Chapter Thirteen

NAGTATAKANG hinila ni Quinn si Kroen palayo kay Lolo Tim. Nabitiwan nito ang kamay ng matanda. Ang totoo, nabigla siya sa ginawa nito at sa reaksyon nito pagkakita kay Lolo Tim. Kung ang dahilan ng pagluha nito ay dahil sa kalusugan ng ginoo, bakit naman kaya? Ganoong hindi naman magkaanu-ano ang mga ito.

“Ah, Lolo Tim, pasensiya ka na kay Kroen. Emotional lang talaga ito at concerned sa lahat ng may sakit at nagkakasakit.” Paliwanag niya sa tila nalilitong matanda.

Tumawa naman ito. “Salamat sa concerned mo, hija. But I’m fine, now. Magagaling ang mga doctor ko. Lalo na si Matthew. Kita mo nga’t kahit nasa otsenta na ako ay nabubuhay pa din.” Sabi nito kay Kroen. “Teka at magtatanghalian na pala. Ipapaayos ko ang mesa para makakain kayo. Mabuti pa Quinn, ipasyal mo muna siya sa paligid habang ipinapaayos ko ang hapag.”

“O sige po, Lolo. Ipapasyal ko muna nga siya at mukhang nagustuhan ang landscape ng bakuran ninyo.”

Tumango ang matanda at saka tumawag ng katulong. Lumapit rin ang personal nurse nito. Matagal nang yumao ang kabiyak nito kaya’t personal nurse at mga kasambahay nalang ang nag-aasikaso. Paminsan-minsan ay dinadalaw ito ng mga anak. Isinasama na nga ito ng mga anak sa ibang bansa subalit ayaw namang iwan ang masyon nito.

Iginiya niyang palabas si Kroen. Kailangan niya itong makausap. Naninibago na talaga siya rito. Hindi ito nagsasalita pero alam niyang emosyonal ito.

“What is it, Kroen?” untag niya sa tahimik na lambana.

Nasa bakuran na sila ng mansyon ni Lolo Tim. Bigla ang ginawang pagbaling ni Kroen sa kanya at nakakalito ang nakikita niyang pagmamakaawa ng mga mata nito.

“Bumalik tayo sa loob Quinn. Kailangan ko siyang makausap. Siya ang aking ama!”

“Ha?” Siya naman ang nagulat sa sinabi nito.

“Siya ang aking ama.” Ulit nito.

“Paano mong nalaman? Masyado nang matanda si Lolo Tim para maging ama mo. Kahit nasa late thirty’s na siya nang mag-asawa, imposible pa ding maging anak ka niya.” Nagdududang tanong niya. At bakit pa ba siya nagdududa? May kakaiba itong kakayahan para malaman ang mga bagay-bagay.

“Quinn, animnapung taon ang katumbas ng edad ko sa mundo ninyo. Siya ang ama ko, sigurado ako. Nabasa ko ang nalimutan na niyang alaala. Kailangan niya akong makilala. Kailangang ipaalala ko sa kanya ang lahat!”

At mabilis na nakatakbo pabalik sa loob ng bahay si Kroen. Sa dami ng mga kakaibang bagay na pinagsasabi nito sa kanya ay hindi niya agad nagawang mag-react upang pigilan ito.

‘Hindi ka niya makikilala kung nakalimutan na pala niya ang tungkol sa mundo mo.’

HUMAHAGIBIS mula sa labas ng masyon na pumasok si Kroen sa loob. Nang mamataan ang matandang lalaki na pinapaandar ang de-gulong nitong upuan ay nagtatakbo siya para harangan ito.

“O, hija? Bakit ka humahangos?” Nagtatakang tanong nito.

“Ama!” Umiiyak na tawag niya rito.

“Huh?”

Inabot niya ang isang kamay nito at masuyong pinisil.

“Ama, ako ito, si Kroen. Anak mo ako! Anak mo ako!” humagulhol na siya. “Alam kong hindi mo maalala pero dapat ay nararamdaman mo kung talagang pinahalagahan mo kami noon ni ina. Bakit umalis ka ng walang paalam? Bakit mo kami iniwan? Gusto kong malaman!” Bumuhos ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata. Ngayong kaharap na niya ang amang matagal na niyang hinahanap, gusto niyang lubus-lubusin ang pagkakataon. Mabilis na yumakap siya sa ama habang lumuluha. “Pakiusap ama! Pilitin mong halukayin sa puso mo ang tungkol sa amin ni ina. Pilitin mong alalahanin ang tungkol sa aming mga lambana.”

Hindi pumiksi ang ginoo sa ginawa niya. Magiging masaya na sana siya subalit nakaramdam siya ng pag-iigting ng mga ugat niya. Parang binabanat. Sumasakit iyon, humahapdi! Napabitaw siya sa ama. Nalugmok sa sahig at hindi maunawaan kung anong parte ng katawan ang hahaplusin. Lahat ng ugat niya sa buong katawan ay masakit, mahapdi, at tila binabanat. Napahawak siya sa leeg. Pakiwari niya ay mapuputol ang kanyang mga litid.

Napakasakit!

Para siyang malalagutan ng hininga.

“Anong nangyayari sayo, Kroen?” Narinig pa niya ang nagpapanic na tinig ng matanda.

Sa isang sandali ay narinig niya ang tinig ng kanyang ina sa kanyang isip.

‘Hindi mo dapat na sinasabi sa kanya ang lahat. Mapapahamak ka! Isang sagradong batas ang nilabag mo!’ anang tinig.

‘Ina!’

“Kroen!”

Ang humahangos na si Quinn ang huli niyang nakita bago siya tuluyang nawalan ng malay.

Sa pagmulat ng mga mata niya ay nasa isang magarang silid siya. Nakahawak sa isang kamay niya si Quinn habang nakaupo sa gilid ng kama.

“KROEN…” puno ng pag-aalalang sambit ni Quinn sa pangalan ng lambana ng makitang nagmulat ito ng mga mata.

Iglap ay kinabig niya ito para yakapin. Takot na takot siya kaninang makitang nakasalampak ito sa sahig at namimilipit sa sakit. Hindi naman maipaliwanag ni Lolo Tim kung ano ang nangyari kay Kroen.

Mabuti at dumating kaagad si Matthew . Ngunit sa malas ay wala din itong makitang problema kay Kroen na posibleng maging dahilan kung bakit ito nawalan ng malay at kung bakit ito namimilipit sa sakit kanina.

Bakit nga ba niya aasahan ang seyensiya pagdating kay Kroen? Nakalimutan niyang hindi ito tao. Maski ang existence nito ay hindi rin maipapaliwanag ng agham.

“Ano bang nangyari sayo, Kroen? Tinakot mo ako. Okay ka na ba? Anong nararamdaman mo ngayon?” Puno pa rin ng agam-agam na pinakawalan niya ang lambana.

Tumango at ngumiti si Kroen. Maski paano ay nabawasan ang pag-aalala niya sa kaalamang nakakangiti na ito. Pagkuway tila natigilan. Tila may pinakikinggan mula sa kung saan. Pero ito lang yata ang nakakarinig sa kung anumang pinakikinggan nito.

“Umuwi na tayo, Quinn.” Anyaya nito sa kanya pagdaka.

“Magpahinga ka muna ng kaunting oras pa dito. Isa pa ay malapit lang naman rito ang bahay ni Matthew.”

Sunod-sunod ang ginawang pag-iling ni Kroen. “Ang ibig kong sabihin, umuwi na tayo sa bahay mo. Tinatawag ako ng lagusan.”

“Ano?” Gimbal na tanong niya. “Paano? Malayo ang San Juan.” Bigla rin siyang natigilan. Sa lahat ba naman ng mga kakaibang nangyayari sa paligid kasama si Kroen, dapat pa ba niya itong pagdudahan? Bumuntong-hininga siya. “Kaya mo na bang magbiyahe?”

“Oo naman. Ang hindi ko kaya ay ang matagalan ang mga boses sa aking utak.”

Tumango nalang siya. Bumangon naman na ito. Kay Matthew nalang sila nagpaalam dahil natutulog raw si Lolo Tim. Binigyan ito ng pampakalma kanina ni Matthew dahil nagpapanic ito sa nakitang anyo ni Kroen kanina.

ILANG beses na ang paparoo’t-parito si Kroen sa tapat ng lagusan sa loob ng kanyang silid sa bahay ni Quinn sa San Juan. Doon dinala ni Quinn ang painting. Napahinuhod niya ito na bigyan siya ng sapat na oras na makipag-komperensiya sa mga nilalang sa kabilang mundo sa kondisyong nangangako siyang hindi tatawid sa lagusan. At ngayon nga ay sinasabon na siya ng sermon ng kanyang ina.

“Bakit ba napakatigas ng ulo mo anak? Bakit hindi mo ako sinunod? Sinabi ko sayong huwag ka nang lumapit sa lagusan. Pero anong ginawa mo? Hindi ka lang lumapit, tumawid ka pa. Tumawid ka nang hindi man lang nagtatanong!”

“Ina! Gusto ko lang naman pong makita at makasama si Ama. Gusto ko siyang hanapin at nakita ko na siya.” magkahalong kasiyahan at pangamba na saad niya.

Hindi niya nakikita ang ina at ang kasama nito sa kabilang mukha ng lagusan subalit naririnig naman niya ang mga ito.

“Kung ganoon ay bumalik ka na anak. Nagawa mo na ang iyong pakay.”

Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling maski hindi naman siya nakikita nito. “Hindi! Hindi pa ako maaaring bumalik ina. Marami pa akong gustong gawin kasama si Ama. Marami pa akong gustong malaman. May dalawampu’t limang araw pa naman ako. Hayaan niyo na akong gamitin iyon para makasama siya.” At pati na rin ang lalaking mahal ko.

Sa pagkaalala sa nalalabing bilang ng araw na pwede niyang itigil sa mundo ng mga tao ay agad siyang binalot ng lungkot. Dalawampu’t-limang araw nalang ang natitira. Ganoon kaigsing panahon nalang ang nalalabi para makasama niya si Quinn pagkatapos ay iiwan na niya ito.

Napakalungkot naman! Hindi ba pwedeng humirit pa siya ng kaunti pang panahon? Nang ilang taon? Ilang dekada? Ang isiping iiwan na niya si Quinn ay talagang dumudurog sa kanyang damdamin. Ayaw pa niyang umalis. Gusto pa niya itong makasama. Maski na madalas itong masungit sa kanya. Kahit na mas madalas pa silang magtalo kesa magkasundo, gusto pa rin niya itong makasama. Ayaw na niyang malayo rito.

Walang saysay ang mahaba niyang buhay sa mundo niya kung magkalayo naman sila ni Quinn. Walang saysay ang bawat araw niya kung hindi niya ito nakakasabay kumain, kung hindi niya ito nakukulit at pinagsusungitan sa loob ng isang araw.

Walang saysay ang buhay niya kung hindi niya ito makakasama! Gusto niyang makasama si Quinn at makausap sa araw-araw, sa bawat sandali…

“Hindi ka maaaring magtagal sa mundong iyan ng ganoon pa katagal, Kroen.” Narinig niya ang pamilyar na tinig.

“Erastus!” Sambit ng kanyang ina sa pangalan ng nagsalita.

Si Erastus ay isa sa tatlong miyembro ng konseho. Walang kaparis ang kapangyarihan ng mga konseho. Sila ang namumuno sa mundo nila. Ang mga ito ang tagapagpasunod ng mga batas. Ang mga ito rin ang sanggunian nila sa lahat ng mga suliraning kinasasangkutan nila.

Malapit siya kay Erastus. Dito niya nalaman ang tungkol sa pangalawang lagusan. Minsan nitong nabanggit ang tungkol roon nang namamasyal sila. Alam kasi nito kung gaano niya kagusto na makita ang kanyang ama. Alam niyang may alam ito sa kung anong naganap sa kanyang ama ngunit nasa batas ng mundo nila na hindi ipapaalam sa mga lambana ang mga maseselang bagay. Ang lahat ng napagkasunduang maging sekreto ay isinumpa ng mga taga konseho na mananatiling sekreto.

“At bakit hindi? Isang daang araw ang nakalaan sa akin rito.” Sagot niya.

“Dahil nilabag mo ang sagradong batas ng lagusan. Hindi ka purong lambana, Kroen. Iba ka! At sa bawat pagkakaiba, parating may konsekwensiya o benepisyo.”

Naalala niya na halos ganoon din ang sinabi sa kanya ni Caiorroa.

“Hindi mo ba napansin? Hindi nawala ang alaala mo nang tumawid ka sa lagusan. Maging ang mga kakayahan mo. Tanging anyo mo lang ang nabago. Ang miyembro nang konseho lang ang maaaring magkaganoon. Pero tinaglay mo dahil kalahating lambana at kalahating tao ka. Nagtatalo ang magkaibang katauhan mo kaya’t sa huli, hindi nawala ang alaala at kakayahan mo. At sapat na iyon para makagalaw ka ng maayos sa mundong iyan. Pero bakit kailangang labagin mo pa ang batas? Bakit kailangang ipaalala mo pa ang isang alaalang pinawi na ng mundo natin? Hindi mo dapat na ginawa iyon…”

“Pero hindi ko alam.” Katwiran niya.

“Dahil hindi ka nagtanong.”

“Bakit hindi mo nabanggit sa akin noon?”

“Hindi ko inaasahan na muling magbubukas ang sinauna ngunit espesyal na lagusan. Isa pa, inisip kong sasangguni ka sa akin sakaling magbukas ito.”

Napatungo nalang siya. Aminado naman siyang nagpadalos siya. Alam niya ring may kalakip na parusa ang nagawa niyang paglabag. Pero handa siyang maparusahan huwag lang maputol ang nalalabi niyang mga araw sa mundo ng mga tao.

“A-Ano ang posibleng parusa ko?”

Wala siyang narinig na tugon sa loob ng mahabang sandali kaya’t inisip niyang wala na siyang kausap.

“Erastus? Ina? Nandiyan pa ba kayo?”

“Oo anak. Nandito pa kami.” May kahalong hikbi ang tinig nang kanyang ina na ipinagtaka niya.

“Ina?”

“Kamatayan, Kroen, iyon ang kaparusahan mo.” Sagot ni Erastus.

Natigilan siya. Pagkuway: “Huwag mo akong biruin ng ganyan, Erastus!”

“Patawad, subalit hindi ako nagbibiro. Ang nangyari sayo kanina ay patikim na parusa lamang.” Malungkot na tugon nito. “Pero dahil kalahating tao ka ay nagkaroon ka ng benepisyo. Maliligtas ka kung iiwan mo ang mundong iyan, bago o sa mismong ika-siyamnapu’t limang araw mo riyan. Kaya’t bago pa mahuli ang lahat ay umuwi ka na rito, Kroen. Umuwi ka na.” May pagmamadali sa tinig nito.

“A-anong sinasabi mo?”

Nung una ay naisip pa niyang nagbibiro lang si Erastus o maaaring tinatakot lang siya nito. Pero dahil masyadong seryoso ang tinig nito, nararamdaman niyang totoo na ang lahat. At nangangamba siya… natatakot siya…

Iiwan niya si Quinn?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.