NAALIMPUNGATAN si Erastus nang marinig na umuungol si Rosette sa loob ng silid. Agad siyang napabalikwas at sumugod sa loob ng silid. Pabiling-biling ang ulo ni Rosette habang nakahiga sa kama. Inalog niya ito upang magising ngunit ang ungol nito ay naging sigaw.
“Hindi!!!”
Iyong mulat ng mata ni Rosette ay mabilis itong bumangon at sa natatakot na hitsura ay bumulwak ang mga luha nito. Nataranta naman bigla si Erastus. Hindi niya gusto ang nakikita. Marami na naman siyang nakitang umiiyak na babae na naging biktima ng mga krimen at parating purong galit ang nadadama niya sa mga kriminal. Subalit sa pagkakataong iyon ay purong pag-aalala ang sumasakop sa buong pagkatao niya. Hindi niya gustong nakikitang umiiyak si Rosette.
At lalong hindi niya gusto ang pakiramdam na para bang wala siyang magawa para pakalmahin ito.
Sa kawalan ng maisip gawin ay ibinangon niya si Rosette at mahigpit na niyakap habang hinahagod ang likod nito. Humihikbi pa rin ito at parang nais mapunit ng puso niya sa bawat paghikbi ng lambana.
“Ayoko pang mamatay…”
“Sssshhh…”
Ramdam niya ang takot sa tinig nito. Pilit naman niyang pinakalma si Rosette sa kabila ng kaguluhan sa kanyang isip. Ano ba’ng sinasabi nito?
“Panaginip lang `yon. Huwag ka nang matakot.”
Kumawala si Rosette sa pagkakayakap sa kanya. “Totoo `yon, Erastus! Kailangan na nating bumalik sa Engkantasya, kung hindi ay malilipol ang buong lahi natin. Nalalapit na ang pagsugod ng mga kalaban.”
“Ha? Teka… `di ba sabi mo sa next full moon pa magbubukas ang portal?” Naguguluhan siya rito. Baka naman hindi pa ito nakaka-recover sa kung anong napanaginipan.
“I’m sorry…” Napayuko si Rosette. At nararamdaman ni Erastus na hindi niya magugustuhan ang susunod nitong sasabihin. “Nagsinungaling ako. Kahit anong oras ay pwede na tayong tumawid basta pumayag ka nang sumama sa akin.”
Hindi malaman ni Erastus kung ano ang mararamdaman sa mga sandaling iyon. Bakit ito nagsinungaling? Hindi ba iyon naman ang gusto nito? Ang makabalik na sila sa Engkantasya?
“Ayoko pa kasing umalis dito.”
Saglit siyang nalito sa narinig ngunit dagling nag-flash sa utak niya ang eksena kung saan masayang nag-uusap sina Jyle at Rosette. Maging ang pagtatawagan ng dalawa. Iyon ba ang dahilan? Gusto na ba ni Rosette ang kaibigan niya kaya naging makasarili itong magdesisyon na mag-extend pa roon sa mundo ng mga mortal?
Kumulimlim bigla ang mukha ni Erastus. Hindi niya nagugustuhan ang pakiramdam na bumabagyo sa puso niya, sa isiping iyon ang dahilan ng ginawang pagsisinungaling ni Rosette.
“Aalis na tayo ngayon, sa ayaw at sa gusto mo.” Sa hindi mababaling salita ay saad niya.
Siya na rin ang kusang umabot sa nakapalawit na sisidlan sa kwintas ni Rosette at inilabas mula roon puting bato. Hindi naglipat sandali at nagliwanag iyon.
Ibinaba ni Erastus sa kama ang bato at mas lumawak pa ang liwanag na nagmumula roon na halos lamunin ng mahiwagang liwanag ang buong silid. Mabilis na inabot niya ang kamay ni Rosette. Wala siyang pakialam kung wala na itong panahon para magpaalam kay Jyle. After all, hindi na rin naman ito maaalala ni Jyle.
Nais niyang mainis sa sarili kung bakit nakakaramdam siya ng ganoong kapangit na damdamin. Hindi naman siya taong makasarili pero gusto niyang ipagdamot sa iba si Rosette. Hindi niya gusto ang pakiramdam sa ideyang may ibang nagugustuhan ang lambana.
“Get ready… tatawid na tayo.”
Wala siyang narinig na salita mula kay Rosette subalit malungkot na tumango ito sa kanya. At hindi niya inaasahang mararamdaman ang tila paghiwa sa loob ng kanyang dibdib. Ayaw pang umalis ni Rosette. Ayaw pa nitong iwan si Jyle. Nasasaktana siya sa ideyang iyon. Pero hindi niya gustong iparaya si Rosette sa isang mortal.
Hindi niya nais dahil…
Nagugustuhan na ba niya si Rosette?
Hindi nasagot ang tanong sa loob ng kanyang isip dahil naramdaman na lang niya ang napakalakas na enerhiyang naggagaling sa kung saan. Hinihigop siya! Hinihigop sila at itinatawid patungo sa kung saan…