“WOW! Malaking pera ito kapag ibebenta sa mga nag-aalahas. Grabe! Ang dami, Ate!”
Napangiti na rin si Xeen nang makitang manghang-mangha si Dalia sa mga luha niya.
“Gusto mo ba? Sa `yo na lang ang mga iyan. Ibenta mo para may panggastos kayo. At para makapag-aral ka na rin,” nakangiting alok niya.
Nanlaki na naman ang mga mata nito. “Talaga ba? Hindi ko ito tatanggihan, Ate!” magkahalong tuwa at pagkamangha na bulalas nito.
Nakangiting tumango siya. Somehow, magaan ang pakiramdam niya na may maitutulong siya sa dalagita. “Basta sekreto lang natin ito, ha?”
Sunod-sunod na tumango si Dalia. “Kapag umiyak ako ulit, ibibigay ko ulit sa `yo. Pero sa ngayon, tulungan mo muna akong makauwi.”
Nangunot ang noo ni Dalia. “Hindi ka ba sa dagat tumitira?”
Umiling siya. “May isang masungit na lalaking may-ari ng pangit na bahay at sa kanya ako tumitira.”
Humagikgik na naman si Dalia. “Pero guwapo naman ba, Ate? `Sakto ba sa kadiyosahan mo?”
Napangiti sa kawalan si Xeen habang ini-imagine ang guwapong mukha ni Ezio, lalo na kapag nakangiti ito at matiim na tumititig sa kanya. “Oo. Ang guwapo niya...” parang nangangarap na sambit ni Xeen. “Makislap ang mga mata niya na parang kumukinang kapag may ilaw mula sa araw. `Tapos, `yong korte ng mukha niya at ang mga detalye, parang ang sungit. Ang arogante niya tingnan. Pero mabait siya. Matulungin. Alam kong kahit hindi niya sabihin, nag-aalala siya kapag napapahamak ako. Palagi niya akong pinoprotektahan. Pakiramdam ko, safe ako kapag kasama ko siya. Na walang mangyayaring masama sa akin kapag nandiyan siya.”
“In love ka sa kanya, Ate Xeen?”
“Ha?” Pabiglang napabaling ai Xeen sa nakangiting si Dalia.
“Kasi kahit sinasabi mo na arogante at masungit, pinupuri mo pa rin siya. Mas lamang sa paningin mo ang good side niya at wala lang ang pangit na side.”
Inabot niya si Dalia at magaang hinaplos ang buhok.
“Kasi `di ba dapat naman na ganoon? Mas dapat nating tingnan ang mabuti at magandang bahagi kaysa sa masama. Para hindi tayo lamunin ng galit at lungkot. Maiksi lang ang buhay ninyong mga tao. Spend it wisely. I-enjoy at i-treasure n'yo ang buhay at oras na mayroon. Magmahal pa rin kayo kahit mahirap at masakit. Kasi walang pinakamasarap gawin sa ibabaw ng mundo kundi ang magmahal at mahalin.”
Ngiti ang isinagot sa kanya ni Dalia, saka ito yumakap nang mahigpit. “Thank you, Ate Xeen. Pakiramdam ko, nakakilala ako ng anghel na magpapaliwanag ng madilim na isip at damdamin ko.”
Natawa si Xeen. “May pakpak din ako minsan pero hindi ako anghel. Isa akong lambana.”
MALAKAS na nagwawala ang puso ni Ezio dahil sa pag-aalala. Kung hindi nga lang dahil hindi siya marunong magpatakbo ng bangkang de motor, hindi na siya magsasama ng tao para lumaot. Pero dahil alam niyang mapagkakatiwalaan naman si Manong Fred, bahala na kapag makita nitong may buntot si Xeen. Mamamangha siguro ito pero alam niyang kaya nitong magtago ng sekreto.
Ngayon, wala nang mas importante pa para sa kanya kundi ang makita si Xeen. Lagpas tanghali na nang makauwi siya sa rest house matapos ang kanyang voluntary project. Iyon ang ilang araw na niyang inaasikaso at ito ang first day niya ng free checkup.
Noon pa naman niya plano iyon na naudlot nga lang dahil sa pagdating ni Xeen. At dahil din sa sagutan nila kamakalawa, pinili niyang ituloy na ang plano. Kaysa naman palaging mabulabog ng alaala ng komprontasyon nila.
Pero kahit nasa medical mission niya, palaging sumisingit si Xeen sa mga pagkakataon na hindi siya abala.
Kaya nga heto siya at maagang umuwi. Para bang may compelling feeling siya na kailangan niyang umuwi. Na kailangan niyang i-check si Xeen. Nandoon ang malakas na kaba sa dibdib niya na baka kung ano na ang nangyari sa sirena.
At hanggang ngayon, nilalamon siya ng magkahalong matinding kaba at takot habang lumalaot sa dagat na wala kahit anong trace ni Xeen. Pagkauwi niya at si Manang Nely agad ang nabungaran niya na aligaga sa may front porch. Pinayagan daw nito si Xeen na mamasyal dahil naaawa ito sa dalaga na maghapong nabuburo doon at ang kausap lang ay TV. Hinayaan nito na pumunta ng tabing-dagat matapos mag-almusal. Pero lagpas tanghalian na at hindi pa umuuwi.
Dali-dali siyang tumakbo sa dalampasigan para lang ang lahat ng kasuotan ni Xeen na lang ang makita doon, ultimo panties. Ibig sabihin ay lumusong nga ito sa dagat. Pero saan na ito nagpunta? Bakit hindi pa ito bumabalik? Nahuli kaya ito ng mga mangingisda? O baka umahon ito sa kabilang coastal area? Pero wala itong maisusuot maliban sa brassiere na hindi kasama sa mga iniwan nito sa batuhan.
Sa tindi ng pag-aalala niya ay inapura niya si Manong Fred na ilabas ang bangka nito para samahan siyang lumaot. Nasa gitna sila ng dagat at sigaw nang sigaw para tawagin si Xeen.
“Anak. Ipunin mo muna `yang lakas ng boses mo sa pagtatawag sa kanya kapag nasa patag na tayo,” saway ni Mang Fred sa kanya. “Hindi ka rin naman niya maririnig at nasa laot pa tayo.”
At some point ay tama ito. Pero ano ba'ng malay niya kung nasa paligid lang si Xeen? Ano'ng malay niya kung sa kalagitnaan ng pagsigaw niya, lumitaw ang ulo nito mula sa dagat at marinig siya? Pero hindi iyon maiintindihan ni Manong Fred dahil hindi naman nito alam kung ano si Xeen.
“Manong, bilisan pa natin,” sa halip ay pag-aapura na lang niya sa matanda.
“Aba, eh, todo na itong makina natin. Dapat ay humingi rin tayo ng tulong sa mga mangingisda sa kabilang lugar. At mahirap maghanap kung tayo lang. Mas mapapadali kung--”
“No! Hindi puwede, Manong Fred!” bigla niyang putol sa sinasabi nito kasabay ng mas pagtindi ng kaba niya.
“Aba'y bakit hindi? Mas marami ay mas madali.” Parang nagtataka ang matanda sana reaksyon niya.
Hindi na lang sumagot si Ezio. Hindi niya masabing mas marami silang kasama ay mas delikado para kay Xeen. Siyempre, hindi normal na tao si Xeen. At ang mga tao, kapag may makitang hindi normal, kung hindi katatakutan ay kagagalitan.
Aminado siyang namangha siya nang makita kung paano nagbago ang mga paa ni Xeen. Natakot siya, sa totoo lang. Pero nawala rin iyon matapos ang ilang sandali dahil alam niyang harmless ito.
Pumalit sa takot niya ang malakas na instinct na dapat niya itong protektahan sa abot ng kanyang makakaya. Okay naman na sana, kung hindi lang nangyari ang sagutan nila.
May point naman ang mga sinabi sa kanya ni Xeen pero hindi pa niya kayang magpatawad. Sinira ng ama ang lahat ng ilusyon tungkol sa purong pagmamahal. At nang maging doktor siya, tuluyan iyong nawala at napalitan ng scientific reasons ang mga damdaming akala niya ay walang paliwanag.
“Do'n po tayo sa east area, Manong,” aniya sa matanda habang nagmamasid sa paligid.
Madaming coastal area na puwedeng puntahan, pero napansin niya na maraming papunta sa east. Baka nandoon si Xeen.
Sana, nandoon si Xeen.
Gusto na yata niyang mabaliw sa matinding pag-aalala habang tumatagal at wala siyang makitang palatandaang nasa dagat ang sirena.
“ATE, dito ka muna sa amin tumuloy at bukas ng umaga pupuntahan natin ang doktor sa medical mission. Para makasigurado tayo kung si Ezio nga ang sinasabi ni Aling Cecil.”
Iyon ang alok ni Dalia sa kanya. Matapos nilang mag-ikot sa pamayanan ng mga ito at ipagtanong kung saan bang lugar ang mga San Victorio nakatira.
Narinig niya sa ospital na mula sa angkan ng mga San Victorio si Ezio. At kilala raw ang pamilya nito kaya siguro mas madali nang hanapin si Ezio kung apelyido nito ang ipagtatanong.
Kaya lang, remote area ang lugar. Hindi ganoon ka-modern ang pamumuhay. Kumbaga, kontento na ang mga ito sa ideya na nakakain nang tatlong beses sa isang araw. Walang marangyang mga gamit sa bahay-bahay. Karaniwan pa ay gawa sa kawayan. May mangilan-ngilan na bato ang pagkakayari pero malayo na sa dagat. Malayo na sa lugar nina Dalia.
At parang kinurot nang pinong-pino ang puso niya nang makakita ng matanda na may pasan-pasan na mabigat na banyera. Tinulungan niya ito at inihatid sa kung saan nito dadalhin ang banyera na puno ng kung ano-ano.
Namangha si Dalia sa lakas niya, maging ang matanda, pero hindi naman na nagkomento. Matapos iyon, isang ale naman ang nakita niya na may isinusulong na mabigat na kahong yari sa tabla. Tinulungan niya rin ito.
Pero nang may isa pa siyang nakita na gusto ring tulungan ay pinigilan siya ni Dalia. Hindi raw niya mahahanap ang pauwi sa bahay ni Ezio kung lahat ng makikita niya ay tutulungan niya. Hindi raw natatapos ang pangangailangan ng mga tao na matulungan.
At tama ito. Ang daming tao na nakikita niyang kailangan ng tulong. May mga naglalakad sa gitna ng mainit na araw para magtinda ng kung ano-ano. Mayroon pang matandang babae na may pasan sa ulo na mga batya habang ang magkabilang balikat ay may nakasabit na mga timba at kung ano-anong bagay na pangkalakal din. Katulad ng mga tabo, hanger, pansipit sa damit, planggana na mula maliit at palaki nang palaki, et cetera, et cetera.
Gusto niyang tumulong. Gustong-gusto niyang tulungan ang mga ito. Kaso ay limitado lang. Dahil nag-iisa lang siya at may kailangan din naman siyang gawin.
Maghahapon na ng makahanap sila ng tao na nakakakilala kay Ezio.
“Tagado'n sa Ilaya ang hinahanap ninyo. Aba, eh, mabait ang pamilyang iyon. `Yon ngang batang doktor, may medical mission dito kanina. Tanghali na nang matapos pero bukas daw ay mayroon ulit,” sabi ng isang ginang sa kanila na ang pangalan ay Cecil.
Gustong-gusto nang umuwi ni Xeen pero pinigilan siya ni Dalia. Delikado raw sa kanyang lumangoy pabalik. Bukod sa baka maligaw na naman ay baka may mangingisda na makahuli sa kanya. Maggagabi na at madami nang lalaot.
Palagay niya ay tama si Dalia kaya sumama siya rito pauwi sa bahay nito. Gusto niya ring makilala ang pamilya nito.
Na mababait naman.
Pagkarating at matapos maipakilala sa ina at mga kapatid ay mabilis siyang ipinaghain ng pagkain. Pritong isda, toyo at kamatis na may sibuyas at kanin. Ganoon kasimple ang hapunan pero nasarapan siya sa masayang kuwentuhan ng mga ito. Mukha namang masaya ang pamilya ni Dalia kahit salat sa kahit ano. Pero hindi pa siya nakakasigurado hangga't hindi nakakarating ang ama ng pamilya.
“Mas masaya kami kapag wala si Tatay,” nakangiting sabi ni Dalia na agad sinaway ng ina nito. Si Aling Merly.
“Ano ka ba, Dalia? Tatay mo pa rin `yon.”
Umingos si Dalia at tinalikuran ang ina. “Wala naman siyang kuwentang ama,” anito na pabulong at halatang hindi narinig ni Aling Merly dahil nagpatuloy na ito sa paglilinis sa lababo. Pero dahil malakas nga ang pandinig ni Xeen, nakarating pa rin iyon sa kanya.
“`Lika na do'n, Ate Xeen. Do'n ka sa kuwarto. Kami nina Inay, dito natutulog sa sala.”
Napakunot-noo siya. “Ako lang sa silid?”
“Siyempre, bisita ka namin, eh,” nakangiting sagot nito.
Ilang sandali matapos niyang mapasok ang maliit na silid na puno ng kahon ng kung ano-anong bagay, tahimik na ang bahay nina Dalia. Maaga palang nagsisitulog ang mga tao roon. Sa may bintana, nakikita niyang patay na rin ang mga ilaw sa kapitbahay. Tahimik na. Ang liwanag ng buwan na lang ang dahilan kung bakit makikita pa rin ang paligid.
Napabuntong-hininga si Xeen. Iyon ang unang gabi, magmula nang tumapak siya sa lupain ng mga tao, na hindi niya kasama si Ezio. Oo nga at hindi na siya nito masyadong kinakausap nitong mga nakaraan. Palagay pa niya ay iniiwasan siya. Umaalis si Ezio na tulog pa siya o kakagising lang at pag-uwi nito, nagkukulong ito sa silid nito dahil may importante raw na inaasikaso. Hindi rin siya sinasabayan nito sa hapunan. Kahit ganoon, panatag siya dahil nasa iisa silang bubong. Kasama niya pa rin ito kahit hindi nakakausap.
Kaya ngayong gabi na matutulog siyang malayo kay Ezio, hindi niya mapigilan ang lungkot. Nami-miss na niya ito. Sobra.
“Gusto ko nang umuwi, Ezio... Gusto ko nang umuwi sa `yo,” naiiyak na bulong niya sa hangin.
Mababaw lang ang kanyang emosyon kaya kaunting bagay, napapasaya o napapaiyak siya. Sobrang transparent niya sa sariling damdamin. Kaya nga medyo natatakot din siya. Dahil kaninang tanungin siya ni Dalia kung in love siya kay Ezio, gusto rin niyang tanungin ang sarili.
Mahal ba niya si Ezio?
Well, kung ang ibig sabihin ng in love ay iyong gusto niya itong makasama palagi, iyong dama niya ang proteksyon mula sa mga bisig nito, iyong wala na siyang mahihiling pa kapag kasama ito, then, siguro nga, mahal na niya si Ezio.
At natatakot siya na malaman iyon ng lalaki. Baka ipagtabuyan na siya nito o ano pa man. Hindi ba at hindi na nga ito naniniwala sa pag-ibig?
“Nami-miss na kita. Sobra. Ako kaya? Nami-miss mo rin?”
Napailing si Xeen sa sarili. Mukhang imposible. Baka nga natuwa pa iyon na umalis na siya sa buhay nito. At least, wala nang pabigat sa buhay nito. Hindi na nito oobligahin ang sarili na alagaan siya at ikanlong sa poder nito. Matapos ang pagtatalo nila, malamang na nakahinga pa iyon nang maayos nang mawala na siya sa buhay nito.
Ilang sandali ding umiyak nang umiyak si Xeen sa may bintana. At nang magsawa kakaiyak, namaluktot siya sa may papag doon sa silid hanggang makatulog.
Nasa gitna siya ng mahimbing na pagtulog nang may maramdamang magaspang na kung ano na gumagapang sa kanyang inner thigh, paakyat sa hugpungan ng kanyang mga hita.
Napabalikwas si Xeen pero hindi nakabangon. Bukod sa may biglang tumakip sa kanyang bibig ay nalaman niyang nakatali ng manipis na tela ang mga kamay niya sa kanyang may ulunan. Nakadirekta ang tela sa itaas ng papag at mas mahirap kumilos. Sarado rin ang bintana na iniwan niyang nakabukas bago matulog. At madilim ang silid maliban sa bahagyang pagpasok ng liwanag na nagmumula sa liwanag mula sa mahinang bombilya sa sala.
“Umuwi ka na pala, Dianne.”
Sa pandinig ni Xeen ay nakakatakot ang boses ng estranghero habang nakatakip sa bibig niya ang malaking kamay nito. Nagpilit siyang kumawala. Bakit hindi niya maramdaman ang lakas na mayroon siya kaninang nasa dalampasigan sila ni Dalia? Mas nangingibabaw ang takot at lalo siyang pinanghihina niyon. Kahit anong determinasyon niya para makakawala ay hindi niya maramdaman ang pagdaloy ng lakas sa kanyang mga ugat.
Ano ang nangyayari? Bakit kung kailan mas higit niyang kailangan iyon ay saka naman nawawala sa kanya?
“Mas kuminis ka ngayon, Dianne. Mas gumanda. At siguro, mas masarap ka na ngayon.”
Nahihindik si Xeen sa mga naririnig. 'Dianne' ang pangalan ng ate ni Dalia na naglayas daw ayon sa huli. At napagkamalan ba siya ng estranghero dahil madilim sa silid? At ang suot niyang puting bestida na pag-aari nga ni Dianne, iyon ba ang basehan ng estranghero?
Sa tindi ng takot ni Xeen ay kinalampag niya ang mga paa para makagawa ng ingay. Nahuhulaan niyang magagahasa siya sa paraan ng pamamaybay ng palad ng demonyo sa kanyang tabi. Ipinagpapasalamat niya na hindi nakatali ang mga paa niya. Pero sandali lang iyon dahil agad na kumubabaw sa kanya ang hubad na estranghero at pinigil ng mga tuhod nito ang mga hita niya.
Mula sa siwang ng kurtina na nagsisilbing pintuan ay kitang-kita niya ang kahubdan ng lalaki. Briefs na lang ang mayroon ito at nakakatakot ang mukha. Sa paningin ni Xeen ay demonyo ang nakakubabaw sa kanya.
Gusto niyang mawalan ng ulirat sa matinding takot na nararamdaman. Pero pinaglabanan niya iyon. Hindi siya puwedeng mababoy ng ganoon na lang!
Nang sandaling alisin ng lalaki ang kamay nito sa bibig niya ay sisigaw na sana siya, pero hindi natuloy dahil may kung anong tela ang isinalpak nito sa bunganga niya. Kasunod ang pagpunit sa bestida sa tapat ng dibdib niya.
“Isang pagkakamali na bumalik ka pa, Dianne. Dahil ngayon, sisiguraduhin kong hindi ka na ulit makakatakas sa akin,” mahalay na sabi nito habang pinipisil ang mga dibdib niya sa gitna ng manipis na bra.
Hindik na hindik si Xeen na napaiyak habang pilit gumagawa ng ingay sa kabila ng telang nakabusal sa kanyang bunganga. Nangangatog siya sa matinding takot lalo na nang haklitin nito ang kanyang underwear mula sa liner niyon at marinig at maramdamang napigtas. Kasunod niyon ang pagsisid nito sa kanyang leeg. Napakabaho ng singaw na nanggagaling dito. Amoy-alak at nabulok na isda. Halos masuka-suka siya kahit may nakasalpak sa bunganga niya. Nagpilit pa rin siyang kumawala kahit alam niya na wala siyang magagawa sa lakas ng lalaki.
Kung iiyak lang siya, hindi siya maisasalba niyon. Nanlaki ang mga mata ni Xeen ng maramdaman ang kamay nito sa kanyang kaselanan. Pero nahinto iyon nang bigla itong mawala sa kanyang ibabaw kasabay ng malakas na tunog ng paghampas.
“Putang--!”
Kahit madilim, nakita ni Xeen ang paglapit ni Dalia at ginupit ang telang nakatali sa papag. Siya na ang nag-alis ng busal sa bibig kahit nakatali pa rin ang mga kamay.
Niyakap siya ni Dalia nang mahigpit bago pinakawalan.
“Umalis ka na, Ate, dalian mo!” Muling pinulot ni Dalia ang binitawang kahoy at muling hinataw sa braso ang ama kasabay ng malakas na pagsigaw.
“Paano kayo?” tanong niya habang pilit kumakawala ang mga kamay sa telang nakatali sa kanya.
“Umalis ka na, Ate!”
“Hayup kang bata ka!” sigaw ng lalaki na pilit inaagaw ang kahoy na hawak nito.
Siyang pagpasok ni Aling Merly sa loob ng silid at inawat ang anak.
“Dalia! Ano'ng ginagawa mo sa tatay mo?!” gimbal si Aling Merly.
Hindi na nag-aksaya ng oras si Xeen at lumabas ng silid maski magkakrus na nakatali pa ang mga kamay. Tumakbo siya palabas ng bahay at pumatikad sa dalampasigan. Tumakbo siya nang tumakbo kahit madilim. Takot na takot siya at kahit hindi niya alam kung magiging ligtas ba siya sa labas, sa dagat, mas pipiliin na niya iyon kaysa mapahamak sa bahay nina Dalia.
Ang takot niya na iyon, ngayon lang niya naramdaman. Hindi siya takot sa kamatayan bilang isang lambana. Dahil mas nakakatakot pala ang mababoy at mapagsamantalahan.
Patuloy si Xeen sa pagtakbo habang sindak na sindak. Ni hindi niya namalayan na may papasalubong sa kanya. Nabunggo siya sa matigas pero mainit na bagay.
“Xeen!”
Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ni Xeen nang makilala ang nabunggo. Iglap siyang hinapit nito at niyakap ng mahigpit habang pinauulanan ng halik ang kanyang tuktok.
“Oh, my God, Xeen! Halos masiraan ako ng bait sa paghahanap sa `yo. Napakatigas ng ulo mo! Saan--”
Nahinto ito sa paninita sa kanya nang marinig na humagulhol siya ng iyak sa dibdib nito. Naramdaman din siguro ni Ezio ang matinding pangangatog niya kaya agad siyang iniagwat sa katawan nito.
Agad ang pagtutol ng sistema ni Xeen. Kailangan niya ang pakiramdam na nakapaloob sa mga braso ni Ezio. Takot na takot siya at nababawasan iyon kapag nakadikit siya sa binata.
“Ano'ng nangyari?” madilim ang mukha na tanong nito.
Noon lang yata nabigyang pansin ang hitsura niya. Punit ang bestida niya at wala na ang underwear dahil napigtas na ng demonyong ama ni Dalia.
Dali-dali nitong kinalag ang pagkakatali sa kamay niya, saka siya muling niyakap ng mahigpit.
“Sinong demonyo ang nagwalanghiya sa `yo? Papatayin ko ang walanghiyang iyon!”
Parang malalasog ang katawan ni Xeen sa higpit ng yakap ni Ezio. Nang pakawalan siya ni Ezio at tangkang pupuntahan ang kanyang pinanggalingang direksyon ay agad niya itong pinigilan.
Pero saglit lang ang pagkakahawak niya sa braso nito dahil lumubay rin ang kanyang kamay. Nauubusan siya ng lakas at nanlalambot ang mga tuhod na babagsak sa buhanginan, pero maagap si Ezio na nahapit kaagad siya sa kanyang baywang. Siguro, dala ng matinding takot at pagod ay naubos na ang kanyang enerhiya. Nawalan ng malay si Xeen sa malalakas na mga bisig ni Ezio.
“Damn it, Xeen!”