CHAPTER 17

NAALIPUNGATAN si Xeen nang may maramdamang malamig na dumampi sa kanyang balikat. Sa pagmulat ng mga mata niya, ang guwapong mukha ng natutulog na si Ezio ang nabungaran niya.

Nilingon niya ang bahaging may malamig na aura at nakita niya si Lukan na nakatungo sa kanya. Magsasalita sana siya nang ilapat nito ang isang daliri sa sariling mga labi sa paraang nagpapatahimik.

Kumilos si Xeen para hilahin ang comforter at itago ang sarili. Maski batang kaluluwa itong kaharap niya, hindi pa rin niya gustong masilip nito ang kahubadan niya.

Pero sa aktong pagbangon niya ay biglang kumabig ang malakas na braso ni Ezio sa kanyang baywang, possessively wrapping his arm around her and pulling her towards him. Napangiti si Xeen. Kahit sa pagtulog ay parang ayaw siyang pakawalan ni Ezio samantalang halos hindi niya mabilang kung ilang beses silang naging isa. Hinayaan lang siya nitong matulog nang halos mag-uumaga na.

“Kailangan mo nang bumalik. Nanganganib si Mama sa mundo n'yo, Xeen.” Halata ang panic sa boses ng kaluluwa.

Maingat na kumilos si Xeen para makawala sa braso ni Ezio na hindi ito nagigising.

“Ano'ng ibig mong sabihin, Lukan?” Sa gitna ng pagbibihis ay tanong ni Xeen sa kausap.

Parang binubundol ng kaba ang lambana dahil sa parang nag-aalalang tono ni Lukan. Inaatake din siya ng kanyang konsiyensiya dahil parang nararamdaman niya na may masamang nangyayari sa mundo niya pero heto siya at nagtatampisaw sa ligaya sa loob ng mga bisig ni Ezio.

“Ang mga nilalang sa elemental na mundo, nag-iipon sila ng mga kaalyado para sa pagsugod sa Engkantasya. At dahil bilanggo nila ang mama ko, malamang na isa siya sa dadalhin para itapon sa labanan. Ano'ng magagawa ni Mama sa labanan na iyon? Isa lang siyang mortal, mahina at walang kakayahan makipaglaban.”

Parang pinunit ang puso ni Xeen nang marinig ang magkakahalong lungkot, takot at panic sa boses ni Lukan. Para sa isang anak na alam na nanganganib ang ina, alam niyang napakabigat sa dibdib nito na dalhin lang lahat ng mga nalalaman nito at wala itong ibang magawa para iligtas iyon.

Nilingon niya si Ezio na natutulog pa rin nang mahimbing. Makikita sa mukha nito ang pagod, pero mas lamang ang satisfaction at kaligayahan. Sa mismong unan nito nakapatong ang kamay kung nasaan nakasuot sa hinliliit ang singsing. At parang nananadya, kuminang iyon bigla sa kanyang paningin. Para bang inaanyayahan na siyang kunin sa daliri ni Ezio.

Hinaplos ni Xeen ang guwapong mukha ng lalaki at pinagsawa ang mga mata rito. Alam niyang ito na ang huli at kahit tumanggi pa ang puso niya sa kanyang desisyon, wala na rin iyong magagawa. Mas pipiliin niyang matulungang maibalik si Rysia kay Ezio at makatulong sa kanyang lahi kaysa manatili sa tabi nito na dinadagukan ng konsiyensiya dahil pinili niyang maging makasarili.

Gusto niyang kabisaduhin ang bawat detalye sa mukha nito. Ang nag-iisang lalaki na gugustuhin at pipiliin niyang makasama kahit ilang beses pa siyang pagsungitan at sigawan.

Marahang hinubad ni Xeen ang singsing sa daliri ni Ezio at ikinulong iyon sa kanyang palad. Ngayong hawak na niya ang susi ng lagusan, alam niyang wala nang urungan. Alam din niyang hindi na siya makakabalik pa kay Ezio.

At hindi niya mapigilan ang pag-uunahan ng mga butil ng luha sa kanyang pisngi habang minamasdan ang kaguwapuhan sa kanyang harapan. Sadness filled her whole heart as she opened her palm. Ang singsing ay agad na lumutang sa tapat ng kanyang palad at mabilis na binalot ng berdeng enerhiya.

Saglit pa at magbago ang anyo ng singsing at naging dahon. Ang dahon mula sa Puno Ng Buhay. Ang dahon na may maliliit na tuldok sa edge. Na parang bulaklak na bumuka dahil ang mga tuldok ay nag-evolve din sa mas maliliit na katulad na dahon. Kumikinang sa kulay dilaw na liwanag ang edge ng dahon na korteng maliliit na mga dahon din ang nakapaligid.

"This is good-bye, Ezio," mahinang bulong niya habang kumakalat ang dilaw na liwanag sa buo niyang palad.

Isa pang sulyap sa nahihimbing na si Ezio. Binigyan niya ito ng huling halik sa mga labi kasabay ng pag-agos ng kanyang luha at pagbalot ng liwanag sa buo niyang katawan.

Nararamdaman niya ang paghigop ng kung anong malakas na enerhiya. Katulad ng enerhiya na humigop sa kanya noon papasok sa mundo ng mga mortal. Pero bago niya tuluyang maramdaman ang tuluyang paglamon sa kanya ng liwanag ay may malakas na kamay na humablot sa kanyang baywang.

“Where do you think you're going?”

Napasinghap si Xeen sa buong-buong tinig. Hindi siya puwedeng magkamali. Kay Ezio ang boses, pero bakit naririnig niya ito sa gitna ng kawalan?

At ang sumunod na sandali ay hindi niya inaasahan. Nasa pamilyar na lugar na siya. Sa kanyang mundo. Sa Engkantasya. Kasama si Ezio. Pero bakit? Paanong natangay niya ito papasok sa mundo niya? Paano ito nakatawid?

Parang nagulat din si Ezio na binitawan siya. But it was a wrong move dahil agad itong bumulusok paibaba. Napakalakas ng sigaw nito.

Naging mabilis naman si Xeen. Gamit ang mga pakpak ay sinisid niya ang bumubulusok na si Ezio at agad na hinagip ang kamay ng lalaki.

“What the heck is this place?!” iritadong tanong nito nang mailipad na niya paitaas.

Palingon-lingon si Ezio sa buong paligid. At inaasahan na niya na maghuhuramentado ito. Paano, hindi naman normal sa mata ng mga mortal ang mga dambuhalang bulaklak at mga dahon. Gahiganteng mga puno na may kanya-kanyang pintuan. Dambuhalang mga kulisap. At mga nilalang na may mga pakpak at matutulis na tainga.

Ibinaba ni Xeen si Ezio sa ibabaw ng bubot na rose bulb, saka namaywang sa harapan nito.

“Paano mo nagawang sumama sa `kin papasok dito?” namamanghang tanong niya sa binatang halata ang pagkagulantang.

“W-what are you? Akala ko ba, sirena ka? B-bakit may pakpak ka?”

Halos lumuwa ang mga mata ni Ezio habang pinagmamasdan siya mula ulo hanggang paa. May naramdaman si Xeen na parang tumusok sa kanyang leeg. Ang dahon mula sa Puno Ng Buhay.

Kumikinang pa rin ang gilid niyon at sa pagkakataong ito, dahil na iyon sa namumuong dagta mula sa maliliit na korteng dahon sa paligid.

Naalarma si Xeen. Kung hindi siya magmamadali, maaaksaya ang dagta at mapupunta lang sa lupa. Napakahalaga pa naman para sa kanila ng dagta na pino-produce ng mga dahon mula sa Puno Ng Buhay.

Agad siyang sumisid paibaba at naghanap ng kahit anong puwedeng paglagyan ng dagta. Sa gilid ng Puno Ng Mga Konseho--ang pinaka-office ng mga konseho--ay nakakita siya ng clear glass container. Sa leeg ng container, may abakang nakatali. Naiwan siguro ng isa sa mga tagakuha ng dagta. Agad niya iyong dinampot.

Eksaktong paglingon ni Xeen, bumabagsak na ang dagta mula sa nakalutang na dahon. Kandalito siya sa pagsalo sa dagtang bumubuhos sa kanya. Para siyang sumasahod ng patak ng ulan. Maigi na lang at mabilis siyang kumilos. Eksaktong napuno ang container nang huminto na sa pagpatak ang dagta at unti-unting natunaw ang dahon.

Ganoon palagi. Sa tuwing mauubos ang dagta ng dahon mula sa Puno Ng Buhay ay natutunaw na ang dahon at naglalaho.

Itinali niya ang container sa kanyang baywang para hindi malaglag. Lumipad ulit si Xeen paakyat para harapin si Ezio na nakadungaw pala sa kanya mula sa tuktok ng higanteng bubot na rose bulb.

Hindi pa man siya nakakalapit ay inulan na siya ng mga tanong ni Ezio. “What the heck is this place? What the heck is going on?”

“Ito ang mundo ko, Ezio. Isa akong lambana. Hindi ako sirena. Naging sirena lang siguro ako dahil hanggang ngayon, may disequilibrium pa rin dito sa Engkantasya--”

“Wait... wait!” pigil ni Ezio sa mga sinasabi niya. “Nananaginip lang ako. Lahat ng ito ay panaginip lang, `di ba?”

Naipaikot ni Xeen ang mga mata. Alam niyang mahirap para kay Ezio na tanggaping totoo ang lahat ng mga nakikita nito. Pero bakit noong maging sirena siya ay kay dali lang nitong tinanggap?

Siguro dahil... hindi naman ito masyadong nabigla. May mga clue nang kakaiba siya noon at unti-unting nagpaliwanag dito na iba siya. Pero itong biglang makapasok si Ezio sa mundo niya, natural lang na magulantang ito.

“Let's wake up now. I want to wake up now,” sabi nitong ilang beses tinampal ang sarili.

Pinigilan ni Xeen ang kamay nito. Pagkatapos ay siya na ang nagpatikim ng malakas na sampal sa pisngi ni Ezio. Tigagal ang binata pagkatapos. Napangiti si Xeen at dalawang kamay na hinaplos ang guwapong mukha nito, saka hinalikan sa mga labi. Sa huli niyang alaala, sinabi ni Simone na bumagal ang takbo ng oras sa mundo nila. Iyon siguro ang dahilan kung bakit buhay pa rin siya hanggang ngayon.

“Ano? Gising ka na ba?” Pilyang nakangiti si Xeen kay Ezio.

“Xeen...” bulong ng binata. Kumislap ang mga mata nito sa magkahalong sensuality at lust. Pabigla siyang kinabig ni Ezio sa baywang, niyakap at hinalikan na tinugon naman niya nang buong-alab.

Kung bakit kasi sa tuwing magdidikit ang kanilang mga labi, nawawalan siya ng kakayahang tanggihan ang masarap na halik ni Ezio. It was the most delicious thing she had ever tasted in her multiple lives. Kung puwede lang na hindi na iyon matapos.

“This is reality,” bulong ni Ezio matapos nilang pakawalan ang mga labi ng isa't isa.

Napangiti si Xeen. Halik lang pala ang makakapag-confirm at makakapagpaniwala rito na totoo ang lahat ng nakikita nito.

“Yes,” nakangiting sabi niya. Pero bigla rin iyong nawala nang may importantanteng bagay siyang maalala.

“Nandito ang mama mo. Alipin siya ng mga elemento ngayon at malamang na kasama sa pagsugod sa labanan. Kailangan natin siyang mabawi bago pa magsimula ang digmaan ng bawat lahi.”

“Teka... Ano'ng sinasabi mo?” Naguluhan na naman si Ezio.

Kumawala siya sa pagkakahapit nito para makapagpaliwanag nang maayos. Kapag ganoong magkadikit sila, parang ayaw gumana ng utak niya at gusto na lang niyang magpayakap at magpahalik dito.

“Si Lukan... Kaya hindi siya makatawid dahil hindi niya maipaalam sa inyo kung nasaan ang mama n'yo. Dahil alam niyang nahihirapan ang mama n'yo. Maybe that was my purpose why I was transported to your world. Para maipasa sa akin ni Lukan ang message niya sa inyo.”

Hindi pa siya sigurado sa bagay na iyon. Gusto pa rin niyang ma-confirm kina Xyro at sa iba pang miyembro ng konseho.

“Hindi ko pa rin maintindihan,” mahinang sabi ni Ezio.

Napabuntong-hininga si Xeen at hinawakan sa kamay ang lalaki. “Halika. Ipapaliwanag ko sa `yo.”

Hindi pa nagagawang sumagot ni Ezio ay hinila na niya ito at inilipad sa Puno Ng Mga Konseho,sa higanteng puno na ang mga sanga ay korteng kamay na bahagyang nakaikom. Sa bawat daliri ay naroroon ang trono ng limang miyembro ng konseho ng Engkantasya. Bakante ang lahat habang sa pinakagitna o pinakapalad ng hitsurang kamay ay nagpe-play ang mga eksena sa mundo ng mga mortal.

Lumipad sila pababa sa katawan ng puno. Sa pagtapat nila roon ay lumabas ang pinto at kusang bumukas.

PARANG walang hanggang hall way ang dinadaanan nina Ezio at Xeen, pagkapasok na pagkapasok pa lang nila sa loob ng dambuhalang puno.

Gusto pa rin niyang birahin ng sapak ang sarili dahil para talagang hindi totoo ang lahat. Sa panaginip lang puwedeng maging totoo ang lahat ng iyon. Saang parte ng mundo ka makakakita ng puno na ang sanga ay lilima at korteng daliri sa mga kamay? Ang mismong tuktok, kung nasa itaas ang titingin at korteng kamay talaga na nakaikom.

At saan ka makakakita ng mga gahiganteng bulaklak, mga puno na may mga pinto at sa loob ay may modern facilities?

Sa tabi niya, nang lingunin niya si Xeen ay wala na ang mga pakpak nito. Ang suot nito ay tulad ng suot noong unang beses niya itong makita. Iyon na iyon si Xeen maliban sa matulis ang magkabilang tainga nito at makinang ang makinis na balat.

“Huwag mo akong tingnan ng ganyan at baka matulad ako doon sa dahon na bigla na lang natunaw,” narinig niyang sabi ni Xeen. Ngumiti ito nang lingunin siya.

At hindi niya maintindihan ang sarili, kung bakit matapos siya nitong bigyan ng maganda at matamis na ngiti ay kumalma ang naghuhuramentado niyang isip. Parang ang dali na lang tanggapin para sa kanyang buong sistema ang mga nakikita. Pakiramdam niya ay para lang iyong isang modernong lugar sa kanyang mundo.

Nang nasa dulo na sila ng akala niya ay wala nang hanggang pasilyo ay sinalubong sila ng matikas na lalaking ang suot ay kabaligtaran sa modernisasyon ng lugar. Nakasuot lang ito ng vest na yari sa abaka at parang bahag lang sa ibaba at yari din sa abaka. Ang isang braso nito ay may nakapulupot na bagin at sa kaliwang pisngi ay may naka-tattoo na kulay gintong dahon. Ah. Hindi iyon tattoo dahil kumikinang ang gintong dahon. Na para bang totoo iyon at nakadikit lang talaga sa pisngi nito.

Ano ang mayroon sa dahon at kanina lang, hindi magkaintindihan si Xeen sa pagsalo ng katas na nanggagaling doon? At hanggang ngayon ay nakatali pa rin ang container sa baywang ng... lambana.

“Maligayang pagbabalik, Xeen,” bati ng lalaki at tumingin sa kanya, saka ngumiti. “Maligayang pagdating, Ezio,” anito na iniabot ang kamay sa kanya.

Nangunot ang noo niya pero tinanggap ang kamay ng lalaki.

“Ryker, bakit nagawang makapasok ni Ezio sa lagusan? May ginawa ba siyang kasalanan sa kalikasan kagaya ng mama niya?”

Pabiglang napabaling siya kay Xeen. Ano ang sinasabi nito? Ano ang kasalanan ng mama niya?

“Hindi. Wala siyang ginawang masama, Xeen,” nakangiting sagot ng tinawag na Ryker.

Parang may laman ang ngiti nito at hindi niya iyon nagugustuhan. Sa kung anong dahilan, ayaw niyang may kangitian ang kanyang lambana. Ikinaiirita niya iyon. Lalo na nang gumanti ng ngiti si Xeen kahit halatang nalilito ito.

Ah! Ayaw niya na may iba itong nginingitian ng ganoon. Gusto niyang sa kanya lang ito ngumingiti.

“Ang matinding pagtutol niya sa pagpapaalam mong iiwan siya ang dahilan. Hindi ka niya gustong paalisin kahit half-conscious lang siya nang marinig ang pamamaalam mo.”

Napalunok si Ezio sa narinig. Anong klase bang nilalang ang mga ito at parang alam na alam ang lahat?

Aminado naman siya na naalipungatan nang marinig na namamaalam si Xeen sa kanya at hinahalikan siya. Agad gumana ang kanyang instinct at kinabig ito. Bigla kasi siyang sinalakay ng matinding takot sa isiping iiwan siya ni Xeen.

Kung nalalaman lang nito, nang mawala ito sa dagat ay halos mabaliw siya sa paghahanap dito. Ano pa iyong intensyon na nitong umalis at iwan siya? Ah! Hindi siya papayag.

Matapos ang walang kapantay na ligaya na bigay ng pinagsaluhan at naganap sa kanila? Hell, no can do! He would never let her leave him.

Nakita niyang ngumisi si Ryker. “Hindi lahat ng gusto ng tao ay makukuha niya, Ezio. Magulo lang ang mundo namin kaya ka nakatawid. Pero sa sandaling maayos na ito, kailangan mo na ding bumalik at iwan dito si Xeen. Kasama niyang maiiwan mo dito ang alaala mo patungkol sa Engkantasya.”

“Ryker, ano ba? Tigilan mo na ang pagbasa sa isip niya,” saway ni Xeen sa lalaki.

Napalingon tuloy siya rito. So, nababasa ng lalaki ang iniisip niya?

“Yes. At naririnig din ni Xeen ang iniisip mo,” parang sagot ni Ryker sa tanong niya sa isip.

“What?” Pabigla siyang napalingon kay Xeen.

Parang guilty na nag-iwas ito ng tingin. And it only confirmed what Ryker just said.

“Biglaan `yon. Hindi ko din alam. Kagabi lang `yon at--”

“You are so unfair!” nagtatagisan ang mga bagang na singhal niya kay Xeen.

Never had he felt so deceived before. At ng isang babae pa. Nakakasugat iyon ng ego niya dahil pakiramdam niya, manipulado nito ang lahat. Alam nito ang iniisip niya, ang itinatakbo ng utak niya at maging ng damdamin niya?

Damn! Ezio felt like a weakling because he had no control with anything but he could be controlled by her because he had been read. Ni wala na pala siyang privacy.

Kaya rin ba nangyari ang nangyari sa kanila ay dahil narinig ni Xeen ang pangangailangan niya rito? And she wanted to give him a great remembrance before she left? Hindi simultaneous ang naganap sa kanila kundi manipulated?

“Don't get it wrong. Kapag nahahawakan ka lang niya at dahil lang sa foundation of great feelings kaya nangyari na naririnig ka ni Xeen. Hindi niya intensyon na dayain ka, Ezio,” sabi ulit ni Ryker.

“Teka... Great feelings? You mean, ligtas na ba ako sa parusa?” tanong naman ni Xeen na hindi naman niya maintindihan ang ibig sabihin.

“Not yet. Not until the feeling is confirmed.”

Biglang nalungkot ang magandang mukha nito. At parang gusto na lang niya itong kabigin at yakapin. He had this feeling that he didn't like seeing her sad.

“Gaano pa katagal kaya ang natitirang oras?”

“I'm sorry, Xeen. Mga limang oras na lang.”

Lalong nalumbay ang expression nito at gustong-gusto na niyang magtanong.

Pero nahinto iyon nang biglang ngumiti si Xeen at abutin ang kamay niya. “Alright! Tapusin na natin ito. I-locate na natin si Rysia para makauwi na sila.”

Magtatanong pa sana siya nang lumitaw na naman mula sa likuran ni Ryker ang isang pintuan at pinapasok sila. Mas nakakamangha ang laman ng silid na pinasukan nila dahil mas modern pala roon. Dinaig ang computerized gadgets and facilities ng mga tao sa mundo niya. Kusang lumilitaw sa isang pitik ang anumang mga kailangan. May kung ano-anong bola ng enerhiya sa iba't ibang kulay na bigla na lang magta-transform sa iba't ibang bagay. Katulad ng pinto, hagdanan at maraming silid.

Pero sa kabila ng pagkamangha ni Ezio, nandoon ang walang kahulugang nag-aalalang damdamin niya. Lalo na sa mga sandaling inaakala ni Xeen na hindi siya nakatingin dito at nababasa niya ang pinaghalong takot, lungkot at walang kapantay na sakit.

Bakit? Ano ang problema? Ano ang ibig sabihin ng pinag-usapan ng dalawa nina Ryker at Xeen? At may napakahalagang bagay bang hindi sinasabi sa kanya si Xeen?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.