Chapter 10

Nasa kalahati pa lang si Ramona sa kaniyang kinakain nang matanaw niya ang kakaibang kilos ng lalaking nagbebenta ng mga hellium balloons. Nakasuot ito ng sumbrero, may tuwalya sa leeg at kupasin na pantalon. Malakas ang kaniyang instinct na isa itong masamang tao tulad niya. Nakatitig ito sa batang lalaki na kasama ni Nadezhda. Malaki ang posibilidad na kidnap for ransom ang gagawin ng mamang nagtitinda ng mga lobo.

Tsk! Bakit kasi ngayon pa na andito ako kasama si Nadezhda?

Naubos niya ang kinakain at kinuha ang bottled water at tinungga iyon habang ang kaniyang atensyon ay nasa lalaki pa rin. Binabasa niya ang bawat galaw ng lalaki at natawa siya. Ang malas nito! Kung wala si Nadezhda, hindi siya mangingialam kahit na pagpapatayin pa nito lahat ang mga kabataan sa playground. But not when Nadezhda is around, hindi niya ito papayagan.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo at lumapit sa lalaking nagtitinda ng mga lobo. Bibili lang siya ng isa saka niya ito patumbahin.

“Magkano?”

“H-ha?”

“I said, magkano?”

“Ah… Singkwenta po Ma’m. Bibili ho kayo?”

“Baka lumapit ako rito para magtinda rin.” Tinaasan niya ito ng kilay. “Give me one.” Utos niya.

“A-alin dito, Ma’m?” Hindi ito makatingin ng deretso sa kaniya.

Tahimik na binuksan niya ang kaniyang sling bag at may kinapa roon. “Alin ba ang mas maganda? ‘Yang princess na balloon o ang tama ng baril ko?” Nakangising tinutok niya ang kaniyang sling bag dito na may baril sa loob. Isang putok niya lang sa tiyan nito, tiyak na mamimilipit ito sa sakit. “Alam kong may tina-target ka sa mga batang nandito but sorry, ipagbukas mo na lang ‘yan dahil kasama ko ang batang binabantayan ko ngayon.”

Nagitla naman ito at hindi nakagalaw. Natawa siya sa reaksyon nito pero agad nawala ang tawa niya nang marinig ang matinis na boses ni Nadezhda, huli na para sabihan niya itong huwag lumapit sa kaniya.

“Pinche estupido! Nadezhda!”

Isang malakas na putok ng baril ang sunod na umalingawngaw. Nailagan niya ang ginawang pagbaril sa kaniya nung lalaki. Mabilis ang kaniyang galaw na takbuhin ang direksyon ni Nadezhda at kinarga ito. Kitang-kita niya ang gulat sa mata ng bata. Muli silang pinaulanan ng bala nung lalaking nagtitinda ng mga lobo. Gumanti rin siya ng barilan dito at kita niyang natamaan ito sa balikat.

“Nadezha, you okay? Hey!” Tinapik niya ang pisngi ng bata nang mailagay niya ito sa safe na parte ng playground. Nakatulala pa rin ito. “Shit! Jayvion will kill me.”

Nagkaroon ng commotion sa paligid. Nagtakbuhan at iyakan ang mga bata. Muli niyang hinarap ang lalaking muntikan dumali sa buhay niya kung hindi siya nakailag agad.

Tumakbo na ito papalayo habang hinayaan nito ang mga tinda nitong lobo na lumipad sa hangin. Akmang hahabulin niya ang lalaki nang marinig niya ang malakas na palahaw ni Nadezhda.

“Daddy!!!”

Muling bumaling ang kaniyang tingin sa bata at hindi niya alam kung paano magpatahan ng batang umiiyak. Hawak pa rin niya ang kaniyang baril at doon lang napansin ni Ramona na dumudugo ang braso ng batang nasa harapan niya. Mabilis niyang tiningnan ang braso nito, daplis lang ng bala at malayo ito sa atay.

“Daddy!!! Daddy…”

Shit! Paano ba magpatahan ng bata? Hindi siya na-inform kung paano magpatahan ng bata sa training nila sa Belladonna. Panay ang iyak nito at kahit isa siyang natural cold-blooded person, anak pa rin ito ni Jayvion. She won’t let her cry all day.

Nagpasya siyang kargahin ito nang marinig niya ang malakas at dumadagundong boses ni Jayvion. Awtomatikong napalingon siya sa direksyon ng lalaki. Madilim ang buong anyo nito na ngayon ay tumatakbo papalit sa kanila. Sa unang pagkakataon, nakita ni Ramona ang totoong galit sa mukha at mata ng lalaki.

Nawala ang kaniyang tapang.

“Nadezhda baby! Oh shit! Aurora, anong ginawa mo?”

Hinayaan niyang kunin at kargahin ni Jayvion ang anak nito. Nataranta ang lalaki nang makita nitong dumudugo ang braso ng bata. Gusto niyang magsalita pero tumalikod na ang lalaki at nagmadaling tinakbo nito ang sasakyan habang karga-karga ang anak nito.

“Jayvion, wait!” Humabol siya.

“Stop there, Aurora!” Malakas na sinara ni Jayvion ang pintuan ng sasakyan nito.

Napaatras siya. Matalim ang kislap ng mata ng lalaki. Punong-puno ito ng galit at pagkasuklam. Gusto niyang matawa at magbiro sa reaction nito. Malayo sa puso ang tama ng bata at kung umasta ito parang delikado na ang lagay ni Nadezhda pero hindi niya magawang tumawa. Hindi niya magawang magrason kung bakit at anong nangyari dahil sa malalim na galit na nakikita niya.

Kung gano’n, `di okay! Mataas ang noong tumalikod siya at tinungo ang kaniyang kotse mula sa kalayuan. Hindi niya kasalanan ang nangyari at hindi niya rin kasalanan kung nahagip ng bala ang braso ng bata. Pasalamat nga si Jayvion at ginampanan niya ang pagiging Nanny ng anak nito. Saka, mali ba niya kung may masasamang tao sa paligid at kabilang na siya roon? Of course, hindi!

Isang sulyap ang binigay niya sa sasakyan ni Jayvion na ngayon ay pinaharurot na nito papalayo. Mukhang dito magtatapos ang obsesyon niya sa lalaki. After all, natikman niya na ito at— bigla siyang napahinto sa pag-start ng makina ng kaniyang kotse.

Napahugot siya ng malalim na hangin at napamura ng ilang beses! Sino ba ang may gusto na madadamay si Nadezhda sa ginawa niya?! Gusto lang naman niyang huwag maisturbo ang paglalaro ng anak nitong laging tinatago sa loob ng malaking bahay nito sa isang village na puro mayayaman ang lahat ng kapitbahay!

For holy sake! Naiinis siya sa isiping galit ito sa kaniya at hindi man lang hinintay ang kaniyang paliwanag. So what? Galit ito sa kaniya at galit din siya! Galit siya dahil hindi niya napatay ang lalaking muntikan dumali sa kaniyang buhay ngayon araw.

Sa isiping ito, biglang naging blangko ang kaniyang mukha. Agad niyang inapakan ang silinyador at pinaharurot ito sa maluwang na kalsada. Hahanapin niya ang lalaking nagtitinda ng lobo. Dito niya ibubunton ang galit!

NAKANGISING pinagmasdan ni Ramona ang lalaking nanginginig sa takot habang nakaupo sa silyang kahoy. Mahigpit niyang tinali ang dalawang kamay at paa nito ng lubid. Tanging portable light lang ang nagbibigay liwanag sa buong silid. Nasa gitna sila ng tahimik at sira-sirang bodega na walang makakaalam kung sakaling dito niya ito pagbabarilin ng walang awa. Oh shit, yeah, wala na palang awang natira sa katawan niya 20 years ago.

Malandi siyang humalakhak habang nakatayo sa harapan nito dalawang dipa ang layo. Hindi siya nahirapan hanapin ito. Mga kasamahan lang nito ang nagsumbong kung saan niya ito matatagpuan. Hay, kawawang lalaki. Mamamatay ito sa kaniya sa pinakamasakit na paraan.

“Any wish?”

“M-maawa kayo sa ‘kin, Ma’m… Inutusan l-lang ako… I-inutusan lang ako… Maawa kayo sa ‘kin!” Naghalo na ang sipon at luha nito.

Ngumisi lang siya at nilabas ang mahabang kutsilyo. Marahan siyang humakbang papalapit dito at bawat hakbang na ginawa niya ay mas lalong naghatid ng takot sa biktima niya ngayon gabi. Nagwawala na ito sa upuan at tila takot na takot na para siyang demonyo.

“Maawa kayo! Ayuko pang mamatay. Ayuko pang mamatay! Inutusan lang ako! Inutusan lang ako!”

Napairap siya sa hangin. Ang pinakaayaw ni Ramona ay ang maingay na biktima. Nakakarindi sa teynga! Mas lalo lang siyang naiinis. Nagagalit. Mas lalo lang siyang gaganahan na pahirapan itong patayin.

Una niyang tinanggal ang manggas ng damit nito gamit ang kutsilyo. Nagsisigaw ito ng tulong pero walang makakarinig sa kanila. Nasa isang malayong-malayo silang lugar. Ang lakas ng halakhak niya. Dumudugo din ang sugat nito sa braso na nakuha nito sa kaniya sa pagsisigaw at pagwawala nito sa silyang kinauupuan.

Tsk! Maingay.

“Ma’m maaway ka! S-sasabihin ko, sasabihin ko na kung sino ang nag-utos sa ‘kin. Sasabihin ko na! Huwag niyo lang akong patayin, maawa kayo sa ‘kin. Inutusan lang ako Ma’m.”

“Enough!” Isang malakas na sampal ang binigay niya rito. Kung takot pala ito mamatay, dapat nag-isip ito ng sampung beses bago siya nito binigyan ng bala at nadamay si Nadezhda. Poor soul. Wala siyang nararamdamang awa.

Tinaas niya ang kaniyang kutsilyo. May suot siyang pulang apron at gloves kaya hindi siya mag-alala kung magkakalat ang dugo ngayon gabi. Ito nga ang kaniyang gusto, eh. Ano kaya kung barilin niya ang kabilang balikat nito para fair shot? Napangisi si Ramona.

“Anong mas magandang gawin sa ‘yo? Hmm, how `bout balatan mula ulo hanggang paa? Or, guhitan ko ng maraming bilog ang katawan mo? Saan ba?”

Mas lalong lumakas ang paghingi ng tawad nito at iyak. Nakangisi lang siya. Awa ang pinakamahirap na bagay na kaniyang maiibigay. Oh yes! May napili na siya, ang unang choice ang kaniyang gagawin; ang balatan ito ng buhay.

Tinanggal niya ang damit nito. Akmang sisimulan niya na itong balatan mula sa dibdib, nang makita niya ang tattoo sa kaliwang dibdib nito na kasinglaki ng isang palad. Nagitla si Ramona. Matagal siyang napatitig sa tattoo nito. Parang may parte na kaniyang pagkatao ang biglang bumalik… Kilalang-kilala niya ang tattoo nitong simbolo ng isang roman compas. May tatsulok sa gitna at sa loob ng tatsulok ay isang rosas. Napapalibutan ang compas ng mga latin words na alam niya ang ibig sabihin. Seek. Kill. Die.

Kung hindi siya nagkakamali, ito ang tattoo na nakita niya sa kamay nung lalaking pumatay sa kaniyang pamilya dalawampung taon na ang nakaraan. Lumarawan ang pagkamuhi sa kaniyang mata.

“Saan… Saan mo nakuha ang tattoong ‘yan!” Napaatras siya.

May parte ng kaniyang pagkatao ang gustong sumabog! Sa dami ng mga taong pinatay niya na halos hindi niya mabilang, ngayon lang niya natagpuan ang kasingtulad ng tattoo na pumatay sa kaniyang pamilya.

Sa lumilipas na taon, nakalimutan niya ang mga mukha ng mga lalaking armadong walang pusong kumuha sa buhay ng kaniyang pamilya. Para itong isang imahe na biglang bumalik sa kaniyang utak. Isang imahe na naghila sa kaniya sa nakaraan noong walong taon edad pa lamang siya. Biglang luminaw ang lahat-lahat!

“Sumagot ka! Saan mo nakuha ito! Ha?! Saan!” Naghisterya na siya. Pinagsasampal niya ito at sinabunutan. Nagising ang galit na matagal ng nakatago sa kaniyang pagkatao. Ang galit na ginamit niya para matuto siyang pumatay, kumitil ng buhay ayon sa utos ng grupo. “Sumagot ka! Saan?!”

Dumugo ang labi ng lalaki. Namumula ang magkabilang mukha nito dahil sa lakas ng kaniyang pagkakasampal. Naghalo rin ang sipon at luha nito sa mga mata. Nagmamakaawang pakawalan niya pero sino siya para dinggin ang pakiusap nito kung sa loob ng dalawampung taon, para siyang tubig na kung saan ang agos, doon siya?!

Sa unang pagkakataon, umiyak siya. Umiyak siyang punong-puno ng galit ang puso! Ang huling natatandaan ni Ramona na pumatak ang kaniyang luha ay nung nilisan niya ang bahay-bakasyunan nilang pamilya.

Nanginginig ang kaniyang kamay na kinuha niya ang baril sa loob ng kaniyang sling bag. Hindi ito magsasalita? Pwes sa dulo ng baril niya, magsasalita ito sa ayaw at sa gusto nito.

“Isa!”

“S-sa isang grupong kinabilangan ko Ma’m! Maawa kayo sa ‘kin. Maawa kayo sa ‘kin!”

Kinasa niya ang baril at tinutok sa noo nito ang dulo n’yon. Para siyang bulkan na gustong sumabog sa matinding poot. Kaya niyang makipagpatayan buong gabi sa grupong sinasabi nito.

“Anong grupo?! Sabihin mo, anong grupo! Ang grupong pinagmulan mo ang magtuturo sa ‘kin kung sino ang nag-utos na patayin ang pamilya ko! Sabihin mo anong grupo at sino ang nasa likod ng lahat ng ito?!” Idiniin niya sa noo nito ang baril. Isang kalabit lang niya sa trigger at babagsak itong dilat ang mata.

Tumango-tango ito habang nanginginig sa takot. Halos hindi nito magawang ibuka ang bibig. Poot at galit ang masasalim sa kaniyang pagkatao ngayon at patawarin siya ng demonyo dahil hindi siya magdadalawang isip na balatan ito ng buhay at ipadala ang ulo nito sa media.

“A-ang grupo ng L—”

Parang bumagsak ang mundo ni Ramona nang biglang umubo ang lalaki ng maraming dugo. May bumaril dito. Napatitig siya sa lalamunan nitong may tama ng baril.

“Hind! Hindiiii!!!” Napalingon-lingon si Ramona. Hinahanap ng kaniyang mata kung sino ang bumaril sa lalaking magtuturo sa kaniya kung saan matatagpuan ang kuta na pumatay sa kaniyang pamilya.

Hindi ito pwedeng mamatay na walang sinasabi sa kaniya! Mabilis niyang tinapik ang pisngi ng lalaki. Dilat ang mga mata nito. Dinama niya ang pulsuhan nito sa leeg pero bigo siya. Patay na ang lalaking magtuturo sa kaniya ng daan kung saan nakalibing ang inaasam niyang hustisya.

Napaiyak siya sa galit. Nagwala siya at pinagmumura lahat ng mga nakita niyang gamit. Kinuha niya ang kutsilyo at pinagsasaksak ang katawan ng lalaki sa poot niya. May nakamasid sa kaniyang galaw ngayon gabi at alam ni Ramona ito. Pero bakit hindi ito nagpakita?! Bakit hindi siya hinarap at pinagbabaril?

Puno ng poot na pinagbabaon niya ang haba ng kutsilyo sa katawan at leeg ng lalaki habang tumatalsik sa kaniyang katawan at mukha ang dugo. Huminto lang siya nung humupa na ang kaniyang galit.

Agad niyang pinasok sa lalamunan ng bangkay ang kaniyang daliri at hinanap ang balang tumarak doon. Nang makuha niya ito, agad niya itong nilagay sa loob ng kaniyang sling bag at iniwan ang bangkay.

Mabilis niyang pinaharurot ang kaniyang sasakyan papalayo sa lumang bodega na iyon. Nagmaneho siya na hilam sa luha ang mga mata. Plano niyang puntahan si Uno pero next time na lang at baka sa bar lang siya nito magwawala.

Nagtungo muna siya saglit sa mataas na bahagi ng lugar kung saan nakikita niya ang nagkikislapang mga ilaw sa buong Metro- Manila. Para siyang nakatitig sa gabuhangin na mga bituin. Humiga siya ng malalim at tinanggal ang suot na gloves at tinapon ito sa bangin.

Dama pa rin ni Ramona ang hindi matatawarang galit sa gabing iyon. Pakiramdam niya, pinaglaruan siya sandali ng orasan! Isang oras siyang namalagi roon bago siya nagpasyang bumalik sa bahay ni Jayvion. Galit pa rin siya pero nakokontrol niya na ang kaniyang galit. Hindi tulad kanina na gusto niyang magwala at pumatay ng kahit sinong makasalubong niyang tao.

Tahimik ang buong kabahayan ni Jayvion nung dumating siya. Walang ingay siyang naglakad sa hagdanan patungo sa kaniyang silid. Aalis na siya sa bahay na ito hangga’t wala pa si Jayvion. Kukunin niya lang si Aurora, ang kaniyang dalawang maleta at babalik na siya sa kaniyang sariling palasyo.

May rason siya ngayon para umalis. Hindi dahil galit si Jayvion sa kaniya, kundi sa kadahilanang hahanapin niya at uubusin ang grupong pinagmulan nung lalaking may tattoo sa dibdib. Ipapahanap niya ito kay Uno. Dati, anag-ag lang sa isipan niya ang guhit at detalye pero ngayon, malinaw na malinaw sa kaniyang isipan ang lahat. Para siyang bumalik sa nakaraan at pati mukha ng mga ito ay nanadyang bumalik sa alaala niya. Pinaglaruan siya ng panahon, dama ni Ramona ito pero handa na siyang makipaglaro hanggang sa kamatayan!

AWTOMAKONG nagtama ang mata nila ni Jayvion pagbukas niya ng pintuan. Nasa loob ito ng kaniyang silid. Galit ang nababanaag niya sa mata ng lalaki pero nung makita siya nitong duguan at walang kaemosyon ang mga mata, nagbago ang ekpresyon ng mukha nito.

“I’m leaving,” simpleng anas niya at kinuha ang dalawang maleta. Tinungo niya ang closet at nilagay ang gamit sa isang maleta.

“Good.”

Hindi niya pinansin ang sagot ni Jayvion. Nasa isang tabi ito nakatayo at pinagmamasdan ang kaniyang ginagawa. Hindi na rin siya naglaan ng oras na linisin ang sarili na naliligo ng dugo. Ang sa kaniya, aalis siya sa bahay ng lalaki hangga’t kontrolado niya pa ang kaniyang sarili. Hangga’t nasa kaniyang sariling katinuan pa siya ngayon.

“How’s Nadezhda?” Tanong niya matapos mailigpit ang mga gamit.

“Why you asked? Hindi ba at ikaw ang dahilan kung bakit na-trauma ang anak ko ngayon sa nangyari?”

Walang sagot mula sa kaniya. Tinungo niya si Aurora para kunin ito nang magsalita ulit si Jayvion.

“So, you’re leaving now. Good. Dahil simula nung dumating ka, nagkandaletse-letse na ang lahat sa buhay namin ng anak ko. Ngayon aalis ka, babalik na rin sa normal ang buhay ko.”

“Yeah. I won’t say thank you and sorry. Pero para sa anak mo, please tell her I say sorry. Sorry for bringing her. I just want her to enjoy. Enjoy being a kid at hindi lang nakakulong sa bahay mo 24/7.” Humarap siya kay Jayvion. Nanatiling kalmado pa rin ang kaniyang emosyon pero alam niyang panandalian lang ito. Sasabog siya. “Bigyan mo lang ako ng ilang minuto at aalis na ako sa bahay mo.” Muli siyang humarap sa vivarium ni Aurora nang hilain ni Jayvion ang kaniyang kamay at nagbabagang mata nito ang sumalubong sa kaniya.

“Is that all?” Puno ng pang-uuyam ang boses nito. Pati mata nito, nasasalamin ang poot. “Matapos mong dalhin sa panganib ang buhay ng anak ko? Matapos mong umalis na hindi nagpaalam sa ‘kin? Paano na lang kung hindi lang daplis ang nakuha ni Nadi, ha, Aurora? Tingin mo mapapatawad kita? Tingin mo, hahayaan lang kita umalis sa bahay na ito kung sakaling may nangyaring masama sa anak ko dahil d’yan sa ugali—”

“Chinga tu madre, Jayvion! Tingin mo dinala ko ang anak mo para lang ipahamak doon, ha? Hindi!”

“Kung hindi pala, bakit mo pa dinala! Alam mo kung anong klaseng tao ka. Anong klaseng trabaho ka, Aurora.”

“Talaga ba?” Natawa siya nang mapakla. “Tingin mo ba talaga hahayaan ko ang anak mong mamatay sa kamay ko?”

“Bakit, hindi ba? Mamatay tao ka. Kalaban ng batas at kalaban ng grupong kinabibilangan ko. Anong pakialam mo sa mararamdaman ko kung sakaling mawala nga ang anak ko dahil sa ‘yo?”

Napangisi lang si Ramona at kasunod n’yon ay malakas na suntok ang kaniyang binigay sa mukha ni Jayvion. Sa sobrang lakas na suntok na binigay niya, dumugo ang labi ng lalaki.

“Pakiusap, huwag ka munang magsalita na ikawala ng kontrol ko Jayvion. Nilalabanan ko ang demonyong nakatira sa ulo ko at ayaw kong pati ikaw ay madamay sa galit ko ngayon. Naiintindihan mo ba, ha, Jayvion?! Galit na galit ako ngayon na tipong gusto kong pumatay! Magwala! Manaksak! Galit na galit ako at gusto kong saktan kita pero hindi ko magawa. Galit na galit ako sa sarili ko. Naiintindihan mo ba ako?! Putangina Jayvion, putangina talaga! Hindi lang ikaw ang galit dito, ako rin. Galit ako sa puntong g-gusto k-kong umiyak…” Nagsimulang gumaralgal ang kaniyang boses.

“Aurora…”

“Galit ako dahil hindi ko man lang nakuha ang paghihiganti na gusto kong mangyari.” Nagsimulang manubig ang kaniyang mata. Unang pagkakataon na umiyak siya sa harap ni Jayvion. “Nasa harapan ko na… Abot kamay ko na... Pero bullshit! Pinaglaruan ako ng orasan para ibalik ulit sa ‘kin ang dalawampung taon na ang nakaraan. Masakit ang mawalan, Jayvion, alam ko ang pakiramdam na iyan. Kaya huwag mong sabihin na hindi ko alam kung ano ang pakiramdam. Dahil sa ‘kin, buong pamilya ang nawala. Ang magulang ko! Ang tatlong kapatid ko. Sila, nawala sa ‘kin. Kinuha ng lintek na grupong hindi ko alam hanggang ngayon saan nagtatago. Kasi naman, sa dami-daming pamilyang papatayin, bakit sa ‘kin pa. Ha, bakit, Jayvion?! Sa ‘kin pa?”

Mahigpit naman siyang niyakap ng lalaki at sa dibdib siya nito malakas na umiyak. Naipon lahat ang kaniyang luha. Nasanay siyang tumayong mag-isa. Hindi marunong masaktan, umiyak o makaramdam ng lungkot. Akala niya noon, isa siyang babaeng manhid at nagustuhan niya ‘yon, pero ngayon ay lantang-lanta siya. Humina ang kaniyang depensa.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.