CHAPTER 5

MASAMA ang tingin ni Ezio sa babaeng ang pangalan daw ay 'Xeen.' Parang hindi nito iniinda ang sugat sa paa at patuloy sa ginagawa.

Nira-ransack lang naman nito ang kusina ng rest house nila at naghahanap ng makakain habang siya ay madilim ang mukha na nakaupo sa stool sa gilid ng counter top.

Sa inis ni Ezio, gusto niya itong sakalin. Ang lakas ng loob nitong basta na lang imbitahin ang sarili na pumasok sa rest house. Maging si Manang Nely ay nagulat sa bigla na lang nitong pagpasok.

“Magkasama po kami ng walanghiyang lalaking iyon. Iniligtas ko ang buhay niya, hindi man lang ako pakainin. Walang utang-na-loob,” sabi nito sa matandang ginang, panay pa rin ang pagsisintir. “Bahay niya daw po ito, baka puwede na po akong kumain? Gutom na talaga ako.”

Hindi malaman ni Ezio kung matatawa o maiinis. Pero mas gusto niyang maaliw sa inaasal ng babae. Which was unusual. Dapat ay mainis siya. Una, nag-intrude ito sa yate ng kanyang ama. Pangalawa, pinipilit nitong hingiin ang singsing ng mama niya. At pangatlo, nagdesisyon itong mag-isa na doon titira sa bahay niyang pangit daw.

At ang mas nakakahindik, natagpuan na lang niya ang sarili na tinatawagan si Devon para sabihing ibalik na ng mga ito si Cromwell sa Royal Harbor Yacht Club kahit hindi kasama si Xeen. Sa Talisay, Batangas iyon habang siya naman ay nasa bayan ng San Juan.

Ah! Bahala na. Bahala ang babaeng iyon na umuwing mag-isa. Inio-offer na nga niya ang libreng ride pabalik, ayaw pa nito. Eh, di bahala na ito sa buhay nito. Basta, ididispatsa niya ito pagkatapos na pagkatapos nitong busugin ang sarili.

But he was still confused. Sino ba ang babaeng ito? At bakit kahit mukha naman itong normal, parang may kakaiba rito? May mali sa mga pananalita nito. Hindi niya alam kung tanga ba ito o nagtatanga-tangahan lang. Mukha namang may alam ito sa mundo pero mukha ring wala.

Ahhh!!! Nakakalito.

At bakit ang lakas nito? Tinabig lang siya ni Xeen at sumalya na siya palayo. Hindi niya tuloy alam kung hahanga ba siya o matatakot sa babae.

Ang daming kakaiba sa babaeng ito. Mga bagay na hindi niya akalaing totoong nakikita niya.

Napabaling siya ulit kay Xeen. Hayun at nilalantakan nito ang cup noodles na stock ng mga katiwala niya...

Anak ng tinapa!

Pinapapak ni Xeen ang cup noodles na hindi man lang nilagyan ng mainit na tubig? Ginawang sitsirya!

Lalapitan niya sana ito para sawayin pero biglang umentra si Manang Nely.

“O, ineng. Bakit hindi mo man lang niluto? Baka mausog ka niyan?” saway ng ginang sa babaeng ewan.

Maganda naman si Xeen. Makinis. Sexy. Makikinang ang mga mata nitong parang brown na red. Palagay niya ay contact lenses na parang hindi rin. Nakailang kusot na ito ng mata at wala namang nalalaglag mula roon.

Ang suot nitong little red dress, sobrang ikli na parang kulang na lang ay maghubad na. Bareback pa. Hindi niya lang agad nahalata dahil sa pagkahaba-habang tuwid at makintab na buhok na hindi naman niya nakitang sinuklay nito kahit noong mabasa at matuyo na. Kulay burgundy iyon, na mas lalong nagpatingkad sa magaganda nitong mga mata.

Hindi na mahirap para sa kanya na mag-assume na isa nga itong entertainer. Nabubuhay rin at nag-aapoy ang kanyang dugo sa tuwing tititigan ito. And God knew how he enjoyed touching her delicate soft skin. Halos pigilan niya ang paghinga para lang mapigilan din ang nabuhay na napakainit na pangangailangan ng kanyang katawan.

Pero habang kinakausap niya ito, obvious sa mga expressions nito na hindi naiintindihan ang mga pinagsasasabi niya. Parang napipilitan lang na umoo pero halata ang pagkalito. Idagdag pa ang totoong pagkagulat nito nang papaghubarin niya.

That really intrigued him. Saan galing ang babaeng maganda nga, pero mukha namang kulang ang turnilyo sa utak? Kung patingnan kaya niya ito sa kanyang Tito Hugh na isang psychiatrist?

Sa pagtataka pa ni Ezio, ni hindi nakabawas ang kaalamang may sayad si Xeen sa desire na binubuhay nito sa kanyang pagkatao. Lalo na kapag nasa harapan niya ang dalaga. Paano ba naman, napakaganda nito. Napakakinis. At napaka-sexy.

“Dapat po bang lagyan ng tubig?” narinig niyang tanong ni Xeen sa ginang.

Napamaang siya bigla. Nadadagdagan ang hinala niya na may problema nga sa utak ang babae. Sa edad nito, imposibleng hindi nito alam kung paano ihanda ang cup noodles.

Narinig niya ang pagtawa ni Manang Nely.

“Saan ka bang bundok nanggaling na bata ka at hindi mo alam?” natatawang tanong nito kay Xeen. Baka naman nga galing ito sa gubat. Mula sa isang tribo? Pero mukha rin itong sosyal at napakakinis ng balat. “Hala. Bitiwan mo na iyan at paluto na ang sinigang na baboy. Maghahain na ako.”

Inagaw ni Manang Nely ang pinapapak ni Xeen at bumalik sa dirty kitchen. Palinga-linga naman si Xeen sa buong paligid. Iyong tipo na natutuwang panoorin ang lugar. Mukha itong normal na mukha ring hindi.

At malay nga ba niya kung takas ito sa mental? Mukha naman itong may sinasabi sa buhay base sa kutis at suot. Elegante ito na medyo may pagkabulgar. Baka nga anak-mayaman ito na bumigay ang utak at nagpapagaling sa isang private mental institution.

At nakatakas.

Tumayo si Ezio at idinayal ang number ni Jyle. Kaklase at kaibigan niya ito noong high school. Kahit noong maglayas na siya ay nanatili silang magkaibigan. Nawalan nga lang sila ng panahon sa pagkakaibigan nila dahil magkaiba naman ang mundong tinahak nila. Hanggang magkaroon nga ng kaso ang Tito Conrad niya. At isa pa ito sa mga pulis na umaresto. Kahit magkaibigan sila, siyempre, nahuling lumabag sa batas ang tito niya at tapat si Jyle sa serbisyo. Tinulungan naman sila nito na makahanap ng patunay na hindi pusher ang tito niya. Pero wala, eh. Kinailangan din nila ang tulong at impluwensiya ni Matthew para maabswelto si Tito Conrad.

Anyway, mabuting kaibigan naman si Jyle. Kaya siguro puwede na din niyang ilapit dito ang pagpapa-tract sa record ni Xeen.

“Kakain na!”

Ang malakas na boses ni Xeen mula sa dining area ang naririnig ni Ezio habang papalabas ng lanai. Parang tuwang-tuwa na makakain na ito nang matino, sa wakas.

Pakiramdam ni Ezio ay tinadyakan siya ng konsiyensiya. Ang dami nang nangyari magmula pa kaninang pumapalaot sila sa dagat at ni hindi man lang nga niya naisip na pakainin si Xeen. Sinagip siya nito sa pagkalunod. Nagkasagutan sila. Nahulog na ito sa yate at naabot ng pating ang paa. Naisalya na rin siya nito at talagang nasaktan ang pigi niya. Malamang nga na maski cup noodles, patusin na ni Xeen dahil sa pagkagutom matapos ang lahat ng mga nangyari.

Isang buntong-hininga at sumagot na si Jyle sa kabilang linya.

PAPALIKO si Xeen sa sala nang mahagip ng tingin niya ang isang silid. Bahagyang nakaawang ang pinto at nasisilip ang kung anong mayroon sa loob. May batang nakaupo sa couch at nakatitig sa malaking flat-screen television sa harap. Naka-off ang TV. Wala namang pinapanood.

Napapitik sa hangin si Xeen. Ito iyong batang nakita niya sa may bintana. Sinungaling talaga ang Ezio na iyon! Wala raw bata sa bahay na iyon? Eh, sino itong nasa loob ng TV room?

Bahagyang itinulak ni Xeen ang pinto. Lumingon sa kanya ang bata, sabay ngiti. Sa palagay niya, nasa pitong taon na ito.

Nginitian niya rin ang bata.

“Ano'ng ginagawa mo dito? Bakit hindi ka bumaba do'n? Hindi ka pa ba nagugutom? Ang sarap ng luto ni Manang Nely,” palakaibigang sabi niya.

Sino ang hindi matutuwang makipaglapit sa batang palangiti? Katatapos niya lang kumain at hindi na siya nag-abalang alukin ang bruhong may-ari ng pangit at lumang bahay na iyon. Wala rin naman itong utang-na-loob, eh, di kakapalan na rin niya ang mukhang i-claim ang bayad nito sa pagsagip niya sa buhay nito.

“Masarap ngang magluto si Manang Nely. Nami-miss ko na nga ang luto niya,” nakangiti nitong sagot na bahagyang lumungkot ang ekspresyon.

Medyo nalito si Xeen sa sagot ng bata pero hindi na niya inintindi. Umakto siya na hahawakan ang bata pero umiwas ito. Napangiti na lang siya. Siguro nakita nito ang ginawa niyang pagsalya kay Ezio kanina at nag-alala na gawin niya rin iyon dito.

“Huwag kang matakot sa `kin. Hindi naman kita sasaktan. Bruho kasi ang Ezio na `yon kaya naisalya ko siya.”

Ngumiti rin ang bata.

“Nagugutom ka ba? Halika na, sasamahan kita sa ibaba. Pakakainin kita,” anyaya niya sa bata.

Umiling lang ito. “Salamat na lang, Xeen. Hindi pa naman ako nagugutom.”

Nagulat si Xeen sa narinig. Paanong nalaman ng bata ang pangalan niya?

“K-kilala mo ako?”

O baka narinig nito na binanggit nina Manang Nely at Ezio ang pangalan niya.

Tumango ang bata. “Oo, isa kang lambana, `di ba?”

Nagulat na naman si Xeen. Nanlaki ang mga mata niyang marinig iyon. “P-paano mo nalaman?” Kandamulagat siya sa bata.

“Marami akong alam na hindi nila alam. Katulad ng...” Tinitigan siya ng bata. “Ikaw ang ibinigay na daan para makita ni Ezio ang hinahanap niya.”

“Ha?” Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. At may mas malaki pa siyang problema. Kailangan niyang makauwi na sa Engkantasya. Ano ba'ng malay niya kung nagkakagulo na roon? Uunahin pa ba niya ang pagtulong sa walang utang-na-loob na si Ezio?

Ngumiti sa kanya ang bata.

“`Nice to meet you, Xeen. Ako si Lukan.”

Iniabot nito ang kamay sa kanya. Tatanggapin na sana niya iyon nang marinig ang pamilyar na aroganteng boses.

“Sino'ng kinakausap mo diyan, Xeen?”

NAPAPAIGKAS ang kilay ni Ezio nang takang-takang bumaling sa kanya si Xeen. Nagsasalita kasi itong mag-isa habang nakatingin sa tabi nito na bakante naman.

“Ha? Ito, si Lukan daw pangalan niya,” sagot nito, sabay turo sa tabi nito. “Sinungaling ka talaga, eh, `no? Sasabihin mong walang bata dito? Ano'ng nakukuha mo sa pagsisinungaling?”

“Ha?” Tuluyan na siyang nagtaka.

Bumaling naman si Xeen sa gilid nito para lang magpalinga-linga ulit sa paligid. Parang may hinahanap.

“Nasaan na si Lukan? Lukan? Lukan!”

Tumayo si Xeen at hinanap sa buong silid ang kung sinong tinutukoy nito.

Si Ezio naman ay gustong sumakit ang ulo. Sino ang sinasabi nitong bata na si Lukan?

Ah!

Confirmed!

May deperensiya talaga ito sa pag-iisip. Sana lang ay bilisan ni Jyle ang paghahanap ng records ng babaeng ito at nang makapahinga na siya.

Walang maibigay na information si Ezio sa police inspector maliban sa pangalan at magandang description ni Xeen.

Humahalakhak sa kabilang linya si Jyle matapos niyang i-describe si Xeen. “Wow! Ang gandang diyosa naman niyang iniisip mong baliw.”

“Oo. Maganda nga sana, pero mukhang nababaliw.”

“Gusto ko siyang makita. Baka kasingganda siya ni Rosette,” anitong nasa tono ang excitement.

“Sinong Rosette?”

“`Yong magandang dalaga na pina-check din sa akin ng buddy ko ang identity. Last month lang `yon. `Tapos biglang nawala. Hindi naman nagsasalita si Erastus kung saan na napunta ang alaga niya.”

Marami pang sinabi ang kaibigan, pero mas nakatutok ang atensyon ni Ezio sa pagmamadaling malaman at ma-tract ang identity ni Xeen.

Xeen...

Napakaganda at rare na pangalan. Palagay niya talaga ay half-blood ito. At siguro may schizophrenia. May nakikita at kinakausap ito na hindi naman totoong nag-e-exist.

Gusto niyang maawa sa babae. Sayang talaga ito. Napakaganda pa naman.

“O, nandiyan ka pala? Bakit ka nagtatago diyan? Baka akalain no'ng walang utang-na-loob na si Ezio, nag-iimbento lang ako...” Napalingon si Ezio sa pinanggalingan ng boses ni Xeen. Nasa likod ito ng malaking display shelves. Napahakbang tuloy siya palapit

“Ano? Bawal kong sabihin? Bakit? Hindi ba niya alam na nandito ka....? Ha? Eh, paano ka nakarating dito? Hindi ka ba hinahanap ng mga kasama mo...? Oo, `yon nga. Pamilya raw ang tawag n'yo sa mga kasama n'yo sa iisang bahay. Kami kasi, tig-iisa ng bahay bawat isa. Kaya wala kaming ganyan. Pero madami akong kaibigan...”

Nakita ni Ezio na nakayukod si Xeen sa space na wala namang nakalagay. Nagsasalita na naman itong mag-isa.

Naihilot niya tuloy ang isang kamay sa sentido. Wala na talaga siyang duda ngayon. Kailangan niya sigurong bumalik ng siyudad para patingnan si Xeen sa Tito Hugh niya.

“Xeen...”

Parang natigilan si Xeen na unti-unting tumayo nang maayos at bumaling paharap sa kanya.

“E-Ezio... a-ano....”

“Halika na. Magpalit ka na ng damit at magpahinga.”

Parang gulat na gulat na tiningnan siya ni Xeen.

“H-hindi ka galit? Bakit ganyan ang reaksyon mo? Bawal mo daw siyang makita. Dapat hindi mo siya makita.”

Hindi niya alam kung paano sasakyan ang imahinasyon ni Xeen. Kung magkukunwari ba siya na nakita niya ang hindi niya raw dapat makita. O umakto ng totoo na wala naman nga siyang nakita.

Ah, doon na lang siya sa madali itong kakalma.

“Wala naman akong nakita. Ano ba ang dapat kong makita?”

Bigla ang paglapad ng ngiti ni Xeen. “Ah, wala. Wala ka namang dapat na makita. O, tara na. Ligong-ligo na ako. Gusto ko na ding magbihis. Amoy-dagat ako eh.” At nagpatiuna itong lumabas ng TV room.

Napalingon siya ulit sa lugar na tinitingnan ni Xeen kanina. Matagal niya iyong tinitigan. Wala namang unusual sa lugar na iyon but something felt creepy. Alagad siya ng siyensiya at hindi naniniwala sa mga bagay na hindi nakikita ng mga mata, pero ano itong eerie na nararamdaman niya?

Argh. Must be his imagination. Hindi naman nakakahawa ang schizophrenia, pero bakit parang gusto na rin niyang masiraan ng ulo sa mga nararanasan niya magmula nang sumulpot si Xeen sa buhay niya?

Iiling-iling na tumalikod na si Ezio at lumabas ng TV room, saka kinabig ang pinto pasara.

NAUPO si Lukan sa couch at malungkot na sinundan ng tingin ang papasarang pinto.

“Ezio... be good to her. Siya ang pag-asa mo para makita at mailigtas si Mama.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.