Chapter Fifteen

SA LOOB ng library ni Quinn dinala nito sina Quinn at Lolo Tim. Hinayaan sila nito na magkasarilinang mag-ama. Siguro, kahit hindi pa siya tinatanggap ng matanda bilang anak nito ay naniniwala pa din sa kanya si Quinn. Naniwala nga itong isa siyang lambana, ano pa ang hindi nito mapapaniwalaan? At dahil ama niya ang Lolo ni Matthew, ibigsabihin ay pamangkin niya ito?

Kaya naman pala ganoon nalang ang damdamin niya pagkakita rito. Kadugo pala niya ito kaya’t kay daling gumaan ng loob niya rito. At nakakatawang naipagkamali iyon ni Quinn sa isang romantikong damdamin.

Subalit, sandali, anong ginagawa rito ng kanyang ama?

“Ano po ang dapat nating pag-usapan?” lakas-loob na basag ni Kroen sa katahimikan.

Nakaupo silang pareho sa single sitter na naroroon sa library—nagpapakiramdaman. At hindi na siya nakatiis.

“Tawagin mo akong Daddy, hija.” Maluha-luhang hayag ng matandang ginoo. “Gusto kong marinig muli na tinatawag mo akong ama.

“Daddy… daddy…” paulit-ulit niyang sambit habang nakayakap sa ginoo.

“Patawarin mo ako anak kung hindi kita naalala.” Marahang kumalas at dumausdos siya sa paanan ng ama at sumalampak sa sahig. Inihilig niya ang ulo sa kandungan nito. “Akala ko, panaginip lang ang lahat. Ang tungkol sayo at tungkol kay Rutshella.” Ang tinutukoy nito ay ang kanyang ina. “Iniisip ko na isang kahangalan na paniwalaang totoo ang isang mahiwaagang panaginip. Sa bawat sandali na maiisip ko ang patungkol sa iyong ina, inaakala ko na nababaliw na ako. Dahil sa puso ko, totoo ang lahat. Totoong inibig ko siya at may naganap sa amin. Pero paano kong ipapaliwanag na sa pagmulat ng mga mata ko, nakahiga ako sa kama ko, sa loob ng aking silid. Wala ang mga dambuhalang punong-kahoy at mga higanteng bulaklak. Wala ang mga maliliit na nilalang na may matutulis na tenga at may mga pakpak. Wala si Rutshella. Kaya’t ipinagpalagay ko nab aka, panaginip nga nga lahat. Pero nang dumating ka, nang hawakan mo ang kamay ko, nakaramdam ako ng kakaiba. Para bang ang bagay gustong-gusto ko na matagal na nawala sa akin ay muli kong nakita. At nang ipagpilitan mo sa aking anak kita sa isang lambana, tuluyang nagulo ang utak ko. Gabi-gabi kong napapanaginipan si Rutshella. Nagmamakaawa na ibalik ko sa kanya ang anak namin. Hanggang sa ang mga panaginip ay nagmistula at luma ngunit napakahalagang alaala. Naging malinaw na sa akin ang lahat, anak.”

Kung ganoon pala ay nagpapakita ang kanyang ina sa panaginip nito para lang mahimok siyang umuwi na?

“Totoo nga pala ang mga panaginip ko. Isa iyong nalimutang alaala. Pinawi ng lagusan ang alaala ko sa Engkantasya matapos kong makatawid upang makapamuhay ako ng tulad ng dati, matapos kong magampanan ang kaparusahan ko.”

“Nais ko pong malaman, bakit ninyo piniling iwan kami noon? Hindi ba kami mahalaga sayo?” Lumuluhang tanong niya. Masakit na ang lalamunan niya.

“Tuso ang mga konseho at ang batas sa mundo ninyo, anak. Nilinlang nila ako, hindi ko alam na hindi na ako makakabalik.”Bumuntong-hininga ang ginoo. “Alam nilang natapos na ang palugit na panahon para magampanan ko ang kaparusahan ko sa nagawa kong pagsira sa tahanan nila at hindi na ako makakaalis pa. Subalit, nalaman nilang nagdadalang-tao si Rutshella sa anak ko kaya’t gumawa sila ng paraan para makabalik ako sa mundo ko. Ang ikalawang lagusan ay sinaunang lagusan na hindi na dapat buksan dahil wala namang patunay sa mundo ng mga tao na may kaugnayan sa mundo ninyo, pero gumawa sila ng paraan. Nagdala sila ng maliit na puno mula sa Engkantasya sa silid ko sa mundong ito upang magbukas ang ikalawang lagusan. Nilinlang nila ako na makakabalik ako sa Engkantasya habang nasa mundo namin ang maliit na puno, anumang sandali ay makakabalik ako. Nasabik ako sa pamilya ko, gusto ko silang makita. Nagdesisyon akong tumawid upang magpaalam sa mga magulang ko na sa Engkantasya na ako mananatili. Ngunit hindi ko inaasahang nang mga sandaling tumawid ako ay kinuha na rin nila ang maliit na puno sa mundo namin. Sa pagdilat ng mga mata ko, nasa sarili ko na akong kama at niyuyugyog ng aking ina dahil mahuhuli na ako sa eskwela. Nasa huling taon ako noon sa kolehiyo, panahon kung kailan ako dinala ng konseho sa Engkantasya. Ibinalik nila ako sa panahong iyon upang isipin kong panaginip lang ang lahat ng naganap sa akin sa Engkantasya.”

Naligalig ng husto si Kroen. Paanong nagawa iyon ng konseho? Maraming nilabag na batas ang mga ito. Ano ang posibleng naging kaparusahan ng sinaunang lagusan at ng mundo nila sa mga ito? Ah, ang mga miyembro nga pala ng konseho ang nangangasiwa sa kanila. Makapangyarihan ang mga ito kaya’t kahit lumabag, ang parating katwiran ay para sa kabutihan ng nakararami ang ginawang paglabag. Pero paanong para sa kabutihan ng nakakarami ang ginawa ng mga ito kung nawalan naman siya ng ama?

“Paanong nagawa nila sa atin iyon?”

Umiling ang matanda. “Marahil, nangangamba silang magkaroon ng lambanang-tao sa Engkantasya dahil sa kagagawan ko. At dahil magandang lalaki ako noon, maraming nababaliw sa akin.”

Pinandilatan niya ang ama at pagkuway inirapan. Tumawa naman ito at pagkuway hinaplos ang kanyang buhok.

“Pero siyempre, si Rutshella lamang ang inibig ko. Kaya ka nga nabuo. Ikaw ang bunga ng pag-ibig ko sa kanya.”

Napangiti na rin si Kroen. Maganda ang sinabi ng kanyang ama.

“Magandang lalaki ka pa rin naman hanggang ngayon, ama.” Bawi niya rito.

“Kahit ganitong matanda na ako?” nagdududang tanong ng matanda.

Tumango siya.

“Ewan ko, anak. Kayong mga lambana ay hindi tumatanda. Humihinto ang mga edad niyo sa adolescent stage, malamang nga na mukha lang kayong magkapatid na mag-ina. At hindi ako sigurado kung iibigin pa din ako ng iyong ina kapag nakita niya ako.”

‘Pero nagkikita kayo sa panaginip.’

Gusto sana niyang sabihin pero nangangamba siyang mabuklat ang dahilan kung bakit nagpapakita ang kanyang ina. Kapag nalaman nito ang totoo niyang sitawasyon, malamang na itaboy na siya nito pabalik sa Engkantasya.

Kung anuman ang mensahe ng kanyang ina sa kanyang ama sa panaginip, alam niyang hindi iyon lubos na mauunawaan nito dahil saglit na saglit lamang magpapangita ang mga ito. Magkaiba ang oras ng dalawang daigdig. Nagagawa lang nilang mag-usap ng matagal sa gitna ng lagusan dahil magkaka-uri naman ang nag-uusap. Isa pa ay malamang na ginawan ni Erastus ng paraan upang mapahaba pa ang pag-uusap nila maski hindi naman kabilugan ng buwan.

Magiging komplikado lamang ang oras at palitan ng mensahe kung hindi magkauri ang mag-uusap sa magkabilang daigdig.

“Hindi tumatanda ang puso, Daddy. Alam kong malalim pa rin ang pag-ibig sayo ni ina. At kahit hindi niya isatinig sa akin, alam ko at nararamdaman kong nasasabik rin siya sayo na tulad ko.”

Ngumiti ang ginoo at inabot siya para yakapin. Yumakap rin siya rito. “Nasasabik rin ako sa kanya, anak. Posible kayang hilingin na sa sandaling pumanaw ako ay maging tulad ninyo ako?”

ISANG malakas na tapik sa balikat ni Quinn ang nagpahinto sa kanya sa pagpapabalik-balik sa tapat ng pinto ng library. Nang balingan niya ang may dahil ay nginisihan siya ni Matthew.

“Ano ka ba dude? Para kang pusang hindi mapaanak diyan.” Sita nito sa kanya.

Pinandilatan naman niya ito. “Paano akong hindi mapapakali, siguradong masasabon ako ni Lolo Tim dahil nakita niyang hinahalikan ko ang anak niya.”

“Anak?” nagtatakang tanong nito. “Akala ko ba, apo niya sa pamangkin si Kroen? Yung paborito niyang pamangkin na nasa England.”

Natigilan siya. Iyon pala ang sinabi ni Lolo Tim rito. Ah, siguro dahil mahihirapan nga naman si Lolo Tim na magpaliwanag kung sasabihin ang totoo.

“Oo nga. Ang ibig kong sabihin, anak ng paborito niyang pamangkin.”

Tila kinagat naman ni Matthew ang sinabi niya. Tumango-yango ito at saka ngumisi.

“Lagot ka talaga. Dahil favorite ni Lolo ang Mommy ni Kroen, malamang na over-protected din iyon tulad sa mga anak niya.”

Pinukol niya ng masamang tingin si Matthew. “Hindi ka nakakatulong, Matt!”

Tumawa na naman ito. “Akala ko ba, hindi mo mahal si Kroen? Bakit ngayon, nakita namin kayong naghahalikan?” panunudyo pa nito.

He sighed lazily. “Akala ko din.” ‘Pero tama ka pala, Matthew.’

Nang sandaling halikan siya ni Kroen sa unang pagkakataon, naging malinaw para sa kanya ang damdamin niya para sa lambana. Mahirap mang tanggapin pero totoong umiibig siya sa hindi niya kauri. Ang lahat ng pag-aalala niya kay Kroen, ang kagustuhan niyang parati itong makita at makasama, ang matinding pagnanais niyang protektahan ito, isa lang ang ibigsabihin noon, mahal niya ito. Pero hindi niya matanggap. Hanggang sa maganap ang halik. Doon na naputol ang pagde-deny niya. Wala siyang ibang choice kundi ang tanggapin iyon.

Subalit, aalis rin naman si Kroen. Posible na dahil natagpuan na nito ang ama ay malamang na umalis na ito. He couldn’t imagine what his life would be, without her. Hindi niya kaya na wala si Kroen sa buhay niya.

Ah, he’ll make a way. Gagawin niya ang lahat para himukin si Kroen na manatili pa sa mundo niya. Hihimukin niya itong mamasyal, mag-cruise, magbakasyon, kasama ang ama nito. Kung kinakailangang ubusin niya ang kanyang kayamanaan, huwag lang itong umalis ay gagawin niya. He’ll do anything and everything to make her stay.

Biglang bumukas nag pinto ng library at iniluwa ang nilalang na laman ng kanyang puso at isip.

“How did it go, Kroen?” Tanong agad niya.

“Kakausapin ka niya.” tugon ni Kroen na ngumiti pa.

Palagay niya, naging maayos ang pag-uusap ng mag-ama dahil nakakangiti na ito ng ganoon. Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag. Pero bumalik muli ang easiness nang ipagtulakan siya ni Kroen papasok sa library.

“Magtutuos daw kayo.” Sabi pa nito at sumilip sa loob. “Huwag mo po siyang masyadong sindakin.” Paalala nito sa ama at muling bumaling sa kanya, saka kumindat.

Hindi niya tuloy alam kung matutuwa o mas lalong kakabahan. Sumarado na ang pinto. Lumapit siya sa single sitter sa harap ni Lolo Tim at naupo.

“Ah, Lolo, iyon pong nakita ninyo kanina…” panimula kaagad niya.

“Alam mo ang tungkol sa katauhan niya, hindi ba?”

Tumango siya.

“Kung ganoon ay bakit mo siya hinalikan? Ikamamatay niya iyon kung hindi mo siya makakayang mahalin sa loob ng tatlumpong araw.” Paninita nito.

“Mahal ko na po si Kroen, Lolo. Hindi pa man bumibilang ang tatlumpong araw na palugit ng halik at kahit lambana pa siya, mahal ko na po siya. Wala po kayong dapat na ipag-alala.”

Iyon lang at ngumiti na ito. Palagay rin niya ay inaasahan naman nitong sasabihin niya iyon.

“Alam ko naman. Seeing the two of you, together, alam kong may damdamin kayo para sa isa’t-isa. Ang nais ko lang talaga ay makasigurado. Hindi ka na iba sa akin, Quinn. Pero ayokong mapahamak ang anak ko. Matagal ko siyang hindi nakasama. Ni hindi ko siya nakitang ipinanganak at lumaki at gusto kong makabawi.”

Sunod-sunod na tumango siya. “I understand, Lolo. Gusto rin naman niya na maka-bonding kayo.”

“Maghati nalang tayo sa labinlimang araw niya rito sa lupa. Walong araw sa akin, pitong araw sayo. Hindi na siguro masama dahil magtagal na kayong nagkasama.”

Biglang kinabahan si Quinn. “Ano pong ibig ninyong sabihin na fifteen days nalang siya rito?”

Gusto niyang mag-panic. Parang ayaw i-process ng utak niya ang mga narinig.

“Aalis na siya. Labinlimang araw nalang ang palugit ng lagusan kay Kroen na manatili rito sa mundo natin.”

“Pero babalik naman po siya, hindi ba? Nasa pangangalaga ko po ang lagusan at iniingatan ko iyon.”

“Sabi niya, isandaang araw lamang ang ibinibigay ng lagusan sa mga lambana. Wala din akong masyadong alam sa regulasyon ng lagusan na iyon dahil huling araw ko na sa Engkantasya ng buksan iyon ng mga taga konseho. Pero sabi ni Kroen, sa ayaw at sa gusto niya, matapos ang ika-isandaang araw niya rito ay hihigupin na siya ng lagusan.”

Nanlumo si Quinn. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat isipin.

‘Malapit na palang umalis si Kroen. Pero paano naman ako? Matapos niya akong paibigin ay iiwan nalang niya ako ng ganoon nalang?’

“Kaya pala hinalikan na niya ako. Twenty-five days pa ang nalalabi sa kanya noon dito sa mundo ko at thirty days ang palugit ng halik. Matalino pa rin talaga si Kroen. Hinintay pa talagang hindi siya abutin ng duedate ng kiss na kinuha niya. Tuso talaga! Kapag nga naman gahol na ang oras, paano pa siya sisingilin kung bago ang duedate ng kiss ay nakaalis na siya sa mundong ito?” Wala sa loob na naireklamo niya.

“Mali ka, Quinn. Maski makauwi man siya sa Engkantasya ay patuloy na bibilang ng araw rito sa mundo natin ang bisa ng kaparusahan ng halik na iyon.” Sagot naman ni Lolo Tim. “Isang malaking kasalanan para sa mga lambana ang halikan ang isang mortal. At ang kaparusahan ay kamatayan. Subalit sa bawat parusa ay parating may paraan para maligtas. At ang makapagliligtas lamang ay ang pag-ibig ng mortal sa lambana.”

Napatango nalang siya.Kung ganoon pala ay talagang desidido si Kroen na halikan siya maski ang kapalit ay buhay nito kung ganoon na patuloy na bibilang ng araw ang kaparusahan.

Pero bakit nga ba iyon ginawa ni Kroen? Posible ba talaga na mahal na din siya nito?

“Isa pa nga pala.” Narinig niyang hayag ni Lolo Tim. “Ilayo mo si Kroen sa mga taong hindi naniniwala sa existence ng mga tulad niya. O di kaya, iwasan mong magbanggit ng patungkol sa mga kauri niya sa harapan ng mga taong hindi naniniwala sa kanya.”

“Bakit po, Lolo Tim?”

“Dahil ang mga tulad niya ay patuloy na lumalakas dahil sa mga taong naniniwala sa mga tulad niya. Siguro nga, kaya nagkaroon siya ng life line dito sa mundo natin ay dahil, subconsciously, hindi naman ako huminto sa paniniwalang baka nga totoo sila. Nakita mo naman ang theme ng masyon ko, pati na rin ang hardin. Iyon ang bigong creation ng panggagaya ko sa sinaunang lagusan na nakikita ko sa panaginip ko.” Tugon naman ni Lolo Tim na tila nagbabalik-tanaw sa kung anumang bagay. Pagkuway bumaling sa kanya, nag-aalala. “Ingatan mo si Kroen. Dahil sa sandaling may magsabing hindi naniniwala sa mga tulad ni Kroen na nagkatawang tao lamang ay agad na mamamatay siya. Kapag may mortal na nasa malapit at naririnig niyang hindi iyon naniniwala sa kanya ay agad na manghihina siya. Napakadelikado ng lugar na ito kay Kroen. Hindi siya dapat na nakikisalamuha sa mga tao. Pero ginawa niya dahil gusto niya akong makita. At nais ko tuloy sisihin ang sarili ko.”

Napansin ni Quinn ang dalawang butil ng mga luha sa mga mata ni Lolo Tim. Nakadama siya ng pagsakal sa kanyang puso. Nauunawaan niya ang matanda. Mahabang panahon din ang hinintay nito para patunayang totoo ang lahat at may anak nga ito sa lambana. Nung una ay nais niyang mamuhi sa ama ni Kroen dahil sa ginawang pag-iwan sa mga ito. Subalit nang makita niya kung paanong nahirapan at nanabiki rin ito sa ama at nakadama siya ng simpatya para kay Lolo Tim.

“Poprotektahan ko po si Kroen sa abot ng aking makakaya.” Pangako ni Quinn kay Lolo Tim na dapat, ngayon palang ay pinapraktis na rin niyang tawagin itong daddy.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.