...blooming.”
Sinapo niya ang magkabilang pisngi. “Talaga?”
“Sa palagay ko malaking tulong na hindi ka laging nakatutok sa events ni Jeyrick. Ikaw ang girlfriend pero ibang babae ang lagi niyang kasama at siya ang idinuduldol ng mga tao,” sabi ng reporter.
Nagsalubong ang kilay niya. Was he fishing for information? Iniisip ba nito na selosa siyang girlfriend at ayaw niya kay Paloma? Ngiti lang ang isinagot niya saka uminom ng iced tea. Kung alam lang nito na si Cardo ang nagpapangiti sa kanya. Babalik na ito sa Barlig bukas pero sinabi nito na pwede niya itong tawagan kung kailangan niya ng kausap o ng kaibigan. Malaking bagay na sa kanya ang pagdalaw nito at ang pagsama-sama nito sa kanya. She felt so important.
Pumunta siya sa restroom bago ang set nila Jeyrick. Paglabas niya ay isang grupo ng teenagers ang humarang sa kanya. “Nandito pa rin pala ang kontrabidang girlfriend ni Carrot Man.”
“H-Hi!” bati niya sa fan ni Jeyrick. Kasama sa bilin sa kanya ng manager ni Jeyrick na kailangan niyang ngumiti at bumati kahit sa mga impaktang
“Hindi ba snob iyan? ‘Yung di pinansin ‘yung comment mo sa kanya na chaka siya at baduy? Walang-wala siya kay Queen Paloma,” walang prenong sabi ng kasama nito. “Bumalik na lang siya sa bundok kung saan siya galing.”
“Baka di siya umaalis dahil siya ang alalay ni Carrot Man. Bagay sa kanya na maging alalay lang at hindi girlfriend.”
Gusto siyang galitin ng mga ito. Kahit na gusto niyang ingudngod ang mga ito sa pader dahil sa kamalditahan, di niya bibigyan ng satisfaction ang mga ito. “Excuse me...”
Hinarangan siya ng mga ito. “You are not excused. Ano? Pipi ka ba? Bakit ba ipinagpipilitan mo ang sarili mo kay Carrot Man?”
“Sino naman ang may sabi na ipinipilit niya ang sarili niya kay Jeyrick?”
Nagulat siya nang makitang nakatayo sa likuran ng mga ito si Cardo. Naglingunan din ang dalawang teenager dito. “At sino ka naman para pangunahan...”
“Yung guwapong pulis na pinsan ni Carrot Man,” kinikilig na sabi ng isa. “Gosh! Ang guwapo niya sa personal.”
“Akala ninyo nakakatuwa ang ginagawa ninyong pambu-bully kay Beliza? Pwede kayong ipakulong sa ginagawa ninyo,” angil ni Cardo sa mga ito. “Hindi ba ninyo alam ang anti-bullying act.”
Yumuko ang dalawa at umiling. “Sorry na po!” At nagtatakbo na ang dalawa palayo sa kanila.
“Salamat sa pagliligtas sa akin pero sana hinayaan mo na lang sila. Mga batang fans sila at ayoko nang lumala ang gulo,” paliwanag niya.
“Lagi bang may nambu-bully sa iyo?” tanong ni Cardo.
“Sa online lang. Keyboard warriors. Ngayon lang may lumapit sa akin para mam-bash nang harapan,” nakayukong kwento niya. “Kaya ko naman silang i-handle.”
“Kaya mo silang i-handle? Anong ginagawa ni Jeyrick dito?”
Umiling siya. “Wala namang dapat gawin. Hindi naman kasi dapat pansinin.”
“Hindi dapat pansinin? Baka nakakalimutan mo na muntik ka nang mamatay dahil sa obssesed fan ni Jeyrick. Hindi lang siya ang baliw sa mundo. At wala siyang ginagawa para protektahan ka?”
Hinawakan niya ang braso nito. “Saka na natin ito pag-usapan. Nagsisimula na ang gig ni Jeyrick.”
Wala na sa mood si Cardo nang magsimulang kumanta sina Jeyrick at Paloma. It did nothing to soothe the tension. Hindi niya gusto kapag tahimik lang si Cardo.
“Congratulations! Tuloy na siguro ang mini concert ninyo ni Paloma sa KIA Theater sa dami ng dumayo sa inyo sa bar,” excited na sabi ni Beliza kay Jeyrick nang makarating sila sa condo.
“Hindi ko pa alam. Sana. Pero kailangan ko pa ng workshop dahil kinakabahan pa rin ako,” sabi ni Jeyrick at kinabog ang sariling dibdib.
“Jeyrick, pwede ka bang makausap?” tanong ni Cardo.
Sa halip na tumuloy sa sarili niyang condo ay sumama siya sa unit nila Jeyrick. Kunyari ay may kukunin siya kay Lolo Pio pero pasimple siyang nakatanaw sa magpinsan. Sa may verandah ng condo nag-uusap ang dalawa. Bukas ang pinto kaya naririnig niya ang pag-uusap ng mga ito.
“Alam mo ba na binu-bully si Beliza ng mga fans mo?” tanong ni Cardo dito.
Nagkibit-balikat si Jeyrick. “Mabuting huwag pansinin. You don’t feed the trolls. Kapag pinatulan sila, lalo lang silang mae-encourage na mam-bash.”
“Paano kung harap-harapan na nilang hina-harass si Beliza pero wala kang magawa?” angil ni Cardo. “Baka dahil sa di mo pagtatanggol sa kanya at pananaway sa fans mo kaya nagkakalakas sila ng loob na bastusin sila.”
Nakita niya ang pagkagimbal sa mukha ni Jeyrick. Wala naman kamalay-malay si Jeyrick sa nangyari. Gabi ng tagumpay ni Jeyrick. Ayaw niyang masira iyon dahil lang sa kanya.
Napilitan na ang dalaga na pumagitna. “Cardo, sinabi ko naman na okay lang ako. Huwag kang magalit kay Jeyrick. Wala siyang kasalanan.”
“Wala akong pakialam kung ano ang tamang patakaran sa pagharap sa mga trolls pero hindi ako papayag na may manakit sa iyo. Girlfriend ka niya. Kung mahal ka niya, dapat ipagtanggol ka niya,” argumento ni Cardo. Namumula na ito sa galit habang kuyom ang palad. “Hindi ko kaya na nakikitang nasasaktan ang babaeng mahal ko tapos binabalewala lang siya ng ibang lalaki. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon?”
Muntik nang bumagsak ang panga ni Beliza sa pagkakanganga. Mahal siya ni Cardo. Hindi si Glenda kundi siya. Dati pa niya gustong itanong dito pero nawalan na siya ng pagkakataon. Her heart sang. She had been longing for those words.
“Mahal mo si Beliza?” tanong ni Jeyrick na papalit-palit din ang tingin sa kanila ni Cardo.
Hindi makagalaw ang dalaga sa kinatatayuan. Jeyrick looked betrayed. Saka siya unti-unting bumalik sa realidad. Sa paningin ng lahat, ito ang nobyo niya. At sa itsura nito, parang may sekreto sila ni Cardo na di sinasabi dito. Na parang may sabwatan sila para sirain ito. Mula nang pumasok sa showbiz si Jeyrick, nararamdaman niya na mas maingat ito sa mga nakakasalamuha nito. She could see the way he look at people. At iyon ang nakikita niya sa mga mata nito ngayon.
“Wala akong balak manggulo. Aalis na ako. Kukunin ko lang ang gamit ko,” sabi ni Cardo at pumunta sa kuwarto nito.