“NAUULIT na kasaysayan?”
“Hindi ko na alam. Pero hindi ko na gustong maulit ang bangungot sa ating lahi. Dapat lang na bago pa magsimula ay pigilan na.”
“Pero paano? Wala tayo sa posisyon para bumawi ng buhay na hindi tayo ang nagbigay.”
“Kung bakit kasi kailangan pang magdalang-buhay ang lambana. Mas lalong hindi maaari na maulit ang kasaysayan ng mag-inang Ruthshela at Kroen.”
“Kung ganoon ay dapat na maisarado nang tuluyan ang espesyal na lagusan.”
Hindi makapagsalita si Xeen habang nasa gitna ng mga miyembro ng konseho. Pinagtatalunan kasi ng mga ito kung ano ang gagawin sa kanya. Natapos ang napakalaking bangungot ng kanilang lahi sa napakadaling paraan.
Muling bumalik ang kaayusan sa buong Engkantasya. Naging balanse uli ang dalawang nagulong mundo. Bumalik sila sa tradisyonal na pamumuhay habang ang mga masasamang elemento ay naikulong sa balon ng walang hanggan. Lahat ng iyon ay dahil kay Erastus at sa kapangyarihan nitong isinaboy sa buong Engkantasya. Hanggang ngayon, nararamdaman pa rin nila ang proteksyon na biyaya ni Erastus sa kanilang lahi. Masaya na sana ang lahat, pero hindi na nila magawang makabalik sa dati nilang buhay.
Lalo na si Rosette na sobra-sobrang naapektuhan ng pagkawala ng engkantadong minamahal nito. Para bang ngumingiti lang ang kaibigan nila dahil kailangan at dapat. Para bang nabubuhay lang ito dahil wala na itong choice kundi ang mabuhay. At naaawa siya sa kaibigan.
Pero may sarili din siyang problema. Dahil matapos maging maayos ng lahat, ipinatawag siya ng buong konseho. Para ipaalam sa kanya na may buhay sa loob ng sinapupunan niya. Hindi niya iyon alam noong una. Busy kasi siya sa pagiging malungkot at pananabik na makita at mayakap ulit si Ezio. Sandaling oras pa lang ang dumaan pero pakiramdam niya, isang buong buhay na siyang nasasabik sa tagalupa.
Matapos siyang i-inform ng mga miyembro ng konseho tungkol sa kondisyon niya, pinakiramdaman ni Xeen ang sarili. At tama ang mga ito. Naramdaman niya ang malakas na pintig ng buhay sa loob ng kanyang sinapupunan.
Ang mga tulad nilang lambana ay hindi ipinapanganak. Sumisibol lang sila sa ibabaw ng bubot na bulaklak sa sandaling tumawa ang bagong panganak na sanggol sa mundo ng mga mortal. At kasabay ng paglaki nila ang paglaki din ng bulaklak na nagsisilbi nilang tahanan. Pero nagiging madali ang buhay nila kapag lumalabag sa batas ng mga lambana. Dederetso sila sa Gitbutay at maghihintay na iluwal ulit ng mundo sa ibabaw ng bulaklak.
Pero iba ang kondisyon niya ngayon. Nataniman siya ng binhi ng isang mortal... ng mortal na mahal niya. Ang kaisa-isang nilalang na ginusto niyang makasama kahit gaano pa kaikli ang magiging buhay niya sa tabi nito.
Ngayon niya naintindihan si Kroen na noon ay buong-pusong isinuko ang pagiging imortal makasama lang si Quinn.
Dahil ano pa ba ang punto ng buhay at existence niya kung wala na namang dahilan kung bakit siya nananatiling buhay? Hindi na niya mahanap ang kaligayahan. Kasama na iyon ni Ezio na umalis nang bumalik ito sa sariling mundo.
“Kahit maisarado ang lagusan, gagawa at gagawa ng paraan ang mortal na mahanap ang kanyang pinagmulan. Katulad ni Kroen.” Ang sinabing iyon ni Axyl ang pumutol sa malalim na pag-iisip ni Xeen.
“Hindi nauubos ang kuryosidad ng isang mortal. Likas iyon sa mga tulad nila. Nasa dugo nila iyon. At kung sakali, malamang na tulad ni Kroen ay hindi sasapat sa kalahating lambana na nandito lang siya sa Engkantasya. Hahanapin at hahanapin niya ang kanyang ama. Hindi rin naman natin maitatago sa kalahating mortal ang totoo niyang katauhan. Iba ang batas na ibibigay sa kanya ng Aklat Na Tagapagpasunod,” dagdag pa ni Axyl.
“Kung ganoon ay ano ang naiisip mong paraan para maunahan natin ang nagbabantang pag-ulit ng kasaysayan?” tanong naman dito ni Xyro.
Binalingan siya ni Axyl. At hindi niya alam kung bakit natatakot siya sa paraan nito ng pagtitig sa kanya at sa impis na tiyan niyang parang may bola ng liwanag na kumikislap sa loob. Iyon na malamang ang binhi ni Ezio na unti-unting nade-develop sa loob niya.
Bigla siyang napahawak sa kanyang tiyan. Na para bang sa ganoong paraan ay mapoprotektahan niya ang maliit na buhay.
Hindi!
Huwag naman ang magiging anak niya. Iyon lang ang tanging alaala na maiiwan sa kanya ni Ezio kung sakali. Baka ikabaliw na niya kung pati ang magiging anak niya ay aalisin din ng mga ito sa kanya.
“Huwag kang mag-alala, Xeen. Hindi mawawala sa `yo ang anak ninyo ni Ezio.”
Pabiglang napabaling si Xeen sa nagsalita sa kanyang likuran. Ganoon na lang ang panggigilalas niya pagkakita sa nakatayo sa kanyang likuran. Sa tabi nito ay ang makinang na lambana na si Rosette.
“Erastus!”
“Nagbalik ka na!”
“Paano nangyari? Bakit hindi man lang namin naramdaman ang pagbabalik mo?”
Sunod-sunod na lumapit dito ang kapwa engkantado at halos hindi matapos sa tanungan at kumustahan.
“May mas maganda akong ideya para sa sitwasyon ni Xeen. Sitwasyon na magiging masaya ang lahat.” Malapad ang ngiti ni Erastus sa kanya.
Parang noon lang muling nakasagap ng hangin si Xeen. Noon lang bumalik sa tamang paraan ang kanyang paghinga. Sabik na sabik siyang marinig ang sasabihin ni Erastus.
IT HAD BEEN three months. At halos araw-araw ay gustong masiraan ng loob ni Ezio.
Pero sa tuwing maaalala niya ang matamis at magandang ngiti ni Xeen, nagkakaroon ulit siya ng pag-asa na babalikan siya ng dalaga. Dalawang dekada ngang nakapaghintay ang kanyang ama, siya ay tatlong buwan pa lang na naghihintay. Ni wala pa iyon sa kalingkingan ng katatagan ni Matthew. At ano ba'ng malay niya, baka mas paikliin ni Xeen ang paghihintay niya? Baka gawin nitong kalahating dekada na lang.
Hindi siya dapat na mawalan ng loob. Hihintayin niya si Xeen. Ano ba ang malay niya kung isa sa mga araw na dumadalaw siya sa dalampasigan ng San Juan ay biglang lumitaw si Xeen? O baka habang naglalayag siya ngayon sakay ng Cromwell ay bigla na lang sumampa sa lower deck ang sirena.
Hindi niya alam.
Wala siyang alam kung ano ang magiging bukas.
Ang tanging alam lang niya, there was nothing significant in his life if Xeen wasn't here with him. Dahil magmula ng araw na magising siya na wala sa tabi niya si Xeen pagkatapos ng pinakamasayang gabi sa kanyang buhay, para bang hindi na siya sinikatan ng araw.
Kandakumahog siya noon sa paghahanap kay Xeen dahil gusto niyang sa pagsalubong sa pagbabalik ng kanyang mama ay kasama niya ang babaeng pangangakuan niya ng habang-buhay.
Pero natapos ang araw at mga araw na hindi niya nakita si Xeen. Nahalughog na niya ang mga karatig na lugar pero wala maski bakas ni Xeen. Paraitong bula na bigla na lang naglaho.
At hindi niya iyon matanggap magpahanggang ngayon.
“Bakit hindi ka man lang namaalam, Xeen?” parang wala sa sariling bulong niya sa hangin.
Nasa upper deck si Ezio at pinapanood ang tahimik na dagat. Gusto niya iyong murahin at utusang iluwa nito ang babaeng mahal niya. Kung ganoon lang sana kadali ang lahat, uubusin niya ang boses at lahat ng uri ng salita sa mundo, mapalutang lang muli si Xeen.
He could give up everything he had, he could do everything he could, just to have Xeen back in his arms again.
Pero ang masakit na katotohanan ay malaking iba ang sitwasyon niya sa iba pang tao na nawawalan ng mahal sa buhay. Hindi niya alam kung saan magsisimula. Dahil kahit yata suyurin niya ang buong karagatan, hindi magpapakita si Xeen kung hindi nito gusto.
“Ang daya mo naman. Natunugan mo ba na hindi kita papayagang iwan ako kung nagpaalam ka?” muling pagkausap niya sa dagat.
Ganito pala kahirap at kasakit mangulila sa babaeng minamahal. Paano kaya nagawang magtiis ni Matthew nang mahigit dalawampong taon na nangungulila sa kanyang mama? Kung ganitong parang araw-araw, inaalisan siya ng buhay. Sa tuwing darating ang gabi na maliwanag sa kanyang natapos ang araw na hindi niya kasama si Xeen, gusto niyang panghinaan ng loob.
Idinadaan na lang niya ang lahat sa pagpo-focus sa kanyang residency. Sa wakas ay nakapili na siya ng specialization. Gusto niya ang hematology. At doon siya nakatutok ngayon.
Ang dahilan pa rin ng pagpili niya sa specialization na iyon ay si Xeen. Gusto niyang hanapan ng paraan kung paano magiging normal ang dugong dumadaloy rito. Baka may lunas ang kondisyon ng dalaga. At habang hindi pa ito bumabalik, magpapakadalubhasa siya.
Tama naman kasi sina Matthew at Rysia. Hindi dapat na huminto ang buhay niya sa pag-alis ni Xeen. Malamang na hindi rin naman ikatuwa ng dalaga kung maging stagnant siya habang wala ito.
“I've missed you, Xeen. I've really missed you.”
Pakiramdam niya, para siyang tanga na kinakausap si Xeen sa hangin. Samantalang alam naman niyang hindi nito maririnig at hindi rin ito sasagot.
Lumandas ang mga luha niyang wala yatang oras kung kailan ipo-produce ng masisipag niyang tear glands. Sa pagka-miss niya kay Xeen, wala na siyang ginawa kundi iluha ang pangungulila rito.
“Nami-miss mo lang yatang awayin ako, eh...”
Nahinto sa pagdadrama so Ezio. Parang narinig niya si Xeen. Biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya. Para siyang pinaliguan ng sangkaterbang pag-asa.
“Xeen?”
Nagpalinga-linga si Ezio sa buong paligid doon sa upper deck. Maski sa dagat ay sinuyod niya ng tingin.
“Xeen? Nasaan ka, Xeen?” sigaw niya habang lumilinga sa paligid.
“Ezio...”
Nababaliw na ba siya? O talagang naririnig niya ang boses nito?
Pero hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya ang malambing na boses na iyon. At ang paraan ng pagtawag sa pangalan niya. Alam niyang si Xeen iyon!
May kulisap na dumapo sa balikat ni Ezio. Lumipat sa ilong niya at kapagkuwan ay lumapat sa kanyang mga labi.
Ang amoy na iyon. Kilala niya ang matamis at mabangong amoy na iyon. At hindi maaaring ipagkamali sa iba. Ganoon ang natural na bango ni Xeen.
“Xeen...”
Lumipad ang kulisap palayo sa mukha niya at pumuwesto sa kanyang harapan. Sa panggigilalas ni Ezio ay sumabog ang kulisap sa libong piraso at naging makinang na pulang abo. Sumama sa hangin ang mapulang abo at nagkorteng bulto ng isang tao.
At halos hindi humihinga si. Ezio nang unti-unti ay magkaroon iyon ng sariling anyo. Mula sa paa, paakyat sa binti, sa mapilantik na balakang, maliit na baywang, magagandang dibdib... At ang pinakahihintay niya... ang maladiyosang mukha, na kahit ilang beses siyang ipanganak muli, alam niyang hindi niya makakalimutan kung paano pumitik ang puso niya sa tuwing makakaharap ang nilalang na ito.
“Xeen...” Halos mapugto ang hininga ni Ezio habang nakatitig sa hiwaga sa kanyang harapan.
Hindi siya makakilos. Maski ang kumurap ay ayaw niyang gawin sa takot na baka bigla itong mawala kung gagawin niya iyon. No! Ayaw na niya itong mawala ulit.
“I'm back, Ezio. Welcome pa ba ako sa buhay mo?”
Wala nang sali-salita pang kinabig niya ito at dinala sa dibdib. Ikinulong niya ito sa kanyang mga braso at niyakap nang sobrang higpit. Nawalan na siya ng pakialam kung malasog man si Xeen sa higpit ng yakap niya.
Nandoon na naman kasi ang takot niya na baka bigla na namang mawala si Xeen sa kanya. Baka hindi na lang tatlong buwan ang itagal ng paghihintay niya. Bisyo pa naman nito ang parati na lang mawala.
Ah! Itatali na niya ito sa kanyang baywang. Para siguradong hindi na siya nito maiiwan.
“Bakit ba ang tagal mo? Akala ko, paabutin mo din ng dalawang dekada bago ako balikan, eh.” May himig ng pagtatampo sa kanyang boses at hindi na niya iyon itinago. Wala na siyang pakialam kung hindi cool pakinggan. Ang gusto niya lang ay ibukas kay Xeen ang totoong nararamdaman niya sa tuwing iiwan siya nito.
“Dalawang dekada nga rin palang nakulong si Rysia sa kabilang mundo.”
Nalukot ang mukha ni Ezio sa narinig. “What do you mean?”
Nang makabalik ang kanyang mama, wala raw itong ibang maalala sa nangyari rito kundi ang araw na pagala-gala ito sa garden ni Lolo Timothy. At doon din ito nakita ng maid sa garden nang umagang itawag sa kanyang ama ang pagbabalik ni Rysia.
Parang halos hindi tumanda si Rysia. Kung ano ang bihis nito nang araw na mawala at kung ano ang hitsura ay ganoon na ganoon pa rin. Kasingganda pa rin ng dati. Katulad pa rin ng dati ang masayahing karakter. Nasa alaala na rin nito si Lukan at tanggap nang wala na ang kapatid niya. Parang naging mas malinaw at balanse ang utak nito, maliban lang sa ang nawala namang alaala ay ang nangyari sa nakalipas na dalawampung taon. Hindi nga siya nito nakilala bilang bunsong anak. At kung ano man ang nangyari kay Rysia, hindi na iyon mahalaga sa kanilang mag-ama. Walang pinakamahalaga kundi ang katotohanan na nakabalik na ito sa kanila na ligtas at maayos ang kondisyon.
“What happens in Engkantasya, stays in Engkantasya.”
“Ha?” Pinakawalan niya si Xeen at nagtatanong ang mga mata na pinakatitigan ito.
“`Yaan mo na. `Wag mo na lang intindihin,” pagkikibit-balikat nito.
“Gusto kong maintindihan,” pagpipilit niya.
“Sigurado ka ba?”
Tumango si Ezio. Gusto niyang maging malinaw ang mga bagay-bagay sa kanyang isip. Pakiramdam niya kasi ay para siyang itinulak sa walang-hanggang bangin. At gusto na niyang matapos iyon.
“Ang kapalit n'on, babalik ako sa mundong pinanggalingan ko.”
Bigla siyang naalarma. “Ah! `Wag mo na palang sabihin. Hindi naman iyon mahalaga. Ang mahalaga ay nandito ka na. Itatali na rin kita sa tabi ko para makasigurado akong kasama kita sa kahit nasaan ako. Ayoko nang iwan mo na naman ako. Bisyo mo pa naman ang mang-iwan na hindi nagpapaalam.”
Natawa si Xeen. Ang tawang nagpapabuhay ng dugo sa kanyang mga himaymay. Ang tawa na nagpapabangon ng natutulog na araw sa bagong umaga.
Muli niyang kinabig si Xeen sa baywang at inilapat sa kanyang katawan. Ah! Having her wrapped in his arms, against his chest, was like giving him another life. A new life. A new tomorrow. And a new future.
Nagkakaroon siya ng solidong dahilan kung bakit siya umuusad sa bawat araw. At ayaw na niya itong mawala ulit. Ayaw na niyang mawalan ng dahilan kung bakit nabubuhay sa mukha ng mundo.
“Hindi na ako aalis, kahit kailan. Hindi na kami aalis,” bulong nito sa kanyang tainga.
Natigilan si Ezio at muling hinarap si Xeen. “Kayo nino?”
Nakangiting inabot ni Xeen ang isang kamay ni Ezio at dinala sa tiyan nito. Nanlaki ang mga mata niya sa implication ng aksyon ni Xeen.
“Three months,” anito.
And he just heard the news of his life. Hindi lang isa ang bumalik sa kanya kundi dalawa na. At hindi niya mapangalanan ang napakaramimg damdamin na biglang dumaloy sa kanyang dibdib. Masayang-masaya siya na excited na nasorpresa at gusto niyang magpa-party sa buong mundo.
“Dahil sa anak natin kaya hinayaan nila akong maging normal na tao. Inunahan na nila bago pa muling maulit ang bangungot sa aming lahi.”
“THEN let's get married! If possible, let's do it next week. Gusto kong ipagsigawan sa buong mundo na magiging tatay na ako.”
Parang hindi naman naiintindihan ni Ezio ang mga sinabi ni Xeen. Masyado itong consumed ng happiness at excitement nito nang malamang magkakaanak na sila.
At ano pa ba ang mas mahalaga kundi ang katotohanang iyon. Walang pagsisi na pinili ni Xeen ang sandaling buhay ng mga tao. No matter how short her life would be, the important thing was, she would spend the rest of it with the man she loved.
With Ezio.
They would live and build their family together. And they would be happy all the time. Because eternal life was nothing if spent without love and happiness.
***Wakas***
EPILOGUE
“MAAYOS na ang lahat...”
Mariing itinakip ni Zayleigh sa tainga ang kamay. Napakalayo na niya pero naririnig pa rin niya ang iniisip ng kanyang mga kaibigan. Hindi niya masabi sa mga kasamahang lambana na hindi nawala ang kakayahan niyang marinig ang iniisip ng mga nasa paligid niya.
Una, dahil malaki rin namang advantage iyon para sa kanya. Masaya kayang mabasa ang iniisip at susunod na magiging hakbang ng kahit na sinong makaharap niya.
Pangalawa, ayaw niyang maghatid ng takot sa mga kasamahan. Lahat sila ay inaasahang tapos na ang gulo. Bumalik na sila sa dati at maayos na ang balanse ng dalawang mundo. Kung malalaman ng mga ito na may naiwan pang bakas ang disequilibrium sa mundo nila, malamang na magdala iyon ng takot sa lahat. Wala naman siyang nakikitang mali sa paligid at sa buong Engkantasya.
Sa kanya lang may mali.
Gusto niyang ipagsawalang-bahala iyon, pero talagang disturbing ang bago niyang kakayahan.
Lumipad ulit si Zayleigh palayo para masubukan kung hanggang saan ba ang naabot at nadidinig ng kanyang isip. Hanggang sa narating niya ang puno ng espesyal na lagusan. Natigilan si Zayleigh nang biglang magliwanag ang gitna ng katawan ng puno. Parang magbubukas ang lagusan. Mula sa katawan ay nagkaroon iyon ng pabilog na bahagi na nagpapakita ng isang eksena mula sa mundo ng mga tao.
Pinupulot ng isang lalaki ang kung ano sa buhanginan. At nang tumayo na iyon ay nanggilalas si Zayleigh pagkakita sa mukha ng lalaki.
“Ano'ng ginagawa mo rito, Zay?”
Pabiglang napabaling si Zayleigh sa nagmamay-ari ng masungit na panlalaking boses. Wala namang may masungit na tinig mula sa mga miyembro ng konseho kundi si Dylan.
At isa pang ikinababahala niya ngayon ay ito. Sa lahat ng mga nilalang sa Engkantasya, tanging ang iniisip lang ni Dylan ang hindi niya marinig. Kahit gaano pa ito kalapit. Heto nga at nakalapit na ito sa kanya, pero ni hindi niya naramdaman o narinig man lang.
“D-Dylan...” kandamulagat na sambit niya sa pangalan ng engkantado.
“Bumalik ka na at kanina ka pa hinahanap ng mga kaibigan mo. Isa pa, hindi ba't ipinagbabawal na nga ang paglapit sa espesyal na lagusan? Bakit ba ang tigas ng ulo mo?” Masalimuot na naman ang guwapong mukha nito pero wala na siyang pakialam.
Ang mas mahalaga ay ang nakita niya sa loob ng lagusan.
“Bakit kamukha mo siya?” naguguluhan pa ring tanong niya habang itinuturo ang eksenang ipinapakita ng lagusan.
Walang katulad ang kakisigan at kaguwapuhan ng mga engkantado kaya nakapagtataka na kopyang-kopya ng mortal ang mukha ni Dylan. Maliban lang sa matulis na tainga nito.
“Ha?” Salubong ang mga kilay na bumaling din si Dylan sa lagusan.
At bago pa siya makakuha ng reaksyon mula rito ay nilamon na siya ng nakasisilaw na liwanag.
Napatili si Zayleigh sa magkahalong pagtataka at pagkagulat.