“Ikaw talaga,” sabi nito at sinamahan siya sa kuwarto.
Tinulduk-tuldukan ni Lilybeth ng eyebrow pencil ang mukha at braso niya. Saka siya pinagsuot ng sarong sa ulo at shades. Naunang naglakad si Edward papunta sa falls habang nasa likuran niya si Lilybeth. Wala sila halos nadaanan na mga tao maliban sa mga nangingisda sa ilog at ilang mga batang naliligo.
“Mukhang masosolo natin ang falls,” sabi ni Lilybeth. “Di ko masolo-solo iyan dahil sa mga batang nagliligawan. Gusto mo bang daanan ang pinakababang falls?”
May apat na palapag ang Karanag Falls pero ang pinakamalaking falls ang pinakapaborito niya. “Doon na tayo sa taas agad. Gusto kong magpa-picture. Matagal na akong di nakakapunta dito.”
Na-excite siya nang tawirin ang pamilyar na bukid papunta sa falls. Parang wala halos nag-iba sa lugar na iyon maliban sa pagsemento sa pathwalk. May isandaang falls sa Lias pero ang Karanag Falls ang pinakamalapit sa bayan. Pwedeng lakarin ng kinse minuto. Habang ang ibang falls ay kailangan pang lakarin mula dalawang oras hanggang isang araw dahil hahanapin pa sa malawak na kabundukan at kagubatan.
Lumapad ang ngiti ni Beliza nang sa wakas ay marating ang main Karanag Falls. Malapad iyon at parang nag-aanyaya na maligo siya. Pero di lang sila ang tao sa lugar dahil may dalawang teenager na masayang nagsasabuyan ng tubig sa talon.
“Isaac, anong ginagawa mo dito?” bulalas ni Lilybeth.
Natigilan ang lalaki. “Ate Lily... Wala kaming ginagawang masama.”
“Hindi ba dapat umuwi ka sa bahay ngayon at hindi nakikipagtampisawan sa tubig? Ang babata pa ninyo pero inuuna na ninyong magligawan. Uwi!” utos ni Lilybeth.
“Ate, nagkakatuwaan lang naman po kami. Katatapos lang naming kumuha ng gagamitin sa Science project namin,” katwiran ng lalaki.
“Iyon ba ang Science project ninyo?” Itinuro ni Lilybeth ng nakaukit sa nakatumbang katawan ng puno sa baba ng falls. “Isaac loves Angeline.” Piningot nito ang kapatid. "Naku! May paganyan-ganyan pa sa puno. Umuwi nga kayo! Kaybabata n'yo pa. Pa-love-love ka pa, di ka pa nga nagbabayad ng tax."
"Ate nakakahiya,” angal ng binatilyo.
"Ako pa ang nakakahiya ngayon. Uwi!” utos nito.
Napailing na lang si Beliza at sinundan nang tingin nang kaladkarin ni Lilybeth ang kapatid palayo sa falls habang sinesermunan. Normal lang naman sa mga teenager ang magka-crush o ma-in love. It was part of growing up. Parang sila ni Cardo dati.
“Ma’am, nasa waiting shed lang ako. Tawagin ninyo ako kapag may kailangan kayo,” sabi ni Edward at itinuro ang waiting shed na nasa pangalawang falls. Naunawaan siguro nito na mas gusto niyang mapag-isa.
Tumawid siya sa nakatumbang katawan ng puno at umupo paharap sa falls. Nakadawdaw ang paa niya sa umaagos na tubig. May ganoon din silang moment ni Cardo dati. Patago. Pero iyon ang pinakanakakakilig na parte ng kabataan niya.
Cardo. Ginugulo nito ang mundo niya. She was not thinking straight. Her heart was not in the right place. Sa loob ng ilang taon, si Cardo ang lalaking nanakit sa puso niya. Binura niya sa puso niya ang lahat ng masasayang alaala nila. Pero ilang araw lang silang nagkasama pero inokupa uli nito ang espasyo sa puso niya na para kay Jeyrick.
Jeyrick was like a blur. Kinakapa niya ang pagmamahal na nararamdaman niya para dito pero parang alon na nangingibabaw ang nararamdaman niya para kay Cardo. Hindi niya maintindihan kung paano nangyari iyon.
Mahal pa rin niya si Jeyrick. He made her feel safe, protected. Steady lang ang tibok ng puso niya. Alam niya na hindi siya nito sasaktan. Nabuo dahil sa ilang taon na samahan nila.
Pero iba ang nararamdaman niya para kay Cardo. Parang may pitik, may kilig. At kapag malapit ito ay parang di siya makahinga. Tumitigil ang lahat sa paligid niya. Ilang taon silang nagkalayo pero ibinabalik lang siya nito sa nakaraan. Mas matindi kaysa dati.
Pwede ba siyang magmahal sa dalawang tao nang sabay? Sino ba talaga ang mahal niya? Kinuyom ni Beliza ang palad. Bakit naman ipagpapalit niya ang panatag na tibok ng puso niya sa lalaking nanggugulo sa mundo niya? Baka nadadala lang siya ng ilang araw nilang pagsasama ni Cardo, dahil sa mga gulong naranasan niya. Mawawala rin marahil iyon kapag nagkasama silang muli ni Jeyrick. Pansamantalang kabaliwan lang ang nararamdaman niya kay Cardo.
Lias. Kasalanan ng Lias kung bakit ganito ang nararamdaman niya kay Cardo. It must be the air. Siguro ang magandang view. O baka marami silang alaala sa lugar na iyon. She didn’t want to feel this way. Ayaw na niyang makadama ng selos para kay Glenda. Na iniwan na naman siya ni Cardo para sa babae.
“Hindi ba sabi ko huwag kang lalabas ng bahay?”
Nahigit niya ang hininga at lumingon sa nagsalita. Sa pampang ng ilog ay nakatayo si Cardo habang nakapamaywang. Muling bumilis ang tibok ng puso niya. Nadoble pa iyon nang mapagmasdan niya kung gaano ito kakisig sa simpleng maong na pantalon at white T-shirt.
Nasapo ni Beliza ang sariling dibdib. “Nandito ka na agad? A-Akala ko ba magkikita kayo ni Glenda ngayon?”
“Tapos na kaming magkita. Bumalik agad ako dito dahil baka nami-miss mo ako.”
“Unggoy! Miss ka diyan,” kontra niya dito at ngumuso. Pero may paulan ng confetti ang puso niya. Hindi ito nagtagal sa pakikipagkita kay Glenda. Bumalik agad ito sa para sa kanya. “Naiinip na ako sa bahay. Saka may bantay naman ako dito. Di pa nga ako nagtatagal dito.”
“Tatlong oras na kayo dito sa falls,” sabi nito at tumawid sa kahoy. “Alam mo bang mamatay-matay ako sa pag-aalala nang malaman kong umalis kayo ng bahay?”
“Isang linggo na ako sa bahay mo, Cardo. Gusto ko naman makakita ng ibang tanawin. Hindi ako makapag-focus sa nire-review ko. Parang nakakulong na ako. Parang di na bakasyon ang ipinunta ko. Kailangan ko ito.”
“Sorry. Pero alam mong delikado...”
Tinapik niya ang tabi ng kinauupuan niya. “Dito muna tayo. Please?”
Mahabang sandali siyang pinagmasdan ng binata pero pagkuwan ay umupo din. “Pero aalis din tayo maya-maya. Baka may makakilala sa iyo.”
“Sabi mo safe ako dito.”
“Ayokong makipagsapalaran,” giit nito na nakakunot pa rin ang noo.
Hinaplos niya ang gilit sa pagitan ng mata nito. “O! Masyadong seryoso. Relax!”
“Hindi pa rin nakikita ang gustong pumatay sa iyo. Pero may lead na sila sa identity ng babaeng hinahanap mo. Kailangan lang nila ng imbestigasyon pa.”
Ikinawkaw niya ang paa. “Tungkol ba doon kaya kayo nagkita ni Glenda?”
Umiling ito. “No. Nagpa-order ako ng DVD ng reviewer para sa board exam.”
Nahigit niya ang hininga. “Para sa akin?”
Tumango ito. “Kailangan mo iyon. Pwede mo rin hiramin ang laptop ko.”
Yumakap siya sa baywang nito. “Thank you, Cardo. Ginawa mo iyon para sa akin. Promise pagbubutihan ko ang pagre-review. Papasa talaga ako sa board exam.”
“Sa simula pa lang, gusto ko nang matupad mo ang pangarap mo. This is the best I can do,” he said in a soft voice.
Gusto niyang tanungin dito kung anong masasabi ni Glenda na magkasama sila ni Cardo ngayon. Hindi ba magseselos ang babae sa kanya? Hindi na lang niya binuksan ang paksa sa lalaki. Nandoon siya para mag-relax. Panira lang ng mood kapag pinag-usapan niya ang love interest nito kay Glenda.
“Sobrang ganda sa lugar na ito. Naalala mo noong nag-pictorial kami dito dati?” tanong niya sa lalaki habang ikinukuyakoy ang paa.
“Paano ko naman makakalimutan? Hindi nga maalis ang tingin ko dati sa iyo. Nangako ako na ipapasyal kita dito sa falls nang tayo lang.”
“Na hindi naman natupad dahil nang sumunod na taon, nag-break tayo at pumasok ka na sa PNPA,” paalala niya dito.
“Ano bang ginagawa natin dito? Di ba solo natin itong falls ngayon?”
Lumingon siya. “Pero si Edward at Lilybeth...” Wala na si Edward sa waiting shed.
“Sabi ko maghanda sila ng pagkain para sa atin. Mag-picnic tayo. Gaya ng dati.”
Huminga siya ng malalim. “Sana di magbago ang ganda ng lugar na ito. Gusto ko pa ring pasyalan ang lugar na ito.”
“It won’t fade just like your beauty.”
“Itsura ko ngayon. May bulutong kaya ako.” At itinuro ni Beliza ang mukha.
“Kahit na. You are still beautiful. Jeyrick is lucky to have you.”
Maswerte si Jeyrick... Pero hindi niya ito totoong boyfriend. Iniisip nga niya kung kailan siya sinabihan ni Jeyrick na maganda siya. Wala siyang matandaan. But they were good friends. Naroon si Jeyrick kapag kailangan niya. Maasahan niya ito. Pero walang pagkakataon na naalala niya na tinrato siya nito bilang magandang babae.
It was different with Cardo. Kahit dati pa, parang siya ang pinakamagandang babae kapag tinitigan nito. Titig pa lang nito ay parang nalulusaw na siya. Siguro ay di lang siya ang nakakadama ng matinding atraksyon sa pagitan nila.
Parang gusto na niyang ipagtapat dito na hindi niya totoong nobyo si Jeyrick. Na nagpapanggap lang siya para itaboy ang ibang babae palayo dito. Gusto niyang maging totoo kay Cardo. Pero para saan pa? Hindi rin naman siya ang babaeng gusto nito.
Pathetic. Ganito pala ang paglulubid ng kasinungalingan. Parang siya rin mismo ang bumigti sa sarili niya.
Ginagap niya ang kamay nito at humilig sa balikat ng lalaki habang nagkukwento ito sa mga adventure nila sa Lias dati. Sa ngayon ay magpapanggap muna siya bilang nobya ni Cardo. Na siya pa rin ang babaeng mahal nito. Kahit sa maigsing panahon lang bago sila bumalik sa realidad.