“I-IBIG sabihin ba ng tanong mo, naniniwala ka na sa `kin?”
Halos hindi humihinga si Xeen habang deretsong nakatitig sa mga mata ni Ezio. Gusto niyang malusaw sa init na nakikita sa mga mata ng lalaki. At gusto na niyang matakot sa sarili.
Baka hindi na normal ang lahat ng nararamdaman niya.
Pero ano nga ba ang definition niya ng normal? Ganitong ang lahat ng pagbabago sa kanyang katauhan, lahat ay hindi normal. Pakiramdam niya, napapaglaruan siya ng Batas Ng Kalikasan magmula nang tumawid sa mundo ng mga tao.
Hindi naman siya magiging isda kung hindi dahil sa disequilibrium sa Engkantasya kasabay ng walang dahilang pagtawid niya.
“Matapos ang mga nakita ko, wala nang dahilan para hindi pa rin ako maniwala sa `yo, Xeen,” mahinang bulong ni Ezio.
Patuloy pa rin ito sa paghaplos sa mukha niya. At habang tumatagal, nagugustuhan na niya ang pakiramdam. Gusto niyang ipikit ang mga mata para mas maramdaman ang mainit na kamay nito, pero pinigilan niya ang sarili. Mas gusto niyang panoorin ang kaguwapuhan ni Ezio. Ang pagkislap ng mga mata nito sa tama ng liwanag ng papalubog na araw.
Gusto niya ang pagsikat ng bagong umaga. Pero mas gusto na yata niya ang liwanag ng araw kapag papalubog iyon. Mas nakadagdag sa malakas na dating ng mga mata ni Ezio.
“So... ano ang pinag-usapan ninyo ni Lukan?”
Natigilan si Xeen sa tanong na iyon. Gusto na niyang sabihin kay Ezio dahil alam niyang nangungilila ito sa ina. Ramdam niya iyon habang nakikipag-usap ito kay Hugh. Pero...
May agenda rin naman siya. May mahigit tatlong linggo pa siya para subukang isalba rin ang buhay. Gusto niyang ipakilala kay Ezio ang totoong sarili at baka sa ganoong paraan, mahalin siya nito.
Hindi naman na kasi sana big deal sa kanya kung mamatay siya sa pagbabalik niya sa Engkantasya dahil may paraan naman para mabuhay ulit siya. Kapag nagkaanak si Ezio.
Kaya lang, hindi niya gusto ang ideya na iyon. Na may iba itong mamahalin at magkakaroon pa ng anak sa ibang babae. Hindi niya alam kung bakit, all of a sudden, bigla siyang nakaramdam ng possessiveness sa binata.
Siguro dahil alam niya na kahit nagsusungit ito ay pinoprotektahan pa rin siya. Inaalagaan. Hindi siya nito iniwan kahit sa napakaraming pagkakataon na kaya at puwede nitong gawin iyon.
He was still a great man. Dahil siguro doon kaya hindi na rin mahirap para sa kanya na magustuhan si Ezio. She was seeing him in a new light.
Ah. Yes. Siguro mabuting ganoon muna niya pangalan ang damdaming nararamdaman niya ngayon. Nagugustuhan niya si Ezio dahil... sa kabila ng pangit na ipinapakita nito, alam niyang mabuting tao ang binata. Mabait ito. At hindi nagbabait-baitan lang.
He was an angel hiding in horns.
Napabuntong-hininga si Xeen, saka ito nginitian.
“Patawarin mo na ang papa mo,” aniya.
Bumaba ang kamay nito mula sa pisngi niya. For a moment, her warm cheeks felt abandoned. Parang ayaw na ng balat niya na hindi nakadampi ang kamay ni Ezio. She wanted his warmth.
She felt safe and treasured and beautiful while he was holding her and he was looking straight in her just like that.
“Iyon ba ang sinabi sa `yo ni Lukan?” wala nang siglang tanong ni Ezio. Parang nagtanong lang ito dahil kailangan nitong magtanong.
“Hindi. Madami siyang sinabi pero wala iyan sa lahat ng iyon. Galing sa `kin `yan,” matapat na sagot ni Xeen. “Kailangan mong matutunan na patawarin ang papa mo para gumaan na rin ang pakiramdam mo.”
Tumalikod si Ezio at dumeretso sa may balustre ng veranda. Lubog na ang araw at kumakalat na ang dilim.
“Ikaw lang naman ang nagpapahirap sa sarili mo, Ezio.”
“Let's drop that topic--”
“Hindi!” pagpipilit niya. “Dapat mong marinig at gusto kong marinig mo ang lahat. At gusto kong makinig kang mabuti, Ezio.”
“Xeen!”
“Bakit ka ba galit kay Matthew? Dahil akala mo okay na lang sa kanya ang lahat? Akala mo ayos lang sa kanya na wala ang mama mo? Ibinubunton mo sa kanya ang lahat ng sisi dahil ano? Dahil wala kang masisisi kung bakit miserable ang takbo ng buhay mo nang mawala ang mama mo?”
“Tama na, ha, Xeen--”
“When all you know, isa ka rin sa dapat sisihin! Inabandona mo ang tatay mo nang mga panahon na mas higit ka niyang kailangan,” hindi paawat na sumbat niya kay Ezio.
Wala nga siguro siyang alam. Maski sa damdamin nito, wala naman talaga siyang alam. Pero madali naman nang maintindihan ang lahat matapos ang mga obserbasyon niya at ang mga sinabi ni Lukan. Pati na rin ang pahapyaw na kuwento ng mag-asawang matanda na katiwala sa rest house.
Ang paglalayas ni Ezio noong teenager pa ito at ang paglipat sa poder ng tiyuhin. Pati na rin ang sapilitang pagbalik sa poder ni Matthew at ang pagrerebelde sa ama nito.
As a child, Ezio must have been showered with love from his parents. Nasanay ito na pinapaliguan ng pagmamahal dahil nag-iisa na itong kayamanan nina Matthew at Rysia. Pinapahalagahan at pinoprotektahan ito nang sobra ng mag-asawa. Pero naglahong bigla ang pagmamahal at pagpapahalagang iyon nang mawala si Rysia. He felt alone, lonely and abandoned.
Siguro normal na magdesisyon ito in a compulsive way gaya ng paglalayas dahil naghahanap ito ng nakasanayan na pag-aaruga.
But then, he'd grown up. Bakit hindi pa rin nabubura ang sama ng loob nito sa ama ganoong bumalik na ito sa poder ni Matthew? He was enjoying all the privileges of a San Victorio.
What was still wrong with him? Nakalimutan na ba nito ang totoong ibig sabihin ng pagmamahal at nilamon na ito ng selfishness?
Maybe.
At ayaw niyang tuluyang mauwi sa pagkagahaman ang pagkauhaw nito sa pagmamahal at atensyon mula sa mga magulang.
“Hindi lang si Matthew ang dapat na sinisisi mo kung bakit ganito ang takbo ng buhay mo, Ezio. This is your choice! You do it to yourself! You choose to be alone and lonely! Dapat magdamayan kayo sa pagkawala ng mama mo at maging sandalan n'yo ang isa't isa, but you chose to part ways instead.”
Nakikita ni Xeen na nagtatagisan ang mga bagang ni Ezio. Maybe because she hit home. Pero hindi siya hihinto hangga't hindi nito nare-realize kung ano ang mali nito. Hangga't hindi nito natatanggap na may pagkakamali rin ito.
“Kung may kakulangan man si Matthew, hindi mo ba naisip baka ikaw din, mayroon? Baka nagkulang ka rin sa papa mo. Kung nasasaktan at nangungulila ka na nawala ang mama mo at hanggang ngayon hindi mo pa rin siya makita, hindi mo ba naisip na baka doble pa ng sakit at pangungulila na nararamdaman mo ang nararamdaman niya--”
“I doubt it!” pasinghal na pigil nito sa mga sinasabi niya.
Natigilan naman si Xeen dahil nakikita niyang matindi ang sama ng loob na nasa mga mata nito.
“At the age of eleven, nakita ko ang lahat ng party activities niya. Ang kawalan na niya ng pakialam kung makita man namin o hindi si Mama.”
Namasa ang mga mata ni Ezio at hindi nakaligtas sa kanyang tainga na basag na ang boses nito nang muling magsalita.
“Five years, Xeen. Just five years and he gave up. Ang mataas na tingin ko sa kanya, ang paghanga ko sa pagmamahal niya kay Mama, biglang nabuwag at gumuho na lang. Lumaki akong nakikita kung gaano niya kamahal si Mama. I admired his love for her. Sinabi ko pa noon sa sarili ko na kapag nagmahal ako, katulad din ng sa kanya. `Yong walang katumbas. I told myself I wanted to feel the love my father had for my mother--so pure and so powerful. I wanted to love endlessly. No boundaries. Pero wala...” Mapait na nakagat nito ang labi. “Nasira ang lahat ng iyon nang basta na lang siya sumuko. Na-realize ko that there's no such love that's pure and eternal. Lahat ay nag-e-expire. Kahit gaano pa `yon katindi. Kahit gaano pa `yon katotoo.”
Ramdam ni Xeen ang matinding bitterness sa boses ni Ezio. It was as if he quit believing in love. Na para bang puro pait at sama ng loob lang ang kilala nitong damdamin. Paano na?
Paano ito nabubuhay ng ganoon?
And suddenly, gusto niya itong takbuhin at yakapin. Gusto niyang iparamdam dito na posible pa ang pagmamahal na hindi natatapos.
Pero paano? Kung ganitong mukhang sarado ang puso ni Ezio.
“But loving is still a great thing. May iba't ibang anyo ang pag-ibig. Hindi lahat naipapakita. Karaniwan doon, nakatago. Hindi mo kailangang makita gamit ang mga mata, kailangan mo `yong makita gamit ang puso. Dahil hindi ka ililigaw ng puso mo kung pakikinggan mo iyan. Mararamdaman mo ang totoo kung gagamitin mo iyan. Please don't shut your door and learn to forgive. Learn to accept your mistakes--”
“Stop it, Xeen! I have enough of that!” pasingasing na saway nito sa kanya.
Natigilan na naman si Xeen. Para bang sa tono nito, pinagsasarahan na siya nito ng pinto. Ng pandinig. Ng mga mata. At... ng damdamin.
Ang tigas nito. Ang tigas-tigas nito!
“Kumain na tayo at kanina pa nakapaghain si Manang Nely.” Mababa na ang boses ni Ezio na halatang pinuwersa lang ang sarili na kumalma.
Walang nagawa si Xeen kundi ang lumaylay ang mga balikat nang lagpasan siya ni Ezio.
Lungkot at takot na ang pumupuno sa kanyang puso. For sure, hindi siya takot na mamatay na hindi ito nagawang paibigin. Mas takot siya na hindi na mahanap ni Ezio sa sarili ang kakayahan na magmahal. Na tuluyan itong lamunin ng negatibong damdamin na inalagaan nito sa loob ng puso.
Ayaw niyang maging ganoon si Ezio. Gusto niyang mahanap nito ang sarili at ang kaligayahan.
Gusto niya itong tulungan.
MAAGA raw umalis si Ezio at may nilakad na naman. Kahapon at noong isang araw ay ganoon din ang eksena. Magmula nang hapon na magkasagutan sila, hindi siya kinakausap ni Ezio.
Gusto ni Xeen na hindi niya gusto. Oo nga. Okay na rin dahil walang sumisita sa kanya na huwag niyang galawin ang ganito at ganyan. O personal na kinukuwestiyon kung bakit maiksi na naman ang suot niya. O huwag siyang lalabas nang mag-isa o lulusong sa dagat at baka may makakita pa sa kanya.
Ipinapasabi na lang kasi ni Ezio sa mag-asawa ang mga bawal niyang gawin. Ayaw siya nitong kausapin. Malamang dahil baka matalakan na naman niya.
Pero sa kabilang banda, hindi niya gusto na ayaw siyang kausapin ni Ezio. Aaminin niyang nami-miss niya ang mga walang-kuwentang sagutan nila. Nami-miss niya kapag alam niya na nag-aalala ito sa kanya at gusto siyang protektahan. Nami-miss niya ang mga mata nitong kung tumitig sa kanya, parang may masarap na init.
At parang medyo masakit sa kanya na ngayon, halos ayaw na siyang tingnan. Nalulungkot siya na naiinis kay Ezio. Ang tigas lang ng ulo at loob nito. Ni hindi niya mapaliwanagan.
“Saan na naman daw po siya pupunta, Manang Nely?” may bahid ng pagkayamot na tanong niya sa matanda habang ipinaghahain siya. “Palagi na lang siyang umaalis, `tapos ako bawal umalis?” dagdag pang himutok niya.
Naiinip na siya sa pangit na bahay na iyon. Sira-sira ang mga lock. Inuunos na rin ang ilan sa mga pinto. Parang haunted house na nga iyon sa paningin niya. Hindi na siya magtataka kung bakit doon gustong magpakita ni Lukan. Kasi may eerie feel naman nga.
“Walang bilin ngayon si Ezio, anak. Kaya baka puwede kang pumasyal. Pero `wag kang lalayo masyado. Para madali rin kitang mahanap kapag bumalik si Ezio.”
Parang biglang dumaloy ang dugo ni Xeen sa narinig. Talaga bang pinayagan na siyang lumabas? Aba, ano'ng masamang hangin ang nasinghot n'on? O baka naman nakalimutan lang magbilin.
Anyway, ang importante ay makakalabas na siya at makakalangoy sa dagat na may liwanag ng araw. Sa gabi lang kasi, kapag tulog na ang mga kasama sa bahay, saka siya tumatakas para lumungoy.
Natuklasan ni Xeen na hindi lang pagtulog ang nakaka-recharge ng lakas niya. Kapag nakadalawa hanggang tatlong araw na hindi siya lumulubog sa dagat, humihina ang katawan niya. Kahit mag-shower pa siya o nagbabad sa bathtub, hindi iyon nakakatulong. Dagat talaga ang kailangan niya.
Ibig sabihin na ganoon pa rin ang kondisyon niya, malamang na may disequilibrium pa rin sa Engkantasya at apektado nga siya.
Hindi naman kasi siya ganoon noong mga panahon na maayos pa ang balanse ng mundo ng mga elemento na gaya niya.
“Sabi n'yo `yan, Manang, ah? Puwede akong lumabas?” excited na sambit niya at tiningala ang matanda.
Napangiti naman ito at tila naaliw sa kanya. Tumango-tango ito. “Basta `wag kang masyadong lumayo at baka mawala ka.”
Tuwang-tuwa na tinapos ni Xeen ang almusal at mabilis pa sa alas kuwatro na nagpunta sa dagat. Ilang sandali lang at nasa malalim na parte na siya. Iniwan niya sa batuhan ang mga kasuotan niya at baka mapunit na naman. Mahirap umahon na walang maisusuot. Nagagalit si Ezio kapag hindi maayos ang suot niya.
Teka nga. Ano ba'ng pakialam niya? Hindi nga ba at hindi na siya kinakausap? Dapat, wala na siyang pakialam doon at huwag na rin niyang isipin.
Tama! Makikipaghabulan na lang siya sa mga isda. O sa mga jellyfish.
Sumisid pa pailalim si Xeen at naghanap ng makaka-bonding. Huwag naman sana siyang makakasalubong ng pating.
Maliliit na isda lang ang nakikita niya. Makukulay at magaganda. Kaso mga suplada. Wala rin ang mga mahaharot na jellyfish kaya nag-decide si Xeen na umahon na.
Pero sa paglitaw ng ulo niya, hindi na pamilyar sa kanya ang lugar. Nasa pinakagitna siya ng dagat. At hindi niya alam kung saang direksyon siya dapat lumangoy pauwi.
Binalot ng kaba ang dibdib ni Xeen. Magtatanghali na, base sa papatirik na araw. Baka umuwi si Ezio at hanapin siya ni Manang Nely. Malintikan pa ang matanda dahil sa kanya.
Pero paano siya uuwi? Hindi niya alam kung paano uuwi.
Nagpalinga-linga si Xeen sa kalagitnaan ng laot. May napansin siya na bangka at papunta iyon sa silangan. Sinundan niya ang bangka hanggang makarating sa coastal area. Pero bago pa siya makalapit sa pinagdaungan ng bangka ay lumihis na siya at nagtago sa malaking bato.
Pinanood niya ang mga tao na nagbababa ng kung anong gamit mula sa bangka ng mga iyon.
Matapos maibaba ang mga kargamento, nagbayad ang lalaki sa bangkero at lumayag na ulit pabalik.
Sa palagay niya, inihatid ng bangkero ang lalaki na may mga kargamento. Siguro, pampasaherong bangka ang nasundan niya.
“Inang!” narinig niyang sigaw ng lalaki na pasahero kanina.
Tumatakbo naman ang isang ginang palapit dito at niyakap ang lalaki. Napakunot-noo na lang si Xeen sa sabik na batian ng mag-ina. Ilalayo na niya ang mga mata para maghanap ng ibang mapapanood nang may bumagsak na kung ano sa ibabaw ng kanyang ulo.
Bestidang kulay puti na may maliliit na bulaklak na design. Aba! Sakto! May maisusuot na siya.
Dali-dali siyang umahon sa may gilid ng bato at isinuot ang biyaya ng langit.
Nang maging paa na ang kanyang buntot ay tuluyan na siyang umahon. Para lang magulat sa teenager na nakatalungko sa ibabaw ng malaking bato.
Napatungo tuloy siya sa sarili. Hindi kaya ito ang nagtapon ng bestida?
Ah, malalaman niya rin ang sagot.
“Psst! Bata!” tawag pansin ni Xeen.
Hindi iyon lumingon pero hindi niya tinigilan. Sinutsutan niya pa rin. At nang hindi kumibo ay nilapitan na niya sa itaas at kinalabit. Ganoon na lang ang gulat nito pagkakita sa kanya.
“A-Ate?” gulat na sambit ng babae. “H-hindi ikaw ang ate ko. Sino ka? Bakit suot mo ang damit ng ate ko?”
Nang kumilos siya para lapitan ito at pakalmahin bago magpaliwanag ay umusod naman ito palayo sa kanya. Nasa gilid na ito ng mataas na bato at huli na bago niya napigilan ang pagkahulog. Ni hindi ito nakatili sa pagbagsak sa tubig dahil siguro sa magkahalong takot at pagkagulat.
Nang hindi umaahon ang dalagita ay hindi na nagdalawang-isip si Xeen. Tinalon niya ang tubig para sagipin ang bata. Baka nangawit ang paa nito sa pagkakatalungko sa bato at walang kakayahang lumangoy. Malulunod iyon kung hindi niya sasagipin.
Just in time na naiahon niya sa gilid ng malaking bato ang dalagita ay nag-uuubo na ito. Pasalamat na lang siya na hindi ganoon kadami ang nainom nito na tubig-dagat.
Nang mahimasmasan ang dalagita ay nanlaki na naman ang mga mata nito nang matitigan siya.
“S-sirena!”
Mabilis na inilapat niya ang hintuturo sa sariling labi, senyales na pinatatahimik ito. “Sekreto lang ito. `Wag mong sasabihin sa iba, ha?”
Gimbal pa rin ang dalagita pero sunod-sunod na tumango. Umahon na rin siya sa gilid ng dambuhalang bato at nanggilalas na naman ang dalagita nang makita kung paanong naging paa ang buntot niya.
“Wow! Totoo talaga ang mga sirena!” bulalas nitong bigla.
“Sshh...” nakangiting saway niya.
Sumenyas naman ito na izini-zipper ang bibig.
“Ako si Xeen,” pakilala niya.
“Dalia,” anito at nagkamay sila. “Bakit suot mo ang damit ng ate ko?”
Tiningnan ni Xeen ang sarili. “Ito ba?” Hinila niya ang laylayan ng bestida. “Inihulog ito ng langit kanina. Siguro alam ng Itaas na kailangan ko ng damit.”
Humagikgik si Dalia. “Hindi iyan hulog ng langit. Itinapon ko lang `yan kanina.” Lumungkot ang mga mata nito maski nakangiti sa kanya.
Napakunot-noo si Xeen. “Bakit mo itinapon?”
Nagbuntong-hininga ang dalagita at tumingin sa malayo.
“Galit ako sa kanya. Araw-araw, nandito ako sa ibabaw ng bato na ito at nagtatapon ng isa sa mga gamit niya. Paunti-unti, gusto ko siyang mabura na sa buhay namin. Paunti-unti, gusto kong makawala na sa hinanakit ko sa kanya.”
Puno ng pait ang boses nito. Nagsimula itong magkuwento ng tungkol sa pamilya nito. Kung gaano kamiserable ang buhay nito. At ang pagtakas ng ate nito sa responsibilidad sa kanila tatlong taon na ang nakakaraan. Ang hinanakit nito sa buhay, sa iresponsableng ama at sa inang napaka-martyr sa pambubugbog ng asawa.
Mababaw lang siguro talaga ang emosyon ni Xeen at hindi niya napigilan ang mga luhang lumandas sa kanyang pisngi. Naaawa siya kay Dalia.
Bakit ganito ang buhay ng mga tao? Puro lungkot, sakit at pait ang dinaranas sa buhay? At bakit may mga taong kagaya ng ama ni Dalia? Iresponsable na nga ay nagagawa pang manakit... At ng pamilya pa man din nito.
Wala na ba talagang puwang ang kabutihan sa mundo? Mas marami ba talaga ang negatibong damdamin kaysa positibo? Paano nabubuhay ang mga tao kung puro lungkot, sakit at galit ang umiikot na damdamin sa mga ito?
Ayaw na niyang maging tao kung ganito pala ang magiging buhay niya.
“A-Ate... ang mga luha mo. Nagiging pearl.”
Nahinto siya sa pag-iyak nang mapansin na nanginginig ang mga kamay ni Dalia habang pinupulot isa-isa sa kanyang kandungan ang mga perlas.