Chapter FTCM3: MFTS 31

Nasa isang cafe sila di kalayuan sa TV station. Matapos ang taping ay nag-suggest ang dalaga na magkape muna sila para makapag-kwentuhan. Mahigit isang linggo na siya sa Maynila pero hindi pa rin siya nasasanay sa nakagawiang buhay sa probinsiya kung saan alas nuwebe pa lang ng gabi ay tulog na ang mga tao. Ngayon ay parang walang balak matulog ang mga tao sa dami ng schedule ni Jeyrick.

“M-Maganda ang condo. Masyadong sosyal para sa akin. O-Okay naman ako kahit sa boarding house tumira. ‘Yung malapit sa review school,” sabi niya. Nailang siya nang unang beses siyang pumasok sa condo. Parang tirahan ng modernong prinsesa. Kumpleto sa gamit mula sa microwave oven, 60 inches na LED TV, hot and cold shower at interior na nadodominahan ng mint green. Nilagyan din ng framed paintings ng Cordillera at may nakaladlad pa na weaving sa dingding.

“Hindi pwedeng sa boarding house ka tumira. Ayokong malayo ka sa akin,” anang si Jeyrick at hinawakan ang kamay niya.

Nahirapan sa pagnguya ng donut si Beliza habang hawak ni Jeyrick ang kamay niya. Napansin niya ang malungkot na mga mata ni Paloma nang sulyapan ang magkahawak nilang kamay. It was a symbol of their “love”, their “relationship”. Dapat ay nagdiriwang siya dahil sa paningin ng lahat ay boyfriend niya si Jeyrick. But it was different now. Pakiramdam niya ay napakalaki niyang sinungaling. Kung dati ay nakakadama siya ng kasiyahan na makitang nasasaktan si Paloma dahil nalaman nitong nobya siya ni Jeyrick, ngayon ay hindi na siya proud sa sarili niya.

Pasimple siyang bumitaw kay Jeyrick. “Ayoko lang magastusan ka.”

“Isa ka sa kondisyon ni Jeyrick para lumuwas ng Maynila. Gusto ka niyang makasama,” sabi ni Paloma. Ngumiti ito pero di abot sa mga mata. “Gusto mo bang samahan kita na mamili ng mga damit mo?”

“Hindi na kailangan. May mga damit na ako,” tutol ni Beliza. “Ayoko nang magastusan si Jeyrick. Nagsisimula pa lang siya na mag-ipon para sa pamilya niya. Saka hindi naman ako ang artista dito.”

“Kasama ka sa image ni Jeyrick,” anang si Paloma sa mababang boses.

“Hindi kailangang baguhin ni Beliza ang sarili niya para sa akin. Nagustuhan ko siya kung ano siya,” sabi ni Jeyrick at naglabanan ng tingin ang mga ito.

Tumikhim si Beliza. Hindi na niya kinakaya ang tensiyon sa pagitan ng dalawa. Kahit ang mga staff nina Beliza at Jeyrick na kasama nila sa mesa ay naghihintay din na sumabog ang sinuman sa dalawa. Tuwing magkasama ang mga ito, lagi na lang binabara ni Jeyrick ang babae. May nangyari sa Kadaclan habang magkasama ang dalawa. Hindi niya alam kung ano pero ngayon lang niya naramdaman ang ganito katinding animosity mula kay Jeyrick. Mabait ang lalaki pero nakakatakot kapag nagalit. She didn’t want to be at the other end of the stick.

“Salamat sa concern, Miss Paloma. Pero maayos naman ang mga damit ko. Kung may di babagay para kay Jeyrick, pwede naman akong di sumama sa event,” sabi niya. “Mag-e-enroll na ako sa review class bukas. Masasamahan mo ba ako, Jeyrick?”

“May pictorial kami para sa isang clothing brand,” sabi ni Jeyrick sa malungkot na boses at pinisil ang kamay niya. “Puntahan mo ako pagkatapos ng pictorial.”

Awtomatikong binitiwan ni Jeyrick ang kamay niya nang nakasakay na sila sa kotse nito at pabalik na sa condo. Magtabi lang ang condo nila. “Hindi mo naman kailangang maging masungi kay Beliza.”

“I don’t trust her. Kaya mag-ingat ka sa kanya.”

“Pwede ba tayong lumabas gaya ng dati? Alam ko busy ka pero sana magkakwentuhan ulit tayo.”

“Parang date?”

“As friends?” She felt like he was slipping away. Kung hindi trabaho ay si Paloma ang napag-uusapan nila. She wanted this chance with him. “Gaya ng dati?”

“Sige. Goodnight.” At kumaway ito sa kanya hanggang makapasok siya sa loob ng condo.

Pagod na pagod na siya nang isara ang pinto. She was always like this. Gusto niyang isiping namamahay siya. Pero hindi. May hinahanap siyang init at saya sa puso niya matapos nilang magkasama ni Jeyrick. She was looking for sparks, a lingering happiness that was there. But there was none.

Pareho pa kaming nag-a-adjust ni Jeyrick. Busy siya at magiging busy rin ako. ‘Yang spark na iyan makakapaghintay iyan sa amin.

Sinilip muna niya ang social media account niya para maging updated. Bumabaha ng tag ng picture ni Jeyrick sa timeline niya at ang iba ay kasama si Paloma. May group picture pa sila kanina kung saan pinatungan ng bungo ang mukha niya para ang matira lang ay sina Jeyrick at Paloma. May caption pa gaya ng - MAS BAGAY SILA! WAG KA NANG PANGGULO!

Kumunot ang noo ni Beliza. May mga tao talagang malulupit. Alam nang girlfriend siya ni Jeyrick pero walang pakundangan sa nararamdaman niya. Wala siyang makapang galit o inis. She was just tired. Ni hindi siya nag-abalang i-block ang mga basher. Sinabihan siya ng manager ni Jeyrick na huwag pansinin ang mga basher. Hindi naman lahat ng fans ni Jeyrick ay ayaw sa kanya. May mababait din.

Ito na ang mundo ni Jeyrick ngayon. Lahat na halos ay kilala ito. Laging nakasunod ang mga ito sa kilos ng binata. Lahat ay laging may opinyon pati kung paano patatakbuhin ang personal nitong buhay. At kasama siya sa personal nitong buhay.

Pero alam niyang iyon ang purpose niya sa buhay ni Jeyrick - ang magsilbing pader sa pagitan nito at ni Paloma. How she longed to be something else. Something more. Gusto niya ng totoo sa buhay niya. Hanggang kailan siya magpapanggap?

Tumunog ang Messenger niya at lumabas ang pangalan ni Cardo. May message ito sa kanya. Bigla siyang parang nabuhay at gumulong sa kama para mas mabasang mabuti ang message nito. Bumulaga sa kanya ang picture niya na malungkot habang umiinom ng hot chocolate sa cafe kanina. Screencap marahil iyon sa live video kanina na kuha ng publicity team ni Jeyrick.

So pretty yet so sad. What can I do to make you smile?

Nakangiting tinawagan ni Beliza ang binata. “Hello. Bakit gising ka pa?” bungad na tanong nito sa kanya.

“Hello ka rin. Kauuwi ko lang galing sa taping ni Jeyrick. Nakakapagod.”

“Parang lagi ka na lang niyang kasama sa trabaho niya.”

“Kailangan niya ako.” Lagi nitong kasama si Paloma maging sa mga projects. Nalilimitahan ang interaksyon ng mga ito kapag nasa paligid siya.

“Nakakapag-review ka pa ba?”

Huminga ng malalim ang dalaga at nilingon ang mga libro na di natitinag sa ibabaw ng study table niya. Huling nakapag-review siya ay nasa Lias pa siya kasama si Cardo. “Bukas mag-e-enroll ako sa review school.”

“Kasama mo ba si Jeyrick?”

“May pictorial siya bukas. Ako na lang. Kaya ko naman.”

“Sasamahan kita,” sabi ng lalaki.

Magaang tumawa si Beliza. “Paano mo ako sasamahan? Nasa Barlig ka.”

“Nasa Baguio ako. Dinalaw ko sila Nanay. Tatlong araw akong naka-leave. Pupuntahan kita diyan.”

Alumpihit si Beliza at hinaplos ang sariling buhok. “P-Pupunta ka dito? Paano naman ang family mo. Dapat kasama mo sila.”

“Maiintindihan nila. Ibigay mo sa akin ang address ninyo.”

“S-Sige.” Nanginginig ang boses niya ang ibigay dito ang address ng Grass Residences malapit sa SM North. Magkikita ulit sila. Paglalaanan siya nito ng oras. Bumangon siya para tingnan ang sarili sa salamin. “Sige. Hihintayin kita.”

“Nasa Baguio pa ako. Matulog ka muna. Bye.”

“Bye. See you later.”

Hindi na naalis ang ngiti sa labi ni Beliza habang nakatitig sa kisame at unti-unting pumikit ang pagod na mga mata. Parang nagkaka-energy lang siya kapag kausap si Cardo. Pero ngayong magkikita sila matapos ang dalawang linggo, parang sasabog ang puso niya. Hindi na niya kukwestiyunin ang nararamdaman niya. Dahil sa loob ng ilang araw na magkasama sila, naramdaman niyang buhay siya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.