SA NARINIG ay biglang hinablot ni Ezio ang kamay mula kay Xeen. Hindi niya gusto ang ideya na magkikita ang dalawa. At sigurado naman na hindi lang pag-uusap ang gagawin ng mga ito.
Fine.
Wala na siyang pakialam kung hindi na magbabago si Matthew at kung sinukuan na nito ang matagal nang paghahanap sa kanyang ina.
Pero hindi si Xeen. Hindi niya gusto ang ideyang isa si Xeen sa mga babae ng kanyang ama.
“Bakit masyado kang interesado sa singsing ng mama ko?” yamot na tanong niya.
Sa pagkaalala niya, ibinigay ang singsing na iyon ng malayong pinsan ni Matthew. Regalo raw noong fifth wedding anniversary sa kanyang mga magulang. Tig-isa ang mag-asawa pero naiwala ni Matthew ang para rito.
Si Tita Kroen ang malayong pinsan ni Matthew. Asawa ni Tito Quinn. Personalized design iyon ni Tita Kroen. At hanggang ngayon, hindi niya alam kung bakit singsing ang naisipang iregalo ng mag-asawa sa wedding anniversary ng mga magulang niya.
Maagang namaalam sa mundo ang mag-asawa kaya hindi na rin niya malalaman ang sagot. Kung bakit nasa kanya ang singsing, iyon ay dahil nang minsan siyang dumalaw sa bahay ng kanyang great-grandfather, nakita niyang nakakalat sa garden ang singsing. Naalala niyang minsang nailaglag doon ng ina ang singsing sa parehong araw na naiwala ni Matthew ang kapareho niyon.
Iningatan at hindi na niya inalis iyon sa kanyang daliri. Iyon kasi ang nag-iisang bagay na nagpapaalala sa kanya sa ina.
“Ang design... Kapareho ng dahon sa Puno ng Buhay...” mahinang sabi ni Xeen.
“Ha?” Ano'ng sinasabi ng babaeng ito?
“Walang katulad ang manipis pero mabilog na mga dahon sa manipis na tangkay. Ang Puno ng Buhay lamang ang may ganyang uri ng dahon.”
Inabot na naman nito ang kamay niya na may singsing at sinalat iyon.
Oo, kakaiba ang disenyo ng singsing. Pero ano ba'ng sinasabi ni Xeen na Puno ng Buhay? Baliw ba itong kausap niya? Kung oo, nakakapanghinayang naman.
Pero mukha naman itong normal, eh. Huwag lang talaga itong magsabi ng hindi niya maintindihan.
“Kailangan ko ang singsing. Kailangan kong makabalik at baka lumala ang disequilibrium sa Engkantasya!” pahurumentadong sabi nito at mahigpit na hinawakan ang kamay niya.
Masisiraan yata siya ng bait sa babaeng ito. Kanina, Puno ng Buhay. Ngayon naman ay Engkantasya. Pati singsing ng mama niya napag-interesan pa. Mukhang kailangan talaga ng babaeng ito ng psychiatrist. Kung i-recommend kaya niya ito sa kanyang Tito Hugh?
Marahang binawi niya ang kamay mula rito.
“Alam mo, Xeen...”
“Hindi ako nababaliw! Totoo ang sinasabi ko!”
Bigla itong tumayo at hindi ininda ang sugat sa paa.
“Kailangan kong makausap si Matthew. Kailangan kong malaman kung bakit siya may disenyo niyan,” turo nito sa singsing. “Siguradong may alam siya tungkol sa Engkantasya. Hindi ako makakatawid kung walang bagay o alaala dito sa mundo ng mga mortal na may kinalaman sa Engkantasya at maging sa akin o sa mga lambana.”
Masyadong intense ang reaksyon ni Xeen. Kung hindi ito umaarte ay siguradong nababaliw na nga ito.
At parang gusto na ring bumitaw ng kanyang katinuan sa pakikipag-usap sa babae.
“Hindi kay Matthew ang design. Sa tita kong si Kroen,” nagtitimpi na sabi niya.
Bakit ba siya nag-aaksaya ng oras na paliwanagan ito, eh, kulang nga ito ng turnilyo sa utak?
Nanlaki ang mga mata ni Xeen na parang nagulat. “Tita Kroen? Asawa ni Quinn? May kaugnayan kayo ni Kroen? Sabi ko na nga ba! Tanging taga-Engkantasya lang ang makakaalam ng ganyang disenyo.”
Doon natigilan si Ezio. Kilala ng babae si Tito Quinn at ang kaugnayan nito kay Tita Kroen. Ibig sabihin na malamang, kilala nga nito si Tita Kroen. Ibig sabihin na malinaw naman nga ang isip nito. Pero bakit? Bakit nito sinasabi ang mga bagay na hindi niya maintindihan?
Helpless na inabot niya ang balikat ni Xeen. Ayaw na niya. Suko na siya.
“Okay, fine. Ayoko nang masangkot pa sa kung anumang agenda mo sa buhay,” malumanay na sabi niya. “Alam ko na utang ko sa `yo ang buhay ko kasi sinagip mo ako kanina. Pero quits na tayo tutal, ginamot ko naman ang sugat moat binigyan pa kita ng underwear. Don't worry, malinis iyan at bago.” Sandali niyang sinilip ang paa nito na may sugat. “Baka sabihin mo naman na kulang pa, ipapa-escort din kita kay Devon sa SVMC kapag nakabalik na kayo sa siyudad. Libre lahat pati mga gamot para sa sugat mo. Okay na ba `yon?”
Sa pagkagulat ni Ezio ay ibinalya ni Xeen ang kamay niyang nakapatong sa balikat nito. At talagang napasalya siya. Ang lakas ng puwersa nito.
Masama rin ang tingin na ibinigay nito sa kanya. Parang biglang nag-apoy ang mga mata. Kinabahan siya. Aatake na ba ito? Mukha kasing galit ito base sa facial expression.
“Salamat lang...” mahinang sabi nito na direktang nakatitig sa kanya. “Salamat lang, sapat na. Ganoon ba kahirap para sa inyong mga tao ang magpasalamat sa magandang bagay na ginawa para sa inyo?”
Something hit hard on his chest. Habang sinasalubong niya ang makikislap na pulang mga mata nito, hindi niya mapigilang mapahiya sa sarili.
Bakit nga ba hirap siyang magpasalamat? Was it because he didn't want to accept the fact that many times, he was indebted to random people? Wala siya sa posisyon niya ngayon bilang baguhang doktor kung hindi dahil kay Matthew.
Ah! That sucks!
Nagtagisan ang mga bagang ni Ezio. Matagal niyang itinaguyod ang sarili dahil ayaw niyang dumating ang araw na may pagkakautangan siya ng loob, lalo pa kung si Matthew iyon. Kinailangan lang naman niya ang tulong nito para kay Tito Conrad at hindi para sa sarili.
Masama nga siguro siyang anak dahil ginamit lang niya ang ama para maisalba ang Tito Conrad niya at ang sarili. Iyon kasi ang kinalabasan ng mga desisyon niya.
“Fine,” sabi niyang pinakalma ang sarili. Isinalya niya ang iba pang isipin at nag-focus sa babae... sa gusto nito at sa nararamdaman niyang dapat gawin. “Thank you, Xeen.”
Ngumiti nang matamis ang babae at hindi niya inaasahan ang masarap na epekto niyon sa kanyang dibdib.
“WOW!”
Halos mapatakbo si Xeen sa pagkababa ng yate matapos makadaong sa dalampasigan. Pagkalapat na pagkalapat ng mga paa niya sa buhanginan ay nagtatakbo na siya sa malawak na coastal area.
“Xeen, sandali!”
Naririnig niya ang pagtawag ni Ezio pero wala siyang pakialam. Tuwang-tuwa kasi siya dahil hindi na dambuhala ang tingin niya sa mga puno. Mataas pa rin ang mga iyon pero hindi na mala-higante.
Patuloy siya sa pagtakbo nang may mapansing kulay puti na kung ano. Napahinto siya nang mapag-alaman na bahay iyon. Isang two-storey old house na puti ang pintura sa kabuuan. Napapalibutan ng kung ano-anong puno ang buong solar, karamihan ay mangga at saging pero may rambutan din at suha.
Pero ang mas nakaagaw ng pansin niya ay ang batang lalaki sa second floor. Naka-polo shirt iyon na puti rin at kumakaway sa kanya. Maputla ang mukha at kahit nakangiti, parang hindi naman masaya.
“Ano ba, Xeen! Takbo ka nang takbo!”
Napaigtad si Xeen nang mula sa likuran niya ay nagsalita si Ezio. Nilingon niya ito at magtatanong sana nang mapansin na hingal na hingal ito at madilim ang mukha.
“Hinihintay ka ng mga crew. Aalis na si Cromwell.”
“Ha? Sino bang Cromwell?” kunot-noong tanong niya.
“`Yong yate,” humihingal pa ring sagot nito.
Bakit ganoon na lang ang paghingal ni Ezio? Hindi naman ganoon kalayo ang nabaybay niya...
“Bakit ka pa bumaba? Hindi naman kita pinapababa!”
Inabot nito ang kanyang braso at iginiya siya pabalik.
“Teka.” Nilingon niya ulit ang batang kumakaway sa kanya, pero wala na iyon sa bintana sa second floor.
“Isasabay ka nila hanggang sa yacht club, pagkatapos umuwi ka na. At ayokong malalaman na--”
“Kahawig mo `yong bata na kumakaway sa akin kanina.”
Nahinto sa pagdaldal si Ezio at pabigla siyang binalingan.
“Sinong bata?”
“`Yong nasa bahay na `yon.” Itinuro niya ang puting two-storey house. “Kaninong bahay ba `yan?”
Sandaling natigilan si Ezio. Saka siya pinakatitigan.
“Ako ba ginu-good-time mo?” madilim ang mukhang tanong nito sa kanya.
“Ha?”
“Walang batang nakatira diyan. `Yong caretaker lang ng rest house na sina Manang Nely at Mang Fred.”
Napamulagat siya rito, saka muling tiningnan ang may bintana kung saan niya nakita ang batang naka-puting polo. “Pero... kinakawayan niya pa ako kanina.”
“Tss. Tama na ang delaying tactics mo. Sumama ka na kina Devon. And please leave me in peace. Bayad na ako sa utang-na-loob ko sa `yo,” aroganteng sabi nito, sabay hila ulit sa kanya.
Kumawala nga si Xeen sa lalaki.
“Ano'ng bayad ka na? Akina `yong susi! Iyon ang ibayad mo sa `kin,” demanding na sabi naman niya, saka inilahad ang palad sa harap ng binata.
Napamaang ito sa kanya. “Anong susi? Malay ko sa susing sinasabi mo?”
Pinamaywangan niya ito. “Anong malay mo sa susi? `Ayan, o!” aniya, sabay turo sa hinliliit nito. “Iyan ang susi ng lagusan. Ibigay mo sa akin `yan nang makauwi na ako.”
Mabilis pa sa alas-kwatro na itinago ni Ezio sa likuran nito ang kamay kung nasaan ang singsing na korteng dahon.
“Ano'ng sinasabi mo diyan? Paanong naging susi ang singsing ng mama ko?” Tiningnan siya nitong maigi. “Sabihin mo nga. Bukod ba sa pagiging entertainer, suma-sideline ka rin bilang manggagantso?”
Hindi niya alam kung ano ang sinasabi ni Ezio, pero naaliw siya sa tunog ng salitang 'manggagantso.'
“Ano `yong manggagantso?” malapad ang ngiting tanong niya. Gusto na niyang tumango sa tanong ni Ezio dahil parang nakakatuwa ang sinabi nito, pero gusto niya ring alamin ang ibig sabihin.
Hindi ba inakala nitong entertainer siya? Taga-aliw. Eh, di naaaliw pala ito sa kanya. Ano naman kaya iyong 'manggagantso'? Nakaka-amuse ang tunog ng salita kaya malamang na nakakatuwa din ang ibig sabihin.
“Ako ba pinaglololoko mo, ha?” parang napupundi nang baling nito sa kanya. “`Yong manggagantso, manloloko. Parang ikaw.”
Nag-init ang ulo ni Xeen sa sinabi nito. Manloloko? Siya? Aba! Dapat pala talaga hindi na niya iniligtas ang lalaking ito. Hinayaan na lang niya sanang makain ng pating. Tutal ang sama-sama ng ugali nito.
Napakamapanghusga!
“Hoy!” duro niya sa dibdib nito. “Wala pa akong nilokong nilalang sa buong buhay ko. Ah, hindi. Ilang beses na akong nabuhay, wala pang nag-akusa sa `kin ng ganyan. Wala akong ibang kasalanan kundi ang pagiging maganda ko. Ang lakas ng loob mong pagbintangan ako, hah!”
Hindi alam ni Xeen kung alin ang nakakatuwa sa mga sinabi niya at nakuha pa nitong ngumiti. Kumunot ang noo at ngumiti ulit. Samantalang iyong pagkayamot niya sa pag-uugali ng walanghiya, palagay niya, aabot na sa maximum level. At heto, nagagawa pa siyang ngitian. Kung sakalin na kaya niya ito?
“O, siya. Umalis ka na rito. Hinihintay ka na ni Cromwell,” bigla ay sabi nito at hinila na naman siya sa braso.
Bigla siyang nataranta. Paalisin siya nito? Paano ang susi? Sa pagkaaligaga ay isinalya niya ang kamay nitong humihila sa kanya. Pero sa pagkagulat ni Xeen, hindi lang kamay nito ang sumalya kundi maging si Ezio. Bumalandra ito sa ilalim ng pandalawang puno ng mangga mula sa kanya. Nagulat si Xeen at napatingin sa sariling braso. Bakit ang lakas niya?
Hindi pa siya ganito kalakas ng sampalin niya si Ezio kanina. Pagkatapos, ngayong isalya niya ang kamay nito, hindi niya inaasahang magiging ganoon kalakas iyon. Ramdam na ramdam niya ang pagkalakas-lakas na puwersang dumadaloy sa mga ugat niya. Bakit? Bakit mayroon siya niyon sa kanyang sistema?
Hindi naman siya malakas noong nasa Engkantasya siya. Malakas ang pandinig at mabilis kumilos, iyon ang kakayahan niya. Malinaw rin ang mga mata niya. Pero ang pagiging malakas, sa pagkakaalala niya, kay Zayleigh iyon.
“Argh!” daing ni Ezio na inaabot ang balakang na napahampas yata sa katawan ng puno.
Nakangiwi ito habang tumatayo. Hindi naman malaman ni Xeen kung lalapitan ba ito o ano. Pero nakatayo na ito at lahat, hindi pa rin siya makakilos. Natataranta siya. At habang natataranta siya, mas lumalakas ang puwersa na dumadaloy sa mga ugat niya.
“Ah, so. Ipinagmamalaki mo sa `kin na...” Napangiwi na naman ito at hinimas ang balakang, saka ini-stretch ang mga braso. Pati ang mga balikat ay pinagalaw-galaw din. “Na magaling ka sa martial arts. Ha? Ganoon ba?” Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. “Sa liit mong `yan, hindi mo ako kakayanin.”
“H-hindi ko naman sinasadya eh. I-ikaw kasi, hina-harass mo ako!”
Kandalito si Xeen kung paano titingnan ang sarili... kung paano ia-analize ang mga nangyari. At kung paano lalayo sa papalapit na naman na si Ezio.
Kalma, Xeen. Kumalma ka!
Pinilit niyang pakalmahin ang sarili at unti-unti niyang naramdaman ang paghulas ng malakas na enerhiya. So, iyon pala. Nakasalalay sa damdamin niya ang malakas na enerhiya niya. Kapag sobra siyang natataranta, lumalakas siya. Ganoon din kaya kapag masaya siya o nagagalit?
“Hindi mo sinasadya? Tinabig mo akong gano'n...” Ini-reenact nito ang ginawa niyang pagtabig dito. “`Tapos sasabihin mo na `di mo sinasadya, ha?” pagalit nang sigaw nito sa kanya.
Nahaplos niya ang tainga. Ang lakas ng sigaw nito. Parang naka-megaphone.
“Hindi ko nga sinasadya! Ikaw naman ang may kasalanan!” ganting sigaw na rin niya.
“Hah! Ako pa?” Hindi makapaniwalang itinuro nito ang sarili. “Hindi kita hina-harass. Ang sinasabi ko lang, sumakay ka na ulit kay Cromwell at iwan mo ako nang matiwasay dito. Gusto ko nang magpahinga, okay?” Umakma na naman itong hahawakan siya pero si Xeen na ang umiwas. Baka kung ano na naman ang magawa niya sa lalaki.
“Ayoko ngang sumama sa kung sino bang Cromwell na `yon! Saka ano'ng gagawin ko sa yacht club na sinasabi mo, eh, nasa sa `yo ang susi na kailangan ko?”
Yamot na hinablot nito ang sariling buhok na para bang nafu-frustrate na sa kanya.
“Ano bang susi, ha?” Yamot na itinaas nito ang palad paharap sa kanya at itinuro ang singsing. “Itong singsing na ito? Paano ito naging susi?”
“Ang kulit mo naman, eh!” asar na ring sagot ni Xeen. “`Yan nga ang susi ng lagusan. Sa next full moon, kailangan ko `yan para makabalik na ako!”
“Ayst! Ibibili na lang kita ng ibang singsing kahit hindi pa full moon, tantanan mo na lang ako. Ah, hindi. Ikaw na lang ang bumili. Bibigyan kita ng pambili basta lumayas ka na dito.”
Dumukot ito sa bulsa ng maong at inabutan siya ng maraming piraso ng kulay light blue na papel, na sa pagkakaalam niya ay 'pera' ang tawag ng mga tao. Mahalaga sa mga ito iyon at ibinibigay sa kanya ni Ezio?
Inabot niya ang pera para lang isuksok ulit sa bulsa nito.
“Alam kong mahalaga sa `yo `yan kaya itago at ingatan mo. Huwag mong basta ipinamimigay sa hindi mo naman kakilala. Ibigay mo na lang sa akin ang kailangan ko at lulubayan na kita. Okay?”
Sandaling napatanga sa kanya si Ezio. Tinangka na niyang abutin ang kamay nito para kunin ang singsing pero muli na namang binawi sa kanya.
“Mas mahalaga ang singsing ni Mama para sa `kin kaysa sa sampung libo. Saka madami akong pera. Kaya kong bumili ng madaming piraso ng ganitong singsing. Kaya nga binibigyan na kita--”
“Puwede ka naman palang bumili, eh, di bumili ka na lang ng bago. Ibigay mo na sa akin `yang luma,” putol niya sa sinasabi nito.
Ewan lang niya kung may mabili nga ito na katulad na katulad ng singsing na iyon na si Kroen pala ang nag-design. And knowing na kay Kroen ang design, may maliliit pero importanteng detalye na inilagay roon ang babae na hindi basta-basta mapapansin ng mga mata ng mga mortal. Katulad ng maliliit na tuldok sa edge ng dahon. Maliit na maliit lang ang iyon, pero sa actual na dahon, importante ang maliit na tuldok na iyon dahil iyon ang nagpo-produce ng dagta ng Puno ng Buhay. Ang dagta na iyon ang nagbabalik ng mga lakas nila. Ang nag-aayos ng mga nasirang parte ng katawan ng mga lambana at mga Engkantado.
“Hindi ako puwedeng bumili ng bago dahil may sentimental value sa `kin `to. Sa mama ko ito. Ikaw na lang ang bumili. Binibigyan na nga kita ng pera, 'dami mo pang reklamo,” parang napipilitang paliwanag ni Ezio sa kanya.
Pwes! Wala siyang pakialam kung kasingdami ng tao sa mundo ang pera nito o kung kaya man nitong bilhin ang buong mundo. Ang kailangan niya ay original na singsing at hindi niya ito lulubayan hangga't hindi niya nakukuha.
“Gusto ko din ang singsing na `yan. Kung ayaw mong ibigay sa `kin, eh, di...” Ngumiti siya kay Ezio nang ubod tamis. “Hihintayin ko na magbago ang isip mo at ibigay mo na sa `kin. For now, iimbitahin ko na ang sarili ko papasok sa pangit at lumang bahay mo, ha? Gusto ko nang kumain.” Tinapik niya ang tiyan. “Nagugutom na ako eh.”
Tinalikuran at iniwan niya si Ezio na tulala at nakanganga sa pagkabigla sa kanyang mga sinabi. Binale-wala niya ang binata. Wala naman na itong magagawa. Hindi niya ito lulubayan. Bahala ito sa buhay nito. Kukunsumihin niya si Ezio hanggang ibigay na sa kanya ang susi.
“Ano bang pagkain mayroon sa loob ng pangit mong bahay? Mas maganda pa ang rest house ni Quinn, eh. Mas madami din ang pagkain do'n at mas masasarap. Hay! Ang hirap talagang maging tao. Palaging nagugutom...”