Chapter FTCM3: MFTS 29

“HINDI ka ba marunong manghuli ng isda? Huhulihin mo na lang ng lambat, di mo pa magawa. Mas matalino pa ba ang isda sa iyo?” sermon ni Lilybeth kay Edward. Gabi na noon pero napagkatuwaan nilang manghuli ng isda dahil sa pagyayaya ni Cardo. Gusto daw siya nitong ipagluto ng intum.

“Tutukan mo na lang ng ilaw at huwag kang maingay. Natatakot ang mga isda sa iyo kasi masyado kang excited,” saway naman ni Edward dito.

Tinapik ni Beliza si Cardo sa braso. Naglalambat din sila ng isda at ang dalaga naman ang may hawak ng flashlight at taga-ilaw nito. “Sa palagay mo ba magandang idea na pagsamahin sila? Parang malabo silang makahuli ng isda. Puro sila away. Baka magsakalan na lang sila mamaya.”

“Hayaan mo sila. Di ko naman sila pinagsama para manghuli ng isda.”

“E ano pa bang ginagawa natin dito?” tanong niya.

Sa tulong ng liwanag ng flashlight ay kumindat ang lalaki. “Hindi ba may tradisyon kami sa Lias na kapag gusto ng babae ang isang lalaki, yayayain niyang mangisda kasama ang mga kaibigan ng babae. So... Parang ganito rin iyon.”

“Sira ka talaga. Iba naman iyon sa tradisyon. Kita mo parang maghahampasan na sila ng flashlight at lambat. At kapag nalaman ng pinsan mo ‘yang tinatakbo ng isip mo, baka ikaw ang hampasin niya ng flashlight.”

“Malay mo naman baka magbago ang ihip ng hangin. Doon ko nalaman na may crush ka sa akin, di ba?”

Ibinaba niya ang mga mata at bahagyang napangiti. Nagkayayaan kasing mangisda noon ang mga kasama niyang kadalagahan at si Cardo ang niyaya niya para makasama nila na tagalambat. Naalala pa niya kung paano siya kiligin dahil habang nangingisda ay kinakantahan pa siya ng binata.

“Inakit mo ang mga isda kaya marami kang nahuli no’n.”

“Mukhang di lang isda ang nahuli ko no’n,” makahulugan nitong sabi. Yes, he also caught her heart. Pero dati pa naman nito nahuli ang puso niya mula nang iligtas siya nito sa mga nambabastos sa kanya. Nakakaaliw lang na balikan ang nakaraan nila nang di siya sumisimangot o nagiging bitter.

Nang sapat na ang nahuli nila ay nag-ihaw sila ng intum. Inihaw ang isda na nahuli nila habang nakabalot sa dahon ng saging kasama ang sanga ng gabi, local kangkong, talbos ng kamote, at spring onion. Inihaw iyon sa patpat at tuyong kugon sa loob ng tatlumpung minuto.

“Ang sarap talaga!” sabi ni Beliza habang pinapapak ang natitirang intum.

“Di mo talaga titigilan iyan,” sabi ni Cardo.

“Matagal na akong hindi nakatikim nito. The best! Sinubukan kong magluto nito dati pero di talaga ganito kasarap. May iba.” Hinampas niya ang braso ni Cardo na umiinom naman ng rice wine. “Iba ka talaga!”

“Kaya mo nga ako sinagot dati.”

Binelatan niya ang lalaki. “Hindi lang intum ang magpapasagot sa akin ngayon. Di na ako nasu-sway sa pagkain. Pero masarap talaga ito.”

Silang dalawa na lang ang naiwan sa harap ng bonfire kung saan sila nag-ihaw ng intum. Nagpaalam nang matutulog nang maaga sina Lilybeth at si Edward naman ay umuwi sa bahay nito para magpahinga. Habang di pa sawa sa pagkain si Beliza at gustong sulitin ang panahon na kasama si Cardo.

Nahuli niyang nakatitig sa kanya ang binata. “Ano? Makatitig ka wagas.”

“Masaya lang ako na nandito ka.”

“Ang ibig mong sabihin masaya ka na muntik nang may pumatay sa akin?”

Umiling ito. “Siyempre hindi. Masaya ako na naipasyal kita sa falls, nakapangisda tayo, kumakain ng intum.”

“Ako rin. Masaya ako na hindi kita inaaway. Pero sabihin mo lang kung nagsasawa ka nang bantayan ako.”

“Siyempre hindi. Pero gusto ko na makabalik ka sa normal mong buhay.” Ginagap nito ang dalawang kamay niya. “But you are welcome here all the time. Ituring mo nang parang bahay mo ito. Kasama si Jeyrick. DI ko pa naipapasyal dito ang pinsan ko. Di pa kasi tapos ang bahay ko nang madaan siya sa Lias.”

“Ah! Si Jeyrick.” Nawala ang ngiti niya. “May kailangan ka sigurong malaman tungkol sa amin ni Jeyrick...”

“Ano iyon?”

Naputol ang sasabihin niya nang humahangos na dumating si Edward. “Bok! Bok!”

“Nandito kami sa likod,” sigaw naman si Cardo. “Anong nangyari?”

Huminga ito ng malalim. “May nahuli silang babae na tumutugma sa itsura ng nagtangkang pumatay kay Ma’am Beliza. Nasa presinto na siya ngayon.”

“GUSTO naming humingi ng tawad sa nagawa ng anak naming si Cara. Wala siya sa katinuan. Hindi ko rin inaasahan na magagawa niya ito.”

Nakaluhod na sa harap ni Beliza si Mrs. De Leon, ang ina ng sumaksak sa kanya na si Cara de Leon. Nasa police station sila kung saan nakakulong si Cara. Nasawata ito ng mga pulis nang nagdaang gabi matapos saksakin ang isang fan ni Jeyrick. Nagtatago lang pala ang babae sa pag-aari ng pamilya De Leon sa buong panahon na hinahanap ito ng nga pulis sa tangkang pagpatay sa kanya. Nasa ospital din ang inosenteng babae na planong dumayo ng Barlig para makita ang lugar kung saan nakatira si Carrot Man dahil na rin sa TV exposure na nakuha ng bayan dahil kay Jeyrick.

“Wala sa katinuan kaya hinayaan ninyo na makasaksak na naman siya ng tao. Nakita ba ninyo ang batang sinaksak ng anak ninyo? Tapos magpapanggap kayo na wala siya sa sarili para di niya mapagbayaran ang nangyari sa pamangkin ko at sa iba?” angil ng Auntie Lourdes na kasama ni Beliza na pumunta ng ospital. “Kung talagang nagmamalasakit kayo sa kanya, dapat isinuko na agad ninyo nang nasaksak pa lang ang pamangkin ko. Kayo pala ang may-ari ng lugar kung saan muntik na niyang patayin ang pamangkin ko. Kunsintidor kang ina.”

Niyakap niya ang tiyahin. “Kalma lang po, Auntie.”

“Paano ako kakalma? Muntik ka nang mamatay dahil sa kanya. Aba! Kapag nalaman ito ng nanay mo, baka ako ang patayin niya,” anang tiyahin. “Pakiramdam ko tumanda ako ng sampung taon sa pag-aalala sa iyo na baka matagpuan ka ng gustong pumatay sa iyo. Na nasa paligid lang siya at baka pati kami saktan niya.

Naisubsob ni Mrs. De Leon ang mukha sa palad. “Patawarin ninyo ang anak ko. Siguro nga nagkulang ako bilang nanay. N-Napabayaan ko siya nang maghiwalay kami ng anak ko. Akala ko ayos lang si Cara dahil matataas ang grades niya sa school. May honor pa nga siya nang maka-graduate. Sadyang tahimik lang siya at walang kaibigan. Nawalan ako ng panahon sa kanya. Pero mabuti siyang bata... Huwag sana ninyo siyang ipakulong. Hindi ko kakayanin.”

Gusto niyang maawa sa nanay ni Cara pero hindi ganoon kasimple ang lahat. “Ma’am, kailangan po niyang harapin ang responsibilidad niya. Gusto niyang pumatay ng tao dahil lang obssesed siya sa isang lalaki. Paano naman po kami na nasaktan niya? Ganoon lang ba iyon?”

“A-Alam ko. Hindi ganoon kadali na patawarin ang anak ko. Kaya kung magkano ang kailangan kong bayaran para lang makabawi sa ginawa ng anak ko...”

Tumigas ang puso niya. “Kailangan po niya na magpagamot. At hahayaan ko ang korte na magdesisyon para sa kanya.” Hindi niya iuurong ang kaso. Kung talagang may sakit sa utak si Cara, bahala na ang korte na humatol.

Nakaabang si Cardo sa pinto nang lumabas siya. Inalalayan siya nito at ang tiyahin niya palabas ng presinto. “Ligtas ka na ngayon. Hindi siya makakawala sa mga pulis,” sabi ng lalaki. “Makakabalik ka na sa normal mong buhay.”

Normal na buhay. Ibig sabihin ay aalis na siya sa bahay ni Cardo. Malaya na siyang makakagalaw. Magaan siyang tumawa para pagtakpan ang di maipaliwanag na lungkot sa puso niya. “Ikaw din. Wala ka nang girlfriend na may bulutong.”

“Hindi naman nila malalaman na wala na akong girlfriend,” anihong may bahid ng lungkot ang boses. “Pero alam ko na mami-miss ko siya.”

Magaan siyang tumawa. “Nasa Seaworld Inn lang naman ako.”

“Iba na pagbalik natin, Beliza. Marami nang mag-iiba.”

Tama. Babalik na siya sa realidad. Di na niya kailangang magpanggap bilang nobya nito. Hindi na matindi ang banta sa buhay niya.

Sa loob ng isang linggo ay hindi siya naging pekeng girlfriend ni Carrot Man. Naging girlfriend siya ni Cardo. Naging girlfriend ulit siya nito. At kahit na ilang taon na silang naghiwalay, ipinaramdam nito sa kanya kung gaano ito kasarap maging boyfriend. And during those times, she felt like it was real. Inalagaan siya nito, pinrotektahan at di ito natatakot na sabihin nito ang totoo kapag mali na siya. At kahit na minsan irrational siya dahil sa inis o parang nagseselos siya na parang totoong girlfriend ay pinagbibigyan pa rin siya nito.

“Hindi pa ba tayo aalis? Baka abutin tayo ng ulan,” anang si Auntie Lourdes.

Mabigat ang loob na naghiwalay sila ng tingin ni Cardo at bumalik sa nag-aabang nasasakyan. Itinulog ni Beliza ang bigat ng loob. Hindi ba dapat masaya siya dahil sa wakas ay malaya na siyang makakagalaw? Ito ang gusto niya. Ang bumalik sa dati. Masaya siya na maganda na ang samahan nila ni Cardo ngayon. Masaya siya na naging girlfriend nito sa loob ng isang linggo kahit na kunwari lang. Hanggang doon lang iyon.

Nang magising si Beliza ay nakahimpil na ang sasakyan sa harap ng Seaworld Inn. Nakababa na rin ang tiyahin niya na abala sa pagkukwento sa mga nangyari. Ihinatid siya ni Cardo sa pinto ng kuwarto niya.

“Salamat. Inalagaan mo ako at pinrotektahan nang nanganganib ang buhay ko. Di ko makakalimutan ang lahat ng itinuro mo sa akin kung paano dedepensahan ang sarili ko,” pasasalamat niya sa lalaki.

“Kasama iyon sa trabaho ko,” sabi ng binata at nanatiling nakatutok ang mga mata sa kalsada.

She felt a pinch in her heart. “Ganoon lang ba iyon? Parte lang ako ng trabaho mo?” mahina niyang usal.

“Beliza, alam ko kung gaano ka kaimportante sa akin.”

Tinitigan niya ito sa mga mata. “Hindi. Hindi ko alam kung gaano.”

Sabihin mo sa akin na mahal mo ako at sasabihin ko rin sa iyo na hindi ko boyfriend si Jeyrick. Na nagpapanggap lang ako.

Hindi alam ni Beliza kung mahal pa rin niya si Cardo at mas matindi ang nararamdaman niya dito kaysa kay Jeyrick. Pero malaking bagay sa kanya na sabihin dito ang katotohanan - na nagpapanggap lang din siya na nobya siya ni Jeyrick para protektahan ito sa ibang babae. Because she was selfish.

Hinawakan nito ang balikat niya. “Para sa akin...”

“Beliza!” tawag ni Jeyrick sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.