CHAPTER 18

“'AYUN siya...”

Itinuro ni Ryker mula sa malaking telescreen si Rysia. Nakasuot ito ng salakot at itim na hoody coat na nakatali lang sa gitna ng leeg at dibdib. Isa ito sa mga nasa likuran ng mga itim na duwendeng may dalang mga tabak at kung ano-anong patalim. Sa isang bahagi ng telescreen, ipinapakita naman ang iba pang hukbo at lupon ng mga elemento at engkanto. Mga tikbalang, tiyanak, aswang, manananggal at kung ano-ano pa.

“Lahat ng bihag nilang mga tao, kasama sa mga ipapain nila sa labanan. Kapag naubos ang mga bihag, saka sila kikilos. The captives were under there spell. Gagawin ng mga bihag na pumatay ng mga lambana at hindi nila kaanib kahit kapalit pa ay buhay nila. At papasugod na sila dito,” mahabang salaysay ni Xyro na siyang nakaharap at nagma-manipulate sa telescreen.

“Teka, hindi n'yo puwedeng patayin ang mama ko,” biglang tutol ni Ezio. Dumeretso at titig na titig ang mga mata nito sa telescreen kung nasaan ang ina.

“Gagawin namin ang lahat para hindi masaktan ang mga taong bihag. Si Dylan ang bahala sa pagbali ng spell. Pero dapat mailayo agad sila sa labanan, kung hindi ay kami ang mapapatay nila.”

“Tutulong akong makuha ang mga bihag at mailayo,” prisinta ni Xeen. Iyon na lang naman ang maitutulong niya sa labanan yamang wala siyang sapat na skills para makipagbakbakan. Medyo napapag-iwanan siya ng mga kaibigan dahil habang wala siya ay nasa training naman ang mga ito. “Kailangan lang na nakasahod na si Dylan sa entrada pa lang nitong puno para mas maging mabilis ang lahat.”

“Sinabihan ko na si Dylan. Nasa training ground pa rin siya hanggang ngayon at iniisa-isang i-orient sa bagong armas ang lahat ng mga lambana,” sagot ni Xyro.

Nahulaan niyang gamit ang isip ay nag-uusap-usap ang mga miyembro ng konseho maski hindi magkakaharap.

“Nakaipon din ako ng dagta mula sa dahon ng Puno Ng Buhay.” Iniangat ni Xeen ang container na nakatali sa kanyang baywang. Hindi naman iyon kalakihan at walang bigat ang dagta kaya kahit puno ang container ay wala siyang maramdamang bigat mula roon.

“Mabuti naman at bago natunaw ang dahon ay naglabas muna iyon ng dagta. Hindi na nagpo-produce ng dagta ang Puno Ng Buhay,” ani Ryker na tiningnan si Ezio. “Huwag kang mag-alala, tagalupa. Mapapalitan ng ibang metal na bagay ang singsing ng iyong ina. Hindi na nga lang katulad na disenyo.”

Biglang naiangat ni Ezio ang kamay. Mukhang ngayon lang nito napansin na wala na sa daliri nito ang singsing.

“I'm sorry. Kailangan kong kunin `yon dahil kailangan ko nang makabalik,” agad na hingi ni Xeen ng paumanhin.

Pakiramdam ni Xeen, quota na siya sa mga kasalanan kay Ezio. Hindi niya agad nasabi ang kondisyon ng ina nito sa elemental na mundo. Hindi niya rin inamin na nababasa niya ang iniisip nito. At ngayon, ninakaw niya ang singsing ng binata. Parang wala na siyang mukhang maihaharap dito. Paano pa siya nito mamahalin kung ilang beses na binigyan niya ito ng dahilan para huwag magtiwala? Ang tiwala ang pundasyon ng pag-ibig. At kung ganito na maya't maya, may natutuklasan itong panlilinlang niya, paano pa? Wala na siyang pag-asa...

“Magsipaghanda na kayo! Lumulusob na ang mga elemento!”

Nataranta si Xeen sa nagmamadaling boses ni Xyro. Naghagilap naman si Ryker ng sandata nito. Ganoon din si Xyro. Mula sa telescreen, nakikita niyang pinapaulanan sila ng mga bolang apoy mula sa labas ng teritoryo nila.

“Pumuwesto na tayo bago nila tayo mapasok. Alam n'yo na ang gagawin... Xeen, iwan mo dito ang mortal. Wala siyang magagawa. Baka mas na mapahamak pa siya.”

Nang tumango siya ay tumalikod na ang dalawa at naunang lumabas ng silid. Umakma na siyang susunod sa mga ito nang hablutin ni Ezio ang braso niya.

“Sasama ako,” puno ng determinasyong sabi nito.

“Wala kang magagawa doon, Ezio. Dito ka na lang. Dadalhin ko sa `yo ang mama mo at makakauwi na kayo.” Binigyan niya ng magandang ngiti ang lalaki to assure him.

“Xeen...”

Matagal na nakatitig si Ezio sa kanya. At kahit alam niyang pag-aaksaya iyon ng oras ay pinagbigyan niya ang sarili na kahit sa huling sandali ay matitigan ng mortal. Just this once. At kahit mamatay siya sa gitna ng labanan ng lahi nila,wala na siyang mairereklamo pa.

“I hate this feeling, Xeen. Ako ang lalaki pero wala akong ginagawa habang ikaw, papasok sa panganib?” Puno ng insecurities na nagtiim-bagang si Ezio.

Marahang tinapik niya ang pisngi nito. “Because you are a mortal. May kaya akong gawin na hindi mo kaya at may kaya kang gawin na hindi ko rin naman kaya. We are all imperfect beings. Just accept that and you'll find peace inside.”

Tinitigan na naman siya nito. Ngayon ay halatang-halata na ang matinding pag-aalala ni Ezio.

Maaaring madalas ay iritable si Ezio, pero alam niyang malawak ang pang-unawa at malambot ang puso ng binata. Kaya nga siguro sa unang paghaharap pa lang nila ay alam niyang bumigay na ang damdamin niya rito. Hindi niya lang iyon agad maamin sa sarili dahil sa dami ng mga nangyari.

Pabigla siyang kinabig ni Ezio sa baywang at niyakap nang mahigpit. “Come back to me safe, Xeen. Or I'll never forgive you.”

She could feel the wild beating of his heart against her chest. At ang init ng damdamin na ibinibigay ng yakap nito ay sapat na para mas maging matatag ang loob niya. Whatever happened outside, she'd accept it. Destiny wasn't harsh to her, anyway. Binigyan pa rin siya ng pagkakataong maging masaya kahit bago man lang ang katapusan ng buhay niya.

Nang pakawalan siya ni Ezio ay nakangiting tiningala niya ito. “I can't promise anything but I'll be loving you until my very last breath.”

Natigagal si Ezio sa sinabi niya na sinamantala naman ng lambana. Agad siyang lumabas ng silid na iyon at tinakbo ang walang hanggang pasilyo.

Sunod-sunod ang paglaglag ng luha niya habang papalabas ng Puno Ng Konseho.

Bittersweet feelings, sadness and happiness filled her. She loved him. At gagawin niya ang lahat para makauwi ito nang ligtas kasama ang ina.

Sa paglabas niya sa puno ay sinalubong na siya ni Dylan. Agad na lumitaw ang kanyang mga pakpak at lumutang sa hangin.

Nakakahilakbot ang eksena sa buong paligid. Lahat ay nakikipaglaban para mabuhay. May mga dumadaing sa sakit. May mga sumisigaw ng kanilang huling paalam. At mayroon din namang humahalakhak nang nakakahilakbot.

Ang mga kaibigan niya ay nasa lahat ng panig ng Engkantasya at nakikipaglaban para sa kaligtasan. Ang malungkot na bahagi, ni hindi niya nakausap ang mga ito bago nagsimula ang labanan.

“Xeen, kailangan mo nang kumilos. Maraming mga mortal na ang nangamatay. Kailangan na nating maialis sa labanan ang mga natitira pa.”

Ang pagmamadali sa boses ni Dylan ang gumising sa pagkatigagal ni Xeen. Tinanguan niya ito, saka lumusob at isa-isang dinala kay Dylan ang mga mortal na mahagip niya.

Sa isang hawak ni Dylan sa mga ito ay kumakalma ang mula sa pagwawala at nakakatulog. Idinederetso naman iyon ni Dylan sa loob ng puno matapos mabali ang spell ng mga engkanto at mga elemento sa mga ito.

Si Xeen ay patuloy sa pagkuha sa mga mortal kasabay ng pagpapahid ng dagta sa mga kapwa lambana na sugatan na kanyang nadadaanan.

Madami na ang naipasok nila ni Dylan sa puno pero wala pa rin ang ina ni Ezio.

“Hindi ko makita si Rysia, Dylan!” tarantang sabi niya.

“Kasama siya ng mga itim na duwende. Sa hilagang bahagi!”

Nilipad ni Xeen ang hilaga. Hindi naman nagtagal at nakita niya ang babaeng naka-hood na may hawak na patalim at susugurin si Caiorroa. Nakatalikod ang kaibigan niya at may sinisibat na tiyanak.

Agad niyang hinablot si Rysia sa baywang at inilipad. Nagwawala ang mortal na nasa ilalim ng kapangyarihan ng duwende. Iniiwas niya ito sa mga sumasalyang bolang apoy sa paligid. Pero hindi niya naiiwas ang sarili sa paghiwa sa kanyang braso ng patalim na hawak nito. Malapit na sila kay Dylan nang makita niya sina Erastus at Rosette na nahuhulog mula sa dambuhalang bato. Parehong putol na ang pakpak ng mga ito at kung hindi siya magmamadali ay mapapahamak ang dalawa.

Agad na ipinasa ni Xeen si Rysia kay Dylan.

“Ang braso mo, Xeen! Pahiran mo ng dagta!” sigaw nito.

Pero hindi na niya gaanong pinansin. Mas naka-focus ang utak niya sa pagbabalik sa direksyon nina Rosette. Natatakot siyang baka hindi siya makarating nang tamang oras. Kailangan niyang iligtas ang mga kaibigan.

Pero sinalubong lang siya ng kinatatakutan niya. Wala nang buhay si Erastus pagkalapit niya sa mga ito. Maski siya ay parang pinupunit sa walang kasingsakit na paghagulhol ni Rosette. Alam niya kung gaano nito kamahal ang engkantado. Labis-labis at walang katumbas. Kaya lang ay wala na silang magagawa.

Nangyari na.

Binuksan ni Xeen ang container at halos wala nang natitirang dagta mula roon. Agad niyang ipinahid sa pakpak ni Rosette ang dagta at sa braso niyang nagdudugo. Nabuo ang pakpak ni Rosette at naghilom ang sugat niya.

“Tama na, Rosette. Wala na siya,” saway niya sa kaibigan habang niyayakap ang naging abong katawan ni Erastus.

Pero bingi ang kaibigan niya sa lahat ng bagay nang mga sandaling iyon. Alam niya kung bakit. Dahil nilalamon ito ng sakit at lungkot. Hinayaan muna niya ang kaibigan at lumipad pabalik sa Puno Ng Mga Konseho. Kung kailan malapit na siya roon ay saka naman siya tinamaan ng umuulang bolang apoy sa may likuran. Nasunog ang kanang pakpak niya at naging mahirap para kay Xeen ang makalipad. Pero pinilit niya. Kailangan niyang makarating sa puno. Si Dylan ay abala sa paglaban sa manananggal na tapyas na rin ang isang pakpak. Hindi siya nito pansin.

“Kaunti pa Xeen... kaunti pa,” sabi niya sa sarili at pinilit ikampay ang nag-iisa nang pakpak.

Eksaktong paglabas ni Ezio sa Puno Ng Mga Konseho ay ang pagkabali rin ng isa pa niyang pakpak. Malakas na napatili siya kasabay ng pagsigaw ni Ezio sa pangalan niya. Nakita niyang tinakbo siya ni Ezio pero huli na ito. Bago pa nito nagawang makalapit ay tumama na ang likod at ulo niya sa matigas na bagay.

Sa nanlalabong mga mata ni Xeen ay nakikita niyang tumatakbo si Ezio palapit sa kanya, pero may biglang sumabog na liwanag sa paligid. Hindi niya alam ang nangyayari. Kung saan man nanggagaling ang liwanag. At nang matamaan siya niyon ay parang gumagaan ang kanyang pakiramdam. Nawawala ang kirot sa kanyang likod at ulo. Parang nabubuo ang bahagi niya na napinsala.

Hindi nakarating si Ezio sa kanya dahil bigla na lang itong lumutang habang binabalot ng berdeng liwanag. Para iyong makinang na abo o fairy dust.

Si Erastus!

Hindi kaya si Erastus ang makinang na berdeng abo? Nilulusaw ng berdeng liwanag ang lahat ng masasamang elemento at inaayos ang mga nasirang bahagi ng Engkantasya.

Sa kalangitan ay parang nagbukas ang portal at hinihigop ang mga mortal na nasa loob ng Puno Ng Mga Konseho.

“Xeen!”

Naririnig niya ang pagsigaw ni Ezio sa pangalan niya pero hindi niya magawang kumilos. Nararamdaman niya ang self-healing sa kanyang katawan at kung kikilos siya ay baka maputol iyon.

“Come with me, Xeen! Ayokong umalis na hindi ka kasama!”

Naka-extend ang kamay nito sa paraang inaabot siya, pero masyado na itong mataas para magawa pa siyang abutin. Alam niya, hinihigop na ito ng lagusan. Inaayos ng abo ni Erastus ang buong Engkantasya. Ibinabalik sa tamang lugar ang lahat. At si Ezio ay hindi kasama sa mundo niya--nilang mga lambana.

Kailangan nitong bumalik na sa mundo nito. At siya ay maiwan dito.

Mapait na napangiti si Xeen sa sarili. Ipinaparamdam ng eksenang ito na hindi sila puwede ni Ezio na magkasama. Kahit pa maging maayos at bumalik sa balanse ang mundo niya, hindi sila puwedeng magkasama.

Kahit pa mahalin siya ni Ezio.

Come to think of it. Lagpas-lagpas na sa limang oras ang palugit niya, pero hindi niya nararamdaman ang pagkawala ng lakas niya maski sa gitna ng labanan. Ibig sabihin ba niyon, mahal na rin siya ni Ezio?

Pero ano pa bang silbi na analisahin niya iyon? Maghihiwalay rin sila. Makakalimutan din nito na mahal siya nito.

“Xeeennn!”

Tuluyang nilamon ng liwanag si Ezio at napahagulhol ng iyak si Xeen. Wala na ito. Umalis na ang lalaking mahal niya.

At hindi na sila puwedeng magkita. Hindi na sila magkikita kahit na kailan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.