Chapter FTCM3: MFTS 30

Nanigas ang buong katawan ni Beliza nang makita ang kaibigan na nakatayo sa dulo ng hallway ng Seaworld Inn. Nakatulala na lang siya nang yakapin siya nito na parang masayang-masaya ito na makita siya.

Realidad. Hindi ito ang realidad na inaasahan niya. Na bumalik si Jeyrick kung kailan di pa niya nasasabi kay Cardo ang totoo. Pero bakit niyayakap siya ni Jeyrick? Di ba dapat ay magalit ito sa kanya? O baka di pa nito alam ang kasinungalingan niya.

Napaigik siya nang mapiga nito ang braso niya na may sugat. “Aray!”

Dali-dali itong kumalas sa pagkakayakap sa kanya. “P-Pasensiya na. May sugat ka pala diyan. Anong nangyari?” tanong nito at magaang hinawakan ang braso niya.

“May fan ka na nagtangka sa buhay niya. Mabuti na lang nakaligtas siya,” kwento ni Cardo.

“Ano?” bulalas ni Jeyrick at naningkit ang mga mata.

“Braso lang naman saka ilang pasa. Nakatakas ako,” sabi niya.

“Kuya, ibinilin ko si Beliza sa iyo,” anang si Jeyrick.

“Kasalanan ko dahil hindi ako nagpaalam kay Cardo,” depensa niya sa lalaki. “Binantayan niya ako pagkatapos no’n para tiyakin na di ako malalapitan ng stalker ko. Nakakulong na rin ang gustong sumaksak sa akin. Hindi na niya ako masasaktan.”

“Salamat sa pag-aalaga kay Beliza,” sabi ni Jeyrick mapagpakumbabang tono at tinapik ang balikat ng pinsan. “Sana nalaman ko agad. May naitulong sana ako.”

”Gusto kang protektahan ni Beliza kaya hindi na rin niya ipinaalam sa iyo. Kapag nasundan siya ng gustong pumatay sa kanya. Dalawa pa kayong mapapahamak,” paliwanag ni Cardo. Bakit ibinibigay nito ang credit sa kanya? It was his idea. “Gusto niyang protektahan ang mga mahal niya sa buhay.”

“Oo. Hindi siya makasarili,” anang si Jeyrick sa mahinang boses. “Salamat dahil hindi mo siya pinabayaan.”

“Wala iyon. Alam ko naman na importante siya sa iyo. Maiwan ko muna kayo. Mukhang kailangan ninyong mag-usap mabuti,” sabi ni Cardo at iniwan sila.

Malungkot na pinagmasdan ni Beliza ang lalaki habang papalayo. Ayaw niyang ito ang maging realidad nila. Na base sa kasinungalingan. Pero sa ngayon, kailangan muna niyang harapin si Jeyrick. Malaki ang kasalanan niya dito.

“J-Jey, anong ginagawa mo dito?” tanong ni Beliza at pinapasok muna ito sa kuwarto niya.

Binuksan ng lalaki ang bintana ng kuwarto niya at saka umupo sa upuan sa study table niya. “Hindi mo ba napanood kagabi? Na-interview na ako ng Star Network tungkol sa biglang pagsikat ko.”

“H-Hindi.” Abala sila noon ni Cardo sa picnic nila.

“Gusto ng manager ni Paloma na pumunta ako sa Maynila. Marami na akong naka-line up na project. May TV guestings, workshops, commercial at mini concert na ihinahanda para sa akin.”

Nahilo ang dalaga sa dami ng sinasabi ni Jeyrick. Ilang araw lang itong nawala ay nag-iba na ang ihip ng hangin. “Akala mo hindi ka luluwas. Paanong nahalo si Paloma dito? Akala ko ba ayaw mo siyang makita...”

“Gusto kong subukan para sa pamilya ko. May kailangan rin akong patunayan sa ibang tao.” Bahagya itong naging pormal. “Napanood ko rin ang interview mo.”

“Jeyrick, tungkol doon... Nasabi ko lang na boyfriend kita kasi...”

Paano ba siya magsisimula? Sasabihin na ba niya dito na mahal siya nito kahit na hindi na siya sigurado sa nararamdaman niya? Siya ang gumawa ng kasinungalingang iyon pero alam niya na malaking pagkakamali ang lahat.

Yumuko siya. “I am sorry. Hindi ko dapat sinabi iyon on national TV.” Maiintindihan niya kung ayaw na siya nitong maging kaibigan.

Hinawakan ni Jeyrick ang mga kamay niya. “Gusto kong sumama ka sa akin sa Maynila.”

Naguguluhan niyang inangat ang kama. “B-Bakit?”

“Girlfriend kita kaya dapat lang na lagi tayong magkasama.”

“Ha? Pero...” Kasinungalingan lang iyon. Bakit gugustuhin pa rin siya nitong makasama? Di ba dapat ay ayaw nito sa kanya?

Napapitlag siya nang may kumatok. “Jeyrick, kailangan na nating umalis in ten minutes. May naka-schedule ka nang interview bukas ng umaga.”

Nanigas ang buong katawan ni Beliza. Naroon din si Paloma? Magkasama ba ito at si Jeyrick? Kaya ba nagbago ang isip ng lalaki?

“Nag-uusap pa kami ni Beliza,” anang si Jeyrick sa pormal na boses na halos di na niya nakilala.

Dumami lalo ang tanong na nabuo sa isipan niya. Bakit kailangan pa siyang maging girlfriend ni Jeyrick kung nariyan naman si Paloma?

Nang marinig nila ang papalayong yabag ni Paloma ay saka lang ito nagsalita. “Kailangan ko ng suporta ngayon. Di ko alam kung ano ang mundong papasukin ko. At matutulungan din kita sa pagpasok mo sa review school. Marami sa Maynila. Kailangan mo iyon dahil malapit na ang board exam mo, hindi ba?”

Nakadama siya ng takot. Pupunta siya sa Maynila bilang girlfriend nito. Isa na namang pagpapanggap. Ayaw na niyang magpanggap. Napapagod na siya. “Jeyrick, kailangan ba talaga ito? Kailangan mo ba talagang kasama ako?”

Tumango si Jeyrick. “Please. Importante na kasama kita doon.”

“S-Sige,” sabi niya pero walang halong kumbiksyon.

Ngumiti si Jeyrick na naglabas sa malalim nitong dimples. “Sana nga ba di mo ako matitiis. Thank you, Beliza. Kakausapin ko si Manang Lourdes at tatawagan ko ang magulang mo. Pwede kitang ipagpaalam sa kanila nang personal. Pero malaking bagay talaga ito para sa akin. Salamat, Beliza.”

Nakalutang ang pakiramdam ng dalaga nang iwan siya ni Jeyrick. Pupunta siya sa Maynila bilang girlfriend ni Jeyrick. Hindi dahil mahal siya nito gaya ng pangarap niya kundi dahil pangangatawanan nito ang pagpapanggap niya bilang nobya nito.

Dapat ay matuwa siya. Ginusto niya ito. Baka sakaling ma-realize ni Jeyrick na siya nga ang babae para dito. Pero may mali. Hindi siya masaya. Ano ba ang gulong napasukan niya?

Mariin siyang pumikit. Kailangan kong sumama kay Jeyrick. I made my bed and I must lie in it. Ito ang realidad na ginawa ko. Ito ang totoo. Baka sakaling mawala na rin ang nararamdaman ko kay Cardo. Pansamantala lang ito.

“BELIZA, nagustuhan mo ba ang design ng condo mo? I hope you like it.”

Kaunti lang pumasok sa nag-aagiw na utak ni Beliza ang boses ni Paloma. Kumurap pa siya ng ilang beses bago napansin ang nakangiti nitong mukha sa harap niya. “A-Ano ulit ang sinabi mo?”

“Yung condo mo nagustuhan mo ba? I told the interior designer that an ethnic touch would be nice. Ayoko rin kasi na ma-miss ninyong masyado ni Jeyrick ang Cordillera. Sabihin mo lang sa akin kung may kulang pa.”

Beliza wanted hated Paloma more than ever. Mukha pa rin itong perpekto kahit na katatapos lang ng interview nito at ni Jeyrick sa taping ng isang panggabing talk show. Alas dose na noon ng hatinggabi pero naggo-glow pa rin ang makinis nitong balat kahit na wala na itong make up. What hated her more? Gusto niyang maging bitch ito sa kanya gaya ng mga kontrabida sa teleserye pero mukha pa rin itong mabait at maasikaso.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.