CHAPTER 19

BUMALIKWAS ng bangon si Ezio. Hinihingal siya sa paggising. Alam niyang nanaginip siya ng napakasama. Pero hindi niya maalala kung ano o tungkol saan ang panaginip.

Ramdam niya kung gaano kalungkot, kasakit at nakakatakot, pero hindi niya maalala kung para saan ang mga damdamin na iyon. Napalingon siya sa kanyang tabi, sa kanyang paligid. Bahagya nang sumisilip ang araw sa kalapit na bundok at pumapasok ang malamlam na liwanag sa silid. Iyon ang silid na ipinapagamit niya kay Xeen. At sa pagkaalala niya, buong magdamag nilang pinag-apoy ang kama.

Just the memory of their lovemaking and he felt burning again. Hindi yata mauubos ang pangangailangan niya kay Xeen.

But, where was his muse, anyway?

Bumaba siya ng kama para hanapin si Xeen. Baka kinailangan nitong lumubog sa dagat dahil inubos niya ang lakas nito sa buong magdamag. Dahan-dahan siyang lumabas at ingat na ingat makagawa ng ingay. Ayaw naman niyang magising ang mag-asawang katiwala.

Papunta na siya sa dalampasigan nang mapansing nakagarahe ang midnight blue range rover ni Matthew. Ibig sabihin na nandoon ang sasakyan ay nandoon din ang ama niya? Kailan ito dumating? Anong oras? Ni hindi niya namalayan.

Baka dahil masyado siyang lasing sa kamunduhan kaya nawalan siya ng pakialam.

But he wanted to settle things with his father. Tama naman si Xeen, may pagkukulang din siya sa ama. Masyado lang siyang makasarili na sa damdamin niya lang siya naka-focus. Mamaya siguro kapag gising na ito ay kakausapin niya.

Hahakbang na lang ulit si Ezio nang may marinig na kumalampag sa back storage room. Nang lapitan niya ay bukas ang ilaw doon.

Nagtaka na si Ezio. Sino ang nasa loob ng storage room sa ganitong oras? Hindi pa niya narinig na gising na ang mag-asawang caretaker. Alas-kuwatro y medya pa lang ng madaling-araw.

Naghagilap ng tubo si Ezio bago lumapit sa bukas na storage room. Baka may magnanakaw, maigi nang may armas siya.

Pero ikinagulat niyang makita ang pamilyar na bulto sa harap ng 50 gallon aquarium tank. At walang ibang laman ang aquarium kundi... jellyfish?

Kahit madalas dumalaw si Ezio sa rest house nila, hindi niya naisipang silipin man lang ang storage room. Dahil para saan? Alam naman niyang mga gamit lang na hindi na kailangan ang nakalagay doon. Ni hindi niya naisip na may aquarium na itinatago roon ang ama.

At bakit sa dinami-rami ng puwede nitong alagaan, jellyfish pa?

Lumapit si Ezio sa nakaupong ama sa harapan ng aquarium tank. Sa kandungan nito ay isang kulay itim na maliit na earthen jar.

Parang may pumitik sa utak ni Ezio pagkakita roon. Hindi kaya...?

Lukan...

Hindi kaya si Lukan ang laman ng maliit na banga? Doon inilagay ni Matthew ang abo ng kapatid niya?

Nagpalinga-linga si Ezio sa paligid. May mga photo albums na nakapatong lang basta sa lumang console table. Sa isang bahagi ang mga plastic storage boxes na nababalutan na ng alikabok. Mayroon ding maliit na bisikleta at kung ano-ano pang laruang panlalaki.

“Those were your older brother's things,” narinig niya sa wakas na sabi ni Matthew. Nakatingin na pala ito sa kanya. Yakap pa rin nito ang maliit na banga. “And this is your mother's favourite pet,” dagdag nito na sinulyapan ang jellyfish sa aquarium.

“Ang totoo, napakaraming beses ko nang napalitan ang original pet niya. Namamatay kasi lagi ang jellyfish kahit ano pang pag-aalaga ko. Maybe because they're not meant to live in an aquarium.” Bumuntong-hininga si Matthew.

At gustong masaktan ni Ezio sa matinding lungkot na dala ng buntong-hininga nito.

“Madalas kaming magpunta sa Borawan,” sabi nitong parang nagbabalik-tanaw. “That place was so dear to us. Do'n kasi nabuo ang samahan namin ng mama mo. We had so much happy memories from there. Take note, paborito niya ang jellyfish mula roon. Kaya one time, iniuwi namin ang isa. Naging pet niya. Sa tuwing mamamatay, pinapalitan namin.” Nakangiting umiling-iling ito.

“Ang weird talaga ng mama mo. Puwede naman kaming bumili ng magagandang isda pero mas gusto niya ang jellyfish. But I loved her that way. At alam kong malulungkot `yon kapag nalaman na wala na ang alaga niya. Kaya kahit noong umalis na siya, pinapalitan ko pa rin ng jellyfish from Borawan. Silly.” Natawa ito sa sarili pero walang buhay ang tawa. “I know, dinadaya ko siya sa ginagawa ko. Katulad ng pandaraya ko sa kanya nang mamatay ang kapatid mo.”

Nabasag ang boses ni Matthew at parang piniga ang puso ni Ezio. Kitang-kita niya at ramdam na ramdam ang pangungulila at sakit na iniinda ng ama.

At gusto niyang sapakin ang sarili. Hindi niya napansin noon ang pinagdadaanang sakit ng damdamin ni Matthew. Wala kasing mahalaga sa kanya noon kundi ang isisi rito ang pagkawala ng kanyang ina. Ni hindi niya napansin na nakikipagpambuno rin ito sa sariling pangungulila. Mag-isa lang nitong hinaharap ang problema. Walang karamay.

At dumagdag pa siya nang iwan din ito. Bumalik nga siya pero puro sakit ng ulo at pagpapasaway naman ang ibinibigay niya.

“Pero kinailangan kong magsinungaling para sa ikabubuti ng mama mo. I knew I was being unfair to you and your brother. Hindi kita naipakilala sa kanya at hinayaan kong makalimutan siya ng mama mo. But that was the only way para hindi kayo masaktan pareho. I could deal with the pain, alone. `Wag lang kayo ang masaktan. Pero hindi yata sapat ang lahat ng ginawa ko, umalis pa din ang mama mo.”

Hindi siya umalis... Iyon ang ibinubulong ng kanyang isip. Pero hindi alam ni Ezio kung dapat ba niyang i-consider iyon. Bakit malakas ang hatak ng kanyang sistema sa ideyang iyon? Pero hindi naman siya makahanap ng dahilan para patunayan ang ideya.

Bata pa lang siya nang mawala ang ina. Dumalaw sila noon sa kanyang Lolo Timothy dahil birthday ng matanda. At sa gitna ng celebration ng mga relatives nila, nawala ang kanyang mama. Ni walang nakapansin kung saan ito posibleng nagpunta.

“I'm so sorry, son. Hindi ko intensyon na isekreto din sa `yo. I planned to tell you the things about your brother when you were old enough. But things happened. Nagpalunod ako sa sakit ng pag-iwan ni Rysia sa atin. Naghanap ako ng escape. Hanggang sa hindi ko namalayan na napabayaan na pala kita. Na malayo na ang loob mo sa akin--”

“Escape?” Parang biglang bumalik sa utak ni Ezio ang hinanakit niya sa ama. “`Yong escape ba na sinasabi mo...”

Pinigilan ni Ezio ang sarili na isumbat dito ang lahat ng hinanakit niya. He could see his father was really in pain. After more than two decades at patuloy nitong ginagawa ang nakagawiang gawin ng mga magulang. Ultimo pet ng kanyang mama ay pinapalitan nito.

Maybe because he never got tired of hoping his mother would come back again. Dapat pa ba niyang i-condemn ang ama kung nakikita niya na hindi naman pala kumupas ang pagmamahal nito sa asawa?

“Dahly was not my mistress, son. Kung iyon ang iniisip mo,” salo ni Matthew sa mga sinasabi niya. “Kung pinatapos mo ako noon sa sinasabi ko, sana'y nalaman mo that Dahly was just staying with us... with you, rather. For a couple of weeks dahil kailangan kong lumabas ng bansa. Kailangan ko ng titingin sa `yo habang wala ako. And because Dahly was one of our trusted friends, sa kanya ko gustong ihabilin ka. Ayokong umalis na walang tumitingin sa `yo kahit pa nga sabihing teenager ka na noon.

“Nang bigla kang umalis at malaman ko na kay Conrad ka nagpunta, hindi na muna kita ginulo. I knew you needed some time away from me. Baka nga kasi naging pabaya na rin akong ama. But God knows how I looked for you. Hindi lumipas ang araw na hindi kita kinumusta kay Conrad. Sinadya ko lang na hindi ka na sunduin dahil alam kong wala rin naman akong magandang maipapakita sa `yo. It's no good for a child to spend his life with his broken father.”

Ezio was shocked upon hearing his father's revelation. Masyado ba siyang naging padalos-dalos at mapanghusga? Maraming taon niyang tinikis ang ama dahil lang sa maling bintang niya. Hinayaan niya itong i-deal ang sakit at pangungulila na mag-isa.

Napaka-selfish niya! Kung pinakinggan man lang sana niya ito noon...

“No one could ever replace your mother's place inside my heart. No one. I may be a player before pero nang mahalin ko ang mama mo, wala na akong ibang minahal kundi siya. At kayo ni Lukan ang bunga n'on. I could live my whole damn life celibate kung hindi rin lang si Rysia ang kapareha ko. And I know your mother knew that. Kaya hindi ko alam kung bakit siya umalis.”

Sa tama ng liwanag ng fluorescent lamp, nakikita ni Ezio ang pagkinang ng mga mata nitong namamasa na sa luha.

“Ilang beses kong tinanong ang sarili ko kung bakit. Masaya naman na siya sa buhay natin. Kahit masakit na nakalimutan niya ang kapatid mo, pinili ko na rin na kunsintihin iyon. Iyon kasi ang makakabuti sa kanya. Minsan, sumasagi sa isip ko na baka bumalik na sa alaala niya si Lukan. Na baka nasaktan na naman siya sa mga maling desisyon ko. Na baka nagalit na siya nang tuluyan sa akin at idinamay ka niya nang iwan niya tayo. Pero alam ko rin na hindi ganoon si Rysia. Mapagmahal siyang ina. At nahihirapan na talaga akong intindihin ang dahilan ng pag-alis niya.” Tuluyang tumulo ang luha ni Matthew sa pisngi nito.

Ezio stayed still. Ang totoo ay hindi niya alam ang gagawin. Gusto niyang damayan ang ama. Pero gusto niya ring ilabas nito ang lahat ng nagpapahirap ng damdamin na parang buong buhay na lang nitong iniinda.

Pinahid ng isang hinlalaki nito ang luha at ibinalik ang atensyon sa aquarium. “Up until now, ipinapahanap ko pa rin siya. Kahit maubos pa ang lahat ng kayamanan ko, makita ko lang ulit ang mama mo. Hindi kasi ganoon kadaling i-let go at tanggapin na wala na siya. I know she had reasons. Kung anuman iyon, tatanggapin ko, bumalik lang siya sa atin. And I will accept her with arms open wide.”

Tuluyang nalusaw ang sama ng loob niya sa ama. Matapos ang lahat ng narinig, parang muling nabuo ang matayog na pagtingin niya rito.

He had finally accepted that he was the one who had wronged big-time. Masyado lang siyang naging mapanghusga dahil hindi niya nakikita ang totoong damdamin ng ama. Dahil sinosolo nito ang pagluluksa. He used to appear strong and without emotions. At hindi niya naisip na iyon ang paraan ng ama para hindi sumuko. Para manatiling buo at nakatayo.

But the truth was, he was destroyed inside. At ni hindi niya ito dinamayan. Sa halip, iniwan pa niya ito. Napakawala niyang kuwentang anak!

“I'm sorry, Pa.”

Hindi na niya ni-restrict ang sarili. Nilapitan niya ang ama at pinisil at tinapik sa balikat. Bahagyang ngumiti naman ito at ilang saglit lang...

“I'm sorry too, son.”

Agad siyang niyakap ng ama at tinapik-tapik sa likod. Nababaklaan siya sa sarili dahil bigla na lang tumulo ang luha niya sa drama nilang mag-ama. Kung tutuusin kasi, masyado nang long overdue ang reconciliation nila. Dapat ay noon pa nila pinag-usapan ang tungkol dito. Pero dahil pareho silang may 7-foot male ego, pareho nilang hindi ginusto na mag-usap. Hindi siguro sila magkakatikisan ng ganito kung ibinaba na niya ang pride noon pa lang.

Sandali pa at pinakawalan nila ang isa't isa. Nagsimulang magkuwento si Matthew ng magagandang alaala tungkol kay Lukan at sa kanyang mama, na sa batang edad niya ay hindi niya nabigyan ng pansin noon.

Nasa gitna sila ng masayang tawanan nang tumunog ang cell phone ni Matthew. Sinagot naman agad iyon ng kanyang ama. Bigla niya ring naalala si Xeen. Pupuntahan niya nga pala ito sa dagat. Ipapakilala niya rin sa ama.

“Are you serious, Melanie?” Parang gimbal na gimbal ang boses ni Matthew habang kausap ang kung sino.

Bahagyang nag-alala si Ezio sa tono ng ama. Pero mas lamang ang pagkainip na matapos na ito sa pakikipag-usap sa kung sino. Gusto na niyang magpaalam at puntahan si Xeen sa dagat. Maliwanag na ay hindi pa rin bumabalik si Xeen. Nagsisimula na din siyang gapangan ng pag-aalala.

Baka naligaw na naman ito sa dagat at...

Damn it!

“God! Rysia, is that really you?!”

Parang naging bato si Ezio sa pagkakatayo nang marinig ang sinabi ng ama. Sa itinayog-tayog ni Matthew at itinigas-tigas ng loob nito, ngayon niya lang nakita na humagulhol ng iyak ang ama.

“Come on, Ezio. Your mom is coming home. Nakita siya ng maid sa garden ng great-grandfather mo!” Puno ng pagmamadali at excitement ang boses ng ama.

Kahit siya ay binaha rin ng saya at pagkasabik. Pero kumakatok sa dibdib niya ang matinding kaba at pag-aalala kay Xeen. Bakit parang may hindi tamang nangyari? Bakit natatakot siya na hindi pa rin bumabalik si Xeen?

Now he was torned between going with his father to meet his long-lost mother and finding Xeen.

Ah! Kung puwede niya lang hatiin ang katawan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.