi pa rin nagbabago ‘yang bibig mo.” Bahagya siya nitong sinulyapan.
“May kailangan ba magbago?”
Umilap ang tingin nito at muling tumingin sa kalangitan. “Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala. Ang daming nawalang taon. Ang daming nagbago…”
“Pero hindi nagbago ang puso ko sa ‘yo. I admit, I don’t remember anything. Not a single of it. Pero nararamdaman kita, nararamdaman ka ng puso ko. Nararamdaman kong malaki ang parte mo sa pagkatao ko.”
“Fender…”
Masuyo niya itong niyakap at kinulong sa kaniyang bisig. Wala siyang balak na pakawalan pa ang babae. Magsasama sila kahit saan sulok ng mundo. Hindi ang organisasyon, hindi si Hayes, hindi ang Diyos na sinamsamba nito ang magiging hadlang. Walang pwedeng humadlang sa kanila ngayon kundi, papatay siya. Iyon naman ang rason kung bakit siya nabubuhay. Ang pumatay.
At sa kaunahang pagkakataon, nakatulog siya nang mahimbing habang magkatabi sila ni Blessy sa malambot na higaaan. Payapa ang kaniyang pakiramdam habang nakayakap siya sa malambot na katawan ng dalaga.
Nagising si Zerus na puno ng energy kinabukasan. Hinayaan niya si Blessy na mahimbing na natutulog. Agad siyang lumabas at nagtungo sa dagat. Matagal-tagal na rin niyang tiniis ang dagat at sobrang hinanap ng katawan niya ang tubig-alat. Mabilis niyang tinanggal ang suot na t-shirt at naka-boxer na tumakbo patungo sa tubig. Nag-ilang laro muna siya sa kalmadong alon bago nagpasyang manghuli nang isda sa kabilang bahagi ng isla.
Kompleto ang bahay ni Uno kaya hindi na siya nahirapan maghanap ng pwedeng gamitin para manghuli ng isda. Napangisi pa siya nang makakuha siya ng tatlong malalaking isda sa umagang ito. Wala man siyang makuhang hito, alam niyang mapapangiti niya si Blessy sa lulutuin niya para rito.
“Fender!”
Napalingon siya sa bahay. Nakita niyang panay ang lingon ng dalaga sa paghahanap sa kaniya. Hindi siya nito nakikita. Nasa malayo siya pero malakas ang kaniyang pandama at pandinig.
“Fender saan ka?!”
Bahagya siyang napangiti sa naging tanong na iyon ng babaeng mahal niya. Nasa tabi-tabi lang siya at kahit ipagtulakan pa siya nito papalayo, hindi siya aalis sa tabi ng dalaga. Ngayon pa, ngayon pa na may nakaraan sila at may darating pa na hinaharap para sa kanilang dalawa.
“Oh fuck!” Bigla siyang umahon mula sa tubig nang matanaw na nagsimula itong umiyak. “Love!”
Awtomatikong nagtaas ito ng tingin at deritsong napatingin sa kaniya. Namilog ang magagandang mata nitong halos nagpabaliw sa kaniyang sistema. Agad itong humakbang at mabilis siyang sinalubong.
“Saan ka ba, ha? Bakit ka nang-iiwan agad?”
Natawa siya sa naging tanong nito. Hindi niya mapigilang pisilin ang ilong ni dalaga at piniktusan ang noo.
“Aray!”
“Ang cute mo.”
Napaismid ito at hindi nagkomento pa, pero nang mapatingin ang mata nito sa kaniyang tatlong huling isda, nagliwanag ang mata nito at tuwang-tuwa na hinawakan ang buhay pa niyang mga nahuli.
“Nanghuli ka ng isda?”
“Hipon ang mga ito, love.” Hindi pa rin nawala ang pagkaaliw niya kay Blessy. Masaya siya, ito ang totoo. Masaya siya na kasama niya ito at nag-aalala para sa kaniya.
“Seryuso ang tanong ko,’ muling umismid ito.
Damn it! She’s fucking beautiful.
Pinigilan niya ang sariling ‘wag panggigilan ang labi nito.
“Yeah, nanghuli ako. Alam kong mahilig ka sa isda lalo na ‘pag ako ang magluto. Masarap kasi ako.”
Namula ang pisngi nito at agad dumistansya sa kaniya. Nauna itong tumalikod at mabilis na nagtungo pabalik ng bahay. Natatawang sumunod siya sa dalaga at inasar ito na parang matagal na silang magkasama sa isla.
“Love, hintayin mo ako!”
“Bahala ka d’yan.”
“Love hindi ka ba nagagwapuhan sa ‘kin? Hintayin mo naman ako, oh.”
Mas lalong bumilis ang paglalakad nito. “Tse!”
Ngingiting nagkamot siya ng batok, hindi niya kayang itago ang naramdaman kilig habang nakasunod siya sa babaeng minsan pinagkait sa kaniya ng panahon.