CHAPTER 19

NAG-ANGAT ng mukha si Lahynna nang mapansin ang pagbaba ng supot ng take out foods sa kanyang table. Ikinagulat pa niyang makita si Rubick sa kanyang tabi. Pokerfaced nitong ikiniling ang ulo na para bang itinuturo ang dala nitong pagkain.

“It’s almost one in the afternoon at palagay ko, hindi ka pa kumakain.”

Parang may humaplos na mainit na kamay sa kanyang puso nang maramdaman ang concern sa tono ng asawa. Nakakita siya ng pag-asa. Gustong mangilid ng mga luha niya dahil para bang nabuhayan ang puso niya sa ginawang iyon ni Rubick. Gusto na niyang lunukin ang pride at ipakipag-usap rito ang patungkol sa annulment nila. Pero natigilan siya sa tangkang pagsasalita nang muling maglapat ng mariin ang mga labi nito. At matalim na tumitig sa kanya.

“Hindi ko kailangan ng empleyadong nagpapakamatay sa gutom para sa trabaho. There’s a lot of time for works. Ang oras ng pagkain ay para sa pagkain.”

There.

He sliced her heart with his cold words.

Mapait na napangiti si Lahynna sa sarili. Empleyado na nga lang pala siya ni Rubick. Bakit ba nakakalimutan niya iyon? Kapag ganitong nasa trabaho sila, nilalagpas-lagpasan lang siya nito at para bang hindi nakikita. Kaya ipinagtataka niyang naroroon ito ngayon sa harapan niya at dinalhan pa siya ng take out lunch.

“How sweet, dear husband.” Walang ganang sabi niya at muling ibinalik ang atensyon sa test results ng bagong formulation ng gamot na mina-manufacture ng kompanya. “Thank you but I’m still full.”

Narinig niyang naiiritang umungol si Rubick. At kahit hindi niya ito tingalain, alam niyang nagdidilim ang gwapong mukha nito. “Hindi ka bumaba kaninang merienda at hindi ka din magla-lunch? Anong gusto mong gawin sa sarili mo?”

Asar na hinarap din niya si Rubick. “Do you still care? Oh, please don’t. Baka hindi na talaga maaprobahan ang annulment papers natin kung ganyan ka sa akin.”

Nakagat ni Lahynna ang pang-ibabang labi nang makitang tumigas ang mukha ng asawa. Bakit niya sinabi iyon? Hindi niya dapat sinabi iyon kung gusto niyang may maayos pa sa pagitan nila ng asawa.

But her pride was driving her mad.

“Walang kinalaman sa pagkain ang personal issue natin, Mrs. De Juego. I’m doing this because you are my employee. And as your employer, it’s my obligation to secure your health.” Kita niya ang galit sa mukha nito pero nakakapagtakang kalmado ang boses ni Rubick.

Parang dumiin pa lalo ang kutsilyong isinaksak nito sa puso niya, ayaw nalang niyang huminga. Kahit gustong-gusto niya itong abutin at yakapin at sabihin rito kung gaanong namimiss na niya ito ay pinigilan niya ang sarili. Sa tingin niya kay Rubick ngayon, para bang gusto siya nitong lunukin ng buo.

“Oh, how honorable!” Patuyang aniya at direktang sinalubong ang matatalim nitong mga mata. “Ganyan ka ba sa lahat? Hindi na ako magtataka kung bakit ganoon nalang kiligin ang mga babaeng empleyado mo. So, very sweet.” Walang siglang muling ibinalik ni Lahynna ang atensyon sa ginagawa.

Isang malalim at nagtitimping buntong-hininga ang pinakawalan ni Rubick. “Eat that or I’ll file an insubordination complaint against you.” Matigas at may babala sa tono ni Rubick. “I’m warning you!” Dagdag pa nito bago siya tuluyang tinalikuran.

Naiwan siyang nakatulalang mag-isa sa harap ng kanyang mesa. Ang mga kasama sa trabaho ay nasa labas at nagla-lunch pero siya ay mag-isa roong ibinubuhos ang oras sa trabaho. Hindi lang dahil sobrang dedicated siya sa ginagawa kundi hindi niya gusto ang nakikitang pagpapa-cute at pagpapapansin ng mga babae sa DJP sa pakalat-kalat na asawa. Hindi naman siya makapag-react at hindi mailabas ang pagkayamot. Dahil bukod sa mangilan-ngilan lang ang nakakaalam na asawa siya ni Rubick, on going na nga ang annulment nila. Meaning, wala na siyang dapat na pakialam. Siya na rin ang nag-alis sa sarili ng karapatang bakuran ang asawa nang araw na mag-apply siya for annulment.

Nagbuntong-hininga si Lahynna at patamad na binuklat ang laman ng supot na ibinaba ni Rubick sa mesa niya. Napangiti siya nang makitang paborito niya ang pagkaing dala nito. Nag-alsa tuloy ang bituka niya at noon lang din napansin na gutom na pala siya.

“ANO bang ginagawa ko rito?” naitanong ni Rubick sa sarili habang pinapanood sa one-way mirror ang asawa.

Naiinis siya sa sarili. Dapat ay wala na siyang pakialam kay Lahynna. Hindi nga ba at kaya siya naroroon sa main branch ng DJP ay para ipakita sa asawa na hindi na siya apektado sa sitwasyon nila? That he didn’t care anymore. Pero kasi, kapag ganitong nakikita niya si Lahynna, hindi niya mapigilan ang sarili na magkaroon ng pakialam sa asawa. She was still his wife… his achingly beautiful wife in her laboratory gown.

Hindi niya mapigilan ang sarili na bumaba at sumilip sa department nito. Hindi niya mapigilang alamin ang mga kilos nito. Kung kumakain ba ito sa tamang oras. Kung hindi ba ito na-i-stress sa trabaho nito. Kung okay lang ba ito.

Damn! He still cares. Even if it seems she didn’t care less. He loves her that much, na ang pagtalikod nito sa kanya ang kinapitan niya para mas i-improve at patatagin ang sarili. But everyday they were not together, it felt like breathing under water. He was drowning in pain and longing. At itinatago niya lang ang lahat ng emosyon. Lahat-lahat dahil hindi na niya gustong makita nito ang dating Rubick.

Minsan ay naiisip niya na baka kaya ito bumitiw na sa kanya ay dahil hindi na nito kayang manatili sa tabi ng tulad niyang hindi ganoon katatag sandalan. And that is why he was bracing himself tight and hard. Kahit gaano kasakit ang sitwasyon nila, masigasig pa din siya sa pagharap sa bawat araw. Mga araw na nakikita niya ito pero hindi malapitan at mahawakan.

At nakakaubos din pala ng lakas ang magpretend. Tao lang kasi siya. Kaya siguro naman okay lang mapagod. Pero kaya pa niya. Mamaya nga ay susundan naman niya ito sa pag-uwi. Sabi ng parents nito ay kaaalis lang ng bansa ng tiyahin ni Lahynna na siyang tinutuluyan nito sa Cebu. Nag-iisa na ito ngayon sa bahay. At isa iyon sa mga dahilan kung bakit siya nagpalipat sa Cebu branch. To make sure his wife was fine, living alone.

Kumuha din siya ng transient house na malapit lang sa tinitirahan ng asawa. Just in case, mas madali niya itong nababantayan.

Pathetic that he was. But he fucking loves her. Na hindi niya kayang huminto sa pag-aalala at pag-iisip patungkol sa asawa. Hindi niya nga alam kung bakit nakaya niya ang maraming buwan na hindi pa nagse-self-destruct. Because honestly talking, parang mula nang iwan siya ni Lahynna, paulit-ulit lang na nawawasak siya.

NAPAKISLOT si Lahynna nang makarinig ng mahihinang katok mula sa main door ng bahay ng tiyahin. Mag-isa lang siya roon at nag-aalala ang mga magulang ni Lahynna sa kanya. Pinababalik na siya ng mga iyon sa Bohol. At pinag-iisipan na din niyang sundin ang gusto ng mga ito.Wala naman sanang kaso dahil tahimik at maganda ang komunidad na kinaroroonan niya. Pero mahirap kasi ang mag-isa lang manirahan, lalo pa sa katulad niyang may unhealthy heart condition.

Lumabas ng kusina si Lahynna para pagbuksan ang kung sinong kumakatok. Wala naman siyang inaasahang bisita kaya hindi niya mapigilan ang pagliliparan ng mga kilay sa pagtataka.

“Sino—”

Nahigit ni Lahynna ang hininga nang makilala ang nasa labas ng bahay.

“Bakit basta mo nalang binubuksan ang pinto mo?” Nakasimangot at salubong ang kilay na salubong sa kanya ni Rubick.

“Anong…” Naiwala ni Lahynna ang unang dapat na itatanong dahil mas nagmarka sa utak niya ang tono ng pananalita nito. “Anong pakialam mo? Tsaka dapat nga na matuwa kang hindi kita pinaghintay ng matagal diyan sa labas.” Mataray na sikmat niya sa asawa.

“Sinilip mo muna sana kung sino ang kumakatok. Paano kung masamang tao ako? Mag-isa ka pa diyan.”

Bahagyang ikinagulat ni Lahynna na alam nitong mag-isa nalang siya. Pero na-dismiss ang pagtataka niya nang nilakihan ni Rubick ang pagkakabukas ng pinto at parang hari na inimbitahan ang sarili papasok sa loob. Akala mo sarili nito ang lugar na luminga sa paligid. Sandali pa at iniinspeksyon na nito ang mga bintana at pinto. Lalo na ang mga lock ng mga iyon.

Nayamot tuloy siya. Sino ba ito sa akala nito na basta nalang papasok doon at mag-iinspeksyon?

“Anong mayro’n? Under surveillance ba ang bahay na ito at ganyan ka makalibot at mag-inspeksyon? Para sa kaalaman mo, mabubuting tao ang mga dating nakatira dito. Walang anomalyang nangyayari rito.” Tuloy siya sa pagsita kay Rubick habang nakasunod sa bawat kilos nito. At ito naman ay tuloy lang din sa paglalakad sa buong bahay.

Nang kumilos ito na parang aakyat ng hagdan ay hinarang na niya si Rubick. “That’s trespassing!” Angil ni Lahynna sa asawa.

“I was just checking your security.” Pabalewalang sabi nito na nilagpasan siya at dumeretso sa pag-akyat ng hagdan. “Mag-isa ka lang dito. Dapat kumukuha ka maski isa lang na katulong na makakasama mo.”

Naiikot ni Lahynna ang mata at naitirik sa kisame. Anong gustong palabasin ng magaling niyang asawa sa bigla nitong pag-entra doon?

“Gumagana ba ang CCTV na iyon?” Tukoy nito sa nasa isang bahagi ng pasilyo sa second floor.

Hindi na siya nakatiis nang magsimula na naman itong magbukas ng pinto ng isa sa dalawang silid doon sa itaas.

“Pwede ba, Rubick?” Tinampal nga niya ang kamay nitong pumipihit ng seradura. “This house is safe from any harm. At bakit ka ba basta-basta nalang pumapasok sa bahay ng may bahay? Paano mo nalamang dito ako tumitira?”

Ah! Bakit niya ba itinatanong pa? May sarili itong paraan para malaman ang lahat ng gustong malaman.

Patamad na namulsa si Rubick saka siya hinarap. “Nakisuyo sa akin si Lanryd at ang Mama para silipin ka rito. They were worried dahil mag-isa ka nalang. At dapat talaga silang mag-aalala. Hindi ka suitable mamuhay mag-isa lalo pa at napaka-careless mo pagdating sa safety.”

Gustong sumabog ng dibdib niya sa pinagsasabi ni Rubick. Hindi lang dahil nairita siya sa pasaring nito kundi dahil sa confirmation na wala itong balak na silipin siya kung hindi rin lang dahil sa pamilya niya. And knowing her family, kahit hindi maganda ang estado nila ng asawa, ayaw pa rin naman ng mga ito sa idea niya ng annulment.

“Ako na ang nagsasabi sa ‘yo. Maayos na maayos ang bahay. Pwede ka nang umalis at mag-report sa pamilya ko na wala silang dapat ipag-alala. At hindi mo din sila dapat na sinusunod sa request nila dahil paano nalang ang… ang annulment natin?” Parang may hiniwa sa loob ng dibdib ni Lahynna tuwing babanggitin niya ang tungkol sa annulment.

Kung kailan naging matino na ang takbo ng isip niya at na-realize niyang hindi niya gustong ma-annul ang kasal, saka naman parang wala na siyang babawiin pa. Tanggap na ni Rubick na tapos na sila. He had moved on with his life. Dapat na ganoon din siya.Nakita ni Lahynna ang sandaling pagguhit ng sakit sa mga mata ni Rubick na mabilis din namang nawala. Gusto tuloy niyang pagdudahan kung talaga bang nakita niya ang damdaming iyon sa asawa. O nakita niya iyon dahil iyon ang gusto niyang makita.

“Right.” Tahimik pero mariing sambit ng asawa. “Wala naman talaga akong balak na bisitahin ka kung hindi lang sila nag-request. At hindi naman ako ganoon kasama para tanggihan sila. Besides, they were my family too.”

May parang bakal na sumakal sa puso ni Lahynna matapos marinig ang mga salitang iyon. Napipilitan lang si Rubick. Baka nga ang pagbibigay nito ng lunch ay napipilitan lang din ang asawa. Baka dahil din lang iyon sa request ng pamilya niya. And she hated herself for thinking that he might have some concerns for her.

Kagat-labing napatango-tango si Lahynna, pinipigilan niyang mapahikbi. “Now that you’re done here, baka pwede ka nang umalis para makapagpahinga na ako?”

Gusto pa niya itong makasama. Gusto pa niyang mag-usap sila. Gusto niya na maayos pa nila at maisalba ang pwedeng isalba sa pagitan nila. But it seems like there’s nothing they could patched up.

“Okay.” Malamig na sabi nitong bumaba na din.

Dumeretso sa main door at lumabas. Maiiyak nalang siya sa panlulumo nang muling bumungad ang ulo nito sa loob. Deretsong tumitig sa kanya na halo-halo ang emosyong nasa mga mata. Sa isang sandali ay gusto niyang liparin paibaba ang asawa at yakapin ito ng sobrang higpit. Miss na miss na niya si Rubick. Sobra. At ang makita itong malapit lang sa kanya pero ni hindi niya mahawakan ay isang napakahirap na torture.

“Huwag kang basta magbukas ng pinto kapag may kumakatok.” Pagkasabi noon ay hinila na nito ulit ang pinto pasara.

Tuluyang napasalampak sa sahig si Lahynna na hindi inaalis ang mga mata sa nakasarang pinto. Matagal nang nakaalis si Rubick pero sa pakiramdam niya, kasasara palang ng pinto. Gusto niyang tumayo at habulin ang asawa pero hindi niya magawa.

Bakit ganoon? Nararamdaman niyang meron pa, may pag-asa pa, pero hindi naman iyon ang nakikita niya kay Rubick. Dapat bang sumubok pa siyang ayusin ang sinira niya? Pero paano niya gagawin kung ganitong hindi niya makita kung saan siya dapat na magsimula?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.