Chapter Fourteen

ISANG malalim na buntong hininga ang narinig ni Kroen bago muling nagsalaysay si Erastus.

“Kapag ginamit mo ang nalalabi mong mga araw sa mundo ng mga tao, sa ika-isandaang araw ay magiging abo ka. Subalit kung uuwi ka na rito, bago ang taning na araw ay maliligtas ka Kroen. Tuluyang mabubura ang alaala mo sa mundong iyan at muling mamumuhay tulad ng nakagawian mo.”

‘Makakalimot? Ako? Makakalimutan ko si Quinn?’

‘Hindi! Ayoko!’

Gustong magwala ng puso ni Kroen. Ayaw niyang malimutan ang tungkol kay Quinn. Ito ang isa sa mga pinakamagandang nangyari sa buong panahon na lumitaw siya sa mundo ng mga ito. Kung malilimutan niya si Quinn, para na ring sinabi ni Erastus na kalimutan na niya ang araw na isinilang siya.

“Kailangan mo nang bumalik Kroen. Iligtas mo ang sarili mong buhay.” Panghihimok pa ni Erastus.

“Hawakan mo ang kamay ko anak.” Biglang lumitaw mula sa painting ang isang kamay na nakalahad. Sigurado siyang sa kanyang ina iyon. “Umuwi ka na. Umuwi ka na sa akin, Kroen.”

Umiling si Kroen. Umiling siya ng umiling habang humahakbang patalikod, palayo sa painting.

“Patawad ina, pero ayoko pang umuwi.”

‘Hindi ko pa pwedeng iwan si Quinn. Ayoko siyang iwan. Ayoko siyang makalimutan. At si Ama. Hindi pa nasasagot ang tanong ko tungkol sa kanya. Gusto ko rin siyang makasama.’

“Huwag kang matigas ang ulo Kroen! Umuwi ka na!” pasigaw na sabi ng kanyang ina.

Alam niyang nais lang siya nitong sindakin pero siguradong nag-aalala lang naman ito kaya’t nagkakaganoon.

“Patawad ina. Pero hindi pa po ako uuwi.”

Iyon lang at tinalikuran niya ang lagusan. Tuloy-tuloy siya sa paglabas ng silid. Alam niya, sa pagsapit ng ika-dalawa ng umaga ay mawawala na ang bisa ng pakikipag-usap niya kina Erastus at sa kanyang ina. Mahihirapan na ang mga itong kumonekta sa kanya.

Habang naglalakad sa mahabang pasilyo ng mga silid ay naririnig niya ang malakas na pagpalahaw ng kanyang ina. Tinatawag nito ang pangalan niya at inutusan siyang bumalik. Pilit niyang binalewala iyon. Dahil sa bawat pagtangis ng kanyang ina, katumbas noon ang pagsakal sa kanyang puso sa kaalamang siya ang dahilan noon.

Hindi rin siya nakatiis. Tumatakbong bumaba siya ng malaking hagdanan habang nakatakip ang dalawang kamay sa kanyang tenga. Mula sa sala ay naghanap siya ng masusulingan upang ma-distract sa mga naririnig—at tanging siya lang ang nakakarinig.

‘Ina, pakiusap! Huwag ka nang umiyak! Magiging maayos ako rito. Masaya ako rito!’

“Kroen! Anong nangyayari sayo?” Hinila ni Quinn ang dalawa niyang kamay na nakatakip sa tenga niya. Nakalapit na pala ito ng di niya namamalayan.

Napansin niya na nakapaikot sa leeg nito ang headset ng cellphone nito. Hinablot niya iyon at isinalampak sa sarili niyang mga tenga.

Hindi na nga niya naririnig na umiiyak ang ina subalit ang puso naman niya ang narinig niyang umiiyak dahil sa kanta.

…kung hindi tayo, para sa isa’t-isa… sa puso ko, hinahanap-hanap kita…

Dumaloy ang masaganang luha sa pisngi niya habang titig na titig sa napakagwapong mukha ni Quinn.

“Kroen… bakit?” puno ng pag-aalala na tinuyo ni Quinn ang mga luha niya ng sarili nitong mga daliri. Pero hindi naubos ang mga luha. Sa kawalan ng maisip gawin ay bigla siya nitong kinabig at niyakap ng mahigpit. Napahagulhol naman siya ng malakas.

…kung ang kahapon… ay kayang, balikan.. at ang oras ay… kayang pigilan. Nais kang mayakap… at mahagkan…

“Ssshhh… ano bang nangyari? Come on, tell me.” Suyo pa nito.

Kumalas siya kay Quinn at pinakatitigan ito. partikular sa mga labi nito. Mamamatay din naman siya, maigi pang ipaalam nalang niya rito ang damdamin niya, may katugon man o wala, hindi na mahalaga sa kanya.

“Quinn…” Lumuluhang inabot niya ng dalawang kamay ang gwapong mukha nito. At walang sabi-sabing tumingkayad siya para hagkan ang magagandang mga labi ni Quinn.

Nabigla marahil ito dahil hindi kaagad nakakilos. Ngunit dagli rin namang nakabawi. Saglit lang at pumulupot ang mga kamay nito sa kanyang bewang. Ang mga kamay naman niya ay tila may sariling mga isip na kusang naglakbay patungo sa batok nito at doon nangunyapit habang ninanamnam ang napakasarap na sensasyong hatid ng halik na kanilang pinagsasaluhan.

Halos mapugto na ang kanilang mga hininga ng pakawalan nila ang isa’t-isa. Tinitigan siya ni Quinn. Matagal. Waring nagtataka. Nang tila hindi ito makatiis ay nagsalita.

“Bakit mo ginawa iyon? Hindi ka ba natatakot na mapahamak?” may bahid paninitang sambit ni Quinn bagaman masasalamin na nagustuhan nito ang pinagsaluhan nila.

Nginitian niya si Quinn. Wala siyang naramdamang maski katiting na pagsisisi. Kalakip ng halik na iyon ang tunay niyang damdamin para rito. At nais na niyang malaman iyon ni Quinn. Wala na siyang pakialam sa kung anumang pwedeng mangyari sa hinaharap. Ang mahalaga sa kanya ay ang ngayon.

“Hindi.” Umiling siya. “Kung nalaman ko lang ng mas maaga na ganoon kasarap na mahalikan ka, matagal ko na sanang ibinuwis ang buhay ko kapalit iyon.” Pagbibiro niya kay Quinn.

“Don’t ever talk about death, Kroen!” sita nito sa kanya.

Pagkuway ngumiti ng pagkalapad-lapad. “Matagal ko ding pinangarap na mahalikan ka. Matagal na gumulo sa utak ko kung ano ang pakiramdam na mahalikan ka. Natakot lang akong subukan dahil nag-aalala ako sa kaligtasan mo. Pero dahil ikaw na ang mismong kumilos, alam kong hindi ako dapat na mag-alala. Hindi mo naman ipapahamak ang sarili mo, hindi ba?”

Saglit siyang natigilan. Pagkuway napatango. “Hindi ako mapapahamak dahil sa halik.” Pagsisinungaling pa niya.

Ano pa bang mawawala sa kanya kung magsinungaling man siya? Malapit na siyang mawala sa mukha ng mundo, ano pa ang dapat niyang ikatakot na parusa? Gusto nalang niyang maging masaya.

“Pangako na hindi ka magsisisi na pinangahasan mong halikan ako.”

Nagulat pa siya nang bigla siya nitong kabigin sa kanyang bewang. At muli na namang siniil ng nag-aalab nitong mga labi. Naging mapusok silang pareho dahil sa udyok ng mga damdamin. Buong pusong tinugon ang bawat paghagod ng labi ng bawat isa. Tuluyan na nilang nakalimutan ang patungkol sa magkaiba nilang mga mundo.

TUMATAWA habang humihingal na umahon mula sa dagat sina Quinn at Kroen. Alas-diyes na ng umaga at medyo masakit na ang tama ng araw sa kanilang mga balat. Subalit hindi nila iyon alintana. Ang tanging alam ni Kroen ay masarap palang maglangoy sa dagat kasama si Quinn.

Sampong araw na magmula ng maganap ang halikan sa pagitan nila nito. At sa bawat araw na lumipas ay wala silang ginawa kundi ang magkasamang mamasyal sa kabayanan, maglangoy sa dagat at maglakad-lakad sa may dalampasigan. Masaya na siya sa araw-araw na gawaing iyon, ang mahalaga ay kasama niya ito. At palagay niya, ganoon din ang nararamdaman ni Quinn dahil hindi na siya nito sinusungitan.

Magkatulong silang nagluluto ng mga gusto nilang kainin at magkasamang nanonood ng mga gusto nilang palabas. Kinahiligan na din nito ang wii na gustong-gusto niya. Hindi nga niya alam kung nagagawa pa nitong magpinta dahil halos hindi na sila mapaghiwalay na dalawa kung hindi rin lang matutulog na sa gabi.

At kapag naiisip ang tungkol sa pagtulog ay nababagabag siya. Marahil, inilalapat na ng unti-unti ang kanyang parusa. Dahilo kung dati ay nakakaya niyang dalawang linggo na hindi natutulog, ngayon ay nanghihina siya kapag hindi nakakapagpahinga sa gabi o di nasisinagan ng liwanag ng buwan.

Hindi niya ipinaaalam ang bagay na iyon kay Quinn. Ayaw niyang mag-alala ito. Ayaw niya ring itaboy siya nito sakaling matuklasan nito ang totoo niyang kalagayan.

“Isang match pa?” hamon ni Quinn sa kanya. Nakangiti, maski ahalatang pagod na. Ang tinutukoy nito ay ang paligsahan sa paglangoy.

Tinuruan siya nito na maglangoy at ngayon ay tila mas magaling pa siya sa guro niya. Umiling si Kroen saka sumalampak sa buhanginan. Ang dalawa niyang kamay ay nakatukod sa magkabila niyang tabi.

“Ayoko na. Pagod na ako.” Tanggi niya. Ngayon ay nakakaramdam na din siya ng pagod at di tulad ng dati.

Sumalampak sa tabi niya si Quinn. Napakaganda ng kabuuan ng katawan nitong nakabuyangyang sa mga paningin niya. Malapad ang dibdib at may animo mga pandesal sa bandang tiyan. Ayon rito, abs raw ang tawag doon. Bunga daw iyon ng regular na ehersisyo nito nung nasa siyudad.

Bagay rito ang balingkinitan nitong kulay. Hindi niya alam kung ano ba ang tamang deskripsyon kay Quinn. Pero masasabi niyang kaakit-akit ito sa kanyang paningin.

Napangiti tuloy siya sa sariling naisip. Kaakit-akit ang anyo nito habang padausdos na nakahiga sa buhanginang sa tabi niya. Nakabalandra ang maganda nitong katawan na walang ibang saplot kundi ang swimming trunks. Mabuti nalang at pag-aari nito ang beach front na iyon. Kundi ay baka pinagkaguluhan na ito ng mga kababaihan.

“Bakit ganyan ka makatingin? Pinagnanasaan mo ako ano?” tukso nito sa kanya.

Nag-iwas siya ng mga paningin ngunit dagling lumapit sa kanya si Quinn. Hinuli nito ang kanyang mga mata na iniiwas niya.

“Quinn, ano ba?” saway niya rito.

“Tumingin ka nga sa akin, Kroen.”

Napilitan siyang harapin ito.

“Tama ba ako?”

“Napaka… gandang lalaki mo.” Sa halip ay komento niya rito.

Tumawa ito na ikinailang niya. “That’s what I like about you—you’re being too honest.”

“Hindi ko alam ang sasabihin.” Aniya.

“Just admit the fact na pinagnanasaan mo nga ako.”

“Siguro nga.” Amin niya.

Kung ang tawag sa kagustuhan niyang haplusin ang nakakaakit na katawan nito at makulong muli sa mga bisig nito habang magkadikit ang mga katawan nila ay pagnanasa, baka ganoon nga. Kanina pa naman talagang nais niyang madikit rito ng husto.

Tumawa si Quinn na tila aliw na aliw pagkuway kumilos para kubabawan siya. Nabigla si Kroen sa ginawa nito, pero hindi naman siya tumutol. Gusto niya rin ang pakiramdam sa posisyon nila. Ang totoo ay iyon ang hinahangad niya.

Bumaba ang mukha ni Quinn sa kanya habang ang dalawa naman niyang mga kamay ay animo nawawalan ng pwersang nakatukod sa buhanginan. Hanggang sa ni hindi niya namalayan kung paanong nakalapat na pala ang likod niya sa buhanginan at ang dalawa niyang kamay ay nakapagitan sa mga dibdib nila ni Quinn.

At hindi pa rin pala sapat ang mga kamay niya upang mamagitan dahil patuloy pa rin ang paglapit ng mukha nito sa kanya.

“Puntahan naman natin si Ama sa isang araw. Gusto ko siyang makita.” Sinubukan niyang gumawa ng mapapag-usapan upang mapahinto ito sa ginagawa.

Ang unti-unting paglapit ng mga labi nito sa kanya ay labis na nagpapasabik sa kanya. Nagdudulot iyon ng pagkakagulo sa loob ng kanyang dibdib. At kung hindi siya iisip ng paraan upang kahit paano ay ma-distract ang kanyang nararamdaman, malamang na makita nalang niya ang sarili na kinakabig si Quinn at sinisiil ng marubdob na halik.

“Sa ibang araw natin pag-usapan si Lolo Tim. Mas may mahalaga tayong dapat gawin.” Paanas na tugon nito.

Saglit pa at tuluyan na nitong inangkin ang nananabik na niyang mga labi. Napapikit pa siya habang ninanamnam ang halik. Tumaas ang isang kamay niya patungo sa ulo nito at masuyong sumabunot habang ang isa pa ay buong pagmamahal na humahaplos sa gwapo nitong mukha.

Nasa kalagitnaan pa sila ng pagsasalo sa isang masarap na gawain ng makarinig ng tikhim. Hindi niya pinansin iyon, maging si Quinn. Baka naman nga guni-guni lang. Sino naman kaya ang mangangahas na manghimasok sa pribadong lugar?

Muli, isa pang tikhim. At sa pagkakataong iyon ay mas malakas na. Hindi na nila nagawang baliwalain pa. Sabay silang napalingon sa bahagi ng pinagmulan ng istorbong ingay.

At ganoon nalang ang panlalaki ng mga mata niya nang matuklasan kung sino ang nang-iistorbo sa kanilang marubdob na paghahalikan.

‘Ama!’

“Matthew! Lolo Tim!” sambit ni Quinn

Halos hindi ni8ya napansin si Matthew sa tabi ni Lolo Tim dahil nakapokus ang atensyon niya sa huli nang malingunan ang mga ito. At kung bakit naroroon ito.

Tumikhim muli ang matanda. “Gusto sana kitang makausap, Kroen. Pero palagay ko ay dapat ko ding kausapin si Quinn.” Bumaling ito kay Quinn. Puno ng awtoridad ang ekspresyon. “We really have to talk, young man.”

Napatayo bigla si Quinn mula sa pagkakakubabaw sa kanya. Tila natetensyon ito na hindi niya maunawaan. Pagkuway inalalayans iyang tumayo na rin.

“Doon po tayo loob ng bahay ko.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.